6

1845 Words
KINABUKASAN ay naghintay siya na tawagan siya ni Patrick. Pero naubos ang maghapon na nauwi lang sa wala ang paghihintay ni Faith. Nasasaktan siya sa pambabale-walang iyon ng binata pero natatakot din naman siya na baka nga totoo ang tinuran ng mama nito. Baka hindi lamang magawa ni Patrick na sabihin mismo sa kanya na nagbago na ang isip nito at sasama na nga sa America. Nang pumatak ang alas singko, mabigat ang mga paa niyang humakbang palabas ng opisina. “Himala, Faith, pauwi ka na ba niyan?” salubong sa kanya ni Jude. Inirapan niya ito. “Wala ako sa mood, Jude. Huwag mo akong pikunin at baka masapak kita.” “Sobra ka naman. Halika, sumama ka sa akin para makondisyon ka. Kulang ka lang sa night out kaya ka ganyan. Treat ko! Kumita na naman ako.” “Nakabenta ka na naman, Jude? Magkano ba ang inaahente mong kotse, isang libo bawat isa?” “Sobra ka naman! Nagkataon lang iba ang diskarte kong mag-sales talk. Saka alam mo namang hindi lang sasakyan ang inaahente ko. Condo unit ang naibenta ko this time.” “Talaga? Magkano ang komisyon mo?” “Huwag mo nang itanong at baka utangan mo pa ako,” ngisi nito. “Ano, tara na?” “Gusto ko nang umuwi, eh.” Totoo naman iyon sa loob niya. Mas gusto pa niyang magmukmok ngayon kesa mag-lakwatsa. “KJ ka naman! Ako na nga itong magti-treat mukhang mapapahiya pa ako.” Na-guilty naman siya sa tinuran ni Jude. “S-sige na nga, sasama na ako. Pero uuwi din tayo agad, ha? Gusto kong umuwi nang maaga, eh.” Umungol si Jude. “Mamayang si Patrick ang kasama mo, kahit umagahin ka, hindi na apektado.” “Sobra ka naman!” “Anong sobra? Si Tita Adeling ang nagkukuwento sa akin. Minsan, lampas hating-gabi ka na kung umuwi.” She sighed. “Ano ka ba, Jude? Siyempre, si Patrick iyon.” Tinitigan siya nito. “Naiintindihan ko din naman. Eto, Faith, paalala lang, ha? Sobra kang magmahal sa lalaking iyon. Baka mamaya paiiyakin ka lang nu’n?” “Hoy, huwag kang magsalita nang ganyan. Mahal din naman ako ni Patrick.” Bumuntong-hininga si Jude. “Whatever. Basta ako, best friend mo. Rain or shine, tatandaan mo.” Napangiti siya. “Emote. Baka naman mapaiyak mo ko niyan?” ****- “GALING DITO SI Patrick, hinahanap ka,” bungad agad kay Faith ng mama niya.   Alas dies na nang makauwi sila ni Jude. Nagkaayaan pa silang manood ng sine matapos mag-dinner. Palibhasa ay nag-enjoy siya, aaminin niyang pansamantala ay nakalimutan din naman niya si Patrick. “Good evening, Tita,” bati dito ni Jude. “Inaya kong lumabas si Faith, eh. Nilibre ko.” Matamis na ngiti ang iginanti dito ng babae. “Iyon nga rin ang sabi ko kay Patrick. Hindi ba’t noong isang araw mo pa ipinagpapaalam sa akin na lalabas kayo ni Faith? Naisip kong baka ngayon kayo natuloy. Hindi nga pala ako nagkamali.” “Ma, anong sabi ni Patrick?” “Aba’y wala. Nagpaalam na rin noong malamang wala ka. Magkagalit ba kayo? Hindi maipinta ang mukha nang masabi kong baka si Jude ang kasama mo, eh.” “Hindi na nakakapagtaka iyon, Tita,” ngisi ni Jude. “Ramdam ko naman na ayaw sa akin ng lalaking iyon.” Mabilis naman niyang inirapan si Jude. “Samahan mo nga ako sa kanto. Makikitawag ako.” “Bumalik kayo agad. Maghahanda pa ba ako ng pagkain?” “Busog na ako, Ma. Matutulog na ako pagbalik,” maagap na sagot niya. “Ikaw, umuwi ka na pagkatapos,” paasik na wika niya kay Jude. “Ouch! Matapos mo akong pakinabangan,” biro naman nito. Pinanlakihan niya ito ng mata. “Gabi na po, ano? May pasok pa ako bukas. Tara na sa kanto para makatawag na ako.” “Ang sabihin mo, nataranta ka lang dahil alam mong masama na naman ang loob ng boyfriend mo dahil ako ang kasama mo.” “Sige, mang-asar ka pa!” pikong wika niya dito. “Wala po si Sir Patrick,” sagot sa kanya ni Yolly nang tumawag siya. “Si Janica, k-kasama ba niya?” lakas-loob na tanong niya kahit na nga ba tila hindi naman niya dapat na itanong iyon. “Magkakasama silang tatlo. Manonood daw ng concert.” Nanlumo siya. “Ganoon ba? Salamat, ha? Pakisabi na lang kay Patrick na tumawag ako. Bye.” “Sino naman iyong Janica?” usisa ni Jude nang pauwi na sila. “Bisita nila. Family friend.” “Uh-huh? Bakit parang nagseselos ka?” “Babae iyon. Saka iyon ang gusto ng mama ni Patrick para sa kanya.” Hindi na niya ikinaila ang sama ng loob. “Apektado ka? Akala ko ba, ikaw ang mahal ni Patrick? Dapat kampante ka lang.” Bumuntong-hininga siya. “Puwede ba, Jude. Huwag kang maingay. Naguguluhan ako sa iyo, eh.” “Ako pa raw ang magulo ngayon.” Ibinukas nito ang tarangkahan nila. “Matulog ka na nga. Ikaw na ang magsabi kay Tita na umuwi na rin ako. Oo nga pala, sa reunion namin, sumama ka, ha? Masaya iyon. Sa Villa Escudero ang venue. Sagot ni Uncle Vic ang gastos. Alam mo na, iyon ang pinakagalante sa mga kapatid ni Inay.” “Bahala na. Nakita mo nang mamomroblema ako, eh.” “Nasaan ang problema? Wala naman akong makita, ah?” Napailing na lang siya. Wala nga rin siyang makitang problema pero iba ang sinasabi ng pakiramdam niya. ***** MAY PROBLEMA. Iyon ang mas matining sa isip at pakiramdam ni Faith nang lumipas ang dalawa pang araw na wala silang komunikasyon ni Patrick. Ngayon lang iyon nangyari sa kanila. Kung walang pagkakataon na magkita sila, hindi naman nangyayari na hindi siya tinatawagan ni Patrick. Maliban nitong lumipas na mga araw. Tumaas na rin ang pride niya. Bagaman gusto niya itong tawagan ay pinigil niya ang sarili. Naisip na tumawag na siya noong isang gabi. Sapat na iyon para si Patrick naman ang tumawag sa kanya. Kasabay ng pagtaas ng pride niya ay ang pagsama ng kanyang loob. Hindi niya maintindihan kung bakit nitong mga huling araw ay tila maramot ang komunikasyon sa pagitan nila ni Patrick. Tumatanggi man siyang aminin, tila malaki ang kinalaman doon ni Jude, kung ang panig niya ang titingnan. Pero wala naman silang masamang ginagawa ni Jude. Ano ba ang masama sa pagkain sa labas at panonood ng sine? Dati na nila iyong ginagawa kahit nga noong hindi pa man nila nakikilala si Patrick. Pero hindi rin niya maitatanggi, pinagseselosan ni Patrick si Jude. At kahit na walang malisya ang paglabas nila ni Jude, alam niyang ikinasasama iyon ng loob ni Patrick. Patapos na ang maghapon sa opisina ay hindi pa rin siya nakakatanggap ng tawag buhat kay Patrick samantalang si Jude ay naka-ilang tawag na sa kanya sa pangungulit sa kanya na sumama sa reunion ng pamilya nito. Gusto din naman niyang sumama dahil parang extension na rin siya ng pamilya ni Jude pero hindi siya makakapagdesisyon kung ganitong hindi pa sila nagkakausap ni Patrick. Baka mamaya ay lalo nang lumala ang communication gap nila ng binata kung sasama siya kay Jude samantalang hindi pa nakakausap ito. Hindi rin siya nakatiis. Kinalimutan niya ang pride at muling tinawagan si Patrick. “Faith?” wika ni Yolly na nabosesan agad siya. “Wala sila, eh. Umalis.” Nalungkot siya. Hindi pa niya nakukuhang magtanong ay nasabi na sa kanya ng katulong ang nais niyang malaman. “N-nasabi mo ba kay Patrick na tumawag ako noong isang gabi? Hindi kasi tumawag sa akin.” “Oo kaya lang kaagad siyang kinausap ng mama niya. Baka iyon ang dahilan kaya hindi agad nakatawag sa iyo. Hindi nga napipirmi ng bahay ngayon si Sir. Kung saan-saan sila nagpupunta ni Ma’am Janica. Minsan kasama din nila si Senyora. Inaayos yata ang papeles nila papuntang America. Kanina ang  dinig ko ay nagpunta sila sa embassy.” “Embassy? K-kasama ba nila si Patrick na pupunta sa America?” Dumagan ang matinding kaba at lungkot sa dibdib niya. “Ewan ko pero parang ganoon ang naririnig naming gustong mangyari ni Senyora.” “Yolly, pakisuyo naman please? Pakisabi kay Patrick, mag-usap kami. Hihintayin ko ang tawag niya dito sa office. Pakisabi na rin, diretso uwi na ako paglabas ko dito.” “Okay. Makakarating.” “Salamat.” Hindi na maalis sa isipan niya ang iba’t ibang ideya kung ano ang pakay ni Patrick sa embassy. Mas gusto niyang isipin na sinamahan lang nito sina Janica at ang mama nito sa naturang opisina pero naroroon din ang kanyang takot na baka nga nakumbinse na ito ng ina na sumama na sa America. Malapit nang mag-alas singko at desidido na rin siyang umuwi. Sinabi na niya sa sarili na kahit na anong aya ang gawin sa kanya ni Jude ay hindi siya sasama. Mas importante na magkausap sila ni Patrick. Malakas ang pakiramdam niya na lumalala ang gap nila ng kasintahan dahil sa kawalan nila ng pagkakataon na makapag-usap. “Faith, phone!” wika ng officemate niya. “Patrick?” sagot niya nang damputin iyon. “Asa ka pa?” tudyo sa kanya ni Jude. Bigla ang pagbaha ng dismaya sa dibdib niya. “Napatawag ka?” sabi na lang niya dito. “Ano na, Faith? Sasama ka ba sa reunion namin? Makikipagsara na kasi si Uncle Vic sa resort. Para masiguro kung ilang kuwarto ang kukunin. Sama-sama na tayo nina Tita sa isang room kung okay lang sa inyo. Malalaki naman kasi ang kuwarto at madaming kama.” “Jude, hindi nga ako makakapag-commit sa ngayon. Si Mama na lang ang tanungin mo.” “Hindi naman iyon sasama kung hindi ka kasama.” “Wala akong magagawa. Talagang hindi ako makakasagot ngayon.” “Okay,” ani Jude at alam niyang sadya nitong ipinahalata na nagtatampo ito. Pero wala nga siyang magagawa. Mas importante sa kanya na magkausap sila ni Patrick. Hindi na baleng maghintay siya kaysa naman biglang dumating si Patrick kung kailan siya naman ang wala. “Faith, phone!” tawag uli ng officemate niya. Napailing siya at bumalik sa telepono. Matatarayan na talaga niya si Jude sa kakulitan nito. “Ano ka ba, Jude? Ang kulit mo yata? Sinabi ko na sa iyo, mas importante na magkausap kami ni Patrick. Ilang araw na kaming walang communication,” tuloy-tuloy na sabi niya. “Faith, this is Patrick.” Natigilan siya. Hindi niya kayang ipaliwanag ang init na humaplos sa dibdib niya pagkarinig pa lamang sa tinig nito. Parang tumilapon sa bintana ang lahat ng tampo niya para dito. Nangibabaw ang pangungulila niya sa binata. “Sweetheart,” she said softly. “I missed you.”  “I missed you too, babe. Naririto ako sa ibaba. Sinusundo kita.” Ganoon na lamang ang pagbaha ng kaligayahan sa dibdib niya. “T-talaga?” Isang mahinang tawa ang narinig niya. “Totoo. I’m here waiting for you.” “Mag-a-out na ako.” Puno ng excitement ang tinig niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD