4

1205 Words
NATIGILAN SI Aiyana pagpasok niya sa loob ng silid nila. Sigurado naman siya na hindi siya nagkamali ng silid na pinasok. Sigurado rin siya sa hitsura ng kama niya na iniwan kaninang umaga. Nagsalubong ang kanyang kilay na sinimulan niyang muli ang paghakbang. Hinawakan niya ang kulay pink na kurtina na nakapaikot sa kanyang bunk. Sigurado siya na wala iyon kanina. Ni hindi niya naisip na lagyan nang ganoon ang bunk niya. Bigla siyang sinalakay ng kaba. May umagaw ba ng kama niya? May kumuha ba ng lugar niya at inilipat siya sa kung saan? Hindi iyon maaari! Hindi siya papayag. Hinawi niya ang kurtina. Muling nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makitang ang pamilyar na unan at bedsheet pa rin niya ang naroon. Bukod sa isang study lamp na hindi niya kilala, mga gamit pa rin niya ang naroon. “Inilagay kanina iyan ng boyfriend mo. Binantayan siya ni Kuya Abe.” Nilingon ni Aiyana si Fran na hindi niya namalayang nasa bungad na ng pintuan. Sa kabilang silid ang babae. Si Fran ang tanging maituturing niyang kaibigan sa apartment na iyon. Hindi ito makalat at ang tanging tumutulong sa kanya sa mga ligpitin sa bahay na iyon. Ang Kuya Abe na tinutukoy nito ay ang all-around boy ng kanilang landlady. Kapag may kailangan sila tungkol sa bahay kagaya ng repairs ay si Kuya Abe ang kanilang nilalapitan muna. May mga pagkakataon din na ang lalaki ang naniningil ng renta at bayad nila sa kuryente. “Boyfriend?” ang nagtatakang sabi niya. Lumabi si Fran. “Maang-maangan pa ito. Iyong lalaking lagi mong kasama. Mukhang close sila ni Kuya Abe. Narinig ko silang nag-uusap. Surprise raw niya sa `yo ang kurtina.” “Si Aiden? Hindi ko siya boyfriend.” Umiling-iling si Fran. “At hindi ako naniniwala. Ang suwerte mo, loka.” Mabilis ang pag-ahon ng ligaya sa kanyang dibdib. Tumingin siya sa kurtina at kaligayahan lamang ang kaya niyang maramdaman. Siguro ay simpleng gesture lang iyon na maituturing ng ibang babae pero para sa kanya ay napakalaking bagay niyon. Hindi lang iyon basta kurtina. Mas higit ang katumabas niyon sa isang dosenang bulaklak. Mabilis niyang itinext si Aiden. Alam niya ang schedule nito sa araw-araw. Alam niya na wala pa ang binata sa apartment nito. Inabangan niya sa may hagdan si Aiden para makapagpasalamat nang personal. Hindi naman siya gaanong nagtagal sa paghihintay. Kaagad siya nitong ginawaran ng magandang ngiti nang makita siya. Hindi na hinayaan ni Aiyana ang sarili na mahiya, sinugod niya ng yakap si Aiden. “Maraming thank you,” ang sabi niya. Natatawang gumanti ng yakap si Aiden. “Ngayon ay hindi ka na mahihirapan na deadmahin ang mga kasama mo at mga kalat nila. Hindi mo sila makikita kapag natatakpan ka na ng kurtina. Makakapag-focus ka na sa pag-aaral.” Mas humigpit ang pagkakayakap ni Aiyana kay Aiden. “Maraming salamat talaga!” Hindi lang ang kurtina ang ipinagpapasalamat niya. Mas ipinagpapasalamat niya ang pagiging thoughtful nito. Noon lang may gumawa nang ganoon para sa kanya. Noon lang talaga inisip ang kapakanan niya ng isang taong hindi niya magulang o kapamilya. “Walang anuman. Kahit na ano para sa `yo. Lakas mo sa akin, eh.” Lomobo ang puso ni Aiyana sa narinig. Kahit na ano para sa kanya. “Gusto ko na maging madali ang mga bagay-bagay para sa `yo. Gusto ko na maging masaya ka.” “Masaya naman ako kasi andito ka.”   “KAPAG NILIGAWAN ba kita, sasagutin mo ako?” Natigil si Aiyana sa pagnguya ng nilagang mais na binili ni Aiden para sa kanya. Ilang sandali muna ang lumipas bago niya naiproseso kahit na paano sa kanyang utak ang narinig niya mula sa binata. Dahan-dahan siyang napatingin kay Aiden. Napakurap-kurap. Napansin niya na kahit na nakangiti, mababakas pa rin ang kaba at takot sa mukha nito. “H-hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong na iyan,” ang tapat na tugon ni Aiyana. Iniiwas niya ang mga mata pagkatapos. Tumingin siya sa paligid ng Burnham Park. Pareho silang walang pasok nang hapon na iyon. Maganda ang panahon kaya naman niyaya siya nitong maglakad-lakad sa parke. Hindi iyon ang unang pagkakataon na tumambay sila sa park. Madalas nila iyong gawin. Maglalakad-lakad lang sila at kakain ng strawberry taho at nilagang sweetcorn. Labis na ikinaliligaya ni Aiyana ang ginagawa nilang ganoon. Labis na kinasasabikan ng kanyang puso ang bawat pagkakataon na makasama nang ganito si Aiden. Gabi-gabi ay hinihiling niya na sana ay pareho sila ng nararamdaman, sana ay magtapat na ito sa kanya. Ngayong nangyayari na ang ipinagdasal niya ay hindi naman niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung paano pakikitunguhan ang sitwasyon. Hindi niya alam kung paano paniniwalain ang sarili. Tumikhim si Aiden makalipas ang ilang sandali. “Pag-isipin mo muna ang tanong.” “Paano ko ba sasagutin ang tanong na iyan? Paano ko ba pag-iisipan?” Hindi kaagad nakatugon si Aiden. Parang sandali muna nitong pinag-isipan ang sasabihin. “Alam mo bang walang naniniwala sa tuwing sinasabi kong magkaibigan lang tayo?” Hindi na gaanong ikinagulat ni Aiyana ang bagay na iyon. Maging siya ay hindi pinaniniwalaan ng mga tao sa tuwing sinasabi niya na magkaibigan lamang sila ni Aiden. Minsan nga ay hindi na nagtatanong ang mga ito. Inaakala na lang ng lahat na boyfriend niya si Aiden. Palagi kasi silang magkasama sa lahat ng libreng oras na mayroon sila. Kapag hindi magkasama ay magka-text sila. Wala silang sawa sa pakikipag-usap sa isa’t isa. “So liligawan mo `ko dahil pinaniniwalaan ng lahat na girlfriend mo na ako?” ang tanong ni Aiyana. Hindi niya iyon gaanong ikinatutuwa. “Uncomplicated at halos sigurado na kaya sige na lang, gan’on?” “Siyempre hindi.” Marahas na napabuntong-hininga si Aiden. “Alam mo naman na may nararamdaman ako sa `yo.” “Alam ko?” Tumingin si Aiyana kay Aiden. Tumikwas ang isang kilay niya. Baka naman alam nito kung ano ang nararamdaman niya kaya tinatanong siya nito tungkol sa panliligaw. Sinalubong ni Aiden ang kanyang mga mata. “Naniniwala ka ba talaga na pagkakaibigan lang ang dahilan ng paglapit at pagdikit ko sa `yo? Sa palagay mo talaga ay platonic ang nararamdaman ko para sa `yo? Kahit na paano ay nahalata mo naman siguro. Kahit na paano ay nakita mo na hindi lang kita gustong maging kaibigan.” Nanikip ang dibdib ni Aiyana. Siguro nga ay alam niya kahit na paano na hindi lang sila basta magkaibigan. Alam niya na hindi ginagawa ng tipikal na magkaibigang lalaki at babae ang kanilang ginagawa. Kailangan lang niyang marinig ang mga salita mula kay Aiden. “So bakit ang tanong mo, eh, sasagutin ba kita kung manliligaw ka? Bakit parang gusto mong maging safe at sigurado muna? Sagot muna bago panliligaw? Bakit hindi ka na lang manligaw nang malaman mo ang sagot?” ang hamon ni Aiyana. May parte sa kanya ang hindi makapaniwala na nasabi niya ang mga kataga na iyon nang hindi nauutal. Nagliwanag ang mukha ni Aiden. Gumuhit ang magandang ngiti sa mga labi nito. “Puwede kitang ligawan?” Nahihiyang tumango si Aiyana. Nagbubunyi ang kanyang puso. Nagkaroon ng katuparan ang pangarap niya. Magiging lubos ang kaligayahan nilang dalawa na magkasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD