“BAKIT hindi maipinta ang mukha mo?” pansin agad kay Faith ng mama niya. Hindi niya magagawang magtago dito dahil nang dumating siya ay nasa terrace ito at nagpapahangin. Ang balak pa naman niya ay katukin lang ito sa kuwarto nito at magkukulong na rin siya sas arili niyang kuwarto. “Kanina nang umalis ka, kulang na lang lumiwanag ka na parang poste ng Meralco dahil sa sobrang saya, ngayon kabaligtaran naman. May problema?”
Hindi siya agad sumagot. Walang sigla na naupo siya sa sofa at tumitig sa kawalan.
“Nag-away kayo ni Patrick?” tanong muli ng mama niya na sa tono ay mukhang hindi siya titigilan hangga’t hindi siya nagsasalita.
“Hindi pa nga kami nagkakausap,” matamlay na sagot niya.
Kumunot ang noo ng mama niya. “Akala ko ba’y tatawagan ka? Ibig sabihin, hindi ka pa tinawagan? Imposible naman yata.”
“Imposible nga. Nakailang beses na akong tumatawag sa kanila. Wala daw doon.” Pinili niya maging matipid sa mga salita. Hindi niya kayang ikuwento sa ina ang mga sinabi sa kanya ng mama ni Patrick. Nahihiya siyang malaman ng ina na hindi naman siya gusto ng babae para sa anak nito.
“Baka naman iniiwasan ka na?”
“Mama naman, eh,” maktol niya. “Hindi niya gagawin sa akin iyon.”
“Eh, kung hindi bakit hindi ka matawagan man lang? Faith, baka naman hindi mo pa lang lubos na kilala iyang si Patrick. Baka naman agad nang umakyat sa ulo niyan ang tagumpay komo nakapasa na sa board exam at nasa top ten pa.”
Napabuntong-hininga siya. “Mama, hindi mayabang si Patrick,” pagtatanggol niya.
“Hindi na kung hindi. Eh, nasaan ngayon?”
She sighed again. “Doon na muna ako sa kuwarto ko, Ma.” At tila pagod na pagod na inilapat ang katawan sa kama.
*****
HINDI MAKAPANIWALA si Faith na nagawa niyang makatulog sa kabila ng maraming alalahanin. Nang magising siya, hindi nagbago ang tamlay ng kilos niya. Hindi niya alam kung dapat siyang mag-alala o pairalin na ang umaahong tampo para kay Patrick.
Maaga pa rin siyang pumasok sa opisina. Umaasa siyang tatawag si Patrick sa araw na iyon. At kapag tinawagan siya ng binata, sinabi na agad niya sa sarili na papakinggan muna ang paliwanag nito bago siya magtanong.
Pero wala pa rin ang tawag na inaasahan ni Faith. Nang dumating ang tanghali, hindi na siya nag-isip nang matagal at tinawagan na ito.
“Wala si Sir Patrick,” wika sa kanya ng katulong na nakasagot. “Wala rin si Yolly,” sabi na agad nito bago pa man niya hingin ang katulong na kumportable niyang napagtatanungan. “Saka pinapasabi ni Senyora na kapag ikaw ang tumawag, sabihin daw namin na huwag ka nang tumawag uli. Nag-aaksaya ka lang daw ng panahon. Kung hindi ka daw kinokontak ni Sir Patrick, makahalata ka naman daw sana.”
Nasaktan at napahiya siya sa narinig. Hindi niya nagawang magpaalam at ibinaba na lang ang telepono.
Ganoon na lamang ang naging bigat ng pakiramdam niya. Litong-lito na siya sa nangyayari pero wala siyang balak sumuko.
Itinatago lamang marahil ng ina nito si Patrick, iyon ang paniniwala niya.
Pero naisip din niya, imposibleng magtagumpay ang mama nito kung itinatago man ang binata. Sigurado siya, hindi naman papayag si Patrick na manipulahin ng mama nito.
Buong maghapon ay hindi niya nagawang ituon ang atensyon sa trabaho. Si Patrick ang laman ng isip niya. Naghihintay pa rin siyang tatawag ito.
At nang sumapit ang oras ng uwian, inisip niyang malamang ay sosorpresahin siya ni Patrick at sa halip na tumawag ay susunduin na lamang siya.
Kaya ganoon na lamang ang panlulumo niya nang mabigo siya sa inaasahan. Walang Patrick na sumundo sa kanya.
At minsan pa, umuwi siyang lulugo-lugo.
*****
“HEY, FAITH! Balita ko’y missing in action ang boyfriend mo?” sabi sa kanya ni Jude nang isang umaga ay puntahan siya nito.
“Huwag mong sirain ang araw ko,” asik niya. “Hindi na nga ako mapakali, eh.”
“Hindi mapakaling paano? Hindi ka mapakali na baka ipinagpalit ka na?”
Tumigas ang mukha niya. “Utang-na-loob, Jude. Wala ako sa mood makipaglokohan!”
“Okay, serious na,” sabi nito na wala sa itsura ang pambubuska sa kanya. “May problema ba kayo?”
“Ang alam ko, wala. Ang ganda-ganda pa ng paghihiwalay namin noong huli kaming magkasama. Tinawagan pa niya ako noong isang araw na hindi niya ako masusundo. Mag-night out daw sila ng mga katropa nyang examinees. Tapos nu’ng lumabas iyong result ng exam, parang bigla na lang, hindi ko na siya mahagilap. Tatlong araw na ngayon na naghihintay ako kahit tawag man lang niya, pero wala.”
Napatango-tango si Jude. “Teka, bakit ganyan ang itsura mo? Wala ka bang balak pumasok?” sabi nito nang mapansing nakapambahay lang siya.
Umiling siya. “Kahapon pa ako hindi maka-concentrate sa trabaho. Kesa mapansin nila doon na nakatulala ako, nagpaalam akong hindi papasok ngayon.”
“Paano kung ngayon naman tumawag si Patrick? Di, wala ka sa office?”
Naisip na rin niya iyon bago niya pinanindigan ang pag-leave sa opisina. “Nagbilin naman ako sa mga kasamahan ko. Jude, may importante ka bang lakad?”
“Ika-cancel ko kung kailangan mo ako,” sabi agad nito. “Saan ka magpapasama?”
“Sa bahay nila.”
Agad na nagulat si Jude. “Sigurado ka? Exclusive subdivision iyon. Hindi tayo basta-basta papapasukin doon. Malamang na hanggang gate lang tayo.”
“Kahit na. Gusto kong magpunta.” Mababakas ang desperasyon sa tono niya. “Kung hindi ko makakausap si Patrick, kahit man lang si Yolly. Mabait sa akin iyon. At least sa kanya, malalaman ko kung bakit hindi ko makontak si Patrick.”
“Okay, sige. Gumayak ka na. Hihiramin ko lang iyong kotse ni Kuya para naman mas kumportable tayong magbiyahe. Pagbalik ko, ready ka na, ha.”
Sandaling tinanaw niya si Jude nang tumalikod ito. Nagpapasalamat siyang kaibigan niya ito. At nahiling niyang sana, dumating ang araw na makita din ni Patrick kung gaano kabuting tao ang kaibigan niya.
Pero nasaan na nga ba si Patrick?