Avajell Marasigan
“This is your last day as my secretary, Ava.” seryosong sabi ni Sir Thomas sa akin at pagkatapos ay nagbaba na ito ng tingin at doon binaling sa binigay kong documents na kailangan nitong pirmahan.
Narito ako ngayon sa office ng CEO ng Wilson Holdings Inc. Isa sa pinakamayaman na kumpanya sa Pilipinas na pag-aari ng isa sa pinakamayamang angkan— ang mga Wilson.
Ang saya-saya kong pumasok dito sa opisina ni Mr. Thomas Wilson, ang kasalukuyang CEO kung saan ako nagsisilbi bilang secretary nito. Pero sa isang iglap ay nawala ang nakapintang ngiti sa mukha ko nang marinig ko ang sinabi ni Sir Thom— na last day ko na raw.
Natigilan ako at hindi nag-sink in sa utak ko ang narinig. Malinaw naman ang pagkakasabi ng amo ko.
Last day?
Pero bakit?
“S-sir?” usal ko.
Hindi ko alam kung naisatinig ko ba ang lumabas sa bibig ko. Pero oo, dahil nag-angat ng tingin ang matanda sa akin.
“I said, this is your last day as my secretary.” Muling sabi ni Sir Thomas. Ngayon ay mas malinaw ang pagkabigkas ng matanda. Mas malakas.
Mas lalo akong natigilan. Parang may batong dumagan agad sa dibdib ko dahilan para bumigat ‘yon. Parang nasu-suffocate ako na hindi ko maintindihan.
All of a sudden ay ito ang maririnig ko? Ang biglaan naman at wala akong idea kung ano ang dahilan.
Sa isang taon na pagtatrabaho ko sa company ni Sir Thomas Wilson ay masasabi kong binigay ko ang 100 percent best ko. Halos puro papuri nga ang naririnig ko sa matandang amo.
Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko ay alam kong naging masipag akong secretary ni Mr. Thomas Wilson. Pati personal na pangangailangan nito ay halos ako na ang nagtatrabaho. Wala akong nakikitang reason para bigla akong tanggalin sa trabaho.
“P-pero bakit po, Sir? M-may nagawa po ba akong mali?” Nauutal na tanong ko.
“Don’t be nervous, Ava… You are doing great. I’m just leaving the position as a CEO of this company… Magpapalit ka lang ng amo. Simula bukas ay hindi na ako ang magiging boss mo.” Nakangising sabi ni Sir Thomas. Halatang ginu-goodtime lang ako.
Naghalo ang pakiramdam ko bigla. Mula sa labis na kaba at takot dahil sa narinig ko kay Sir Thomas ay ngayon ay na-relieve ako na hindi naman pala ako tanggal sa trabaho. Pero kasabay no’n ay nalungkot ako dahil napakabait na amo ni Sir Thomas. Hindi lang dahil sa malaking pasahod at bonus na binibigay nito sa akin. Kung hindi dahil na rin sa pakikitungo nito sa akin at sa lahat ng empleyado dito sa Wilson Holdings Inc.
Sa isang taon na pagta-trabaho ko bilang secretary nito ay naging maayos ang trabaho dahil na rin sa matanda. He’s very professional. Bagay na hinahangaan ko. Kahit na napakayaman nito ay down-to-earth din.
Kaya nga ang plano kong kumuha ng kahit na 6 months na experience sa trabaho ay mas na-extend pa dahil sa maganda na ang benefits ng kumpanya at mabait na amo. Pati mga kasamahan ko sa trabaho ay magaan kasama.
Sobrang swerte ko na natanggap sa kumpanya na ‘to bilang secretary ng CEO. Pagka-graduate ko ng kursong business administration ay ilang buwan pa ako bago nagsimulang magtrabaho. Sa admin department ako nag-apply pero sakto na biglaang nag-resign ang secretary ni Sir Thomas at ako na lang ang nilagay sa posisyon.
Ang gusto ko talaga ay magtayo ng sariling negosyo. Meron ang pamilya ko na pag-aaring commercial building at sa ngayon ay may mga tenant kaming nagre-rent doon. Gusto ko sanang gawing simula ‘yon para magkaroon ng sariling opisina at mag-isip nang business na magpapayaman sa akin.
Gusto kong maging mayaman para hindi ko na maranasan ang pang-aapi sa akin at sa pamilya ko ng mayayaman. At ang pang-aapi na ‘yon ay naranasan ko mismo sa pamilya ng ex-boyfriend ko na si Warren Madrid. Isa sa college memories ko na ayoko nang balikan pa. Sobrang kahihiyan ang dinulot sa akin ng pamilya ng ex ko at inalipusta ako at pati na rin ang parents ko ay nadamay.
Kung tutuusin ay hindi naman kami sadlak sa kahirapan at maykaya naman. Pero dahil multibillionaire ang naging first boyfriend ko ay hampas lupa ang tingin sa akin ng pamilya nito.
Kulang dalawang taon na rin ang nakakaraan ng magkahiwalay kami ni Warren at coincidence pa na dito ako natanggap ng trabaho sa numero unong kalaban na kumpanya ng pamilya ng ex-boyfriend ko, Ang Wilson Holdings Inc.
“Ava!?” Napasinghap ako sa malakas na tinig ni Sir Thomas.
“Are you with me?” Tanong ng matanda.
“Uhm, y-yes, Sir. Pasensya na po. Kayo po kasi, pinapakaba niyo ako.” Natatawang sabi ko na lang sa matanda.
“Tsk. Pinagti-tripan lang kita, hija. Imposibleng tanggalin kita,… You’re one of the asset of the company. An employee like you is hard to find. Parang nagtampo lang ako sa palay kapag hinayaan kita na mawala sa kumpanya.” sambit ni Sir Thomas
Napangiti naman ako ng matamis sa sinabi ni Sir Thomas. Pumapalakpak din ang tainga ko sa papuri nito. Syempre, as an employee ay masarap naman talagang marinig ang mga gano’n salita mula sa boss. Nakaka-boost lang ng self-esteem at mas nagiging productive ako.
Binaling na muli ni Sir Thomas ang tingin doon sa pinipirmahan nitong documents.
“Pero, Sir Thom, pwede ko na po bang malaman kung sino ang papalit sa posisyon niyo?” Sumeryosong tanong ko naman.
Muling nag-angat ng tingin si Sir Thomas sa akin at ngumiti.
“My eldest son, Tristan.” sagot nito.
Napa-awang ang labi ko. Agad na binundol ng kaba ang dibdib ko.
“Oh, Lord! No! Sana nagkamali ako nang dinig, please!”
“T-tristan?” muling tanong ko para i-confirm ang narinig.
“Yes. You heard it right, Ava… Si Tristan nga… Sa ngayon ay ikaw muna ang makakaalam ng changes ng management. I’ll do the announcement tomorrow.”
Pero parang hindi ko na inintindi pa ang mga sinabi ni Sir Thomas.
Kung minamalas ka nga naman. Bakit sa dinami dami ng tao sa mundo ay ang Tristan Hayes Wilson pa na ‘yon!?