“HINDI BA DAPAT ay maging masaya ka muna sa graduation mo bago mo pagkaabalahan ang ibang bagay?” ang sabi ni Aiyana kay Aiden sa abala ang mga daliri sa pagtipa sa keyboard ng computer. Nasa computer shop sila na malapit sa kanilang apartment building. Gumagawa ng resume ang kanyang boyfriend. Sisimulan na kaagad nito ang pamumudmod niyon kahit na tatlong araw pa bago ang graduation nito.
“Gusto kong makahanap kaagad ng mapapasukan para sa internship ko,” ang tugon ni Aiden habang hindi tumitingin sa kanya.
“Hindi ka magbabakasyon kahit na ilang araw lang? Hindi ka uuwi sa inyo?”
Umiling si Aiden. “Hindi na muna. Kailangan talaga ay makahanap na ako ng trabaho. Ayokong mag-aksaya gaano ng panahon.”
Nauunawaan niya ang pagmamadali nito. Gusto nitong makatulong kaagad sa pamilya nito na labis na nahirapan sa pagpapaaral dito at sa mga kapatid nito. Ang dalawang nakababatang kapatid nito ay nasa kolehiyo na. Ang bunso ay nasa huling taon na ng high school. Kailangan na nitong makapag-ambag para sa gastusin ng pamilya.
“Pero excited ka para sa graduation mo?”
Noon siya nilingon ni Aiden at nginitian. Hindi na niya kailangan ng verbal na sagot sa tanong niya. Nakikita na niya ang umaapaw na kaligayahan sa buong katawan nito. Kumikinang ang mga mata nito. Ang lapad at ang tamis ng ngiti sa mga labi nito.
“Ikaw, excited ka nang makilala ang future in-laws mo?”
Hindi natawa si Aiyana sa sinabi ni Aiden. Nang maalala niya na makikilala niya ang mga magulang ng boyfriend sa graduation nito ay hindi niya maiwasan na makaramdam ng kaba at takot. Siyempre ay gusto naman niya na maipakilala sa mga magulang nito. Pakiramdam niya ay mas naging seryoso ang relasyon nila. Iyong “in-laws” na biro nito ay nagpapaligaya rin ng isang bahagi ng kanyang puso. Parang sinasabi nito sa kanya na siya na ang gusto nitong makasama habang-buhay, siya ang babaeng pakakasalan nito. Pero hindi pa rin mawala sa dibdib niya ang takot at pangamba. Paano kung hindi siya magustuhan ng pamilya nito? Ano ang gagawin niya?
Wala siyang maisip na sagot sa mga tanong na iyon. Ni hindi pa niya alam kung paano niya pakikitunguhan ang mga magulang ni Aiden.
Inabot ni Aiden ang kanyang kamay at banayad na hinagkan. “Magiging maayos ang lahat. Mamahalin ka nila kagaya ng kung paano kita mahal.” Kinindatan pa siya nito.
Kahit na paano ay gumaan ang pakiramdam niya sa narinig pero hindi talaga gaano. Umasa at nagdasal na lang siya na sana ay tama ang boyfriend.
“Magiging maayos ang lahat,” ang pag-uulit ni Aiyana. Wala namang dahilan para hindi maging maayos ang lahat sa pagitan nila. Patuloy nilang minamahal ang isa’t isa. Ramdam niya ang paglalim ng pag-ibig sa paglipas ng mga araw. Masaya sila sa relasyon nilang dalawa. Katulad din sila ng ibang couple na nagkakaroon ng munting away paminsan-minsan pero palagi silang nagkakaayos. Hindi nagtatagal ang mga away na iyon.
Nauunawaan nila ang isa’t isa. May mga plano sila para sa hinaharap. Para sa mga sarili nila at pamilya. Para sa kanilang dalawa na magkasama.
“Magkakaroon ako ng magandang trabaho. Makakapasa ako sa exam. Makakapasok ako sa malaking firm. Magpapakasal tayo. Magkakaroon ng mga anak. Bibigyan ko kayo ng magandang buhay.”
Bahagyang namasa ang mga mata ni Aiyana sa labis na kaligayahan. Walang palya. Palagi siyang ganoon sa tuwing sinasabi sa kanya ni Aiden ang mga plano nito para sa kanila sa hinaharap. Masarap isipin ang mga magagandang mangyayari sa kanila. Napakasarap mangarap. Parang masyadong sigurado ang kanilang mga puso na sila na ang para sa isa’t isa. Wala ng ibang pag-ibig ang maaari nilang maramdaman sa iba.
Palagi na lang tahimik na nangangako ang puso ni Aiyana na si Aiden lang ang mamahalin ng kanyang puso habang-buhay.
KAAGAD NA naramdaman ni Aiyana na hindi siya gaanong gusto ng Ate Mae ni Aiden. Mabait ang mga magulang nito sa kanya. Nginitian siya ng mga ito nang pormal siyang ipakilala ng boyfriend. Tinanong siya ng ilang bagay na sinagot naman niya. Ramdam niya ang pagtanggap ng mga ito sa kanya kahit na noon lang sila nagkaharap.
Hindi nga lang niya magawang maging masaya dahil iba ang nararamdaman niya mula sa Ate Mae ni Aiden. Masama ang tingin nito sa kanya. Ayaw siya nitong kausapin. Nagpasya siya na huwag na munang gaanong pansinin iyon. Baka naman pagod lang ito sa biyahe. Baka naman talagang ganoon ka-protective ang babae sa kapatid. Hindi mahalaga ang discomfort na kanyang nararamdaman. Ang tanging mahalaga nang araw na iyon ay ang kaligayahan ni Aiden.
Pagkatapos ng graduation ceremony ay nagtungo sila sa apartment ni Aiden. Nagluto ang nanay nito at naimbitahan ang ilang kaibigan. Masaya ang lahat. Hawak-hawak ni Aiden ang kanyang kamay at halos ayaw siyang pakawalan. Mas tumatalim ang mga mata ng ate nito habang tumatagal kaya nagpasya siyang bitawan na muna ang kamay nito at tumulong sa nanay nito.
Nang matapos maghugas ng pinggan si Aiyana ay nagpasya siyang ilabas ang isang bag ng basura para hindi nakahambalang doon. Pababa na siya nang bigla siyang matigilan dahil narinig niya ang galit na tinig ni Aiden sa distansiya. Halos wala sa loob na umatras siya para magtago. Nasa hagdan si Aiden kasama ang Ate Mae nito.
“Hindi mo kailangang tratuhin nang ganoon ang girlfriend ko, Ate!” ang naiinis na sabi ni Aiden sa kapatid.
“Oo, tama ka. Hindi ko lang mapigilan ang sarili ko. Naiinis ako sa kanya. Nagagalit.” Mababakas sa tinig nito ang nararamdaman, hindi na nito kailangang ipagdiinan masyado.
Parang mariing pinisil ang kanyang puso.
“Wala siyang ginawang masama sa `yo.”
“Tama ka uli. Wala siyang ginawang masama sa akin. Siguro nga ay hindi ako dapat na magalit sa kanya. Siguro ay sa `yo ako dapat na magalit.”
“Ate, ano ba ang nangyayari sa `yo?”
“Pagod na ako, Aiden! Iyon ang nangyayari. Pagod na pagod na pagod na ako. Wala na akong ginawa kundi ang magtrabaho at rumaket para sa pamilyang ito! Pagod na ako. Dapat ay masaya ako ngayon dahil tapos ka na. Matutulungan mo na ako. Hindi na lang ako ang hihingan sa tuwing kailangan ng pambayad ng ganito at ganoon. Tapos ka na. Makakapagtrabaho ka na. Pero imbes na iniisip mo ang pagtulong sa akin sa pagtustos sa mga pangangailangan ng mga kapatid natin, heto ka. Lumalandi. Plano mo bang gayahin si Kuya, ha? Pagkatapos pag-aralin ay nakabuntis?”
“Ate…” Bumaba ang tinig ni Aiden.
Nagbaba rin ng ulo si Aiyana. Naglaho ang inis at sama ng loob na kanyang nararamdaman. Nauunawaan naman niya kung bakit ganoon na lang ang trato nito sa kanya. Kahit na paano ay naiintindihan niya ang pinanggagalingan nito.
“Ang sabi mo sa akin, tutulungan mo `ko.”
“Tutuparin ko ang pangako ko sa `yo, Ate. Tutulungan kita. Maniwala ka sa akin. Magtiwala ka sa akin.”
“Sinabi mo na hindi ka maggi-girlfriend habang nag-aaral.”
“Tapos na ako, Ate,” ani Aiden sa munting tinig, halos hindi umabot sa pandinig ni Aiyana.
“Ang sabi mo ay hindi mo gagayahin ang Kuya.”
“Hindi ako si Kuya. Hindi ko gagawin iyon kina Nanay at Tatay.”
“Sigurado ka ba? Alam mo ba ang mangyayari sa hinaharap? Marami ring ipinangako ang kuya kina Nanay at Tatay. Pilit na iginapang ang pag-aaral niya sa Maynila dahil siya ang panganay. Siya ang lalaki. Umasa tayong lahat sa kanya. Umasa tayo na magkakaroon siya ng magandang trabaho at matutulungan niya tayong lahat sa pag-aaral natin. Tumigil ako para makapagpatuloy siya. Ang sabi niya sa akin paaaralin niya ako. Ano ang nangyari? Hindi pa man siya tapos ay buntis na ang girlfriend niya. Nagpakasal sila. Nakapagtapos siya at nakahanap ng trabaho. Pero hindi siya makapagbigay sa atin dahil dalawa na ang anak niya at nag-uumpisa na sa eskuwela ang isa. Ang lahat ng kinikita niya ay napupunta sa pamilya niya, sa pamilya ng asawa niya dahil doon sila nakapisan. Hindi ako nakapagpatuloy ng pag-aaral dahil kailangang mas i-prioritize ang pag-aaral mo. Natanggap ka sa isang magandang university. Nakakuha ka ng scholarship. Matalino ka. Lalaki ka. Alam mo kung gaano kahirap marinig ang mga iyon mula sa mga magulang natin? Masama ang loob ko kasi gusto kong mag-aral. Pero sabi mo ay ikaw ang bahala kapag tapos ka na. Kahit na pagod na pagod na pagod na ako, nagtitiis ako sa pagtatrabaho para sa inyo. Kasi ikaw ang bahala kapag nakatapos ka. Ngayon ay ipapakilala mo `ko sa girlfriend mo? Wow naman talaga. Hanep naman ang suwerte ko.”
“Ate…”
Hindi na hinayaan ni Aiyana ang sarili na patuloy na makinig. Nanikip ang kanyang dibdib at namasa ang kanyang mga mata. Mas naintindihan na niya ang dahilan ng inis ng ate ni Aiden. Naawa siya sa babae. Alam niya na hindi madali ang pinagdaanan nito. Alam niya na mahal nito ang kapatid pero hindi rin maiwasan na makaramdam ito ng sama ng loob.
Ipinangako ni Aiyana na mas magiging responsible sila ni Aiden sa relasyon nila. Hindi sila magpapadaig sa tukso at kapusukan. Mag-iingat sila nang husto. Kailangan niyang tulungan ang boyfriend na matupad ang pangako nito sa pamilya. Kailangan din niyang tuparin ang mga pangako niya sa pamilya. Hindi sila maaaring magpabaya. Magiging maayos pa rin ang lahat.
LABIS NA IKINATUWA ni Aiyana ang pagkatanggap ni Aiden sa isang malaking architectural firm. Ang internship na iyon ang talagang gustong makuha ng boyfriend. Isa ang firm sa pinakamalaki at pinakakilala sa buong bansa. Nasa Maynila ang main office niyon pero sa regional office magtatrabaho si Aiden. Medyo malaki-laki rin ang makukuha nitong sahod kumpara sa ibang firm.
“Pag-iigihan kong talaga para ma-absorb nila ako. Nagpapadala sila ng mga architect sa ibang bansa alam mo ba,” ang sabi ni Aiden habang kumakain sila ng tanghalian sa kanyang apartment. Puno ng kasiyahan at pananabik ang buong mukha nito.
Nakangiting tumango si Aiyana kahit na hindi niya gaanong nagustuhan ang huling sinabi nito. Nag-aalala na nga siya na baka maipadala si Aiden sa Maynila at maiwan siya roon. Alam niya na hindi siya maaaring mag-inarte sa puntong ito ng kanilang buhay. Nakita niya na labis na nahirapan si Aiden sa naging komprontasyon ng ate nito. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin gaanong nag-uusap ang dalawa. Gustong-gustong patunayan ni Aiden ang sarili sa ate nito. Dapat lang naman kaya kailangan niyang maging supportive. Hindi na niya dapat bigyan ng anumang alalahanin ang boyfriend. Sa ngayon ay hindi gaanong mahalaga ang feelings niya.
“I’m sure mai-impress sila sa husay mo,” ani Aiyana. “Hindi puwedeng hindi. Ang galing-galing mo kaya.” Pinisil pa niya ang pisngi ni Aiden.
Hindi lang iyon bola, sa totoo lang. Hindi lang niya sinasabi dahil boyfriend niya ito. Talagang mahusay si Aiden. Halos lahat ay nagsasabi niyon. Matalino ito at masigasig. Nagtapos si Aiden with honors. Narinig niyang sinabi ng ilang professor nito na may likas itong talento. Malaki ang potensiyal nito. Masyadong maliwanag ang hinaharap ni Aiden.
Hindi niya hinayaan na umahon ang insecurity sa kanyang dibdib. Hindi rin niya hinayaan ang sarili na mag-isip ng mga negatibong bagay. Ang tanging mahalaga sa ngayon ay magkasama silang dalawa at mahal nila ang isa’t isa.
Inabot ni Aiden ang kanyang kamay at hinagkan. Nginitian siya nito nang banayad. “I love you.”
“I love you more.” Umapaw ang pag-ibig sa kanyang dibdib. Gusto sana niyang hagkan ang boyfriend sa mga labi pero nahiya siya. Mula noong graduation nito ay hindi na siya nito hinagkan sa mga labi. Hindi na sila naging mapusok. Hindi na sila napapag-isa sa isang silid. Alam ni Aiyana na labis lang nag-iingat si Aiden. Nauunawaan niyang talaga. Minsan ay nahihiya pa siya sa sarili niya na naghahangad siya ng physical contact. Parang hindi tama na masyado siyang mag-asam. Pero naghahanap siyang talaga ng paglalambing minsan kahit na paulit-ulit niyang sabihin sa sarili na naiintindihan niya.