9

1249 Words
WALA SILANG telepono sa bahay kaya hindi na niya mahihintay pa na tawagan siya ni Patrick. At dahil excited din siyang mabasa ang pangalan ng binata sa mga nakapasa sa board exam, hindi pa man ganap na sumisikat ang araw ay lumabas na siya ng bahay para bumili ng diyaryo. At ganoon na lamang ang tuwa niya nang makitang nakalimbag ang pangalan ni Patrick. Kasali pa ito sa top ten. “Ale, nakapasa ang boyfriend ko!” hindi na nakatiis na wika niya at proud na proud na ibinalita sa tindera ng diyaryo ang nabasa. “Eto ang pangalan niya, o! Kasali pa sa top ten!” Nahawa naman sa tuwa niya ang matanda. “Aba’y mabuti. Trabaho na ang lalapit sa kanya kung ganyang nasa top ten pa. Pag-aplayin mo sa DPWH. Balita ko’y madaling yumaman ang mga empleyado doon. Alam mo na…” Napabungisngis siya. “Ikaw naman, ale, may intriga ka pa.” Inabutan niya ito ng singkwenta pesos. “Sa inyo na ang sukli.” “Salamat.” “Nanalo ka ba sa lotto, Faith?” pansin sa kanya ng mama niya nang humahangos siyang umuwi ng bahay. “Hindi ako tumataya, Ma. Daig ko pa ang nanalo sa lotto! Tingnan mo, Ma, pasado si Patrick! Number seven pa sa top ten!” Natuwa rin ang mama niya at tiningnan pa ang diyaryo. “Aba’y oo nga! Sabihin mo sa kanya, congrats!” “Maliligo na ako, Ma. Aagahan kong pumasok dahil sa opisina iyon tatawag.” “Mag-almusal ka muna.” “Hindi na, Ma. Sobrang excited ako. Hindi ko makukuhang kumain.” Napailing na lamang ang mama niya pero alam niyang masaya din ito. ***** SA BUONG BUHAY ni Faith ay naramdaman niya na tila hindi gumagalaw ang orasan. Ang lumipas na isang oras ay lubhang naging kainip-inip sa kanya. Alas nueve na pero hindi pa rin tumatawag sa kanya si Patrick. Isinantabi niya agad ang pagtatampo. Iyon ang isang bagay na hindi niya dapat na maramdaman sa pagkakataong iyon. Maraming mga kaibigan at kaklase ang binata. Malamang ay hindi ito makaalis sa telepono dahil sa mga tinatanggap na pagbati. Inisip rin ni Faith, kung walang patid ang incoming calls nito, mahihirapan nga itong matawagan siya agad. “Faith, congrats! Pumasa pala ang boyfriend mo. Kasali pa sa top ten! Suwerte mo,” bati sa kanya ng kaopisina habang nakabukas ang hawak na diyaryong rasyon sa kanilang opisina. “Thank you,” sagot naman niya. Hindi na niya mabilang kung ilan ang bumati sa kanya. At dahil sa mga pagbating iyon, lalo na siyang naging proud para kay Patrick. pero lalo din naman niyang naramdaman ang inip. Gustong-gusto na niyang magkausap sila ng kasintahan. Bandang alas dies ay nagpasya siyang tawagan na si Patrick. Nadagdagan pa ang pagkainip niya nang abutin ng maraming ring ang kabilang linya bago may sumagot sa kanya. “Hello?” aniya nang hindi mabosesan ang sumagot. “Puwedeng makausap si Patrick? Si Faith ito.” Tila nawala ang nasa linya sa biglang katahimikan doon. “Wala si Sir Patrick,” sabi ng nakasagot matapos ang tila kay habang sandali. “Umalis ba?” tanong niya. “Malamang. Wala, eh,” papilosopong sagot. Nagsimula na siyang magtaka. “Puwede ko bang makausap si Yolly?” Matagal uli siyang naghintay sa tila patay na linya. Mahina ang kaluskos na naririnig niya. Tila ba walang katau-tao sa bahay na iyon. Na labis niyang ipinagtaka. Palaging masigla ang bahay ni Patrick. At inaasahan niyang lalong may sigla iyon ngayon dahil dapat lang na ipagdiwang ang pagkakapasa nito sa board exam. “Faith?” “Yolly!” tuwang wika niya. “Nasaan si Patrick? Bakit wala daw sabi ng nakasagot sa akin?” “W-wala nga. Kagabi pa.” Napakunot ang noo