10

2430 Words
NANLALAGKIT ANG pakiramdam ni Aiyana. Gustong-gusto na niyang maligo pero pagod pa siya at alam niyang kailangan muna niyang ipahinga ang katawan. May dalawang cleaners ang hindi nakapasok sa trabaho nang araw na iyon. Ang isa ay mayroon daw sakit at ang isa ay mayroong emergency ang anak. Walang ibang taong available para pumalit sa mga ito sa trabaho kundi siya. Kaya naman pagod na siya at ang tanging gusto niya ay umuwi at maligo. Pero hindi pa tapos ang kanyang araw. Kailangan pa niyang magbalik sa kanilang opisina dahil may mga dapat pa siyang gawin. “Wait!” ang sabi ni Aiyana nang makitang papasara na ang elevator. Gusto niyang makarating kaagad sa palapag ng Cinderella Cleaning Company. Naging mabait naman ang sakay ng elevator dahil pinigilan nito ang pagsara niyon. “Salamat,” aniya habang papasok. Naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone na nasa kanyang kamay kaya natuon doon ang kanyang pansin. “Hello, Aiyana.” Nanigas si Aiyana nang marinig ang pamilyar na tinig. Nag-angat siya ng paningin, nananalangin na sana ay mali siya ng pagkilala sa tinig. Hindi siya kinasihan ng pagkakataon dahil ang pamilyar at nakangiting mukha ni Aiden ang kanyang nakita. Marahas niyang iniiwas ang paningin. Nakailaw na ang palapag ng kanilang opisina kaya hindi niya maabala ang sarili sa pagpindot ng buton. Ilang sandali na hindi niya alam ang sasabihin o magiging reaksiyon. Parang bigla at pansumandaling nablangko ang kanyang isipan. Kapagkuwan ay naging self-conscious siya. Pawisan siya hindi lang dahil sa paglilinis kundi dahil na rin sa sira ang aircon ng gamit niyang pick-up. Isang pares ng luma at kupas na pantalon at plain white T-shirt ang kanyang suot. Isang pares ng luma pero komportableng sneakers ang pansapin niya sa paa. Pinigilan niya ang mga kamay na parang gustong humaplos sa kanyang buhok. Ipinusod niya iyon nang kung paano na lang. Hindi na niya kailangan pang humarap sa salamin para malaman na naglalangis ang kanyang mukha. “I was really hoping I’d see you here, Aiyana.” Narinig ni Aiyana ang ping ng elevator. Mabilis siyang lumabas. Nanalangin siya na huwag siyang sundan ni Aiden pero hindi pa rin siya kinakasihan ng universe. Siyempre ay lumabas din si Aiden sa elevator at sumunod sa kanya. “Hindi ko intensiyong mang-abala, Aiyana,” anito sa banayad na tinig. “I just need… uhm… I just need someone to clean my place regularly.” Natigilan si Aiyana sa paglalakad. Ang unang gusto niyang sabihin ay nagtungo ito sa maling lugar pero kaagad niyang nirendahan ang sarili. Life happened, Aiyana. Time had passed. Love had faded. Iyon ang mga paulit-ulit na ipinapaalala ni Aiyana sa sarili. Ipinaalala rin niya na nasa trabaho siya. Kailangan niyang maging propesyunal. Nilingon ni Aiyana si Aiden at nginitian. “Kailangan mong makausap si Em—Miss Emily.” “Narito si Miss Emily,” anang isang masiglang tinig. “Ano ang kailangan nila?” Bahagyang nakahinga si Aiyana nang makita si Emily. Parang bahagya siyang nanumbalik sa katinuan dahil nakakita siya ng pamilyar na mukha. Naalala niya ang ilang mahahalagang bagay. “Interesadong new client, Miss Em,” ang sabi ni Aiyana kay Emily. Kaagad na nagliwanag ang mukha ni Emily. Mabilis nitong ipinasa sa kanya ang dalang kahon habang nakatingin kay Aiden, aabot yata hanggang tainga ang ngiti nito. Nasobrahan nang kaunti sa tamis. Sa kabila ng lahat ay napangiti si Aiyana. Matagal na niyang kilala si Emily at kabisado na niya ang mood nito. Alam niyang madali nitong makukumbinsi si Aiden na pumirma ng kontrata sa kanila. Hindi gustong isipin ni Aiyana na hindi iyon magandang bagay. Kailangan nila ng mga bagong kliyente. Tatlo sa kanilang client ang nagpasya na i-terminate na ang contract sa kanila. Ang dalawa ay kailangang magtungo ng ibang bansa at ang isa naman ay nakakuha ng ibang cleaning company. May parte sa kanya ang ayaw sana na makuhang kliyente si Aiden. Gusto niyang dumistansiya sa lalaki. Hindi na niya gustong magkalapit silang dalawa. Kahit na pagkakaibigan ay parang napakahirap nang ibigay. Pero ipinaalala rin niya sa sarili na may mga umaasa sa maliit na kompanya. May mga kailangang gawin para manatili silang nakalutang. Kailangan niyang isantabi ang ilang personal na pakiramdam. Hindi naman ibig sabihin niyon ay araw-araw na niyang makikita si Aiden. Hindi rin gaanong pinansin ni Aiyana ang munting bahagi sa kanyang puso na parang nagdidiwang at nananabik. Hindi niya gustong hanapan ng paliwanag kung bakit ganoon ang kanyang nararamdaman. “This way, Mister…?” “Aiden. Aiden Aquino.” Tumingin sa kanya si Aiden. Inilahad ni Emily ang kamay nito kay Aiden. “Pleasure to meet you, Mister Aquino. If you would just—“ Hindi siya inalisan ng tingin ni Aiden kahit na tinanggap nito ang pakikipagkamay ni Emily.  “Aiyana—“ “Ito na ba ang mga bagong kid-friendly disinfectant at antiseptic na kailangan nating i-try?” ang sabi ni Aiyana kay Emily bago pa man maipagpatuloy ni Aiden ang anumang sasabihin sa kanya. Labis siyang naiilang. Nais niyang lumayo roon at ayusin ang sarili. Kailangan niya ng distansiya para makalma ang mga nararamdaman. Tumango si Emily, nagsasalubong ang mga kilay. Naramdaman na nitong may nangyayaring kakaiba sa pagitan nilang dalawa. Nagtatanong na ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Pasimple siyang umiling upang ipaalam na hindi niya maibibigay ang paliwanag na kailangan nito nang mga sandaling iyon. “Okay, maiwan ko na kayo.” Mabilis na tumalikod si Aiyana at naglakad palayo. Pinasok niya ang unang silid na nakita niya. Isinandal niya ang sarili sa pader at sinimulan ang pagkalma sa sarili. Nahiling niya na sana ay hindi na niya muling makita si Aiden paglabas niya sa silid na iyon. “I WANT AIYANA,” ani Aiden sa mariin at hindi mababaling tinig. It felt good to see her again but he also wanted to take good care of her. Kahit na maligaya siyang makita ang dating nobya, hindi pa rin maalis ang frustration at inis sa kanyang dibdib. Nahihirapan siya sa kaalaman na nagtatrabaho bilang cleaning lady si Aiyana. Hindi niya matanggap na iyon ang kinahantungan nito. Ano ang nangyari? Iyon ang paulit-ulit niyang naitatanong. Masidhi ang kagustuhan niyang malaman ang kasagutan. Gustong-gusto niyang alamin mula mismo kay Aiyana. Tumikhim si Emily. “You want Aiyana?” ang marahan nitong sabi, alanganing tanong at alanganing statement. Hindi niya mapigilan ang pag-ahon din ng inis sa babaeng kaharap at kausap. Alam niya na mas nasa kanya ang problema pero ano ba ang hindi nito naintindihan sa simpleng pahayag niya? Sa loob ng mahabang sandali ay hinayaan niyang magsalita ito nang magsalita tungkol sa kompanya at kung paanong ikatutuwa niya ang pagpirma ng kontrata sa mga ito. She went on and on about how trustworthy their people are. Iyon ang ipinagmamalaki ng kompanya bukod napakagandang serbisyo. Wala siyang pakialam sa ibang tao o kahit na sa Cinderella Cleaning Company. Ang tanging gusto niya at pinagkakatiwalaan ay si Aiyana. “I want Aiyana,” ang sabi uli ni Aiden kay Emily. Tumikhim si Emily. Nabura ang palakaibigan at masiglang ngiti sa mga labi nito. Naging masyadong pormal ang ekspresyon ng mukha nito. “Mister Aquino, do you want to talk to Aiyana?” “Yes. I also want her cleaning my house. I don’t want anyone else.” Parang naririnig niya ang tinig ng nakatatandang kapatid na si Mae sa kanyang isip. Isinisigaw nitong hindi tama ang kanyang desisyon. Nahihibang na siya. Kailangan niyang aminin na medyo nahihibang na nga siya. Hindi na niya maalala ang huling pagkakataon na umakto siya nang ganoon. Hindi siya basta-basta na lang nagdedesisyon lalo na at sangkot ang kanyang anak. Hindi nga niya planong kumuha ng regular na maglilinis sa kanyang bahay, kung tutuusin. May mapagkakatiwalaan siyang yaya at gusto sana niyang lumaki ang kanyang anak na hindi gaanong nakaasa sa help. Nais niyang matuto ito sa mga simpleng gawaing-bahay. Hindi sila maituturing na makalat sa bahay. Kaya niyang maglinis. Tipikal na inaalam muna niya ang lahat bago siya kumuha ng serbisyo mula sa labas. Hindi siya basta-basta na lang nagpapapasok ng kung sino-sino sa kanyang bahay. Hindi siya kailanman nagpadalos-dalos katulad ng ginagawa niya ngayon. Wala siyang gaanong alam tungkol sa Cinderella Cleaning Company kundi doon nagtatrabaho si Aiyana bilang cleaning lady. Ang tanging gusto niya nang mga sandaling iyon ay hindi mawala sa kanyang paningin ang dating nobya. Gusto niyang maging bahagi silang muli ng buhay ng isa’t isa. May malaking bahagi kay Aiden ang aware na nagiging unfair siya. Alam niya na hindi komportable si Aiyana sa kanyang paglapit. Sadyang hindi lang niya mapigilan ang sarili. Hindi niya magawang lumayo kahit na alam niyang nawalan na siya ng karapatang lumapit. Pakiramdam niya ay ikababaliw niya kung hindi niya mapagbibigyan ang sarili. Kung naiba-iba siguro ang sitwasyon ni Aiyana ay hindi siya gaanong magpupumilit. “You see, Sir, Aiyana is busy as it is. We have people who are trustworthy and very good at cleaning and organizing. Mas mahusay kaysa kay Aiyana. You said you have a daughter? We can—“ “Hindi mo yata ako narinig kanina, Miss Emily. Aiyana. I want her. No one else will do. I will triple the pay.” Mas naging pormal ang ekspresyon ng mukha ni Emily. Nakita niya na hindi siya nito nagugustuhan. Maging siya ay hindi gaanong nagugustuhan ang pagiging arogante niya nang mga sandaling iyon. Kung naroon lang sana si Aiyana. “Lilinawin ko lang po sana ang isang bagay, Mister Aquino. Respectfully. We provide cleaning services. We can also do your gardens and backyards. We also have repair services if needed. Nirerespeto at pinagkakatiwalaan ang kompanya namin. We do not offer any other services.” Nagsalubong ang mga kilay ni Aiden sa pagtataka. Hindi niya gaanong maintindihan ang sinasabi nito. “What are you saying?” ang direkta na niyang tanong. “We don’t pimp out our cleaners.” Napanganga si Aiden. Ang sabihin na nabaghan siya nang maunawaan ang sinasabi sa kanya ni Emily ay kulang. Ano ang ginawa at inasal niya upang mauwi sa ganoon ang konklusyon nito? “Hindi mo mabibili ang cleaners namin,” ang dagdag pa ni Emily. Noon lang niya napansin na masyado nang mataray ang ekspresyon ng mukha ng kausap. “Hindi ko gustong bilhin ang sinuman. I just want someone to clean my house.” “Not just someone. Aiyana. You’re pretty adamant.” “Because I knew her. I trust her.” And because I want her back in my life so bad. I want her to stop being a cleaning lady. Tumikwas ang isang kilay ni Emily. “Really? Saan mo siya nakilala? Kilala ko ang lahat ng