Present
HINDI MAKAGALAW si Aiden. Hindi pa rin yata niya maiproseso na nasa harapan niyang muli si Aiyana. Masyado nang maraming taon ang nakalipas pero hindi pa rin niya nakakalimutan ang dating nobya. Malinaw pa rin ang mga alaala. Hindi niya kailanman hinayaan ang sarili na makalimot. Sa mga pagkakataon na labis siyang nahihirapan o hindi niya alam ang gagawin, iisipin niya si Aiyana. Aahunin niya ang mga masasayang alaala na pinagsamahan nila. May mga pagkakataon na sapat na iyon sa kanya.
Hindi niya mapaniwalaan na nakikita niya si Aiyana muli. May mga pagkakataon din kasi na kumbinsido siya na hindi na muling magku-krus ang kanilang mga landas. Madalas niyang itanong kung kumusta na kaya ito. Masaya ba ang buhay nito? May asawa na kaya ito? Mga anak?
Ang sabihin na hindi siya handa sa pagkikita nilang muli sa araw na iyon ay kulang. Hindi niya inasahan na makikita niya si Aiyana sa condominium unit na titirhan nilang mag-ama mula bukas. Wala sa schedule ang pagdaan niya roon, sa totoo lang. Nakipagkita siya sa isang kaibigan at nasa malapit lang siya kaya nagpasya siyang dumaan para siguruhin na magiging maayos ang paglipat nila bukas. Alam niyang may maglilinis doon pero hindi naman niya inakala na si Aiyana ang madaratnan niya.
Magkaharap silang dalawa. Nakatitig sa isa’t isa. Hindi makagalaw. Parang hindi nila malaman kung ano ang gagawin o ano ang sasabihin sa isa’t isa.
Si Aiyana ang unang nakahuma sa kanilang dalawa. Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi nito. “Aiden,” ang usal nito.
Wala siyang ibang ginawa kundi ang tumitig. Naitanong ng isang munting tinig kung totoo ba ang lahat ng nangyayari. Hindi ba siya nagkakamali lang? Hindi ba siya nananaginip lang? Makailang beses na ba niyang napanaginipan ang napakagandang ngiti na iyon?
Ang ngiti na talagang bumighani sa kanya sa unang beses pa lang nilang pagkikita. Ang ngiti na hindi nagpagalaw sa kanya noon. Ang kaparehong ngiti na hindi nagpapagalaw sa kanya ngayon. Nagsisimula nang manikip ang kanyang dibdib sa samu’t saring damdamin.
“Hello, Aidan,” ang sabi ni Aiyana, may ngiti pa rin sa mga labi. Mas matatag ang tinig.
“A-ano… Ano ang ginagawa mo rito?” Hindi sigurado ni Aiden kung paano niya nagawang magsalita.
“Uhm… ako ang naglinis ng unit na ito. Ang unit mo yata.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Aiden. Hindi yata niya gaanong naiproseso ang sinabi nitong iyon sa kanya. “My designer said she hired a cleaning company. She said someone will be here to clean. She… you…”
“Ako ang cleaning lady.”
“What?” She was a cleaning lady. Parang hindi uli maiproseso ni Aiden ang impormasyon na iyon. Cleaning lady. Napakalayo niyon sa imahe na binuo niya sa isipan sa mga nakalipas na taon.
Ibinalik ni Aiyana ang ngiti sa mga labi nito. Noon niya napansin na pilit ang ngiting iyon. Hindi abot hanggang sa mga mata nito.
“Masaya akong makita ka uli, Aiden, pero may trabaho pa kasi ako sa iba. Sa isang apartment.” Humugot nang malalim na hininga si Aiyana.
Nagsimulang gumalaw si Aiyana. Sa loob ng ilang sandali ay nanood lang si Aiden. Parang hindi niya gaanong naintindihan ang sinasabi nito sa kanya. Palabas na si Aiyana sa kanyang unit nang makahuma siya.
“Wait. Aiyana, wait, wait.” Halos makiusap na siya dahil parang ayaw nitong huminto sa pag-alis.
Napabuntong-hininga si Aiyana at parang napipilitan lang na lumingon sa kanya. Mas pilit ang ngiti nito. Nakikita niya nang malinaw na hindi ito komportable sa pananatili roon. Gusto nitong tumakbo palayo sa kanya.
Nauunawaan naman ni Aiden ang ganoong reaksiyon ni Aiyana. Hindi niya nakakalimutan ang ginawa niyang kasalanan sa dating nobya. Hindi niya hinayaan ang sarili na makalimot.
“I-I’m… I… uh…” Marahas na napabuntong-hininga si Aiden. Hindi niya mahanap ang mga tamang salita kahit na paano niya pilitin. Napakatagal na mula nang mangyari sa kanya ang ganito. Hindi na siya umaakto nang ganito. He had always been sure and confident.
“Masaya ka bang makita ako uli?” ang tanong ni Aiyana.
“Of course,” ang mabilis niyang sagot. “Yes. Very. Of course.” Gusto niyang tapikin ang sariling noo sa mga lumabas sa kanyang bibig. Wala ba siyang mas matinong masasabi?
“Then hayaan na natin na maging ganoon. Masaya tayo na makita ang isa’t isa. Okay?”
Hindi sigurado ni Aiden kung paano tutugon kaya tumango na lang siya. Isang munting ngiti ang iginawad ni Aiyana bago ipinagpatuloy ang pag-alis. Pinigilan na niya ang sarili sa kagustuhan na pigilan ang dating nobya. Kahit na parang gusto niyang mag-panic dahil baka hindi na sila muling magkita, baka maglaho silang muli sa buhay ng isa’t isa. Alam kasi niya na hindi rin siya makakapagsalita nang matino. Hindi pa niya alam kung paano kakausapin si Aiyana, kung paano hihingi ng tawad.
Dalangin niya na sana ay magkaroon uli sila ng pagkakataon. Nang mapag-isa siya sa kanyang bagong unit ay nabatid niya na hindi lang niya gustong manalangin at umasa na muli silang magkikita ni Aiyana. Gagawan niya ng paraan. Hindi na niya hahayaan na mawala ito nang tuluyan sa kanyang buhay. Hindi niya maaaring sayangin ang pagkakataon na ibinigay sa kanya.
Pakiramdam ni Aiden ay may bahagi sa kanyang puso ang bigla na lang nagkaroon ng buhay.
“WERE YOU REALLY happy to see him again?”
Napatingin si Aiyana kay Mimi. Sa apartment ng kaibigan siya nagtungo pagkatapos niyang umalis sa unit ni Aiden. Nagsinungaling siya nang sabihin niya kay Aiden na may iba pa siyang lilinisan. Siya ang dating naglilinis sa apartment ni Mimi pero naipasa na niya ito sa mapagkakatiwalaang tagalinis.
Sa totoo lang, hindi niya inakala na makakasundo niya nang husto si Mimi. Maging siya na medyo nasorpresa sa sarili na si Mimi ang pinuntahan niya pagkatapos ng muling paghaharap nila ni Aiden. Ang totoo ay mas kaibigan niya ang nobyo ni Mimi na si Mark. Si Mark ang unang regular client niya nang magsimula ang Cinderella Cleaning Company. Napakalaki ng utang-na-loob niya sa kaibigan at sa pamilya nito. Nang sabihin nito na kailangan ng nobya nitong si Mimi ng maglilinis ng bahay, hindi siya tumanggi. Siya mismo ang nagpunta sa apartment.
Siguro ay hindi na dapat na nakakagulat na si Mimi ang nilapitan niya nang kailangan na kailangan niya ng kaibigan. Bukod sa nasa malapit at alam niyang nasa bahay ito, may espsyal itong kakayahan na sabihin ang mga bagay na kailangan niyang marinig. Mga bagay na hindi siguro niya gugustuhing marinig pero tama at may sense. Ang sabi sa kanya ni Mark minsan, huwag daw siyang palilinlang sa pagiging mas bata sa kanila ni Mimi o ng baby face nito. His girlfriend was wise.
Not the boring wise, the fun wise. Natawa pa siya nang sabihin iyon sa kanya ni Mark. Malaki ang ipinagbago ng kaibigan mula nang maging girlfriend nito si Mimi. Naging mas fun at laidback si Mark.
Sinabi niya kaagad kay Mimi ang buong kuwento. Mukhang kaagad nitong naiproseso ang lahat. Ang unang tanong nito sa kanya ay kung talaga bang masaya siyang makita uli si Aiden.
Marahas na napabuntong-hininga si Aiyana. Bakit nga ba niya iyon sinabi? Bakit kailangan niyang magsalita? Bakit hindi na lang siya nagkunwari na hindi na niya naaalala si Aiden?
“Hindi ko alam,” ang sabi ni Aiyana. “Hindi ko alam kung masaya nga ba talaga akong makita siya uli. May maganda siyang buhay. Hindi na iyon nakakagulat kasi inasahan ko na asensado na siya ngayon. Alam ko na magsusumikap siya nang husto. Alam ko na mayaman ang pamilya ng napangasawa niya. Ang ganda ng condo niya. Isa sa pinakamagandang nakita, napasok at nalinis ko. May anak siyang babae. Ang sabi sa akin ay mag-ama lang ang titira roon. Nasaan ang asawa niya? Nakapangalan pa sa iba ang unit kaya hindi ko talaga alam na siya ang titira roon.”
Noon lang nabatid ni Aiyana na nakapangalan sa Ate Mae ni Aiden ang unit. Iba na ang apelyido ng nakatatandang kapatid ni Aiden kaya hindi kaagad niya naisip ang koneksiyon. Siguro ay nag-asawa na si Ate Mae.
“Pero…” ang untag ni Mimi sa kanya.
“Pero nang makita ko siya, hindi kaligayahan ang una kong naisip o naramdaman. Parang nag-flashback sa akin ang lahat ng nangyari. Naungkat ang mga memory na akala ko ay matagal ko nang naibaon at nakalimutan. Naramdaman ko uli ang mga damdamin na inakala kong hindi ko na mararamdaman. Parang bigla na lang nawala sa ayos ang buong sistema ko. Wala akong ibang maisip kundi ang nakaraan. Parang masyadong maigsi lang ang pinagsamahan namin kumpara sa lahat ng nangyari sa buhay ko pero nang mga sandaling iyon, walang ibang bagay na mahalaga kundi ang mga alaala naming dalawa. Hindi ko iyon gaanong gusto. Parang gusto kong magalit pero hindi ko gaanong sigurado kung saan, o kung kanino. Nagagalit ako na kinailangan kong ngumiti kahit na ayoko, kahit na iyon ang huling bagay na gusto kong ibigay sa kanya. Pero sabi ng isip ko ay kailangan kong ngumiti. Ngingiti ako dahil hindi na ako dapat na galit sa kanya. Kasi masyado nang matagal ang nangyari. Kasi hindi na siya masyadong mahalaga sa buhay at puso ko. Kasi ang dami nang nangyari sa buhay ko. Hindi na ako ang dating babae na iniwan niya, sinaktan. Hindi na ako ang Aiyana na galit at muhing-muhi sa ginawa niya. Ako na si Aiyana na nakakaintindi kahit na paano sa nangyari, kung bakit ganoon ang naging desisyon niya. Ako na si Aiyana na umasa na sana naging maganda ang buhay niya, sana ay natupad niya ang lahat ng pangarap niya. Nahiling ko na sana ay nakuha niya ang lahat ng gusto niya at masaya siya. Kaya ngumiti ako. Kinailangan kong ngumiti dahil gusto kong ipakita na maayos ang lahat. Pero napakahirap gawin, alam mo. Hindi ko gustong ngumiti at hindi ko gaanong maintindihan, Mimi. Hindi ako masayang makita siyang muli.”
Banayad na hinagod ni Mimi ang kanyang balikat. Noon lang nabatid ni Aiyana na bahagya siyang hinihingal. Hindi rin siya gaanong aware na napakarami na niyang nasabi at hindi niya sigurado kung may katuturan. Bahagya rin siyang nahiya kay Mimi sa inaasal niya.
“You have every right to be unhappy, Ai. I mean, it’s okay not to be happy to see him again. He was your first love, your first boyfriend. First kiss and first in everything about romantic love. He’s also the first guy who had broken your heart. This is a massive deal. He semi-ghosted you. He married someone else. Who does that? He was cruel and heartless and personally, I don’t think I can ever understand why he did it. How can you suddenly stop loving someone? How can you suddenly start loving someone else deep enough to marry her? I’ve had my bad experience in love pero nasa ibang level ang naranasan mo, Ai.”
Tumango si Aiyana kahit na hindi niya gaanong sigurado kung ano ang inaayunan niya. Kahit na paano ay nakaramdam siya ng comfort sa narinig mula kay Mimi. Normal ang kanyang nararamdaman. Walang masama kung magalit siya o masaktan.
“Do we hate him?”
“Ha?” Hindi gaanong naintindihan ni Aiyana ang sinabing iyon ni Mimi.
“I know you feel like you’ve forgiven and forgotten pero ibang-iba ngayong nakita mo na siya talaga. So do we hate him?”
“We?” Sa kabila ng lahat, nagawang mangiti ni Aiyana. Hindi niya sigurado kung bakit ikinaaliw niya ang linyang iyon ni Mimi.
Tumango si Mimi. “We. Tutulungan kita kasi grabe ang ginawa niya sa `yo. Hindi sapat ang hate mo lang. Mark’s going to hate him, too.”
Gusto nang matawa ni Aiyana. “Thank you, Mimi. I appreciate it. Pero hindi ko sigurado if I wanna hate him.”
“Do we love him?” ang tanong ni Mimi na nakakunot ang noo.
“Of course not!” ang mabilis na tugon ni Aiyana. Paano man lang iyon nasabi ng kaibigan? “Hindi ko na siya mahal at hindi ko na siya mamahalin uli!” Pinakadiin-diinan niya ang bawat sandali.
“Wow, defensive much?”
“Mimi!”
Banayad na natawa si Mimi. “I’m sorry. I’m just teasing. Pero nakaka-fascinate kahit na paano ang situation mo. Hindi mo talaga kayang i-explain ang feeling? I mean, may secret fantasy ang bawat babaeng nabigo na mabalikan, `di ba? Hindi lang dahil sa pag-ibig kundi dahil na rin sa pride at ego. We want to be the one. Ang bukod-tangi. Ang pinakamamahal. Hindi rin kasi biro ang effect sa atin ng rejection at abandonment. I’m sure for a while ay alipin ka ng insecurity, hindi lang hurt at anger. So parang boost in confindence kapag nabalikan.”
Tumango si Aiyana. Nakuha ni Mimi ang lahat. “Then life happened,” aniya sa munting tinig. “Hindi ko alam ang gagawin ko noon. Hindi ko alam kung paano magpapatuloy, kung saan magpupunta. Hindi ko alam kung paano pakikitunguhan ang mga nararamdaman ko. Wala akong ganang magpatuloy sa pag-aaral. Wala akong ganang kumain. Hindi ako makatulog sa labis na pag-iisip. Bakit? Bakit niya ako iniwan? Bakit siya nakipaghiwalay sa akin? Paano niya nagawang magmahal ng iba? Paanong sa paghihiwalay kami nauwi? Saan ako nagkamali? Ano ang hindi ko naibigay? Bakit hindi ko napansin na hindi na siya masaya sa relasyon namin? Kulang ba ang pagmamahal na ibinigay ko? Ano ang dapat kong ginawa para naiwasan sana ang nangyari?
“Napakarami kong tanong at pilit ko iyong hinahanapan ng sagot kahit na may boses na nagsasabi na wala namang mangyayari kahit pa makahanap ako ng paliwanag. T-in-orture ko ang sarili ko gabi-gabi. Sinisi ko ang sarili ko. Nagalit ako sa sarili ko kasi hindi ako maganda or matalino or mayaman. It was horrible. And then life happened. Suddenly, napakarami ng mga nangyari. Nagkasunod-sunod ang problema. Nagkaroon ako ng ibang alalahanin. Ang dami-dami kong kailangang isipin at kailangan na gawin. Unti-unti, halos hindi ko nga namamalayan ay nawala na siya sa isip ko. Masyado na akong pagod sa dami ng mga kailangan kong gawin para magtanong. May mga bagay na mas naging importante kaysa sa isang broken heart. Halos hindi ko namalayan na bihira ko na siyang naiisip, bihira ko nang nababalikan ang mga alaala. He was my first love. He definitely won’t be my last pero hindi na ako nagkaroon ng boyfriend pagkatapos niya.”
“Hindi na?” nababaghang sabi ni Mimi. “Are you sure you’re over him?”
“Life happened, Mimi. Life happened.” Hindi niya sigurado kung kinukumbinsi niya ang sarili. Life did happen. Time had passed. Love had faded. Nagulat lang siya sa muli nilang pagkikita ni Aiden. Lilipas din iyon. Kung sakali mang magkita silang muli, magiging handa na siya. Mas magiging totoo na ang kanyang ngiti. Hindi na titibok nang kakaiba ang kanyang puso. Tapos na siya sa pagmamahal kay Aiden. Matagal na.