“Okay lang po ba kayo, Senyorita?” nag-aalalang tanong ni Elle.
Ibinuka naman ni Maddison ang mata niya at umupo.
“Do not ever settle with someone who can’t prioritize you, Elle,” seryosong sambit nito.
“Po?”
Ngumiti naman ito at tiningnan siya.
“Nothing, anyway, you did a great job messing with him earlier. Kaya, I really trust you. Wala kang pakialam kahit na magalit pa sila sa ‘yo. Sa akin ka lang talaga sumusunod. Thanks for your loyalty,” wika nito at tumayo na.
Ngumiti naman si Elle. Masaya siya at naa-appreciate ng amo niya ang kaniyang ginagawa. Para sa kaniya ay iyon lang ang mahalaga.
Kinabukasan ay day off ng dalaga kaya umuwi na muna siya sa kanila. Dalawang araw ang off niya kaya may oras siya para makasama ang kaniyang lolo at lola.
“Dala ka suman ha,” wika ni Nica sa kaniya.
Tumango naman siya at umalis na. Naglalakad siya palabas ng mansiyon.
“Hi Elle, uwi ka na?” tanong sa kaniya ng guwardiyang si Eduardo. Tumango naman siya bilang sagot.
“Tek ker, cos I ker por you,” saad nito at kumaway pa. Natawa naman ang dalaga at umiling.
Pagkalabas ay pumara na siya ng traysikel sa unahan at nagpahatid sa terminal ng bus. Medyo may kalayuan iyon dahil nasa probinsiya pa. Isa’t-kalahating oras din ang tagal bago makarating.
Habang nasa biyahe ay napapangiti siya habang nakatingin sa kaniyang mga dala. Binili pa nila ‘to ni Nica noong nakaraang buwan. Ngayon lang siya uuwi dahil inipon niya muna ang pera niya.
Pagdating nga sa probinisya nila sa Rosario ay bumaba na siya. Pumara ulit ng payong-payong. Maliit na bersiyon ng traysikel at walang kober. Malayang humahalik sa kaniya ang preskong hangin.
“Salamat po,” wika niya at ibinigay na ang kaniyang bayad nang makarating.
Malayo pa lang ay tanaw na tanaw na niya ang kaniyang lolo at lola na naglilinis sa bakuran. Ang lolo niya ay nagbubungkal sa halamanan nito sa gilid at ang lola naman niya ay nagwawalis.
“Ayoo!” aniya at ngumisi.
Napatingin naman ang dalawang matanda sa kaniya at napangiti. Mabilis na binuksan nito ang gate nilang gawa sa kawayan.
“Elle! Ikaw na bata ka. Ba’t ‘di mo nasiling sa amin na mapuli ka pala ngayon,” sambit ng lola niya. Bakas pa sa tono nito ang pagiging Ilongga. Tubong Negros Occidental ang mga ito kaya halo-halo pa rin ang lenguwahe.
Ngumiti lamang siya nang matamis at niyakap ang dalawa. Sobrang na-miss niya ito.
“Hidlaw ka sa’mon?” tanong ng lolo niya. Tumango naman siya rito.
“Oo naman, sino ba ang hindi kayo mami-miss?” aniya pa at pumasok na sila sa loob ng bahay.
Simple lang ang bahay nila. Katunayan nga ay kakapalit lang nito ng yero. Gawa sa half-hallowblock at half-kahoy ang bahay nila. Maaliwalas at presko.
“May mga dala ako riyan para sa inyong dalawa,” wika niya.
“Mabuti naman at nakauwi ka ngayon, apo. Kumusta naman ang trabaho mo?” usisa ng lola niya.
“Okay lang po ako, mabait po si Senyorita Maddie. Kayo ba, iniinom niyo po ba ang mga gamot na nireseta ng doctor? Baka aasa na naman kayo sa mga halamang ugat. Alam kong nakasanayan niyo na ‘yan, pero importante pa rin na sumunod sa payo ng doctor lalo pa at matanda na kayo,” sambit niya.
Natigilan naman ang dalawang matanda at mukhang may natumbok na naman siya.
“Hay naku! Kayong dalawa talaga. Lolo ha, alam mo namang kailangan mo ng gamot,” malumanay niyang sabi.
“Apo, malakas pa ‘to sa kalabaw. Umiinom naman ako eh. Pero kasi, pakiramdam ko lalo lang akong nawawalan ng lakas kapag umaasa ako sa bulong nila,” sagot nito.
“Ayan ka na naman, ‘lo,” busangot niyang sambit. Tumawa naman ito.
“Eh siyempre, ang bulong sa tagalog ya ginahutik. Sa aton ginatumar,” sagot nito.
“Kaya ka laging tinutukso sa labas ng mga kumpare mo dahil diyan sa pinagsasabi mo,” sabat ng lola niya.
“Ay ngaa haw? Ano man gali ang ihambal ko sa ila?” anito.
Natawa naman si Elle habang nakikinig sa dalawa na nagtatalo.
“Tama na ‘yan,” awat niya at natawa na lamang.
“Lagi ko kasing sinasabihan iyan, Elle. Kung dito lang sa atin ay walang problema. Sa labas kasi marami ang nayayabangan sa kaniya, dahil lang din sa eksaherado rin iyang lolo mo kung magsalita,” wika ng lola niya.
“Te ano gali ya?” sabat naman ng lolo niya.
Natawa na naman si Elle at napailing.
“Sige na, bukas din ay uuwi na ako sa hapon. Two days lang ang day off ko eh. Huwag kayong magbangayan lagi. T’saka ikaw ‘lo, hayaan mo na muna ang palayan. Hindi ka pa puwedeng magkilos masiyado. Dito lang kayo sa bahay. Malawak naman ang gulayan niyo riyan, diyan na muna kayo,” wika niya.
“Ang bilis naman yata, apo,” saad ng kaniyang lola.
Huminga naman siya nang malalim.
“Kaya nga po eh. Hayaan niyo po, kapag lumaki na ang savings ko dito na lang ako sa bahay. Magnenegosyo na lang tayo. Para maasikaso ko kayo nang mabuti,” sambit niya. Umiling naman ang kaniyang lola.
“Pasensiya ka na apo kung dahil sa amin kaya nahihirapan ka.”
Kumunot naman ang noo ni Elle.
“Ano po ba kayo? Huwag nga kayong magsalita ng ganiyan. Alam niyong kayo ang lakas ko. Hindi kayo pabigat sa ‘kin, tandan niyo ‘yan. Okay lang ako at maswerte ako sa trabaho ko. Gagawin ko ang lahat para sa inyo, alam niyo ‘yan,” saad niya.
“Aba’y alam namin iyan matagal na. Alam mo Elle, baka panahon na rin para magkapamilya ka. May nobyo ka na ba? Dalhin mo rito sa bahay,” wika ng lolo niya.
Napakamot naman siya sa ulo niya.
“Wala pa po iyan sa isipan ko,” sagot niya.
“Aba’y bente-kuwatro ka na. Puwede na ring mag-asawa. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Sa pag-aalaga mo sa amin ay nakalimutan mo na ang sarili mo,” sabat ng kaniyang lola.
“Naalala mo iyong anak ni, Manuelito? Iyong apo ng kaibigan kong si Eugenio. Ano nga ang pangalan nu’n, Ding?” tanong ng lolo niya.
“Si Dane,” sagot nito.
“Ayon! Alam mo bang umuwi na galing sa Estados Unidos. Mukhang dito na magpipirmi. Gusto ka nu’n makita. Baka may pag-asa iyon sa ‘yo. Guwapong bata, t’saka may sabi. Paniguradong kapag kayo ang nagkatuluyan, panatag kami ng lola mo dahil mabait iyon at responsable. Mabait din ang pamilya niya,” wika ng kaniyang lolo.
“Hayaan mo bukas, isasama kita sa manggahan nila,” dagdag pa nito.
“Po? Naku! Huwag na po, ‘lo. T’saka wala pa sa isipan ko na magnobyo,” sagot niya.
“Ellerie naman, bente-kuwatro ka na apo. Hindi kami habang-buhay nandito para samahan ka. Panahon na rin para magkapamilya ka na rin,” sambit naman ng lola niya.
Huminga naman nang malalim si Elle at tumango.
“Okay po, sasama po ako bukas,” saad niya.
Wala rin naman siyang gagawin bukas kaya sasama na rin siya. Nais niya ring maglibot sa probinsiya nila. Bagamat nagtatrabaho siya sa siyudad ay mas gusto pa rin niya rito sa probinsiya. Para sa kaniya ay napakabilis ng oras sa siyudad.
Pumasok na siya sa dati niyang kuwarto at kaagad na napangiti. Ganoon na ganoon pa rin. Paniguradong araw-araw itong nilinisan ng lola niya. Kinuha niya ang maliit na sobre at lumabas. Nilapitan niya ang kaniyang lolo at nagluluto ang lola niya sa kusina.
“Lolo,” tawag pansin niya rito.
Tumabi siya rito at maingat na inilagay sa palad nito ang sobre.
“Ano ‘to apo?” nagtatakang tanong nito.
“Ipon ko po, siguro po ay sapat na po iyon para may panuhol tayo para sa ating palayan. Alam kong nababagot na kayo rito sa bahay at nasasayangan sa bakanteng palayan natin,” saad niya.
“Kung sana lang ay mas malakas pa sana ang lolo mo, eh ‘di sana hindi ka nagtitiis na mamasukang katulong sa ibang bahay, Elle,” wika nito.
Umiling naman siya rito.
“’Lo, alam ko ‘yan. Nu’ng bata pa nga ako binigay niyo lahat ng gusto ko, lahat ng kailangan ko. Emosiyonal o material ay hindi kayo pumapalya. Ngayon naman ay hayaan niyo akong umalalay sa inyo. Sa ngayon, ito muna. Paunti-unti muna. Basta, huwag na kayong magmatigas ha. Makinig kayo sa payo ng doctor sa inyo. Alalahanin mo ‘lo, kayo ang buhay ko. Paano na ako kung wala na kayo? Hindi ko kakayanin. Kayo ang kayamanan ko sa munodng ‘to,” sambit niya pa.
Buong pagmamahal na tinapik naman ng matanda ang kaniyang ulo.
“Hindi ka pababayaan ng Diyos apo, dahil ika’y napakabait na bata,” sagot nito.
“Sinigurado ko pong kakasiya iyan sa suhol ng mga magtatanim. Huwag kayong magpapagod at huwag magpapainit sa araw. Alalay lang kayo, at kung may kailangan man sa palayan ay huwag kayong magdadalawang-isip na tawagan ako. Iyang pension mo, alam kong titipirin mo na naman ang sarili niyo ni, lola. Huwag mong gagawin ‘yan ha,” saad niya pa.
“Pero Elle—”
“Hep! Huwag na kasi umangal pa, ‘lo. Aanhin ko ba ang sahod ko?” aniya rito at natawa.
“Hindi ba balak mong mag-aral sa kolehiyo?” usisa nito.
Huminga naman nang malalim ang dalaga.
“Ang pangarap ko pong iyan ay inaasa ko sa Diyos, ‘lo. Siya lang ang nakakaalam ng lahat. Kung kalooban niya na makapagtapos ako, alam kong mangyayari iyan. Sa ngayon po, ay tanging hangad ko lang ay ang stability ng buhay natin. Malapit na malapit na po iyan, alam kong malapit na,” nakangiti niyang sambit.
“Hayaan mo, Elle. Gagawin namin ng lola mo ang lahat para umanagt pa lalo ang palayan natin. Aalagaan naming mabuti,” wika nito.
“Ayaw ko po ng marangyang buhay, ang nais ko lang ay payak at masaya kasama kayo,” aniya.
“Kaya mahal ka ng Diyos dahil napakabait mo,” sambit pa nito.
“Siyempre po, mana sa lolo’t lola,” sagot niya na ikinatawa naman ng lolo niya.
Halata ang pagmamalaki nito sa kaniyang mukha.
Kinabukasan ay maaga silang gumayak ng lolo niya papunta sa manggahan ng kaibigan nitong si Eugenio. Binabagtas lang nila ang daan at malapit lang naman. Nasa kabilang purok lang at mas maigi na ring maglakad dahil ehersisyo rin iyon.
“Matagal ka ng gustong makita ng apo ni, Eugenio. Minsan na kasi kitang naikuwento sa kaniya noong nagbakasiyon siya rito,” saad ng kaniyang lolo.
“’Lo ha, baka nag-expect na ‘yon masiyado sa ‘kin. Baka kung anu-ano na naman ang pinagsasabi mo,” sagot niya rito.
Ngumisi naman ang matanda.
“Aba’y totoo naman ang sinabi ko sa kaniya. Talagang napakaganda mo, masipag, at mabait na apo,” sambit nito.
Napailing na lamang si Elle at natawa.