12

1426 Words
SA PAGKAKATAONG iyon, hindi si Patrick o si Yolly ang hinanap niya. Mismong mama ni Patrick ang hiningi niya nang may sumagot sa tawag niya. Inihanda na niya ang sarili sa anumang salitang maririnig kay Mrs. Paz Gallego. At mas importante sa kanya ngayon ay magkaroon ng linaw kung ano na nga ba ang nangyari kay Patrick. “Ay! Wala na sina Senyora. Umalis na sila kagabi,” wika ng katulong. “Paanong umalis?” tanong niya na biglang nakadama ng matinding kaba. “Pumunta na sila sa America.” “Ha? K-kasama ba si Patrick?” “Siyempre naman. Kami din, paalis na dito. Pauupahan na muna itong bahay dahil matatagalan daw bago sila bumalik. Pinaghahanap na nga kami ng ibang mapapasukan.” Hindi niya alam kung alin ang nauna niyang naramdaman. Ang paggapang nang kakaibang kilabot sa buong katawan niya o ang pangangalog ng mga tuhod. “Nandiyan ba si Yolly? Baka puwede kong makausap?” “Kahapon pa umalis si Yolly. Umuwi sa probinsya nila.” Bigla siyang nanlambot. “T-talagang kasama si Patrick? Hindi ka ba nagbibiro?” “Hindi naman tayo nagbibiruan, di ba?” “Faith, tama na iyan,” malumanay na wika sa kanya ni Jude. Sa wari ay wala na nga siyang kalakas-lakas at madali na nitong nakuha sa kanya ang telepono. “Hello, maraming salamat, ha?” At ibinaba na nito ang telepono. Tila namatanda siya at basta na lamang itinulos doon. Inakay siya ni Jude pabalik sa bahay ay parang wala pa rin siya sa kanyang sarili. Nang makaupo, bigla na lamang siyang nag-iiyak. Dalawa ang tahimik na audience niya. Ang mama niya at si Jude. Isa man sa mga ito ay tila walang may balak na magsalita. Basta nakatingin lang sa kanya habang nasa magkabilang tabi niya. Sa nakalipas na araw, nahalata niyang hindi nagtatanong ang kanyang mama tungkol sa kanila ni Patrick. Hindi rin naman siya kusang nagkukuwento. Isa pa, naisip niya na malamang ay kay Jude na lamang ito nagtatanong. At ngayon nga, kahit ni wala siyang halos nasabi sa mama niya sa problema niya kay Patrick, isang tingin pa lang niya ay alam na niyang naiintindihan nito ang pag-iyak niya. “Parang ang hirap maniwala,” pahikbi pa ring sabi niya kahit tumigil na siya sa pag-iyak. “May kaibigan ako sa NAIA,” ani Jude. “Kung gusto mo, para makasiguro ka, magpatulong tayo. Patingnan natin kung naging pasahero nga si Patrick.” Tumayo na ito at sa itsura ay mukhang wala na ring balak na marinig ang sagot niya. “Tatawagan ko lang.” Naiwan silang mag-ina. Sapat nang makita niya ang tingin sa kanya ng mama niya para muling mabagbag ang kalooban niya. Yumakap siya rito at muling umiyak. “Tahan na, anak,” alo nito. “Masasaktan ka talaga pero darating ang panahon, makaka-recover ka rin.” “Pero hindi ko maintindihan, Ma. Iiwan din pala niya ako bakit kailangan pa niya akong pagtaguan? Bakit hindi niya sabihin sa akin nang harapan?” “Hindi natin masasagot ang ganyang tanong, Faith. Siya lang ang makakasagot sa iyo.” Mayamaya ay bumalik na si Jude. “Tumawag daw uli ako mamaya. Patrick Gallego, right? Hahanapin daw niya sa mga airline na nag-biyahe patungong LA mula kahapon hanggang kaninang umaga.” Tango lang ang naitugon niya. Tila balewala na sa kanya ang paglipas ng mga minuto at oras. Mas iniinda niya ngayon ang hapdi ng kalooban niya. Kung dati ay hindi niya gustong maniwala na iniwan siya ni Patrick, iba na ang pakiramdam niya ngayon. Para bang tiyak na tiyak na rin siya na iniwan na nga siya ng binata. She could feel the emptiness within her. Para bang bigla na lang ay may humugot kay Patrick at nawala na sa kanya. Inutusan niya ang sariling maging manhid. Gusto niyang pamanhirin ang sarili para gawin iyong proteksyon sa sakit na dulot ng mga pangyayari. Nang magpaalam muli si Jude na lalabas para tumawag sa kaibigan nito, pati panlabas niyang kaanyuan ay pinatigas niya. At nang bumalik si Jude, isang tingin pa lang niya sa kaibigan ay alam na niya ang sagot. “Kagabi sila lumipad..” Kinagat niya ang mga labi niya. Ayaw niyang umiyak. Ayaw niyang iparamdam sa mga taong nasa tabi niya na nasasaktan siya nang husto. Mas gusto niyang pairalin ang galit. Dahil ayon sa isip niya, iyon naman ang dapat na maramdaman niya. Wala siyang kasalanan kay Patrick. Lahat, ginawa niya. Lahat, ipinagkaloob niya kay Patrick para patunayan lamang sa binata ang pag-ibig niya. Nasaan ang kasalanan doon? Wala siyang makita. Kaya dapat lamang na magalit siya. Dahil hindi binigyan ni Patrick ng importansya ang pag-ibig niya. Binale-wala nito ang pag-ibig niya. Pero sabi lang niya iyon. Dahil nang gabing nakahiga na si Faith at mag-isa na lang, hindi na siya nakapagpigil pa at tahimik na tinangisan ang kasawian niya sa pag-ibig. Tumatanggi ang puso niya sa nangyayari. Pero idinidikta ng isip niya na harapin ang katotohanan. ***** “ANG SARAP NG pagkain! Kain tayo nang kain, Faith! Samantalahin natin hangga’t libre,” animated na wika sa kanya ni Jude. “Tama na sa akin ito. Baka masuka na ako kapag pinilit ko pang kumain nang marami,” sagot naman niya na sinisikap maging masigla ang tinig. “Aba! Talo ang mahinang kumain dito. Ilulublob sa tubig!” sabad naman ng pinsan ni Jude. Ngumiti lang siya. Kung hindi nga lang siya nahihiya, ayaw niya talagang sumama sa family reunion nina Jude. Kahit na nga ba sa Villa Escudero pa ang venue mas gusto niyang manatili na lang sa kanyang silid at mapag-isa. Pero itinulak siya ng mama niya na sumama. Hindi na ito nakasama dahil sinumpong ng rayuma. At dahil pati nanay ni Jude ay kasamang nanundo sa kanila, hindi na siya nakatanggi pa. Isa pa, naisip din niya ang naging hirap ni Jude sa pagsama sa kanya noong hinahanap pa niya si Patrick. Abonado na nga ang kaibigan niya sa gasolina at pagkain, nabawasan pa ang oras nito sa trabaho. Pambawi na lang dito na paunlakan niya na sumama siya sa reunion.   “Bawal munang mag-emote ngayon,” nakangiting paalala sa kanya ni Jude. “Remember, no one knows about it puwera lang sa ating dalawa at kay mama mo. At kilala mo naman ang mga pinsan ko. Daig pa ang mga reporter kung mag-usisa. So, don’t give them the idea na may problema ka unless feeling mong mag-confide sa isang buong angkan. Hindi ka lulubayan ng mga iyan hangga’t hindi ka nagsasalita.” “Alam ko naman,” aniya. Inilagay niya sa plato nito ang alimango. “Ikaw na nga ang kumain niyan. Hindi ko na talaga kaya.” “Ang sabihin mo, tinatamad ka lang magtuklap. Here, sa iyo ang aligi, akin ang laman.” At inilagay nito sa plato niya ang aligi. “Aw, sweet naman ng mag-best friend!” tudyo sa kanila ng isa pang pinsan ni Jude. “Siguro naman, made-develop na kayo niyan?” “Oo nga naman, Jude. Kesa naman iba pa ang ligawan mo, bakit hindi pa iyang best friend mo? Mainam nga iyan, kilala ninyo na ang isa’t isa.” Tiningnan siya ni Jude. “Makisakay ka na lang. Mas mang-aasar ang mga iyan kapag nakitang napipikon ka.” Nagkibit lang siya ng balikat. Pagkakain, sumali sila sa mga parlor games. At palibhasa ay tinutukso sila ng mga pinsan ni Jude, talagang sila ang pinagpa-partner sa bawat laro. Game naman siya. pansamantala ay isinantabi niya ang personal niyang problema at pinilit ang sarili na makisaya sa mga naroroon. Pero may mga pagkakataon rin na natitigilan siya. Kagaya ngayon. “Mamasyal tayo sa gawi roon,” rescue naman agad sa kanya ni Jude. Nginitian niya ng may pasasalamat ang kaibigan. “Knight in shining armor ka talaga,” aniya dito. “Siyempre, best friend kita, eh.” “Thanks, Jude.” “Sabi ko naman sa iyo, eh. Rain or shine, I’m here for you.” Nangilid ang mga luha niya. Hindi na niya pinigil ang sarili at niyakap ito. “I’m so lucky to have you, my friend.” “Suwerte din naman ako sa iyo,” ani Jude at banayad na hinagod ang likod niya. “Aha! Kaya pala nawawala kayo, nagsosolo pala kayo dito, ha?” tukso sa kanila ng binatilyong pinsan ni Jude. “Ulol!” wika ni Jude at bumitaw ng yakap sa kanya. “Tara na nga doon at baka kung anu-anong kasinungalingan pa ang ipagkalat nito.” “Huuu!” tudyo nito. “Masama ang loob kasi naistorbo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD