11

1423 Words
“PATRICK Gallego?” ulit nang guwardiyang naka-duty sa gate ng subdivision nang sabihin ni Faith ang pakay niya. Hindi sila talaga makaka-diretso ng pasok doon dahil bumubungad pa lang sila ay pinara na sila nito. “Sandali lang, Ma’am.” Pumasok ito sa guardhouse at tiningnan ang isang folder. Nakita niyang dinampot nito ang telepono at nag-dial. Mayamaya pa ay bumalik ito. “Sorry ho, Ma’am. Wala daw si Mr. Gallego.” “Si Yolly. Iyong katulong sa mansyon. Baka puwede mong tawagan. Pakisabi mo, si Faith ito.” Tila naging atubili ang guwardiya sa pagsunod. “Sandali lang ho uli.” “Ano sa palagay mo?” mahinang tanong sa kanya ni Jude. Napailing lang siya. “Ewan ko. Kinakabahan ako. Pero sana naman kahit si Yolly, makausap ko.” “Pasensya na ho, Ma’am. Wala din daw iyong Yolly.” Sa tono ng guwardiya, alam ni Faith na pag-aaksaya na lamang ng hininga kung magtatanong pa siya. Sinenyasan na sila na itabi ang sasakyan dahil nakaabala na sila sa ibang motorista na papasok ng subdivision. “Ano, saan na tayo?” ani Jude nang lisanin nila ang subdivision. “Sa construction firm. Doon sa pinapasukan ni Patrick.” Pero gaya nang pagpunta nila sa subdivision, tila may puwersang naglalayo sa kanya kahit man lang sa mga taong may kaugnayan kay Patrick. Sa entrance pa lamang ay tila wala nang gustong magpapasok sa kanila. “Nasa site ho ang mga tao. Maintenance lang ang naiwan diyan,” sabi ng guwardiya. “Si Patrick Gallego, hindi ba nagre-report diyan?” pagbabaka-sakali niya. Umiling ang guwardiya. “Ilang araw ko na hong hindi nakikita. Baka ho dumidiretso na sa site. Nandoon naman ho kasi ang trabaho.” “Pumunta tayo sa site,” sabi ni Jude. “Wala tayong mapapala dito.” Pagkatapos ng halos dalawang oras nilang biyahe patungo sa dine-develop na industrial site sa Cavite, malabong impormasyon din ang nakuha nila. “Mahigit isang linggo nang hindi pumapasok si Patrick. Nagpaalam na magbabakasyon dahil dumating daw buhat sa America ang mama niya,” wika sa kanya ng isang engineer na nakausap niya. Nagkatinginan sila ni Jude. “Sige ho, salamat na lang.” Tumango ang lalaki. “Hanggang sa isang linggo ang paalam niyang bakasyon. Kapag natapos iyon at hindi siya nag-report o tumawag man lang, sad to say, ma-a-AWOL siya. Nanghihinayang nga kami, eh. Maganda ang resulta ng board exam niya. Automatic na ang salary increase niya dito plus naka-line up na rin siya for promotion. Kaso nga lang, ni hindi tumatawag man lang. Hindi pa nga namin makantiyawan ng blowout.” Pabiro ang huling pangungusap na sinabi nito. “What now?” sabi ni Jude nang bumalik sila sa sasakyan. Malungkot siyang umiling. “Hindi ko na alam kung saan ko siya ipagtatanong.” “Iyong mga kaklase niya noong college? Hindi mo ba sila kilala?” “Kilala ko iyong dalawang kaibigan niya. Kaya lang, hindi ko alam kung saan makokontak.” “Mabuti pa, kumain na lang muna tayo. Kanina pa tayo nagbibiyahe, wala nang laman ang tiyan natin.” Bigla siyang nahiya sa kaibigan. “Jude, pasensya ka na. Hindi ko na naalalang kumain. Ilang araw na akong nag-aalala kay Patrick.” “I understand that. Pero, Faith, huwag mong kakalimutang kumain. Mauubusan ka rin ng lakas.” ***** HINDI MAINTINDIHAN ni Faith kung paano nangyaring tila bigla na lang ay may isang hindi maipaliwanag na puwersang naglayo sa kanila ni Patrick sa isa’t isa. Bumalik pa siya sa subdivision, sa pagbabaka-sakaling makausap kung hindi man si Patrick ay si Yolly. Pero wala ring nangyari. Tinawagan nila ni Jude ang lahat ng taong maaari nilang mapagtanungan tungkol kay Patrick pero tila naglahong parang bula ang binata. “Paano kung sumama na nga si Patrick sa America?” sabi sa kanya ni Jude. Mariin siyang umiling. “Hindi niya gagawin iyon. Hindi niya ako iiwan.” “Faith, kung hindi ka niya iiwan, nasaan siya ngayon? Ni tawag, wala. Siguro naman, sa dalas ng pagtawag mo sa kanila, pati na iyong pagpunta mo doon kahit hanggang sa may gate lang, nabalitaan na niya. Alin sa dalawa, nagpunta na nga siya sa America or pinagtataguan ka niya.” “Hindi niya gagawin sa akin iyon!” pikon na wika niya. Natumbok ni Jude ang mismong kinatatakutan niya. “Kung hindi, bakit nawala na lang siyang parang bula?” Malalim ang paghingang ginawa niya. “Para na akong sirang plaka pero hindi ako naniniwalang iiwan ako ni Patrick. Jude, sa iyo ko lang sasabihin ito, ha. Nagplano na kaming magpapakasal. Hinihintay na lang namin iyong result ng board exam niya kaya hindi pa kami nagsasabi kay mama. Ang ayos ng mga plano namin. Imposibleng magbago ang isip niya ng ganoon na lang. Hindi siya ganoong klase ng tao. Ayaw sa akin ng mama niya pero paulit-ulit na in-assure niya ako na wala akong dapat na ikabahala. Mahal niya ako at ramdam ko naman iyon.” “Paulit-ulit na lang din ang dialogue natin. Nasaan nga siya ngayon? Siguro naman, hindi siya nagpapahanap lang kaya parang nawala siya sa existence. There must be a reason, Faith. And face it, sometimes the reason is bad. Or, knock on wood, it’s worst.” “Jude, hindi kaya may masamang nangyari kay Patrick?” puno ng kabang wika niya. “Gusto mong mag-check tayo sa mga funeraria?” “Jude?!” hilakbot na sabi niya. Mabilis na niyakap niya ang sarili sa gumapang na kilabot sa katawan niya. “Faith, ang naghahanap, lahat ng anggulo, tinitingnan,” madiplomasyang sabi nito. “But that’s morbid!” Nagsisimula nang mamasa ang kanyang mga mata. “Morbid na kung morbid. Paano kung doon pala makikita ang hinahanap natin?” Tiningnan niya nang masama si Jude. “Sa tono mo naman, parang sa funeraria nga makikita si Patrick.” Sa kabila ng pagtutol ng kalooban niya, wala na rin siyang nagawa at nilibot nila ang mga funeraria at ospital sa Metro Manila. At natuklasan niya, mas madaling magtanong sa funeraria kaysa sa ospital. Ang ibang malalaking ospital ay hindi nila makuhanan ng impormasyon. Umuwi silang walang malinaw na resulta ang lakad nila. At bagaman hindi nila natagpuan si Patrick, nagpapasalamat na rin siya. dahil hindi naman nawawala ang pag-asa na buhay pa si Patrick. Baka ikabaliw niya kung sa funeraria sila makapulot ng imposmasyon tungkol dito. “There’s something wrong somewhere,” ani Jude matapos ang dalawa pang araw na paghahanap nila. “Ano?” “Hindi mo ba naisip, kung halimbawang naospital si Patrick, di dapat, nararamdaman natin iyon? I mean, kapag tumatawag tayo sa kanila, di ba, puro wala lang ang sagot sa atin. Alam mo, mas halata na itinatago nila sa iyo ang boyfriend mo. At iyon namang boyfriend mo, siguro kasabwat na rin. Biro mo naman, kung halimbawang itinatago siya at hindi siya kasabwat, di sana, nakagawa na iyon ng paraan para makontak ka man lang.” “So, talagang pinagtataguan na ako ni Patrick, ganoon ba?” may talim sa tono na tugon niya. “Ikaw, ano ba sa palagay mo? Hindi ba, inamin mo na nga sa akin na dineretsa ka na ng mama niya. Na ayaw sa iyo ng supposed to be biyenan-to-be mo. At sabi mo rin, masunuring anak si Patrick. Malay mo, sobrang masunurin nga si Patrick at pati babaeng gusto niya, kaya niya palang i-give up para lang sa mama niya? Di, sorry ka na lang.” Hindi siya kumibo. Ang totoo, may mga pagkakataon niya na naiisip na rin niya ang tungkol doon. Pero malakas pa rin ang pagtanggi ng puso niya. Wala siyang makitang dahilan para iwan siya ni Patrick nang ganoon na lang. Napakaayos ng relasyon nila bago ito nawala na parang bula. “Oo nga pala, bukas na iyong reunion namin. Baka naman puwedeng i-postpone muna natin ang paghahanap diyan kay Patrick?” “Pasensya ka na, Jude. Pati ikaw, naaabala ko. Hindi ka na rin nakakapagtrabaho.” “Wala iyon. Sarili ko naman ang oras ko sa pag-aahente. Ano, bukas ng umaga, susunduin ko kayo ni Tita. Kasama kayo, remember?” “Ayokong sumama. Baka biglang pumunta si Patrick sa bahay, wala siyang datnan.” “Hindi ka pa rin sumusuko? Faith, mahigit isang linggo na siyang nawawala.” “Kahit isang buwan, hindi ako titigil na hanapin siya.” “Think about this obvious possibility. Na baka, totoo ngang umiiwas na siya sa iyo.” Umiling-iling siya. “T-tumawag uli tayo sa bahay nila. Baka may balita na sa kanya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD