Chapter 2

1449 Words
Hindi ba niya makitang umiiyak ako? "Wala ako sa mood," dagdag ko pa. Ibinalik ko ang mga palad sa mukha ko. Muli akong umiyak, pero hindi na ganoon kalala katulad kanina. Tila biglang umurong ang ibang luha ko dahil naistorbo sa presensya niya. Sino bang hindi matitigil kapag ganitong may malapitang nanonood sa 'yo? Nang mapansing hindi pa rin ito umaalis, ni wala siyang balak na tigilan ako ay sinilip ko ulit siya. Kung hindi ako nagkakamali, ito nga iyong lalaki na nakasalubong ko kanina sa shop. Gwapo naman. Hindi matanda kagaya ng sinasabi ni Tanya na madalas daw niyang maging customer. Tingin ko ay nasa late twenties pa lamang ito. Sa tayuan niya ay mukhang mayaman. Naka-suit pa. Iyong pabango niya ay halos manuot sa ilong ko. Hindi naman matapang, pero nakakahalina at sobrang bango. Nakatingin lang din siya sa akin, pinagmamasdan ako at nagtataka kung bakit ako umiiyak. "First time mo ba?" paratang ko, isa iyon sa natutunan ko kay Tanya. Aniya ay ganoon daw dapat ang bungad ko para hindi halatang baguhan ako. Nagulat ito sa inasal ko, kapagkuwan ay saglit na natawa. Tumingin ito sa paligid at saka muling ibinalik sa akin ang atensyon. Natatawa nga siya. Siguro dahil sa mukha kong nagkalat na ang make up. Wala naman akong pakialam. Totoong wala na akong balak na makipag-ano ngayong gabi. Kung bukas pwede pa, pero pag-iisipan ko muna ulit. Nandito na si Mama, ano pang saysay para pasukin ko ang ganitong trabaho? Ngunit kaagad ko ring naisip iyong kalagayan niya, tingin ko ba ay kaya pa niyang magtrabaho? Nanaisin ko pa talaga na pagtrabahuin siya sa gano'ng lagay? Doble ang itinanda niya kahit pa nasa fifty pa lamang ito. Halos sampalin ko ang sarili. "If you don't mind, ano bang nangyari?" kaluanan ay tanong ng lalaki. "Wala. Napuwing lang." Inayos ko na ang sarili, tumayo ako ng tuwid at ilang beses na pinunasan ang mukha. "Wala na ako sa mood. Kung gusto mo pa ako, bigyan mo muna ako ng oras." Nilayasan ko ito at naglakad palayo. Hindi ko pa kayang umuwi at makita si Mama, kaya naghanap muna ako ng matatambayan. Mula sa kabilang kanto ay nakita ko iyong convenience store. Pumasok ako roon at laking gulat ko pa nang sundan ako no'ng lalaki. Nagpilantikan ang mga kilay ko at maang ko siyang tiningnan. "Do you want coffee? Hindi tayo nakapagkape kanina. I bet you got mad waiting for me," pahayag niya at inunahan na ako sa paglalakad. Nagtungo ito sa coffee blender, hindi ko naman pinansin at deretso akong naupo sa bakanteng upuan katapat ng glass wall. Gabi na, madilim na ang labas pero sobrang liwanag dito sa loob. Nakita ko pa ang reflection ko sa glass wall at tunay nga na mukha akong ewan. Para akong multo na naka-white dress habang hindi maipintura ang itsura, nagulo na rin ang buhok ko. Gusto ko sanang mag-retouch ngunit naiwan ko pala iyong bag ko kanina sa bahay. Wala rin akong dalang cellphone. Siguro akala ni Sir Ron ay nakikipagbembangan na ako ngayon. "Here." Boses no'ng lalaki, inilapag niya iyong dalawang paper cup ng kape sa lamesa at saka siya naupo sa katabing upuan. "And here, clean yourself up." Tinitigan ko iyong wet wipes na binili niya. Hindi naman kami mag-aano, kaya bakit? Bumuntonghininga hininga ako. Mayamaya lang ay kinuha ko rin naman. Binuksan ko iyon at kumuha ng isa. Sinimulan kong punasan ang pisngi. Nang makita pa ang cellphone ng lalaki na nakalapag sa lamesa ay kinuha ko iyon. Napatingin siya sa akin. Nilingon ko ito. "Pakihawak muna," sabi ko, sa gulat ay wala siyang nagawa. Hawak nito ngayon ang cellphone niya kung saan nakatapat sa akin ang camera bilang salamin ko. Maigi kong nilinis ang mukha. Tinanggal ko na rin iyong fake eyelashes ko dahil hindi ko namalayang nawala na pala iyong isa. Pati ang pulang lipstick ko ay pinunasan ko na rin. Napansin ko pang nangingitim ang ilalim ng mata ko dahil sa ginamit ko kaninang eye liner at mascara. Hindi ko matanggal kaya sumuko na ako. Ilang sandali nang biglang matawa iyong lalaki. Pinapanood niya kasi ako. Hindi ko alam kung saan siya natatawa, sa itsura ba naming dalawa, o sa itsura ko talaga. Hindi naman ako pangit. Kaya ko namang makipagsabayan sa mga beauty pageant kung gugustuhin ko, sadyang hindi lang ako palaayos. "Umiyak ka ba dahil akala mo ay hindi kita sinipot?" tanong niya na ikinalaglag ng panga ko. "Galit ka?" Maang ko siyang tinitigan. Sa ganitong kalapit at kaliwanag ay kitang-kita ko kung paano siya pinagpala sa lalaking lahat. Totoong gwapo siya, makinis ang balat at maputi, mabangong tingnan. Halata mong may kaya sa buhay kahit paghubarin mo siguro. Ako naman ang natawa. Baliw ba siya? "Hindi ako nagkakape," wala sa hulog na sambit ko para iwala ang usapan. Nakagat nito ang pang-ibabang labi at saka nagbaba ng tingin sa kape ko. Ilang sandali nang bigla siyang tumayo. Sinundan ko ito ng tingin. Kumuha siya ng cup noodles at timpladong gatas na nasa maliit na box. Bumalik siya sa pwesto namin. Sakto namang tumunog ang cellphone nito. Si Sir Ron iyon, kamuntikan ko nang sagutin. "Hmm?" aniya nang makaupo ulit. Wala namang mainit na tubig iyong cup noodles sa pagmamadali niya, kaya ako na ang tumayo. Nagulat siya at ako naman ang sinundan niya ng tingin habang abala siyang nakikipag-usap kay Sir Ron sa kabilang linya. Pumunta ako sa gitna at doon na rin inilagay iyong ingredients no'ng cup noodles. Isa lang ang binili niya, para sa akin lang. Okay na siguro siya sa kape niya. Kumain na rin naman na ako kanina sa bahay bago umalis, pero nagutom ako sa halu-halong emosyon kanina, dala na rin ng pagod sa pag-iyak. Nandoon lang ako habang pinagmamasdan ako no'ng lalaki. Ewan ko ba kung bakit nandito pa siya. Sinabi ko namang bukas na lang. O pwede rin naman niyang i-cancel iyong appointment naming dalawa at maghanap siya ng iba. Siguro ay pinanghahawakan niya iyong ‘expert’ na nakalagay sa remarks at siya ring pinangangalandakan ni Sir Ron. Nang matapos sa ginagawa ay bumalik na ako sa lamesa. Roon na natapos iyong pag-uusap nilang dalawa. "Sinabi kong magkasama na tayo," panimula niya at sumimsim sa kape niya. "Okay. Kahit hindi mo na ako bayaran." Natawa siya sa sinabi ko. "Pati ba itong paglapit sa 'yo at pagsama ay may bayad din?" Kumain ako ng cup noodles, hindi na sinagot iyong tanong niya. Halos mapaso ang dila ko kaya huminto muna ako at napainom ng gatas. Tumingin ako sa labas, kahit wala naman akong makita dahil madilim nga iyon. Pinagmasdan ko ang itsura naming dalawa sa reflection. Matangkad iyong lalaki kahit nakaupo siya. Pareho kaming nakaupo, pero iyong ulo ko ay hanggang balikat lang niya ngayon. "Sabihin mo na lang na tapos na tayo at binayaran mo na ako," sabi ko habang nakatingin pa rin sa harapan. "I already paid you," aniya na ikinagulat ko, napipilan ko siyang nilingon. Katatapos lang niyang sumimsim ulit ng kape. Ibinigay niya sa akin ang buong atensyon nito. Iyong katawan niya ay nakaharap sa akin. "Kailan?" "Kanina lang, sa manager mo." "Bakit? Eh, wala namang mangyayari sa ating dalawa ngayon." Hindi ba kapag natapos nang mag-séx ay saka pa lamang sila nagbibigay ng pera? Ganoon iyon, hindi ba? Ganoon din ang sinabi sa akin ni Tanya. "Magkano?" maang kong tanong. Nagbigay ng rate sa akin si Sir Ron kung magkano ako sa isang gabi, limang libo. Pero depende pa raw kung bibigyan ako ng tip. Ibig sabihin ay pwedeng sumobra pero bawal kumulang. "Five," simpleng sinabi niya. Walang tip? Kamuntikan ko nang sabunutan ang sarili. Wala namang nangyari sa amin at wala talagang mangyayari, kaya bakit buo pa rin? Sabi ko nga kanina, kahit huwag na niya akong bayaran. At hindi ko alam kung itutuloy ko pa ito. Baka umalis na rin ako kay Sir Ron dahil hindi ko talaga kaya. Lalo pa kung malalaman ito ni Mama ngayong magkakasama na kami sa iisang bahay. Kahit alam niyang galit ako sa kaniya, walang pagdadalawang isip na sasampalin ako no'n kapag nalaman niyang isa akong bayarang babae. Baka ako pa ang mapalayas sa bahay namin. "Million," dagdag niya. "Ano?!" Katulad ng naging reaction ko kanina sa coffee shop ay naulit ulit iyon ngayon, pero mas malala. "Five million?" Bakit? Anong mayroon? Hindi porket mayaman siya ay kaya na niya akong sampalin ng pera. Wala namang nabanggit si Sir Ron sa akin na pwede ang kontrata sa kanila. Tinitigan ko ang lalaki. Nakatanaw lang siya sa akin, may bahid ng ngiti ang parehong mata pero seryoso ang kaniyang mukha, kaya hindi ko mawari kung nagbibiro lamang ba siya. "Five million for you to become my personal slave."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD