“KUYA William!” tili ni Riza nang mabosesan siya.
Isang tawa ang pinakawalan ni William. “Excited ka na naman, hipag. Ako lang ito, hindi si Aga Muhlach.”
“Puwede ba, ‘no! Hindi kita ipagpapalit kay Aga Muhlach kahit na pagsamahin pa sila ni Brad Pitt. Teka nga pala, bakit ka tumawag? Nakadaong ka na ba? Sayang, wala si Walter, hindi kayo magkikita. Nagbiyahe siya ng daing saka pusit. Kaaalis lang kaninang umaga. Oo nga pala, hindi bale. Tamang-tama, may ipapakilala ako sa iyo. Naisip ko na kung sino ang irereto ko sa iyo. Dumating dito iyong kaibigan ko nu’ng high school. Manila girl na iyon pero naisipang umuwi. Ano, kailan kita ipapakilala? Dali na!”
“Hindi nga ako nagkamali ng numerong tinawagan. Wala pa ring preno ang bibig ng kausap ko, eh,” buong kaaliwang wika niya.
“Kuya, ako pa rin ito, ‘no? Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon. Baka naman kapag naisipan mong mag-asawa, imbes na si Walter ang best man mo ay iyong anak na namin. Malapit ka nang magkuwarenta, Kuya!”
Lumakas ang tawa niya. “Hoy, Riza, tatlong taon lang ang tanda ko sa asawa mo. Twenty-six lang si Walter kaya twenty-nine naman ako. Sobra ka namang magsalita.”
“Kasi naman, naunahan ka pa namin. Tingnan mo nga kami, happy family na. mag-asawa ka na. Super itong irereto ko sa iyo. Best friend ko ito. At maganda ring tulad ko!”
“Patay na! Buhatan na pala ng sariling bangko.”
“Nagsasabi lang po ako ng totoo. Kitang-kita naman ang ebidensya sa mga anak ko, ah? Muy guapo, niña bonita!” at humalakhak si Riza.
“Oo na. Perfect na ang combination ng genes namin sa genes mo. Pero si Walter lang ang mataas ang tolerance sa batang kagaya mo. Wala akong balak magpalaki ng mapapangasawa.”
“Bata nga ako noong na-cradle snatch ako ni Walter. Twenty na po ako ngayon. Malaki na ang twenty. Ano na ba naman iyong nine years na age gap. Saka mature na si Mariolle. Bagay kayo nu’n!”
“Baka ubod lang iyan ng taray, kagaya nu’ng nakabangga ko kanina sa SM. Kulang na lang, duraan ako sa mukha. Sayang, maganda pa naman.”
“Ibahin mo ang kaibigan ko. Sweet iyon. Parang si Lucy Torres. Very feminine and classy. Bagay kayo. Kasi ikaw naman, barako, brusko!” Humagikgik ito.
“Ganoon pala ang pag-describe mo sa akin?” sakay niya.
“Oo, ganu’n! Okay lang iyon. Kapag sinabi kong mabait ka, soft-spoken at lovable, baka naman isipin bakla ka. Lalaking-lalaki ang dating mo sa pagbi-build up ko sa iyo, ‘kala mo. Iyon nga lang, torpe ka kunwari. I think, pogi points mo na rin iyon. Kapag kasi torpe, makaka-earn ka agad ng sympathy. At bago ka pa mapag-isipang bastedin, I’m sure, na-impressed na ang babae sa iyo. Guwapo yata ang bayaw ko. Kamukha mo yata si Tom Hanks noong hindi pa siya nakakalbo!”
“Di, papagaya ko na ang buhok ni Tom Hanks para carbon copy na kami!” sakay naman niya.”
“Huwag! Wala ka pang asawa. Saka na pag may-asawa ka na. Para makalabo ka man, ang iisipin ng ibang tao, mahaba kasi ang dila mo.”
“Riza, ang bibig mo! Daig mo pa ang mga marino kung magbiro.”
“Sa inyo lang naman ako ni Walter natuto!” At tumawa na naman ito na tila kinikiliti.
“Hindi ako ganyan kapag babae ang kausap ko. Those green jokes are for men only.”
“Hmp! Double standard! So, kailan ka pupunta dito? Dadalhin kita sa kanila. Approved ka tiyak sa mama niyon. Approved niya si Walter para sa akin, eh.”
“I’m busy, my dear sister in law. Isiningit ko lang na tumawag para mangumusta. Nagsisimula na ang loading ng mga kargamento. Kapag naayos na, kahit mamayang gabi ay bibiyahe na kami uli.”
“Na naman? Mas matagal ka pa sa dagat kaysa tubig! Baka naman sirena na ang mapangasawa mo niyan!”
“Hayan, nahawa ka na sa mama. Kung magsalita ka, daig mo pa ang pinagsamang Donya Conchita at Senyorita Wilhelmina. Mukhang ikaw ang mas kadugo nila kaysa kay Walter. Hindi kaya ikaw ang talagang kapatid namin at si Walter ang in-law?”
“I’m very much lucky na napabilang sa pamilya ninyo kaya hindi na nakakapagtakang parang iisang dugo na lang tayong lahat. Sige na, Kuya William, paglaanan mo naman ng oras ito. Kapag bumalik sa Maynila si Mariolle, mas mahirap nang pagtagpuin kayo. Siyempre kung mag-aasawa ka, gusto ko iyong kasundo ko. I’m sure, wala ring magiging hassle kina Ate Mina at Mama. Kung natanggap nila ako, mas matatanggap nila si Mariolle.”
“Saka na lang, sweet Riza. I’m very busy.”
Umungol si Riza. “Bahala ka! Huwag mo akong sisisihin kapag tumanda kang binata! Hindi mo matitikman iyong kaligayahan namin ni Walter kahit na limpak-limpak na pera pa ang kitain mo siya sa barko mo.”
Humalakhak lang siya. “I’ll bear that in mind. Hayaan mo, ang kapalaran daw ay iginuhit na. Kapag magkikita kami ng babaeng sinasabi mo, may paraan ang tadhana.”
“Tadhana? Ikaw, na puro yata pagkita lang ng pera ang nasa isip, bigla ngayong nagsasalita tungkol sa fate? I must be talking to somebody else.”
“Sige na, cute kong hipag. Tatawag din ako kay Mama. Ihalik mo na lang ako sa mga bata. Kumusta din sa lahat diyan.”
“Teka lang! Talaga bang wala kang time?”
“Riza, ang time ko lang, iyong i-treat ko ng hapunan sa matinong restaurant iyong mga tao ko sa barko. Nagrereklamo na sila sa luto ni Gil. Kapag nga naman nasa laot kami, walang choice kung hindi iyong luto ni Gil.”
“Ako na lang ang kunin mong kusinera! Masarap akong magluto.”
“Baliw!” Nagkakatawanan pa sila hanggang sa magpaalam na siya.
Kung nagkataong pikon siya ay malamang na nag-away na sila ni Riza. Ang style pa naman nito ay pinalalabas siyang torpe kaya hindi makapag-asawa. Na para bang kung sa sarili lang niya ay hindi siya makakahanap ng mapapangasawa.
Sa lahat ay ito ang pinakamakulit sa pagtutulak sa kanya na mag-asawa. Nadaig pa nito ang mama niya at mga kapatid. Pero mula’t sapul naman ay ganoon na si Riza. At nato-tolerate na rin niya dahil mas nakakatuwa naman ito talaga kaysa nakakainis. She was so young nang mapangasawa ni Walter. Akala nga niya noong una ay hindi magwo-work ang pagsasama ng dalawa. Pero sa nakikita niya ngayon, ibig sabihin ay nagkamali siya ng akala.
Masaya siya sa married life ng mga ito. Pero hindi siya naiinggit. Kuntento siya sa takbo ng buhay niya ngayon. Kung sinuman ang namamangha kapag nalamang wala pa siyang balak mag-asawa ay tinatawanan lang niya. Mas kilala naman niya ang sarili. May plano din siya tungkol doon hindi pa nga lang ngayon.
Isa pa, kahit naman lalaki, mahirap ding magplano ng tungkol sa pagpapakasal kung nag-iisa siya. He had to have a serious relationship first. At sa ngayon, wala pa rin siyang ganoon.
Kungsabagay, hindi rin naman kasi siya kumikilos. Puro negosyo ang inaatupag niya. He was financially stable now. Kahit ngayon, kapag gusto niyang lumagay sa buhay-may asawa, walang problema pagdating sa pera. Ang kaso nga lang talaga, wala pa siyang nakikilalang babae na nakikita—o mas tamang sabihin nararamdaman niyang gusto niyang pakasalan.
“I’ll know it when I see her,” he told himself. “I’m going to feel something about her the moment I laid my eyes on her.”
At malakas ang paniniwala niyang tama siya sa sinabi niyang iyon. Kapalaran ang magdadala sa kanya ng babaeng iyon. Ang kailangan lang ay ang maghintay siya sa pagdating ng babaeng iyon.
Naalala niya ang babaeng nakabangga niya kanina sa SM. Iba ang dating ng babaeng iyon. Mataray pero malakas ang pakiramdam niya na kabaligtaran lang iyon. And she was beautiful. Para bang mientras nagagalit ay lalong tumitingkad ang ganda. And she also had a great hair. Yaong puwedeng model ng shampoo.
He smiled. Hindi niya matukoy kung kailan maliban kanina ang huling beses na nakuha ng isang babae ang atensyon niya. That woman was something. Hindi niya matukoy kung alin o kung saan. But he felt something.
In fact, he felt a strong urge to kiss her. At noon lamang niya nakilala ang sarili na mayroon pala siyang ga-monumentong pagpipigil sa sarili.
At alam niya, hindi iyon dahil sa tila abot-langit na presyo ng blouse na muntik na rin siyang mapasubong bayaran. Sa tingin niya, can afford naman ang babae para mabayaran iyon. in fact, kahit ang blouse na mismong suot nito ay mukha ring mamahalin.
Taliwas sa kanya. He had money pero wise spender siya. Hindi siya masyadong nagpapaloko sa mga branded label. Well, huwag lang sa pantalon at sapatos. But then, ang katwiran naman niya, heavy-duty naman ang mga iyon kaya sulit na rin gumasta man siya ng libu-libo.
Napahinga siya. She was just a stranger, he thought. Baka nasindak lang siya dahil sobrang taray. Ayaw niyang isipin na baka iyon ang kapalaran niya. It was too good to be true.
But she was really beautiful, he mused to himself.
Whoever she was.