“MAY MGA PAGKAKATAON talaga na gusto ko nang umuwi sa amin. Gusto ko talagang pagsisihan ang naging desisyon ko na dito mag-aral. Alam mo kung ano ang naging hatak sa akin ng Baguio? Klima. Gusto kong maranasan naman kung paano manirahan sa malamig na lugar. Pero nakakaloka pala `pag hindi sanay ang katawan mo sa lamig. Akala ko astig na lagi kang naka-sweater katulad ng napapanood ko sa TV. Gusto ko rin talaga sigurong lumayo, makita ang ibang mundo. Hindi ko naman inakala na hindi ko gaanong magugustuhan ang city. Akala ko puro pine trees ang makikita ko at hindi puro building. Kaya third year high school pa lang ako ay kinukulit ko na ang mga magulang ko. Kahit na alam kong mahihirapan silang tustusan ako, nagpumilit pa rin ako. Gumawa ako ng paraan. Kumuha ako ng scholarship sa vice mayor ng bayan namin at pinalad naman ako. May kaunting financial aid pa akong nakukuha buwan-buwan. Iyon nga lang, baka mawala ang scholarship na iyon dahil sa hindi magandang grades na natatanggap ko.
“Noong high school ako, convinced ako na matalino ako. Nang magsimula ako sa kolehiyo, pakiramdam ko ay ang bobo ko. Nakakatanggap ako ng scores na hindi ko inakalang matatanggap ko sa buong buhay ko. Nahihirapan akong intindihin ang ilang mga bagay. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin minsan. Madalas kong sisihin ang mga kalat ng mga kasama ko na minsan ay parang nananadya na pero hanggang kailan ko naman iyon gagawin? Alam ko rin naman deep within na kasalanan ko talaga.”
Nakangiting binigyan si Aiyana ni Aiden ng isang pakete ng tsokolate. Kaagad niya iyong tinanggap. Nasa rooftop uli silang dalawa. Mahigit isang linggo na silang nagkikita sa halos araw-araw. Hindi lang sa rooftop sila nagtatagpo, maging sa labas ng apartment at university. Dalawang pagkakataon na nagkasabay sila sa pagpasok. May isang hapon na nadatnan niya ang binata sa labas ng gate ng university. Kausap nito ang ilang mga kaibigan pero nang makita siya ay sinabayan na siya sa paglalakad pauwi.
Habang tumatagal ay mas nakikilala nila ang isa’t isa. Hindi sila maubusan ng mapagkukuwentuhan. Nalaman niya na pangatlo ito sa anim na magkakapatid. Katulad niya, dahil din sa scholarship kaya nakarating sa Baguio City. Nagtatrabaho ang ama nito sa isang machine shop at nagtitinda sa palengke ang ina nito. May asawa na ang Kuya Ramil nito, ang panganay sa magkakapatid, pero madalas na walang trabaho kaya sa mga magulang pa rin talaga nakaasa. Isang saleslady sa malaking mall ang Ate Mae nito.
“Hindi ko gustong pagsisihan ang naging desisyon ko kasi naging desisyon ko iyon, eh. Sinabi na sa akin ng tatay at nanay ko na kapag nagdesisyon ako ay dapat kong panindigan. Ginusto ko ito kaya dapat lang na panindigan ko. Hindi ako puwedeng umuwi sa probinsiya namin. Hindi ko puwedeng iyakan ang mga magulang ko pagkatapos nilang ibigay ang gusto ko kahit na alam nilang mahihirapan sila. Hindi rin ako makapagsabi sa mga kapatid ko dahil sasabihin nilang ang arte ko, napagbigyan na nga ako at lahat. So kailangan ko lang magtiis. Kailangan kong panindigan ang lahat kasi ginusto ko `to. Pero ang hirap-hirap talaga minsan. Parang hindi ko kakayanin.”
“Maglilimang taon na ako rito sa Baguio. Sanay na ako. Pero noong simula ay mahirap talaga. Hindi rin biro ang naging adjustment ko. Huwag kang gaanong ma-stress dahil sa palagay ko ay normal naman ang nararanasan mo. Hindi ka sanay na may kasamang napakaraming babae sa isang apartment. Hindi pa sanay ang katawan mo sa klima. Paglaon ay hindi mo na rin gaanong alintana ang temperatura. Masasanay ka rin na makasama ang napakaraming tao sa isang apartment. Homesickness. Mahirap kalaban. Noong umalis tayo sa bahay, akala natin ay mas magiging masaya tayo. Kasi nakakairita minsan sa bahay. Nakakainis ang mga kapatid. Nakakasawa ang paulit-ulit na sinasabi ng mga magulang. Nakakasawa ang mga nangyayari at nakikita. Pero pagdating mo rito ay hindi mo inakala na mami-miss mo ang mga bagay at tao na nakasanayan mo. Nahihirapan kang makisama sa iba kasi mas may worst pa pala sa mga kapatid. Hahanap-hanapin mo pala ang pag-aalaga ng mga magulang mo.”
Hindi nakapagsalita si Aiyana. Namamasa ang kanyang mga mata. Tama ang lahat ng sinabi ni Aiden. Homesicked siya. Hinahanap-hanap niya ang pag-aalaga ng kanyang mga magulang. Ang luto ng kanyang ina. Ang sermon ng kanyang ama. Maging ang kasungitan ng ate niya at kadugyutan ng kuya niya ay nami-miss niya.
Tinapik-tapik ni Aiden ang kanyang balikat. “Masasanay ka rin. Halos lahat ay dumadaan sa mahirap na adjustment. Ako noon, naiiyak habang naglalaba ng mga damit ko. Kahit na marami akong trabaho noon sa bahay, hindi naman ako ang naglalaba ng mga damit ko. Ang ate o ang nanay ang nakatoka sa mga labahin. Akala ko madali lang. Mga damit ko lang naman ang lalabhan ko. Nakakapanghinayang naman kung magpapalaba pa ako, `di ba? Hindi ko alam na ang hirap pala. Ang tagal bago ko nakasanayan.”
Napangiti si Aiyana. Hindi dapat siguro pero natatawa siyang talaga sa ibinahagi nito sa kanya. Hindi niya gaanong ma-imagine ang hitsura nitong umiiyak habang naglalaba.
“You’ll be okay,” ang sabi nito sa kanya sa napakabanayad na tinig. Nang tumingin si Aiden sa kanya ay banayad din ang ngiting ibigay nito. Parang nanunuyo ang mga matang nakatingin.
“S-salamat.” Hindi na siguro niya kailangan pang sabihin na isa ito sa mga taong nagpapadali ng kanyang buhay sa lungsod na iyon. Nagkakaroon na siya ng dahilan na mapangiti at maging masaya araw-araw.
“Walang anuman. Kung kailangan mo ng kahit na anong tulong magsabi ka lang. Kung kaya ko naman ay tutulungan kita. Huwag ka nang ganoong mag-isip. Huwag kang gaanong magplano sa pag-uwi sa inyo. Masaya rito. Magiging masaya ka rin dito. `Andito pa ako.”
Mas lumapad na ang ngiti ni Aiyana. Tama. Naroon ang binata. May dahilan siya para manatili. May dahilan siya para maging masaya sa lugar na iyon. Ramdam na ramdam niya ang paglago ng pagmamahal sa puso niya para kay Aiden. Iyon ang unang pag-ibig na kanyang naramdaman. Ganoon pala ang pakiramdam.
Masarap. Masaya. Parang nakalutang palagi sa alapaap ng kaligayahan. Palagi siyang napapangiti. Inspirado siya sa lahat ng bagay.
Hiling niya na sana ay ganoon din ang nararamdaman ni Aiden para sa kanya.