ELYSSA. IYON ang pangalan ng babaeng naghatid kay Aiden. Lumipas ang ilang linggo na hindi nila napag-uusapan ang babae. Hindi na niya naiisip ang tungkol sa babae hanggang sa isama siya ni Aiden sa birthday celebration ng isang engineer sa firm. Ikinatuwa naman niya ang pagdadala sa kanya ng boyfriend sa kasiyahan kahit na medyo nakakailang. Gusto niyang makilala ang mga nakakasama ni Aiden sa araw-araw. Nginitian niya ang lahat kahit na ang tingin ng mga ito sa kanya ay nene.
Nasa kasiyahan din si Elyssa. Kaagad siyang ipinakilala ni Aiden sa babae. Isang matamis na ngiti ang ibinigay sa kanya ni Elyssa. Niyakap pa siya nito at hinagkan ang magkabilang pisngi. “It’s you! He talks a lot about you. I’m happy to finally meet you. You are so lovely.”
Pleasant si Elyssa. Mabait at mukhang magugustuhan niya sa ibang sirkumstansiya. Hindi lang magawa ni Aiyana sa kasalukuyan. Ginantihan niya ang ngiti nito pero hindi niya magawang magustuhan ang babae. Alam niya, malakas ang kanyang pakiramdam na may gusto si Elyssa kay Aiden. Nakita niya iyon sa mga mata nito.
Sinikap ni Aiyana na mag-enjoy kahit na paano sa party kahit na pakiramdam niya ay out of place siya. Hindi niya sigurado kung siya ang mga kasalanan dahil masyado siyang nag-iisip at nai-insecure o ipinaparamdam talaga ng mga tao sa paligid niya na hindi pa siya ganap na adult.
Napagpasyahan niyang magtungo sa ladies’ room. Sumunod sa kanya si Elyssa. Hindi siya makapalag kahit na gusto sana niyang mapag-isa.
“Aiden is a good man and a very talented architect,” ang nakangiting sabi nito sa kanya habang pareho silang nasa lababo.
Ngumiti si Aiyana. “Alam ko. Sinusuportahan ko siya sa lahat ng bagay.”
Mas nagliwanag ang mukha ni Elyssa. “So okay na okay sa `yo ang transfer niya sa Manila? He was really worried about you. Alam niyang hindi ka niya madadala sa Manila dahil dito ka nag-aaral. Ayaw niya sanang umalis but this is really a great opportunity for him.”
Natulala si Aiyana. Ilang sandali na hindi niya sigurado kung ano ang magiging reaksiyon. Masyado niyang ikinagulat ang mga narinig. Tama ba siya ng intindi?
Nabura ang ngiti ni Elyssa. “Oh,” ang naiusal nito nang mapagmasdan nang husto ang kanyang mukha. “Hindi pa niya sinasabi sa `yo ang tungkol doon.”
Halos wala sa loob na umiling si Aiyana. Hindi pa rin niya malaman kung paano pakikitunguhan ang nalaman. Nakatayo lang siya roon at walang magawa.
Napangiwi si Elyssa. “I’m sorry. I’m really, really, really sorry. Hindi ko… Hindi ko talaga alam. I’m really sorry.”
Tinalikuran na ni Aiyana si Elyssa. Lumabas siya sa restaurant. Naghahabol siya ng hininga. Hindi niya namalayan ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Aalis si Aiden. Iiwan siya nito.
“Aiyana?”
Hindi nilingon ni Aiyana si Aiden na nasa likuran niya. Natutop ng kamay niya ang bibig. Gusto niyang pigilan ang sarili pero hindi niya magawa. Lalo siyang naiiyak habang nararamdaman niyang nasa malapit lang si Aiden. Alam niyang alam nitong umiiyak siya dahil sa pagyugyog ng kanyang mga balikat.
“Aiyana….”
Higit na mas malapit ang tinig sa kanya. Hindi pa rin niya magawang lumingin. Hindi niya magawang magsalita dahil nananakit ang kanyang lalamunan. Kahit na ano ang gawin niya ay hindi maampat ang kanyang mga luha.
“Sasabihin ko sa `yo. Hindi ko naman planong itago nang matagal. Sasabihin ko sa `yo.”
Mababakas ang paghihirap ng kalooban ni Aiden pero hindi niya gaanong pinansin o pinahalagahan. Ang tanging mahalaga nang mga oras na iyon ay ang nararamdaman niya. Siya ang mas nahihirapan at mas nasasaktan. Siya ang iiwanan.
“I’m sorry,” ang sabi uli nito. Hinawakan na nito ang kanyang balikat. Dahan-dahan siyang ipinihit paharap at masuyong niyakap. “I’m sorry. Hindi ko gustong umalis, maniwala ka. Pero hindi ko rin puwedeng pakawalan ang pagkakataon. Mas maganda ang rate sa Maynila. Mas maganda ang exposure. Mas maraming oportunidad. Kailangan ko ito, Aiyana. Kailangan na kailangan ito ng pamilya ko. I’m so sorry.”
Gusto niyang itanong kung bakit hindi siya kasali sa factors ng naging desisyon nito. Bakit parang pakiramdam niya ay hindi siya mahalaga. Mas mahalaga ang mga pangarap nito, ang kalagayan ng pamilya nito. Sa ibang pagkakataon siguro ay kaya niya iyong unawain pero hindi nang mga sandaling iyon. Masyado siyang nasasaktan nang mga sandaling iyon. Iiwanan siya nito.
Mas hinigpitan ni Aiden ang pagkakayakap sa kanya. “Magiging maayos ang lahat.”
Umiling-iling si Aiyana.
“Magiging maayos ang lahat,” ang mariin nitong sabi. “Pagsusumikapan nating ayusin ang lahat kahit na magkalayo tayong dalawa. Hindi naman ito panghabang-buhay. Hindi tayo palaging magkakalayo. Bibisita ako hanggang sa kaya ng schedule at budget. Tatawagan kita nang madalas. Kapag siguro mas malaki-laki na ang sahod ko ay kaya na kitang palipatin sa Maynila. Magiging maayos ang lahat. Mahal na mahal kita at hindi ko hahayaan na masira ang relasyon natin dahil lang sa distansiya.”
Hindi nakampante si Aiyana sa mga narinig. Hindi niya sigurado kung bakit parang bigla siyang nawalan ng tiwala kay Aiden pero hindi talaga niya magawang maniwala na magiging maayos ang lahat. Pakiramdam niya ay iyon na ang simula ng wakas.
NAPABUNTONG-HININGA si Aiyana habang pinagmamasdan ang kanyang cell phone na nananahimik. Dalawang araw na mula nang huling tumawag at nag-text si Aiden. Madalas sabihin ng boyfriend ang kaabalahan nito sa trabaho. Mukhang nagugustuhan din ito ng mga boss nito dahil mas nabibigyan na ito ng responsibilidad. Anim na buwan pa lang sa Maynila ay na-promote na si Aiden sa mas mataas na posisyon. Big deal iyon dahil hindi madalas na nangyayari. Hindi na siya gaanong nagulat dahil masigasig ang binata.
Magwa-walong buwan na sa Maynila si Aiden. Hindi pa sila nagkikita mula nang lumuwas ang nobyo. Sa unang tatlong buwan ay madalas silang nagkakausap at nagpapalitan ng text. Maligaya na siya sa ganoon kahit na minsan ay parang gustong sumama ng kanyang loob sa labis na kaligayahan na nadarama nito. Masaya si Aiden sa Maynila at hindi nito kasalanan kung hindi siya masaya na maiwan sa Baguio. Natutupad na ang mga pangarap nito kaya kailangan niyang maging supportive. Hindi nito kailangang marinig ang anumang reklamo mula sa kanya.
Ang araw-araw na phone calls ay naging every other day na naging once a week na lang. Minsan ay si Aiyana na ang tumatawag para lang makapag-usap sila. May pagkakataon din na nagpapadala ng mahabang e-mail si Aiden. Pinagkakasya na muna niya ang sarili sa mga iyon kahit na miserable siya. Naisip niya na makakasanayan din niya ang paglalayo nila pero kabaliktaran ang nangyayari. Mas nahihirapan siya habang tumatagal.
Kaya naman nag-iisip na siyang lumipat sa Maynila. Nabanggit na niya iyon sa mga magulang niya pero mariing “hindi” ang naging tugon ng mga ito. Hindi siya kayang pag-aralin ng mga magulang sa Maynila. Sa Baguio pa nga lang ay nahihirapan na ang mga ito. Hindi niya gustong magpumilit dahil naaawa na rin siya sa mga magulang.
Sumagi sa isipan niya na tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na muna sa Maynila pero kaagad niyang pinalis ang ideya. Hindi niya gustong tumigil sa pag-aaral. Hindi lang si Aiden ang may pangarap para sa pamilya. May mga gusto rin siyang maabot.
“Mag-i-Internet ako, gusto mong sumama?”
Tumingin si Aiyana kay Fran, ang maituturing niyang best friend sa apartment na iyon. Magkasama na silang dalawa sa iisang silid.
Napapalatak si Fran. “Kilala ko ang face na iyan. Kabisado ko na. Huwag mo nang gaanong isipin ang boyfriend mo. Gumawa na lang tayo ng assignment para mas maging productive ang time natin. `Lika na.”
Tama ang kaibigan kaya sumama na lang si Aiyana sa computer shop. Walang masama kung tatapusin niya nang maaga ang mga assignment at project niya. Mas maigi nang abalahin ang sarili sa ibang mga bagay kaysa magmukmok.
Una niyang binuksan ang kanyang e-mail. Kaagad na lumukso ang puso niya sa saya nang makita na may mensahe mula kay Aiden. Napangiti siya. Siguro ay wala itong load kaya pinadalhan na lang siya nito ng e-mail gamit ang computer ng opisina.
Nag-uumapaw ang pananabik sa kanyang dibdib nang buksan niya ang mensahe. Pananabik na kaagad na inilipad ng hangin nang mabasa niya ang nakalagay sa mensahe. Nanghina siya nang husto. Natulala. Hindi siya makagalaw. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya sigurado kung naiproseso nang tama ng utak niya ang kasalukuyang nababasa.
Maghiwalay na tayo.
Mga tatlong salita. Hindi niya akalain na may kakayahan ang tatlong salita na iyon na iparamdam sa kanya na parang tumigil sa pag-ikot ang mundo. Hindi niya inakala na ang tatlong salita na iyon ang maglalagay ng tuldok sa lahat ng pinagsamahan nila ni Aiden.
Ganoon lang.
Nagpadala si Aiden ng mensahe na may tatlong salita at ganoon lang. Tumigil si Aiden sa pagmamahal sa kanya nang ganoon lang.
ANG SABI NG mga kaibigan ni Aiyana ay hayaan na niya si Aiden. Ang lalaki raw ang nawalan at hindi siya. Kung gusto nitong makipaghiwalay, hayaan na lang niya. Kalimutan na lang niya. Mag-move on na siya. Hindi nito deserve ang mga luha niya.
Sinasabi niya na hindi ganoon kadali ang lahat pero hindi siya maintindihan ng lahat. Hindi maintindihan ng mga ito kung gaano kalalim ang pagmamahal niya kay Aiden. Alam niya sa kanyang sarili na hindi siya maaaring basta na lang sumuko. Hindi siya maaaring basta na lang bumitiw. Dalawa sila ni Aiden sa relasyon na iyon. Hindi lang nito desisyon kung maghihiwalay sila. Hindi niya kayang tanggapin ang pakikipaghiwalay nito. Hindi siya papayag na matapos na lang sila nang ganoon-ganoon lang.
Kailangan din niya ng paliwanag. Kailangan niyang malaman kung bakit pinasakitan siya nito nang ganoon.
Kaya naman nagpasya siyang lumuwas ng Maynila. Nangutang siya sa ilang kaibigan para magkaroon siya ng pamasahe. Kinapalan na niya ang kanyang mukha. Kailangan lang talaga niyang makipag-usap kay Aiden.
Medyo nahirapan siyang hanapin ang address ng bahay na tinutuluyan ni Aiden pero nahanap pa rin naman niya. Pero hindi si Aiden ang nagbukas sa kanya ng pinto, ang Ate Mae nito. Kaagad niyang nakita na hindi nito ikinatuwang makita siya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” ang mataray nitong tanong sa kanya.
“Ate, kailangan kong makausap si Aiden, please.”
Umiling si Ate Mae. “Umalis ka na, Aiyana. Nakipaghiwalay na sa `yo ang kapatid ko. Hindi na magbabago ang isip niya tungkol doon kahit na gaano ka pa makiusap.”
“H-hindi… H-hindi naman puwedeng ganoon na lang, Ate. Kailangan naman naming mag-usap kahit na paano. Please naman. Please.” Hindi halos namalayan ni Aiyana na umiiyak na siya.
“Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo, Aiyana.”
“A-ate—“
“Ikakasal na siya! Ikakasal na siya kay Elyssa! Bakit sa palagay mo umalis siya ng Baguio, sumama kay Elyssa at lumayo sa `yo? Hindi ka na niya mahal. Matagal ka na niyang hindi mahal. Masyado ka lang kumakapit sa kapatid ko. Mas gusto ng pamilya namin si Elyssa. Mas kaya niyang pasayahin si Aiden. Mas makakatulong siya sa pagtupad ng mga pangarap ng kapatid ko. Wala kang silbi sa buhay niya kundi distraction. Dagdag gastos. Perwisyo. Tantanan mo na ang kapatid ko, utang-na-loob. Umalis ka na at huwag mong guluhin ang relasyon niya kay Elyssa. Bumuo ka na ng sarili mong buhay dahil hindi na siya bahagi ng buhay mo. Hindi ka na kailanman magiging bahagi ng buhay niya. Umalis ka na at huwag ka nang magpapakita kay Aiden!”
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Aiyana na makapagsalita dahil pinagsarhan na siya nito ng pinto. Sa loob ng mahabang sandali ay natulala lang siya, hindi makagalaw. Walang patid ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay dinurog nang husto ang kanyang puso. Hindi maipaliwanag ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Halos hindi maiproseso ng kanyang isipan at damdamin.
Hindi niya gaanong maalala kung paano niya nagawa pero napagsumikapan niyang lumayo sa lugar na iyon. Kahit na halos hindi niya makita ang dinadaanan dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata sa luha. Kahit na parang hindi siya makahinga.
Nagawa rin niyang sumakay ng bus. Umiyak siya hanggang sa makabalik siya ng Baguio. Bago siya bumaba sa bus ay ipinangako niya sa sarili na hindi na niya uli hahayaan na masaktan siya nang ganoon. Hindi na niya muling ibibigay ang buong puso niya sa isang lalaki.