kaibigan ni Aiyana.” “Baguio. College.” Parang gusto niyang magtampo na hindi siya nababanggit ni Aiyana sa mga kaibigan nito. O baka naman kasi hindi talaga nito malapit na kaibigan itong si Emily. Baka mas boss ang tingin nito sa babae at inaapropriate kung ibabahagi man nito ang tungkol sa mga naging karelasyon. O puwede ring sadyang hindi na siya mahalaga sa buhay nito. “Oh.” Naging mas mahinahon ang mukha ni Emily. “I’m sorry then.” “It’s okay. Now, I want Aiyana. Can you make that happen? Can you draw up my contract now?” “If you really want Aiyana, it’s gonna be very expensive. She’s the—“ “Hindi iyon magiging problema. Sinabi ko na handa akong magbayad ng triple.” Napabuntong-hininga si Emily at mukhang nakukulitan na sa kanya. Noon lang siguro ito nakipag-negotiate nang ganoon. “Gaano kadalas n’yo gustong malinisan ang unit n’yo, Mister Aquino? Ano ang oras na convenient para sa inyo? Mayroon po bang special instructions na kailangan? Allergies?” Inilatag ni Emily sa harapan niya ang isang form. “Everyday. No allergies.” Naubo si Emily. “Everyday?” “Something wrong with that?” Hindi nag-angat ng paningin si Aiden at ipinagpatuloy ang pagbabasa sa form. Masyadong maraming tanong doon. Sa ibang pagkakataon ay ikatutuwa niya na inaalam ng cleaners ang mga preference niya. Pero sa ngayon ay wala siyang gaanong pasensiya para isipin kung ano ang gusto niyang magiging amoy ng bahay o anong klaseng antiseptic at disinfectant ang gusto niyang gamitin sa iba’t ibang bahagi ng bahay. “Affiliated kami sa ilang agency. We can inquire for a maid for you.” “I don’t need a maid. Narito ako, hindi ba? Wala sa ibang agency.” Napabuntong-hininga si Emily. “I need to ask dahil parang mas magiging convenient ang isang maid kaysa sa isang cleaner.” “I want Aiyana.” Gaano pa ba kadalas niya iyong sasabihin bago nito maintindihan iyon? Bakit hindi na lang nito gawin ang gusto niya? Bakit parang paikot-ikot sila? “Aiyana is very good at her job. Hanggang ngayon ay ayaw siyang pakawalan ng mga kliyente. Hindi lang po kayo ang nag-i-insist na kunin si Aiyana. Kakausapin ko pa siya kung pagbibigyan n’ya ang request n’yo, pero sasabihin ko na rin po na medyo puno na ang schedule niya. Kung araw-araw siyang kailangang maglinis sa unit n’yo ay hindi niya magagawa.” “Ang sinasabi mo ay kailangan pang pumayag ni Aiyana?” “Of course.” “You can’t make her?” Kahit na gayon ang kanyang sinasabi ay ikinatutuwa pa rin niya ang kaalaman na may autonomy kahit na paano si Aiyana. Kahit na hindi niya gusto ay ikinatutuwa pa rin niya nang bahagya ang kaalaman na ang dating nobya ang pinakapaboritong cleaner sa kompanya na iyon. Naaalala niya na hindi mapakali si Aiyana sa tuwing may kalat. Pinaniniwalaan nitong mayroon itong mild obsessive-compulsive disorder. Palaging malinis ang kapaligiran nito. Ang sabi pa nito sa kanya ay may mga pagkakataon na nagiging fun ang paglilinis. Hindi lang niya inakala na iyon ang magiging career nito. Hindi niya matanggap. She was a college student when they parted ways. Ano ang nangyari? “I can’t make her, Mister Aquino.” Mukhang nababaghan pa si Emily sa kanyang pagtatanong. “Kapag tumanggi siya ay wala akong magagawa. You have to find someone else.” “Then what am I doing here?” ang naiinis at napu-frustrate niyang tanong. Talaga bang mahirap pagbigyan ang kanyang gusto? “You tell me, Mister Aquino,” ang walang anumang tugon ni Emily. “What are you really doing here?” He did not like her very much.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD