DAHAN-DAHAN NA inilapit ni Aiyana ang mukha sa mukha ni Aiden. Nahihimbing ang binata sa sala. Nakatulugan na nito ang ginagawang model. Part-time job nito ang paggawa ng mga model para sa mga taong nangangailangan. Mahusay ang binata sa ganoon.
Pinapasok siya ng roommate nito. Kilala na siya ng lahat ng naroon. Minsan ay natatawa at nababaghan siya sa tuwing nakakapasok siya sa apartment nina Aiden. Mas malinis pa iyon kaysa sa apartment nila sa ibaba. Parang mas maluwang din dahil walang gaanong abubot ang mga lalaki. Lumabas ang roommate ni Aiden na nagpatuloy sa kanya. Sinabi rin nito na sarili nilang dalawa ni Aiden ang apartment sa kasalukuyan. Mabilis na nag-init ang kanyang mukha pero may bahagi sa kanya ang natuwa at nagbubunyi.
Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mukha nito nang ganoon kalapit. Hindi yata niya pagsasawaan ang pagtitig sa mukhang iyon. Habang tumatagal ay mas nagiging guwapo si Aiden sa kanyang paningin. Habang tumatagal ay mas napapamahal ang binata sa kanyang puso. Minsan nga ay hindi na niya alam ang gagawin sa umaapaw na pagmamahal na iyon.
Palagi siyang masaya dahil kay Aiden. Iba ang kaligayahan na dulot ng panunuyo nito, mga paglalambing. Inihahatid at sinusundo siya ni Aiden sa unibersidad kung libre ito. Ginagawan talaga nito ng paraan na makasama siya kahit na alam niya na masyado itong abala dahil huling semestre na nito sa kolehiyo. Binibigyan siya nito ng bulaklak at mga mumunting bagay na alam nitong magugustuhan niya. Kapag ay oras ay ipinagluluto pa siya nito. Masyado na kasi siyang nawiwili sa processed at canned foods. Tamad siyang magluto at mas kinatatamaran niya ang pagpila sa kalan.
Inilabas na rin siya nito at dinala sa isang semi-fancy restaurant. Iyon ang kanyang unang date. Ilang linggo na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay kinikilig pa rin siya.
Hindi naman sa nagpapakipot siya. Lalong hindi sa nagmamaganda siya. Hindi pa niya sinasagot si Aiden dahil hindi niya alam kung paano. Hindi niya alam kung paano sasabihin na oo ang sagot niya dahil hindi naman na siya nito tinatanong. Alam niyang sinusuyo siya nito pero hindi demanding na manliligaw si Aiden. Hindi nagtatanong maya’t maya kung kailan niya ito sasagutin. Hindi ito nagtatanong kung nasaan na ang estado ng panliligaw nito. Basta nanunuyo at naglalambing lamang ang binata.
Perpekto nang maituturing si Aiden pero nakaka-frustrate rin na hindi pa opsiyal ang relasyon nila. Hindi niya sigurado kung sino ang sisisihin niya kung bakit ganoon.
Biglang nagmulat ng mga mata si Aiden. Labis na nagulat si Aiyana. Pakiramdam niya ay nalaglag ang kanyang puso. Bago pa man niya mailayo ang kanyang mukha ay nadampian na ni Aiden ng halik ang kanyang mga labi.
Nanlaki ang kanyang mga mata at ilang sandali na hindi niya mapaniwalaan ang nangyari. Ilang sandali na hindi siya nakagalaw. Kapagkuwan ay napakurap-kurap siya. Nakangiti si Aiden pero nasa mga mata rin nito ang munting pag-aalala.
“I love you,” ang pabulong nitong sabi.
Hindi na kailangan pang mag-isip ng tugon ni Aiyana. Hindi na niya kailangan pang magpalipas nang ilang sandali. Walang saysay para patagalin pa ang pagsasabi niya ng mga kataga pabalik. Ngumiti siya. “I love you, too.”
Umayos ng upo si Aiden sa sofa. Banayad siya nitong hinila palapit upang makaupo siya sa tabi nito. Hindi naghiwalay ang kanilang mga mata. Sinapo ng dalawang kamay nito ang kanyang mukha. “Wala na akong ibang babaeng mamahalin kundi ikaw.”
Lubos na pinaniwalaan ng puso ni Aiyana ang sinabing iyon ni Aiden. Muling nagtagpo ang kanilang mga labi. Totoo pala ang sinabi ng iba. Napakatamis ang halik mula sa minahal. Napakatamis ng unang pag-ibig.
NAPAHAWAK SI Aiyana sa ulo ni Aiden nang bumaba ang mga labi nito sa kanyang leeg. Kagat-kagat niya ang ibabang labi upang mapigilan kahit na paano ang pag-alpas ng ungol mula sa kanyang lalamunan. Nahanap ni Aiden ang sensitibong bahagi sa kanyang leeg. Halos ikabaliw niya ang ginagawa ng mga labi at dila nito sa bahaging iyon.
Nasa silid sila ni Aiden. Naiwan silang muli sa apartment. May lakad ang mga kasama nito. Niyaya silang sumama pero mas pinili nilang tumanggi at manatili. Siyempre ay sinamantala nila ang pagkakataon.
Napasinghap si Aiyana nang sakupin ng kamay ni Aiden ang isa niyang dibdib. Hindi halos niya namalayan na pumaloob na ang kamay ng nobyo sa kanyang blusa. Hindi rin niya namalayan na nakalas na nito ang kanyang bra. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nangyari iyon. Patuloy ang mabilis na pagtaas ng temperatura ng kanyang katawan. Parang hindi niya kakayanin ang sensasyon na nararamdaman.
Umangat ang ulo ni Aiden. Sinakop uli ng mga labi nito ang kanyang mga labi. Wala na silang ginawa mula nang mapag-isa sila kundi ang hagkan ang isa’t isa. Alam nila na medyo mapanganib na ang ginagawa nila pero hindi nila mapigilan ang kanilang mga sarili. Hindi nila mapigilan ang kapusukan kahit na alam nila ang mga maaaring maging konsekuwensiya. Hindi nga siya makapag-isip nang matino habang hinahagkan siya ni Aiden.
Muling bumaba ang mga labi nito sa kanyang leeg. Dumaan sa isipan niya na baka mag-iwan ito ng marka sa kanyang balat. Hindi nga lang niya iyon gaanong napagtuunan ng pansin dahil mas bumaba pa ang mga labi nito. Nang magbaba siya ng tingin ay nalaman niya na nakataas ang laylayan ng suot niyang blusa. Nagsimula na niyang maramdaman ang panic.
Itinulak ni Aiyana si Aiden. Ilang sandali muna ang lumipas pero tumigil ang binata sa ginagawa. Marahas ang paghinga nito. Alam niya na sinisikap nitong kalmahin ang sarili. Iyon din ang kanyang ginagawa. Inilayo ni Aiden ang katawan sa kanya kapagkuwan.
“I’m sorry,” ang pabulong na sabi ni Aiyana. Mahal niya si Aiden pero hindi pa siya handa sa napakaraming bagay.
Nginitian siya ni Aiden. “Ako ang dapat na humihingi ng sorry. Sorry na hindi ko maagang napigilan ang sarili ko.”
Ikinatutuwa niya na nauunawaan siya nito kahit na wala siyang gaanong sinasabi. Alam nito ang mga bagay na kaya at hindi pa niya kayang ibigay. Alam naman niya na si Aiden ang magiging una sa lahat sa buhay niya pero wala namang masama kung maghihintay sila.
“I love you,” ani Aiyana.
Mabilis ang naging pagtugon ni Aiden. “I love you more.”