ILANG ARAW NA hindi mawala sa isipan ni Aiyana si Aiden. Madalas niyang nahuhuli ang sarili na iniisip ang binata na para bang hindi pa sapat ang mga distraction niya. Nang hindi na talaga siya mapakali ay nagsimula siyang magtanong-tanong. Hindi naman niya kailangang lumayo. Kinailangan lang niyang makipagkuwentuhan kay Aling Nene. May tindahan ang ginang sa harap ng apartment building. Nasa tindahan nito ang halos lahat, maging mga lutong ulam. Tumatanggap din ang ginang ng labada mula sa mga boarder.
Nalaman ni Aiyana na nasa huling taon na ng Architecture course si Aiden. Taga-Tarlac ang binata. Matalino at masikap sa buhay. Masipag. Responsible. Hindi mahilig sa good time, hindi katulad ng ibang mga lalaking estudyante sa apartment building.
May dalawang pagkakataon na nagkasalubong sila sa hallway. Nginitian niya ang binata na gumanti rin naman ng tipid na ngiti. Nahihiya siyang makipag-usap. Hindi rin kasi niya malaman kung ano ang maaaring sabihin. Gustong-gusto sana niyang lapitan si Aiden. Alam na niya kung saang palapag ang kinaroroonan ng apartment nito. Alam din niya ang numero ng pintuan. Alam na rin niya ang mga pangalan ng mga kasama nito sa bahay. Hindi lang talaga niya magawa. Hindi niya maipon ang lakas ng loob na kailangan.
Crush niya si Aiden. Hindi niya gustong tumanghod at tumingin na lang nang palihim. Gusto niyang nagkakausap sila kahit na paano. Gusto niya na mas makilala ito. Gusto rin niya na makilala siya nito. Pero kahit na ano’ng gawin niya ay hindi talaga niya mapilit ang sarili.
Naisip niya na ipaubaya na muna ang lahat sa tadhana. Naisip niya na baka hindi ang pagkakaroon ng lovelife ang kailangan niya sa puntong ito ng buhay niya. Nangako siya sa mga magulang na pag-iigihin niya ang pag-aaral. Hindi maayos ang kanyang mga grado. Bagsak siya sa halos lahat ng exams niya. Aral muna.
Isang araw pagkagaling sa eskuwela ay nadatnan niyang masyadong makalat ang bahay. Hindi na niya inalam kung ano ang nangyari. Akmang sisimulan niya ang paglilinis nang bigla na lang niyang pigilan ang sarili. Sawang-sawa na siya sa ganoon. Hindi na niya hahayaan ang sarili na maging maid sa apartment na iyon.
Dahil alam niyang hindi rin siya mapapakali sa loob ng apartment sa lahat ng kalat na iyon, lumabas na lang siya uli. Ilang sandali na nanatili lang siya sa tapat ng pintuan dahil hindi niya sigurado kung saan pupunta. Kapagkuwan at tinungo niya ang hagdan. Nagtungo siya sa ika-limang palapag. Naroon ang apartment ni Aiden. Kakatok ba talaga siya sa pinto nito? Ano ang sasabihin niya? Paano kung sabihin nitong hindi siya nito gustong makita o makausap? Hindi naman sila close.
Ganap na naglaho ang lakas ng loob na mayroon si Aiyana. Nagtuloy siya sa pag-akyat hanggang sa makarating siya sa rooftop. Pumuwesto siya sa bahaging may mga nakasampay na kumot. Matatakpan siya niyon at mahaharangan ng mga kumot ang araw. Hindi naman na gaanong mainit ang sikat ng araw at malamig ang hangin. Itinaas niya ang hood ng kanyang sweater. Naglagay siya ng libro sa semento bago siya naupo.
Hindi na niya gustong isipin ang kalat sa apartment o ang kagustuhan niyang makausap si Aiden. Kailangan niyang mag-aral. May exam siya bukas at hindi na siya maaaring bumagsak. Kailangan niyang pag-igihan ang pag-aaral.
Binuksan niya ang mga libro at notebook at pilit na itinuon ang buong atensiyon sa mga aralin. Halos kalahating oras din niya iyong nagawa. Masuwerte siya na walang ibang nagtungo sa rooftop sa kalahating oras na iyon. Pero alam niya na mayroon at mayroong magsasampay o kukuha ng sinampay anumang sandali.
Nakarinig si Aiyana ng yabag at hindi muna niya iyon gaanong pinansin. Pilit pa rin niyang itinuon ang atensiyon sa mga aralin.
“Komportable ka ba riyan?”
Napapitlag si Aiyana nang makarinig siya ng isang pamilyar na tinig sa kanyang likuran. Nang lingunin niya ang nagsalita ay nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya mapaniwalaan na kaharap niyang muli si Aiden, kinakausap siya. Hindi rin niya mapaniwalaan na nadatnan siya nito nang ganoon. Mukha ba siyang timang?
Ibinaba ni Aiden ang dala-dalang timba. Wala na yata iyong laman. Naisampay na siguro nito. “Ano ang ginagawa mo rito?” ang tanong pa rin niya. Gusto niyang sabunutan ang sarili pagkatapos. Gusto ba talaga niyang magmukhang tanga sa harapan nito?
Nagkibit ng balikat si Aiden. Tinabihan siya nito ng upo. “Ikaw ang ano’ng ginagawa rito? Mukhang hindi ka naman kukuha ng sinampay.”
“Nag-aaral.” Ibinaba niya ang hawak na libro.
“Bakit dito?” Dinampot nito ang notebook niya at halos wala sa loob na binuklat-buklat.
Nakagat ni Aiyana ang ibabang labi. Nako-conscious siya sa penmanship niya. Hindi rin naman niya maagaw ang notebook. Kahit na paano ay gusto niya ang pagiging kaswal nito sa kanya sa kasalukuyan, ang pakikipag-usap nito. Kahit na parang sasabog na ang kanyang puso sa bilis at lakas ng t***k.
Ibinaba ni Aiden ang kanyang hood na ikinapitlag ni Aiyana. “Bakit dito ka nag-aaral?” ang tanong uli nito.
Tumikhim si Aiyana. Pinilit niya ang sarili na sumagot. “Makalat sa apartment.”
Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Aiden.
“Hindi ako gaanong… uhm… komportable kapag may nakikita akong kalat sa paligid.”
Sa pagkakataon na iyon ay nagsalubong na ang mga kilay ng binata. Hindi yata nito gaanong maintindihan ang kanyang sinasabi.
“Kapag may kalat, hindi ako gaanong nakakapag-focus o nakakapag-aral hanggang sa hindi ako nakapagliligpit o nakakapaglinis. Hindi ako mapakali. Kapag nasa loob ako ng apartment, hindi ako nakakapag-aral kasi nauubos ang oras at energy ko sa pagliligpit.”
Tumango-tango si Aiden. “Kaya ka narito.”
Tumango rin si Aiyana.
Tumayo na si Aiden. “Hindi na kita aabalahin kung gayon.”
“P-pero…” Hindi na nakabuo ng matinong pangungusap si Aiyana dahil nakatalikod na si Aiden. Hindi niya alam kung paano ito pipigilan kaya naman wala na siyang ibang nagawa kundi ang panoorin ang paglayo nito.
Napapabuntong-hininga na ibinalik niya ang atensiyon sa pag-aaral nang ganap na mawala ang binata sa kanyang paningin. Ipinagdasal na lang niya na sana ay magkaroon pa sila ng pagkakataon.
NANG SUMUNOD na araw ay muling umakyat sa rooftop si Aiyana, nagbabakasakali na makita niyang muli si Aiden. Dinala niya ang isang libro na kailangan niyang basahin at bangkito para naman maging komportable siya kahit na paano. Makulimlim nang araw na iyon. Bagsak din ang temperatura. Pumuwesto siya malapit sa railings. Nakapangalumbaba niyang pinagmasdan ang tanawin mula roon.
“Makalat ba uli sa apartment mo?”
Kamuntikan nang malaglag si Aiyana sa kinauupuang bangkito nang marinig niya ang tinig na iyon. Marahas siyang lumingon at tumingala. Hindi na niya napigilan ang pagguhit ng malawak at matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi na niya sinubukang itago ang saya niya na makita si Aiden.
Nagwala ang kanyang puso sa loob ng kanyang ribcage nang ngitian din siya ng binata. Pakiramdam niya ay bigla na lang sumikat ang araw sa bahaging iyon.
“Hi!” ang bati nito habang tinatabihan siya ng upo. Parang hindi nito alintana kung hindi gaanong malinis ang semento na inupuan nito.
“Hi,” ganti niya.
“May dala rin akong libro. Hindi kita gaanong aabalahin kung mag-aaral ka.”
Kahit na alam niyang mahihirapan siyang mag-concentrate, binuksan pa rin ni Aiyana ang kanyang libro. Sinubukan pa rin niyang magbasa at intindihin ang mga salitang dinadaanan ng kanyang mga mata. Paano siya makapagko-concentrate sa kahit na ano kapag katabi niya si Aiden? Kung nararamdaman niya ang init mula sa katawan nito? Kung nasasamyo niya ang panlalaking amoy nito?
Hindi na niya halos namalayan ang paglipas ng mga sandali. Hindi na rin nalipat ang pahina ng librong binabasa niya. Tumikhim si Aiden at tumingin sa kanya. Nahuli siya nitong nakatingin. Imbes na hayaan ang sarili na mahiya at iiwas ang mga mata, ngumiti na lang siya. Ngumiti rin si Aiden at mas nagwala ang puso niya sa loob ng kanyang dibdib.
“Gusto mong magkuwentuhan muna? Break?” ang kaswal nitong sabi.
Sunod-sunod na ang pagtango ni Aiyana hindi pa man natatapos si Aiden sa sinsabi.