niya. “Hindi siya umuwi?” “H-hindi. Kagabi, lumabas si Senyora. Wala pang umuuwi sa kanila.” “Bakit?” may kabang tanong niya. “May nangyari bang hindi maganda?” “Hindi ko alam, eh. Si Manang nga, hindi malaman kung magluluto o hindi. Nabasa kasi namin sa diyaryo na pumasa si Sir Patrick. Hay naku! Excited na nga rin kami na batiin siya. Tumawag ka na lang uli mamaya.” Hindi na siya mapakali pagkatapos. Kinakabahan siya na hindi niya maintindihan. Isang oras ang pinalipas niya at tinawagan uli si Yolly. Wala naman itong masabi sa kanya. Wala siyang magawa. Hindi naman niya alam kung paano makokontak ang mga kaibigan ni Patrick kaya nagtiis siyang magpalipas uli ng oras at tinawagan na naman si Yolly. Lumilipas ang oras at wala siyang nagiging balita kay Patrick ay lalo nang tumitindi ang kaba niya. Hindi niya gustong mag-entertain ng masasamang pangitain pero tila tuksong ang mga ganoong imahe ang nabubuo sa utak niya. No. No. No. Pawang mga pagtanggi sa mga pangit na senaryo ang ginagawa niya. Makapananghali ay tumawag siyang muli kina Patrick. “Sino ito?” anang mataray na tinig. Ang mama ni Patrick. “Si Faith ho. Puwede ko ho bang makausap si Patrick?” buong galang na sabi niya. Dinig na dinig niya ang pag-ismid na ginawa nito. “Sa palagay mo ba ay kakausapin ka pa ng anak ko? Hindi na siya interesado sa iyo.” Natigagal siya. Hindi niya alam kung magpapanting ang tenga niya sa narinig. Alam niyang walang katotohanan iyon. Mahal siya ni Patrick. At ngayong nakapasa na ito, alam niyang kasal na nila ang kasunod. “Eh, Ma’am,” buong hinahon pa rin niyang wika. “Kung puwede ho sana ay siya ang makausap ko.” “Yaman din lamang at magkausap na tayo ngayon, tatapatin na kita. Hindi kita gusto para sa anak ko. At nakikita mo naman siguro kung bakit. Wake up, Faith. Mas lalo nang malaki ang agwat ninyo ngayon ng anak ko. Bakit hindi ka humanap ng kauri mo? Si Patrick ay para kay Janica. Sila ang bagay sa isa’t isa.” Isang malalim na paghinga ang ginawa niya. “Please ho, Ma’am. Ayoko hong mawalan ng paggalang sa inyo. Pero huwag ninyo naman hong sirain ang relasyon namin ng anak ninyo. Sana ho, maintindihan ninyo na kami ang nagmamahalan. Hindi naman ho siguro ako dadalhin diyan at ipapakilala ni Patrick sa inyo kung hindi siya seryoso sa relasyon namin.” “Sigurado ka ba sa sinasabi mo, hija? Kaya mo bang patunayan iyan?” Hindi siya agad nakakibo at mariing naglapat ang mga labi niya. “Huwag ka nang umasa, Faith. Sasaktan mo lang ang sarili mo. Ilang araw na lang ang hihintayin namin at pupunta na kami sa America.” “Hindi sasama sa inyo si Patrick. Hindi niya ako iiwan,” napapiyok nang wika niya. Hindi na niya napigil ang labis na sakit ng loob at napaiyak na rin. “Well, iyan ang akala mo, Faith. Hindi mo siguro alam kung gaano kabait na anak si Patrick. Hindi magagawang sumuway ng batang iyon sa mga gusto ko. Good luck na lang sa iyo, hija. Bye.” Napahagulgol siya nang marinig ang pagbababa nito ng telepono. Mabilis siyang bumalik sa cubicle niya para maiwasang matawag ang atensyon ng kanyang mga kaopisina. Doon siya tahimik na umiyak. Nang tumahan, sinabi niya sa sariling hindi siya dapat na maniwala sa sinabi ng mama ni Patrick. Kay Patrick lang siya dapat na maniwala. Na mahal siya nito at hindi siya iiwan. Hindi lang isang beses nitong sinabi sa kanya ang pangakong iyon at malaki ang tiwala niya sa binata. Iyon ang paulit-ulit na ipinasok niya sa isip niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD