“PAGLABAS NG RESULTA ng exam, saka tayo magsasabi sa mama mo na magpapakasal na tayo,” sabi sa kanya ni Patrick habang sakay sila ng kotse para ihatid na siya.
“Magugulat tiyak si Mama. Kinausap pa lang niya ako noong isang araw. Ang sabi ko sa kanyang, three years from now pa ang balak natin.”
“Three years from now, malamang ay may apo na sila,” excited na wika ni Patrick. “Gusto kong magka-baby agad tayo, sweetheart. Saka na tayo magkontrol kapag tatlo na sila.”
“Tatlo agad? Kaya ba nating buhayin ang tatlong bata?”
“Bakit hindi? I’ll work hard.”
Napangiti siya. Labis na nagpapaligaya sa kanya ang mga ganoong paksa. “Pero mahirap yatang mag-alaga ng tatlong bata, Patrick. Baka hindi na ako makapagtrabaho kapag ganoon.”
“And so? Gagawin kitang reyna ng tahanan ko, Faith. Hindi mo na kailangang magtrabaho unless ikaw ang mismong may gusto. At ang hiling ko, maging priority mo kami na pamilya mo.”
“Of course, sweetheart. Of course.” Nang humimpil ang kotse ay ipinagbukas pa siya nito ng pinto at inalalayan sa pagbaba.
Nagbigay-galang sandali si Patrick sa mama niya at nagpaalam na rin itong uuwi.
“Siyanga pala, Faith, galing dito ang nanay ni Jude. Masyadong mahigpit ang pangungumbida na sumama tayo sa reunion nila kaya hindi na rin ako nakatanggi. Itinango na kita kahit hindi pa kita nakakausap. Sa darating na Sabado na iyon.”
Napasimangot siya. “Eh, Ma, baka may lakad kami ni Patrick sa Sabado.”
“Kahit ako na ang magsabi kay Patrick tungkol sa lakad na iyon. Aba’y nakakahiya na kay Mareng Lourdes. Baka naman sabihin ay sobrang paimportante tayo gayong tayo na nga ang isinasama. Pagbibigyan naman siguro ako ni Patrick, di ba? Minsan lang naman akong hihiling sa kanya.”
Napabuntong-hininga na lang siya. Malamang nga ay hindi makakatanggi si Patrick. Iyon nga lang, parang nakikinita na rin niya ang madilim na ekspresyon nito. Family reunion iyon ni Jude. At hindi na kailangan iba pang paliwanag.
*****
PALIBHASA AY nakapag-kiss and make up na sila ni Patrick kaya kakaiba ang sigla ng kilos niya kinabukasan. Labis na excitement ang nararamdaman niya. Hindi lamang iyon sa kainipan niyang malaman ang resulta ng board exam nito, higit ay ang susunod na pangyayari doon.
Magpapakasal na sila ni Patrick. Hindi na importante sa kanya kung sa city hall man iyon o sa sala ng isang judge. Ang mahalaga ay magpapakasal sila. Hindi niya kailangan ng marangyang kasal tutal ay kaunti lang naman ang kaibigan niya at mama lang niya ang kanyang pamilya.
Kanina habang nag-aalmusal ay mangali-ngali na niyang sabihin sa ina ang tungkol doon. Sobrang excited niya. Pakiramdam niya, mamaya na ang kasal nila. Pinigil lamang niya ang sarili dahil kailangan nilang maghintay pa nang kaunti. Bukas na lalabas ang resulta ng exam. At mainam na kasabay ng magandang balitang nakapasa si Patrick—na siyang inaasahan niya ay ang pagsasabi ng tungkol sa balak nila.
Wala pang limang minuto buhat nang dumating siya sa opisina ay nakatanggap na siya ng tawag kay Patrick. Kagaya niya ay iba rin ang sigla ng tinig nito. Tila walang nangyaring tampuhan sa kanilang dalawa.
“Isang tulog na lang, sweetheart,” magkahalo ang excitement at kaba sa tinig nito. “Matatapos na rin ang paghihintay natin.”
“Makakapasa ka, Patrick. I know it,” halos siguradong sabi niya. Wala siyang pakialam kung ilang beses mang lumabas sa mga labi niya ang linyang iyon dahil iyon naman talaga ang paniniwala niya.
“Pagkatapos niyon ay ang kasal natin, Faith. Hindi ko nakakalimutan iyon. Actually may nakausap na akong judge. Pareho naman na tayong nasa edad na kaya madali lang tayong makakapagpakasal. I can’t wait, Faith.”
“Ako man. Gustong-gusto ko na nga sanang banggitin kay Mama kanina. Kaya lang, alam kong gusto mo na tayong dalawa ang magsasabi sa kanya ng tungkol doon.”
“Yes. Ako ang talagang dapat na magsabi sa mama mo ng tungkol sa kasal natin. Ako ang lalaki at gusto kong maramdaman niya na seryoso ako sa intensyon ko sa iyo.”
Napapikit siya. Proud na proud siyang si Patrick ang mahal niya at pinagbigyan niya ng lahat-lahat sa kanya.
“And Faith, hindi ko pa nasasabi kay Mama ang tungkol sa balak nating pagpapakasal. Masyadong focused ang isip niya sa pag-aayos ng papeles. Ngayong araw na ito ang release ng visa ko. I’m not excited about it. Paglabas ng resulta ng exam, saka ko sasabihin kay Mama na hindi talaga ako sasama sa America. Narito sa Pilipinas ang buhay ko dahil naririto ka.”
She was touched at his words. Kung nagkataon lang siguro na hindi sila nag-uusap sa pamamagitan ng telepono, malamang na niyakap at hinalikan na niya si Patrick sa labis na kaligayahan.
“I’ll be very busy today, sweetheart. But I’ll see to it na matawagan ka uli. Susunduin kita mamayang paglabas mo, okay?”
“Okay. Mag-iingat ka, Patrick. I love you.”
“I love you too, sweetheart.”
Inspired na inspired si Faith na magtrabaho. Iba talaga ang sigla ng kilos ng taong in love, nangingiting isip niya. Napapakanta pa siya habang nagtatrabaho. At nang kantiyawan siya ng kaopisina, lumuwang lang lalo ang ngiti niya.
“Faith, phone. Iyong dahilan ng pagngiti mo ngayong maghapon,” tudyo pa sa kanya. “Tsk! Malapit ka nang mahipan ng hangin. Ingat lang, ha. Baka may maghatid sa iyo sa mental.”
“Hindi bale,” sakay naman niya. “At least, forever na akong smiling face!” Dinampot na niya ang telepono. “Hello?”
“Sweetheart,” wika ni Patrick. “Nagyayaya ang mga classmate kong lumabas tonight, eh. For the boys daw. Lahat kami naghihintay ng resulta ng exam. Magsama-sama daw kaming nerbyusin. Papayagan mo ba ako? Hindi muna kita masusundo.”
Nalungkot siya pero naintindihan din naman niya ito. “Okay lang. Basta clean fun lang iyan, ha? Baka mamaya, mambababae lang kayo?” biro niya.
Tumawa si Patrick. “Of course not. Iinom lang nang kaunti. Promise, kaunti lang. Alam mo namang hindi rin naman ako sanay na magpakalasing. Good boy ito.”
“Mag-iingat ka, sweetheart. I love you.”
“I love you too. Bukas ng umaga, ikaw ang unang-una kong tatawagan.”