1

1412 Words
Once upon a time… MARAHAS NA napabuntong-hininga si Aiyana pagpasok sa loob ng silid niya sa apartment na inuupahan sa Baguio City. Dalawa lamang ang silid sa apartment na iyon. Tatlong double deck ang pinagkasya at anim na babae ang umuokupa sa isang silid na dapat ay para sa dalawang tao lang. Labing-dalawa silang naninirahan sa isang apartment na parang pang-apat na tao lang. Isa lang ang kusina, banyo at sala. May mga pagkakataon na hindi niya alam kung paano niya natatagalan ang paninirahan doon. Kapag nasa bahay silang lahat, kailangan niyang maupo sa kanyang corner at manatili roon dahil wala na siyang ibang pupuwestuhan. Kailangan niyang gumising nang maaga at pumila sa banyo. Maraming pagkakataon din na ipinaalala niya sa sarili na iyon lang ang afford ng kanyang mga magulang sa ngayon. Convenient ang kinaroroonan. Malapit iyon sa kanyang university. Ilang minuto lang siyang maglalakad at hindi na kailangang mamasahe. Malapit din ang apartment sa mga tindahan, grocery stores, laundry shops, kainan at computer shops. Habang patungo sa kanyang kama ay dinadampot niya ang mga nagkalat na kagamitan. Nauunawaan naman niya na madalas na nagmamadali ang lahat dahil pare-pareho silang may maagang klase pero kailangan ba talaga ay magkalat habang naghahanda sa pagpasok? May mga pagkakataon na gusto na niyang sumigaw pero alam din niya na hindi niya kailangang magligpit. Maaari niyang hayaan na lang ang mga kalat ng kasamahan. Kasalanan din naman niya kung bakit siya naiinis. Kung kaya lang talaga niyang ignorahin ang mga kalat kagaya ng mga kasama sa silid. Ang corner ni Aiyana ang pinakamalinis sa lahat. Hindi niya maaaring hindi ayusin ang pinaghigaan niya, ang mga libro niya. Ang cabinet din niya ang pinaka-organisado. Dahil sa kanya kaya hindi iniipis ang kanilang kusina. Hinuhugasan niya ang anumang nakatiwangwang sa lababo. Naglilinis siya ng banyo habang naliligo. Masyadong nakakain ng paglilinis at pagliligpit ang kanyang oras pero hindi rin naman kasi siya mapakali kapag may nakikita siyang kalat sa paligid. Madalas siyang biruin ng mga kasama sa silid na may OCD siya. Obssesive-compulsive disorder. Noong una ay hindi niya iyon gaanong pinapansin. Biro-biro rin lang kasi ng mga kasama iyon. Pero habang tumatagal ay parang mas nagiging seryoso na ang mga kasama. Nabatid din niya na hindi dapat basta-basta na lang ginagamit ang terminong ‘OCD’. Totoong disorder iyon. Seryoso iyon at may mga taong nakikipagbuno sa disorder na iyon. Hindi niya malaman kung bakit nagiging kaswal na lang ang pagbanggit sa termino ngayon. Bahagya siyang nag-aalala na baka may disorder siya dahil nakakaabala na sa pag-araw-araw niyang pamumuhay ang nararamdamang restlessness kapag nakakakita siya ng kalat. Hindi siya gaanong nakakapag-aral dahil abala siya sa paglilinis. Gusto niyang mag-aral pero hindi nga siya mapakali kapag may nakikita siyang kalat. Ang mga kasamahan niya ay walang problema. Minsan nga ay parang nananadya ang ilan. Sadyang hindi naghuhugas ng mga pinagkainan o hindi nagliligpit ng kalat dahil naroon naman siya. Wala siyang kaibigan sa limang babae na kasama sa silid. Ang tingin ng mga ito sa kanya ay freak. Gusto na niyang umuwi sa kanilang probinsiya. Kahit naman na maliit din lang ang bahay nila, mas komportable iyon kaysa sa tinitirahan niya ngayon. Apat silang magkakapatid. Pangatlo siya. May ate at kuya siya. Lalaki naman ang kanilang bunso. Magkasama sila ng ate niya na maraming kaartehan sa katawan pero hindi naman makalat. Marunong itong magligpit at hindi freak ang tingin sa kanya. Inakala niya na dugyot na ang mga kapatid niyang lalaki pero mali siya. Hindi madaling makasama ang labing-isang babae sa isang apartment. Pakiramdam niya minsan ay mababaliw na siya. Papahiga pa lang si Aiyana nang tumunog ang cell phone niya. Napabuntong-hininga siya nang mabasa ang mensahe mula sa roommate na nasa university pa. Makulimlim daw at baka raw puwede niyang kunin ang ilang sinampay nito sa rooftop. Maaaring magkunwari si Aiyana na hindi niya nabasa ang mensahe. Hindi lang naman siya ang nasa apartment. Siya lang ang inutusan dahil alam nitong gagawin niya ang ipinapagawa nito. Sawa na siyang maging utusan. Itinuloy niya ang paghiga. Ilang sandali lang ang lumipas bago siya muling bumangon. Naiinis na lumabas siya ng silid. Nagdadabog palabas ng apartment. Naiinis siya sa sarili dahil hindi siya makatanggi, dahil hindi niya matiis ang mga kasama na wala naman yatang pagpapahalaga sa kanya. Medyo hinihingal siya pagdating niya sa rooftop. Punong-puno ng sinampay ang rooftop. Hindi na iyon nakapagtataka dahil punong-puno ng tao ng building na iyon. Maitim na maitim nga ang kalangitan. Nasisiguro niya na hindi lang siya ang paakyat upang kumuha ng mga sinampay. “Talaga naman.” Napapalatak si Aiyana nang matagpuan ang mga sinampay ng roommate. Mga pantalong maong iyon at makakapal na kumot. Kahit na alam niyang mabibigatan siya at mahihirapan sa pagbaba, sinimulan na pa rin niyang tipunin ang mga sinampay. Alam niya ang hirap ng paglalaba. Hindi niya maaaring hayaan na mabasa iyon. Walang gagamitin na kumot ang roommate at kung matutuloy ang ulan, mas bababa ang temperatura ngayong gabi. Nasa kalagitnaan pa lang siya ng ginagawa nang magsimulang pumatak ang ulan. Binilisan niya ang pagkilos. Nagmamadali siya sa pagpunta sa may bahagi ng rooftop na may bubong pagkatapos. Mabilis na lumakas ang ulan. Hindi siya makakababa kaagad. Kailangan niyang patilain kahit na paano ang ulan. May nauna na sa kanya sa munting space. Isang matangkad na lalaki. Tahimik silang naghintay ng pagtila ng ulan. Mas lumalakas nga lang iyon habang tumatagal. Nababasa ang mga damit at kumot na dala niya. Hindi rin nagtagal ay nangawit na ang braso niya. Halos wala sa loob na nilingon niya ang kasama. Deretso ang tingin nito. Kalmado ang hitsura nito at parang walang gaanong pakialam sa nangyayari sa paligid. Guwapo. Iyon ang tumatakbo sa isipan ni Aiyana habang pinagmamasdan ang profile ng lalaki. Iyong kaguwapuhan na mala-Richard Gomez. Tall, dark and handsome. Gusto pa sana niyang pakatitigan ang lalaki pero nangangawit na talaga ang kanyang mga braso. Gusto na niyang ibagsak ang mga dala pero naisip niya na nag-effort na siya at hindi niya dapat sayangin iyon. Naisip din niya na sugurin na lang ang malakas na ulan para makababa. Hindi naman siguro masyadong mababasa ang mga damit at kumot. “Kailangan mo ng tulong?” Marahas siyang napalingon sa lalaki na nagsalita. “Ha?” Bahagyang napamulagat ang kanyang mga mata. Hindi niya inasahan na kakausapin siya nito. Mukhang wala pa ring pakialam ang ekspresyon ng mukha ng lalaki. Iisipin sana ni Aiyana na mali lang siya ng dinig pero inulit nito ang sinabi. “Uh…” Hindi malaman ni Aiyana kung paano sasagot. Kailangan ba niya ng tulong? Oo, kailangan na kailangan niya ng tulong. Pero dapat ba siyang humingi ng tulong? Parang nahiya naman siyang mang-abala ng ibang tao. “Kailangan mo ng tulong.” Hindi na iyon tanong, pahayag na. Bago pa man siya makapagprotesta ay kinuha na nito mula sa kanya ang ilang kumot. Kaagad na naramdaman ni Aiyana ang ginhawa. “S-salamat,” nahihiyang sabi niya. Tahimik lang ang lalaki. Hindi sigurado si Aiyana kung ano ang sasabihin kaya nanahimik din lang siya. Malakas pa rin ang ulan at patuloy pa rin silang nababasa pero pareho silang walang kagalaw-galaw. Panaka-nakang sinusulyapan ni Aiyana ang lalaki pero deretso pa rin ang tingin nito. Parang nababagot na pinanood nito ang pagpatak ng ulan. Hindi rin natagalan ni Aiyana ang pananahimik. Tumikhim siya. “Ako si Aiyana.” “Hmn.” Anong klaseng tugon iyon? Hindi ba interesado ang lalaki na malaman ang pangalan niya? “Ano’ng pangalan mo?” Naglakas-loob siyang magtanong dahil gusto talaga niyang malaman ang pangalan nito. Malakas kasi ang kanyang pakiramdam na kung hindi siya magtatanong ay hindi niya malalaman. Ilang sandali muna ang lumipas bago siya nito nagawang sagutin. “Aiden.” Napangiti si Aiyana. Bagay na bagay ang pangalan nito. Guwapo katulad nito. “Salamat!” aniya. “Maliit na bagay.” “Walang anuman. Kapag may nag-thank you sa `yo, ‘walang anuman’ ang dapat na tugon.” Umangat ang isang kilay ni Aiden. Parang hindi nito gaanong mapaniwalaan na medyo nag-lecture siya. Ngumiti na lang si Aiyana kahit na medyo kinabahan siya dahil baka na-offend niya ang lalaki. Hindi niya gustong ibalik nito sa kanya ang mga kumot. “So thank you…” aniya sa maingat na tinig. “You’re welcome,” ang tugon nito. May munting ngiti na nakaguhit sa mga labi nito. Parang may mas ilalapad pa ang ngiting iyon pero pilit nitong pinipigilan ang sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD