NANG SUMUNOD na mga araw ay hindi gaanong nakakasama ni Aiyana si Aiden. Naging abala ang boyfriend sa trabaho nito kaya hindi niya gaanong alintana. Base sa mga kuwento nito kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay parang nagiging utusan sa firm si Aiden. Hindi naman ito nagrereklamo dahil marami naman daw itong natututunan. Ganoon daw talaga sa simula. Dahil nga intern lang ay puro mga maliliit na trabaho muna ang ginagawa nito. Mapapatunayan din nito ang sarili at mabibigyan ng mas malaking responsibilidad.
Naging abala rin si Aiyana sa kanyang pag-aaral. Pinagbubuti niya ang pag-aaral para hindi rin niya ma-disappoint ang kanyang mga magulang. Hindi ganoon kataas ang grades niya pero hindi rin naman siya bumabagsak. Dahil sa nakikitang pagpupursige ni Aiden, naisip niya na hindi dapat siya makontento sa puwede na na grado. Kailangan din niyang maging mahusay.
May mga pagkakataon na nami-miss niya nang husto si Aiden pero hindi siya gaanong makapag-demand ng oras nito. Hindi tama. Nangako siya na hindi siya magiging masyadong needy o clingy. Magiging supportive girlfriend na lang siya.
Kahit na gayon, nalungkot pa rin siya nang ma-miss ni Aiden ang anniversary nilang dalawa. Hindi naman nito nakalimutan. Kinailangan lang nitong mag-overtime. Mas nabibigyan na ito ng responsibilidad. Mas pinagkakatiwalaan na sa mas maraming trabaho.
Sinabi ni Aiyana sa sarili na hindi naman iyon big deal. Magkakaroon pa sila ng maraming anniversary sa hinaharap. Hindi niya kailangang malungkot masyado. Lalong hindi dapat sumama ang loob niya kay Aiden. Hinayaan pa rin niyang umiyak ang sarili, gayumpaman. Kailangan lang niyang paluwangin ang paninikip ng dibdib at nakatulong kahit na paano ang pag-iyak niya.
Sinikap namang bumawi ni Aiden nang weekend na iyon. Simple lang ang naging selebrasyon nila. Naglakad-lakad sila sa Burnham Park. Nakalimutan niya ang sama ng loob niya, ang naging pag-iyak niya. Ang mahalaga ay magkasama silang dalawa. Magkahawak ang kanilang kamay at naglalakad-lakad. Ramdam nila ang pagmamahal ng isa’t isa.
“Pasensiya ka na kung hindi kita nabilhan ng regalo,” ani Aiden sa munting tinig, nahihiya. “May naitabi ako kaso nangailangan ang mga kapatid ko kaya ipinadala ko ang halos lahat ng pera ko sa kanila. H’wag kang mag-alala, sa suweldo—“
“Okay lang, ano ka ba? Wala rin naman akong regalo sa `yo. Ginastos ko sa project ang pambili ko dapat.” Nagsisinungaling si Aiyana. Ang totoo ay nakabili siya ng relo. Halos anim na buwan din niya iyong pinag-ipunan. Tinipid niya nang husto ang sarili para mabilhan ng relo si Aiden. Nasa bag niya iyon at plano sana niyang ibigay. Nagbago lang ang isip niya sa nakikita at naririnig niya ngayon mula sa boyfriend.
Hindi naman sa umaasa siya ng kapalit. Binili niya ang regalo na hindi umaasang maaabutan din siya ng regalo. Kilala lang niya si Aiden. Kapag natanggap nito ang regalo sa kanya, labis itong mahihiya. Baka gawan nito ng paraan na mabigyan siya ng regalo dahil nagbigay siya. Hindi niya gustong pahirapan pa nito ang sarili. Alam niya ang mga kailangan nitong gawin para sa pamilya nito.
Inakbayan siya nito ay hinila palapit. Hinagkan nito ang kanyang sentido. “Babawi ako sa `yo, promise.”
“Kahit na hindi na. Okay lang naman, promise.” Banayad niyang tinapik-tapik ang dibdib nito. “Hindi ko kailangan ng mga regalo. Ang mahalaga lang naman sa akin ay mahal mo `ko. Ipangako mo lang na mananatili mo akong mahal kahit na ano ang mangyari, sobra-sobra na para sa akin.” Mariin niyang nakagat ang ibabang labi. Bahagya siyang nahihiya dahil sa mga sinabi. Masyado yata siyang naging corny. Pero hindi niya binawi ang sinabi dahil totoo naman kahit na medyo corny talaga.
Muling hinagkan ni Aiden ang kanyang sentido. Nagpasalamat siya na hindi siya nito pinagtawanan. “Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko, Aiyana.”
Masayang-masaya na si Aiyana sa narinig. Hindi na siya maghahangad ng iba pang bagay. Iyon lang talaga ang kailangan niya.
NIYAKAP NI AIYANA ang sarili. Makapal na ang suot niyang sweater pero masyadong mababa ang temperatura nang gabing iyon. Disoras na ng gabi. Nasa labas siya dahil inaabangan niya ang pag-uwi ni Aiden. Alam niya na hindi niya iyon kailangang gawin pero miss na miss na talaga niya ang boyfriend. Gusto niya itong makita kahit na sandali lang. Mas nagiging abala si Aiden sa trabaho nito. Maraming pagkakataon na gusto na niyang magreklamo pero maraming pagkakataon din niyang pinagsasabihan ang sarili na hindi dapat. Kailangan pa niyang mas unawain ang kaabalahan ni Aiden. Kailangan niyang mas maging pasensiyoso. Alam niya na lilipas din ang pinagdadaanan. Hindi naman habang-buhay na magiging abala ang boyfriend.
May tumigil na magarang sasakyan sa harap ng apartment building. Nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makita na bumaba mula roon si Aiden. Hindi pa siya nito nakikita. Bago pa man niya ito matawag ay napansin niyang bumaba sa driver’s seat ang isang matangkad at magandang babae. Nakangiti ang babaeng iyon kay Aiden.
“I’ll see you tomorrow?” ang nakangiting sabi ng babae.
Tumango si Aiden. “See you tomorrow, partner.”
Hindi naging handa si Aiyana sa biglang pagsalakay ng selos. Dahil magandang lalaki, marami ang talagang nagkakagusto kay Aiden. Maraming beses na niyang narinig na ang suwerte niya sa naging boyfriend. Maraming beses na rin niyang narinig mula sa iba na hindi siya bagay sa kanyang boyfriend. Hindi gaanong sumasama ang kanyang pakiramdam. Nagselos din naman siya kahit na paano sa mga babaeng lumalapit at nanunukso, pero hindi katulad ng nararamdaman niya sa kasalukuyan.
Hindi rin gaanong maintindihan ni Aiyana kung bakit ganoon na lang ang nadarama niya. Wala naman siyang nakikitang hindi angkop. Wala siyang narinig na hindi dapat. Siguro ay masyado lang niyang nami-miss si Aiden kaya nakakaramdam siya ng mga hindi dapat. Hindi niya gustong makaramdam ng mga ganoon lalo na sa puntong ito ng kanilang relasyon. Hindi niya kailangang mag-isip ng hindi maganda.
Sumakay na uli ang babae sa magarang kotse at umandar na ang sasakyan. Pagpihit ni Aiden ay kaagad itong natigilan nang makita siyang naroon. Kapagkuwan ay nagsalubong ang mga kilay nito. “Ano pa ang ginagawa mo sa labas? Gabing-gabi na.”
Sinikap na ngumiti ni Aiyana kahit na parang mas sumama ang loob niya dahil mukhang hindi masaya si Aiden na makita siya roon. “Hinihintay kita.”
“Hindi mo na `ko kailangang hintayin. Dapat ay nagpapahinga ka na sa loob.”
Tumayo si Aiyana at yumakap kay Aiden. Kailangan niya iyon. Kailangan niyang maramdaman ang init nito. Paulit-ulit niyang sinabi sa sarili na mahal na mahal nila ang isa’t isa.
Gumanti ng yakap si Aiden. Hinagkan nito ang ibabaw ng kanyang ulo.
“I miss you,” ang pabulong na sabi ni Aiyana.
“I miss you, too.”
Mas humigpit ang pagkakayakap ni Aiyana kay Aiden. Nanikip ang kanyang dibdib. Parang gusto niyang bumulalas ng iyak pero pilit niyang pinigilan ang sarili. Walang dahilan para umiyak siya.
Hinagod ni Aiden ang kanyang likuran. “Kasamahan ko siya sa trabaho,” ang sabi ni Aiden.
“Ha?”
“Iyong babaeng naghatid sa akin dito. Kasama ko siya sa trabaho. Intern din pero engineer. Anak siya ng isa sa mga partners ng firm. Magkaibigan kami.”
Tumango si Aiyana. Nagpasalamat siya na hindi na niya kailangang magtanong, kusa na itong nagpaliwanag. Hindi niya pinansin ang tinig na bumubulong na parang medyo defensive si Aiden. Kaibigan lang nito ang babae. Kasamahan sa trabaho.