Chapter 1

1559 Words
Hindi ko na naisip iyong pera na kikitain ko sana ngayong araw. Wala na akong pakialam. Una at higit sa lahat, mas importante sa akin ang mga kapatid ko. Hindi ko nga kayang paiyakin ang mga iyon, kahit alam nilang hirap na hirap na ako, kahit alam nila kung gaano ko kagustong sumuko, kahit gabi-gabi akong umiiyak, never silang umiyak. Ni patak ng luha ay hindi ko nasilayan. Kasi alam nila na kapag ginawa nila iyon, lalo akong manghihina. Lalo akong magkakaroon ng dahilan para sumuko. Kaya sila mismo, kahit musmos ay pilit nilang pinapatatag ang sarili para sa akin. Hindi nila ipinapakitang nasasaktan din sila. Hindi nila kayang ipakita sa akin na umiiyak din sila, pero alam ko, alam ko sa sarili ko na umiiyak lang sila kapag wala ako. Naririnig ko... alam ko. Masakit para sa akin na marinig ang kanilang mga hikbi. Kaya hindi na alintana sa akin kung ano pa man iyong nawala sa akin, basta mabalikan ko lang iyong mga kapatid ko sa bahay at alamin kung bakit naroon ang babaeng iyon. Hindi ko alam kung paano ako nakarating ng bahay sa kabila ng traffic, kung tama bang nakalipad ako sa sobrang pagmamadali. Nanginginig ang labi ko, handang-handa nang rumatrat. Nakabukas ang pinto sa bahay, pagkapasok ay tahimik. Pinasadahan ko ng tingin ang sala, malinis pa rin naman at walang bakas ng bisita. Walang mga maleta o kung anu-anong pasalubong. Napatingin pa ako sa sapatusan at napansin doon ang hindi pamilyar na pares ng sapatos pambabae. Nakaayos iyon, tila sinadyang ayusin dahil alam niyang ayoko nang makalat. Madaling nagtagis ang bagang ko. Mabibigat ang mga yabag ko nang tunguin ko ang kusina. Hindi nga ako nagkamali dahil naroon iyong babaeng matagal kong hindi nakita. Nakatalikod ito sa gawi ko dahil abala siya sa kaniyang niluluto. Nakita ko sina Liam, Lance at Luna, ang mga kapatid ko. Tahimik din silang nakaupo sa lamesa, animo'y may hinihintay. "Pumasok muna kayo sa kwarto," deretso at matigas kong sambit, rason para lingunin ako ng babae. Dagli niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. Marahil ay nagtataka kung bakit ganito ang itsura ko. Siguro ay naninibago dahil hindi naman ganito iyong iniwan niya noon. Mabilis naman na sumunod ang tatlo. Sinundan ko sila ng tingin palabas ng kusina hanggang sa mawala sila sa paningin ko. Nang marinig ko ang pagsarado ng kwarto ay doon ko pa lamang ibinalik ang atensyon sa babae. Nagulat ako nang biglang nasa harapan ko na ito, hindi naman sobrang lapit, pero sakto na para mahawakan niya ang kamay ko. Kaagad ko iyong itinabig. Hindi naman siya nagulat, ini-expect na niyang galit ako. Alam niya ang kasalanan niya. "Lalaine..." nagsusumamo nitong pagtawag sa akin. "Anak—" "Huwag mo akong tawaging anak!" malakas kong sigaw dito. Wala siyang anak dito. Doon siya nagulat. Napaatras ito sa tindi ng galit ko. Alam kong namumula ang mukha ko, ganoon din ang mga mata kong pilit na nagpipigil ng luha. "Kumain na sila. Kaya anong ginagawa mo rito??" muli kong sigaw sa kaniya. "Bakit ka nandito, huh? Umalis ka! Lumayas ka!" Hinawakan ko ang braso niya at saka pa marahas siyang hinila upang kaladkarin. Dinig ko ang pag-inda niya. Nakarating kami ng sala. Sa pagpipigil niya ay naitulak ako nito. Napipilan ko siyang tiningnan. "Huwag mong hintayin na tumawag pa ako ng barangay. Umalis ka na." Pinili kong huminahon sa pagkakataong iyon. "Sandali lang, anak—" Nang mapansin niya ang panibagong galit sa mga mata kong nakapukol sa kaniya ay kaagad siyang huminto. Nangingilid ang mga luha nito, nanginginig din ang balikat niya at hindi siya mapakali. "Sandali lang... pakinggan mo muna ako..." pagsusumamo niya. Tiningnan ko ito pamula ulo hanggang paa. Suot pa niya ang kulay puting medyas. Nakamaong na pantalon at simpleng t'shirt. Parang walang bakas na nanggaling siya ng ibang bansa. Isa siyang OFW. Apat na taon simula noong mangibang bansa siya pagkatapos mamatay ni Papa. Sa unang taon ay okay pa naman, nakakapagpadala siya. Pangalawang taon ko naman iyon sa kolehiyo. Sa sumunod na taon, walang mintis ang pakikipag-usap niya sa amin. By schedule ang pagpapadala niya sa amin ng pera, pero kalaunan ay natigil, sakto noong gusto ko sanang mag-enroll ngunit wala akong pambayad ng tuition fee. Hanggang sa nawalan na siya ng komunikasyon sa amin kaya natigil na rin ako sa pag-aaral. Hindi namin siya makontak. Two years lang ang kontrata niya, kaya sabi ko, sige at baka uuwi na siya. Naghintay kami... sa wala. Lumipas pa ang dalawang taon na wala siyang paramdam. Wala ni niho-niha. Inisip ko nang sumama siya sa ibang lalaki at nagtaguyod ng sariling pamilya sa bansang iyon. Kaya ganoon na lamang ang galit ko, kasi ano pa bang dahilan bakit kailangan niya kaming iwan sa ere? Ako lahat! Lahat ng responsibilidad bilang tatay, maging pundasyon ng mga kapatid ko. Inako ko na rin ang pagiging nanay, na kahit pundido na ay pinilit kong maging ilaw sa punyetang bahay na ito. Lahat isinakripisyo ko, pag-aaral ko at pati nga itong pagkabàbae ko, handa kong ibigay para lang sa pera. Para lang mabuhay kami. Tapos ngayon ay babalik siya? Para ano? Bakit? Kasi iniwan siya ng lalaki niya? Kasi wala na siyang mauwiang iba, kaya bumalik siya rito? Ganoon lang? Ganoon ba 'yon? "Hindi na... umalis ka na lang." Nanghihina man din ay tuwid ko iyong naisatinig. "Lalaine, hi—hindi ko ito ginusto." "Ako rin." Nagkatitigan kami. Sa tindi ng galit na lumulukob sa mga mata ko ay siya rin ang nag-iwas. Nangangatal ang labi niya, tila hindi alam kung paano magsisimula. Wala ni isa sa nangyari ang nagustuhan ko, bukod sa natural na pagmamahal ko sa mga kapatid ko. Kaya lahat ng bagay na alam kong magtataguyod sa amin ay sinulong ko, pinasok ko. Kasi wala naman akong pagpipilian. "Kung iniisip mo na sumama ako sa ibang lalaki, nagkakamali ka," aniya na tila'y nabasa nito ang nasa utak ko. "Kailan man ay hindi nangyari iyon. Hinding-hindi mangyayari iyon. Hindi ko kayang ipagpalit ang Papa mo, hindi ko kayo kayang iwan ng mga kapatid mo." "Umalis ka na, please lang," sabat ko at hindi na kaya pang makinig. "Nakulong ako sa ibang bansa..." pagpapatuloy niya kahit na anong taboy ko sa kaniya. "Sinabi na ngang umalis ka! Ano ba ang hindi mo maintindihan sa sinabi ko, ha?" Gaano ko man kagustong pakinggan ang tang inang kwento ng buhay niya, hindi ko kaya! Hindi ko kaya na ganoon ko lang siya kadaling mapapatawad! "Minaltrato ako ng amo ko!" Tumaas na rin ang boses nito. "Kinulong nila ako sa bahay nila, binubugbog... sinasaktan... na—napagpapalipasan ng oras..." Tang ina. "Lahat iyon tiniis ko sa loob ng higit dalawang taon! Awa na lang ng Diyos, Lalaine, nakabalik pa ako." Tuluyan siyang umiyak. Iyak nang paghihirap, na para bang sa ilang taong nawala siya, ngayon lang siya nakaiyak. Punung-puno ng luha ang mga mata niya. Walang pagpipigil at walang tigil. Ngayon na mas matagal ko siyang napagmasdan, napansin kong namayat nga ito. Parang buto't balat na lang. Visible din ang ilang pasa nito sa leeg, may ilan pang peklat sa kaniyang braso. Tumulo ang luha ko sa aking pisngi ngunit kaagad ko iyong pinunasan. Hindi ko namalayang hindi na pala ako humihinga kaya ganoon na lamang ang pagtataas-baba ng dibdib ko. "Kahit na gano'n ang dinanas ko, salamat pa rin sa Diyos at buhay pa rin ako. Nagawa kong tumakas. Kaya ang nadala ko lang ay ang sarili ko. Wala akong sapat na pera, o pasalubong para sa inyo... kaya pasensya na. Pasensya na kung tingin mo'y iniwan ko kayo. Pasensya na, anak. Alam ko na hindi mo ako kayang patawarin, pero kaya ko iyong hintayin." Ayaw niyang umalis sa bahay, kaya ako na lang muna ang umalis. Tinalikuran ko siya at mabilis na kumaripas ng takbo palabas. Nanlalabo man ang paningin ko ay nagawa kong makalayo. Tumigil ako sa gilid ng kalsada, sa ilalim ng poste ng ilaw. Naghintay ako ng taxi para magpunta sa kung saan. Ngunit sadyang matagal dumating kaya naunahan na ako ng taksil kong mga luha. Sunud-sunod iyong kumawala sa mga mata ko. Bumuhos ang masaganang luha. Nanginig ang balikat ko at madali ko namang tinakpan ang mukha ko gamit ang dalawang palad. May ilan nang dumaang taxi cab ngunit hindi ko napara. Animo'y nabato ako roon at doon na tuluyang nagdrama. Hindi na alintana ang tinginan ng ibang taong napapadaan. Sa itsura ko, akala siguro nila'y iniwan ako ng boyfriend ko. "Miss?" Dinig kong boses sa gilid ko, hindi ko pinansin at baka hindi naman ako iyon. Lalong lumakas ang pag-iyak ko nang maalala ang sinapit ni Mama. Na mali pala lahat ng hinala ko, hindi pala siya naging masaya, impyerno pala ang dinanas nito. Gustung-gusto ko nga siyang yakapin kanina, pero nahihiya ako na ganoon ang iniisip ko sa kaniya. Hindi ko kaya na makita niya akong umiiyak dahil sa labis na pagsisisi. Gusto kong lumuhod sa harapan niya at ako mismo ang humingi ng tawad. "Lala," pukaw ng lalaki na naroon pa rin pala sa gilid ko. "Ikaw ito, hindi ba?" Sinilip ko ang lalaki. Nakaharap sa akin ang cellphone nito, naroon ang nickname kong Lala, pati ang mukha ko. Sa ibaba ay naroon ang remarks; expert. "You're Lala, the woman who was supposed to have séx with me tonight," dere-deretso niyang pahayag. Anak ng— "Pwede bang bukas na lang?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD