“PAANO IYAN, Faith?” tanong sa kanya ni Jude na parang nakasalalay sa isasagot niya ang kalutasan ng problema sa world economic crisis.
“Anong paano?” balik na tanong niya dito kahit na nahuhulaan na niya ang ibig sabihin nito.
Oras na ng pagtulog at nagkaniya-kanya na ng pasok ang bawat pamilya ng tiyo at tiya ni Jude. Ang kuwarto na kinuha ng nanay ni Jude para sana sa kanilang mag-ina ay mag-isa niyang ookupahin ngayon. Ang orihinal na plano ay apat silang magkakasama sana sa isang kwarto. Sila ng mama niya at si Jude at ang nanay nito. Pero pagdating doon ay nagdesisyon ang nanay ni Jude na ang pinakamaliit na kwarto na available ang ibigay sa kanya dahil hindi naman nakasama ang mama niya. Isa pa, inimbita din ang matanda ng isang kapatid nito na makasama ito sa kwarto dahil sabik ito sa kapatid.
Kampante na siyang mag-isang matutulog doon at gusto nga niya iyon. Ang kaso, binubuyo sila ng pamilya ni Jude na samahan siya ni Jude sa kuwarto. Hantaran ang pagkunsinti ng pamilya ni Jude na magkasama sila hangga’t maari. Marami sa mga ito ay hindi naniniwalang basta lang silang magkaibigan ni Jude.
“Okay ka lang bang mag-isa dito? I mean, ibang lugar kasi ito. Baka manibago ka.”
“Gusto mo akong samahan?”
Nagkibit ito ng balikat. “Wala namang ipagkakaiba. Doon sa kuwarto nina Inay, sa lapag lang din ang magiging puwesto ko. Kapag sinamahan kita rito, sa lapag lang din naman ako, di ba?”
“Mayroon namang divan,” aniya. Ang kaso ay gawa iyon sa kahot at walang sapin na kutson. Iniisip din niya kung magiging kumportable doon si Jude.
“Mas gugustuhin ko na sa lapag. Malaya pa akong makakakilos. Sa laki ko na ito, Mahirap pagkasyahin ang sarili ko sa divan na iyan.”
“Dito ka na lang, Jude. Para may kasama ako,” pasya niya pagkuwan.
Nakahiga na siya sa kama at si Jude naman ay nakapaglatag na rin sa lapag. Alam niya, hindi pa rin naman ito nakakatulog.
“Inaantok ka na, Jude?” tanong niya.
“Hindi pa.” At naramdaman niyang bumangon ito. “Gusto mo nang makakausap, ‘no?”
“Bakit para kang manghuhula?” aniya at bumangon na rin.
“Kilala kita, Faith. Kapag may problema ka, ayaw mong tinutulugan. As if, magkakaroon nga ng solusyon ang problema kung iisipin mo buong magdamag. Mag-usap na lang tayo.” Binuhay nito ang lamp shade sa tabi ng kama niya.
Magkatabi silang naupo sa divan. “Kahit tungkol kay Patrick, okay lang?”
“Pagtitiisan ko,” pabirong sagot nito.
Pero hindi siya nagbukas ng paksa tungkol kay Patrick. Alam naman niya, magtatanong lang naman siya ng mga tanong na pareho sila ni Jude na hindi nila masasagot. Hinayaan niyang si Jude ang magsimula ng pag-uusapan nila.
“Ilang araw ka nang absent sa opisina. Paano ka mare-regular kung puro absent ka?”
“Kumukuha lang naman ako ng experience. Kung iyon ngang mga regular doon, nagre-resign kasi humahanap ng mas magandang mapapasukan.”
“Ayaw mo bang mag-business? Mainam iyon, sarili mo ang amo mo.”
“Ano namang klaseng business? Wala naman akong puhunan.”
“Desktop publishing. In iyon ngayon. Magaling ka sa computer, di ba? Kailangan lang, creative ka. Interesado ka bang mag-graphics?”
“May punto ka.”
“Talaga. Ano, gusto mo ba?”
“Wala akong computer. Saka baka mahal ang puwesto, hindi ko makakaya.”
“Partnership tayo. Sa akin ang capital, sa iyo ang labor.”
Iyon na ang naging paksa nila buong magdamag. Tila iyon ang naging therapy para hindi niya masyadong isipin si Patrick kahit sa gabi man lang na iyon. Nang maalala nilang matulog ni Jude, halos mag-uumaga na. Pareho silang excited na nabuong idea.
Parehong nanlalalim ang mga mata nila dahil sa puyat. At ang mga kamag-anak ni Jude, iba ang pakahulugan sa itsura nilang iyon. Napapangiti na lang sila ni Jude. Ang mas nasa isip nila ay ang business na pinagpuyatan nilang pag-usapan.
*****
“TITA, MAGKASAMA kami ni Faith sa kuwarto,” sabi na agad ni Jude nang ihatid siya nito pagkagaling sa resort.
Tinitigan sila ng mama niya at pagkuwa ay hindi kumibo.
“Ma, walang nangyari sa amin,” depensa niya agad. “Kung iyon ang iniisip ninyo.”
Napangiti ito. “Dapat lang. Kung hindi, malamang na pareho kayong mapalo sa akin. Kumusta ba ang reunion, Jude? Masaya ba?”
“Masaya, Tita. Kaso, mga kamag-anak ko talaga, mapang-asar. Panay nga ang tukso sa amin ni Faith.”
“Ma, magbi-business kami ni Jude. Siya ang amo, ako ang alila,” pang-iiba naman niya ng paksa.
“Industrial partner, hindi alila,” pagtatama ni Jude.
“Magre-resign ka na ba sa trabaho mo, Faith?” tanong ng kanyang mama.
“Hindi naman agad. Kapag nasimulan na iyong business, saka ako magre-resign.”
Tumango ito. “Mabuti nga iyon. Iba iyong makapagsimula ng negosyo kesa nag-e-empleyo. At saka mas malilibang ka. Mas makakalimutan mo si Patrick.”
Nalambungan ng kirot ang mukha niya. “Ma, h-huwag na lang natin siyang pag-usapan.”
Pero sa mga gabing nag-iisa siya ay tahimik siyang umiiyak. Tinatangisan pa rin niya ang nangyari sa relasyon nila ni Patrick. Sa pagdaan ng mga araw ay lalong nawalan siya ng palatandaang magpaparamdam pa si Patrick. At sa mga ganoong pagkakataon, pilit man niyang idikta sa sarili na magalit kay Patrick ay hindi niya magawa.
Mas nananaig ang tunay niyang damdamin. Nasasaktan siya na basta na lang siyang iniwan ni Patrick. Nasasaktan siyang isipin na lumalabas ay niloko lang siya ni Patrick. Na pinaasa lang siya nito sa wala. Na hindi naman pala siya talagang mahal nito.
Dahil iiwan lang pala siya.
*****
PAGKARAAN NG dalawang linggo, natuklasan niyang hindi siya basta iniwan lang ni Patrick. Isang mahalagang bagay ang naiwan nito sa kanya. Natuklasan niya iyon matapos ang ilang araw na hindi niya maintindihan ang tila pag-iiba ng takbo ng kanyang katawan. Hindi na niya maaaring ikatwiran na irregular ang monthly period niya kaya hindi siya dinadatnan. Dinidikta na ng katawan niya ang mga pagbabago.
Naguguluhan man, hinarap na niya ang posibilidad. Tatlong pregnancy test ang ginawa niya. Iisa ang kumpirmasyon. Buntis siya.
Samu’t sari ang damdamin niya nang malaman iyon. Hindi niya alam kung dapat siyang matuwa o malungkot. O magtaka. Ang buong akala niya ay sapat na ang naging pag-iingat nila noon ni Patrick pero heto ngayon at nabuntis siya.
Napapikit siya nang mariin. Bakit kailangang mangyari ito kung kailan wala na si Patrick ngayon?
Pero mabilis ding umiral ang kanyang pusong-ina, ang kapakanan ng sanggol sa sinapupunan niya ang inisip niya. Idinikta niya sa sariling maging matatag alang-alang sa magiging anak niya.
“Faith, bakit ba namumutla ka?” pansin sa kanya ng ina nang umuwi siya.
Tinatagan niya ang kanyang loob. Alam niyang masasaktan ang mama niya sa ipagtatapat niya pero hindi rin naman niya magagawang ilihim ang totoo.
“I’m sorry, Ma,” mababa ang tinig na wika niya. “Buntis po ako.”
Hindi agad nakakibo ang mama niya. Nasa buong mukha nito ang pagkagulat. Palunok-lunok siya. Hinintay niyang mabasa ang galit sa mukha nito pero hindi niya iyon nakita.
“Si Patrick ang ama?” tanong nito maya-maya.
Tumango siya. “Si Patrick lang po ang lalaki sa buhay ko.” Hindi na siya nakapagpigil at napaiyak na. “I’m sorry, Ma. I know, kahihiyan ito pero mas masama namang hindi ko ituloy ito, di ba?”
Niyakap siya ng mama niya. “Hindi kita pababayaan, anak. Pagtutulungan nating itaguyod ang anak mo. Apo ko iyan.”
Lalo na siyang napaiyak. “Thank you, Ma.”