Chapter 2 - Hunter is Hunter

1902 Words
[Hunter James Acosta] "Verdadero! Ano, pinalayas mo na?" tanong ko habang pinupunasan ng mop ang sahig na nabasa dahil sa cooler na dala ko kanina. "Inis na inis sa 'yo," natatawang sagot niya, nakasandig ang siko sa ibabaw ng maliit na pinto na hanggang baba lang ng dibdib ko. "Kilala mo ba 'yon? Chicks 'yon, ah." "Hindi," matipid na sagot ko. Hindi ko naman talaga kilala 'yon. Hindi ko ugali ang alalahanin ang mga taong wala namang ambag sa buhay ko. Siguro nga kaklase ko siya noong elementary pero bukod sa matagal na 'yon ay wala rin akong pakialam noon. Napatingin ako sa labas ng entrance nang makitang may nagkakagulo roon. Napasunod din ang tingin ni Verdadero nang tawagin siya ng isa pang guard na lumapit. "May babaeng hinimatay sa labas!" "Sino?" tanong ni Verdadero sabay alis kasama 'yong guard. Titingnan niya siguro ang nangyayari sa labas. "Sino 'yon?" Siniko ako ni Reese na kakaupo lang sa ibabaw ng cooler, nagpapahinga. "Huh?" Kumunot ang noo ko nang tingnan ko siya. "Iyong magandang babae kanina na mukhang model. Sino 'yon?" "Mama mo," pambabara ko. Bakit ba sila tanong nang tanong? Hindi ko nga kilala ang babaeng 'yon. "Tumae ka raw ng classroom. Totoo ba 'yon? Kadiri ka." Tumawa siya, nang-aasar. "Totoong tumae ako ng classroom pero hindi ko siya maalala at ayoko siyang alalahanin. Marami na akong problema ngayon, dadagdag pa 'yon?" "Chill. Init ng ulo!" Tumawa ulit siya at saka kinalikot ang cellphone. "Nga pala, nag-text na naman si Sir. Tinatanong kung may nagpasa raw ba ng resume sa atin ngayong araw." Pinatong ko ang mop sa bunganga ng bucket at pinaikot iyon para patuyuin. Nang matapos ay itinabi ko na iyon sa gilid ng lababo. "Walang magpapasa ng resume sa atin. Alam mo kung bakit?" "Kasi mababa ang sahod," pakikisabay niya sa sinabi ko sabay tawa. "Mababa pero tinitiis mo naman dito." "Mas okay na rito kaysa panibagong trabaho na naman. Balik na naman sa pagiging trainee nang walang sahod tapos panibagong pakikisamahan na naman." "Buti ka nga may choice ka, eh." Nagkibit-balikat siya. "Eh, ako, kahit gustuhin kong umalis dito ay hindi pwede. Ito lang ang tatanggap sa 'kin kahit hindi ako naka-graduate ng high school..." Hindi ko na pinakinggan ang mga sinabi niya at pinasak na lang ang isang piraso ng earpiece ko at ni-connect sa cellphone ko para makinig ng kanta. "Hi, Hunter!" Dumukwang mula sa preparation area si Grace, nakasuot ng uniform ng Pizza Go, ang pangalan ng katabi naming food kiosk. Hindi ko siya pinansin at umupo lang sa isa pang cooler. Walang costumer kapag ganitong oras kaya ito ang oras na pwede kaming magpahinga saglit. "Hoy, Hunter!" Kinaway ni Grace ang kamay niya para magpapansin. "Huwag mong kausapin, may toyo 'yan." Tumawa si Reese. "Pagod ka ba, baby?" malambig na tanong ni Grace. "Humanap na kasi kayo ng isa pang crew para may day-off na kayo. Kung pwede lang akong mag-apply sa inyo, why not?" Tumawa si Reese nang hindi ulit ako sumagot. "Bakit ka ba ganyan? Palagi mo na lang ako hindi pinapansin?" nakangusong tanong ni Grace. "Treat kita mamaya ng Laksa soup. Gusto mo?" "Huwag mo nang kausapin, wala sa mood 'yan," natatawang sabi ni Reese. "Palagi naman, eh." Bumuntong-hininga ako nang makitang umalis na siya. Buti naman. Ayoko sa maiingay na babae. Maingay na nga sa bahay tapos dadagdag pa ako ng maingay. Pagdating ng 4 p.m ay nagsimulang dumami ang mga tao, dumagdag ang mga estudyanteng galing sa school na katabi mismo ng Trivia. Marami nang estudyante kaya naging busy na ulit kami ni Reese. Siya ang nakatoka sa counter at ako naman sa preparation area. Mas mabilis daw kasi ako kumilos at magaling mag-multitasking. Pagdating ng 7:30 p.m ay nakaramdam na ako ng pagod. Mabuti na lang at bumagsak na ang ulan kaya nabawasan ang mga gustong bumili ng milktea sa'min. Habang nagpapahinga, tinulungan ko na si Reese na magbilang ng mga baso at straw. Ako na rin ang nagtimbang ng mga ingredients na nagamit namin habang siya naman ang naglilista. Maya-maya ay narinig na namin sa speaker ang pagsasara ng Trivia kaya tinanggal na namin ni Reese ang suot naming visor, hairnet at apron. Nag-umpisa na rin akong maghugas ng mga gamit. "Quota na naman!" masayang bulalas ni Reese. Nagbibilang na kasi siya ng pera. "Halos doble kaysa kahapon!" Pumalakpak ang tenga ko nang marinig ko 'yon. Quota means incentives. Ang saya. Nang masiguro namin na nakapatay na ang ilaw sa kiosk at maayos na ang pagkakalagay ng mga ingredients at gamit sa loob ng drawer ay kinuha ko na ang malaking net sa ibaba. Sinukbit ko muna ang backpack sa balikat ko bago tinakpan ang buong food kiosk ng store namin. Ni-check ko muna kung may hindi natakpan sa ilalim at nang masigurong okay na ay sabay na kami ni Reese na umalis. "Una na 'ko, erp." Kumaway si Reese sa akin bago sumakay ng tricycle na nakapila sa labas ng entrance. Malayo-layo kasi ang bahay nila. "Ingat!" Kumaway ako pabalik bago naglakad papunta sa left wing ng Trivia, doon kasi ang paradahan ng jeep. Ginulo ko ang buhok ko para makahinga sa 11 hours na pagkakakulong sa hairnet at visor. Huminga ako ng malalim, dama ang pagod sa buong katawan. "Bye, Hunter! Ingat!" Lumingon ako sa likod ko para tingnan kung sinong sumigaw. Napairap ako nang makitang si Grace 'yon. Hindi ko makakalimutan 'yong ginawa niyang pagkakalat na may relasyon kami. Hanggang ngayon, akala ng iba ay girlfriend ko siya. Ayoko na lang magsalita dahil baka mapahiya siya sa mga tao. Mas mabuti nang ako ang sumalo sa kabaliwan niya. Pagdating ko sa left wing ng Trivia ay sumakay na ako ng jeep. Isa na lang ang hinihintay kaya umandar na kaagad. Hindi naman masyadong malayo ang bahay namin mula sa Trivia kaya limang minuto lang ang lumipas at bumaba na kaagad ako. Huli na para maalala kong hindi pala ako nagbayad. K*ngina. "Pinagpala ka sa lahat, Manong! Bawi ako sa 'yo next time!" sigaw ko sa jeep na sinakyan ko. Malayo na iyon kaya alam kong hindi na ako narinig ng driver. Napakamot na lang ako sa ulo ko. Naglakad na ulit ako. Dalawang minuto pa ang lalakarin ko papasok ng eskinita para marating ang bahay namin. Huminga ako nang malalim at ginulo ang likod ng buhok ko. Tuwing umuuwi ako galing trabaho, bumibigat ang dibdib ko. Pabigat nang pabigat na parang may bakal na nakapatong. Minsan, hindi ako umuuwi kaagad at pumupunta muna ako ng ibang lugar basta huwag lang umuwi kaagad sa impyernong bahay namin. Kung may choice lang ako. Papasok pa lang ako ng gate ng bahay namin ay naririnig ko na ang malakas na sigaw ni Mama at ni Ate Tess. "Hindi sabi ako kakain! Hindi ako kakain! Ang kulit-kulit mo! Hindi sabi ako kakain!" Bumuntong-hininga ako at mabagal na naglakad papasok ng pinto. Pagkarating ko roon ay naabutan ko ang nagkakagulong si Ate Tess at ang mama ko. Sumandig ako sa gilid ng pinto at pinanood sila. "Aray! Huwag kang mangurot!" reklamo ni Ate Tess. Binaba niya sa mesa ang hawak na plato at hinimas ang kamay na kinagat ni Mama. "Ang kulit-kulit mo! Ayoko sabing kumain! Hihintayin ko asawa ko!" umiiyak na sigaw ni Mama. "Wala ka nang asawa! Matagal nang patay!" "Ate Tess..." tawag ko. Lumingon silang dalawa sa akin. Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Mama pero hindi ako natuwa nang makita ko 'yon. "Sander! Asawa ko!" Tumayo siya mula sa pagkakaupo at sinugod ako ng yakap. "Na-miss kita! Ayokong kumain nang hindi ka pa nakakauwi!" Nagkatinginan kami ni Ate Tess at nakita ko ang pagbuntong-hininga niya. Napailing ako at marahang tinulak si Mama palayo sa akin. "Kumain ka na ro'n. Huwag mo nang pahirapan si Ate Tess," malamig na sabi ko bago ako tuluyang pumasok. Hinagis ko ang backpack ko sa sofa at dumiretso sa kwarto pero sumunod pa rin siya roon. K*ngina. Bakit ba sinusundan ako ng malas? "Sander! Bakit hindi mo ako pinapansin? Galit ka ba sa'kin? Hinintay kitang makauwi para sabay tayong kumain." Pumunta ako sa closet ko para kumuha ng damit na pamalit pero hanggang doon ay sinundan niya ako. "Sander! Ano ba! Bakit hindi ka nagsasalita?! Ano, may babae ka ba?! Sige, umamin ka!" Naramdaman ko ang paghampas niya sa likod ko kaya nag-isang linya ang mga labi ko. Pabagsak kong sinara ang pinto ng closet ko at saka humarap sa kaniya. "Ano bang problema mo at Sander ka nang Sander, ha?!" sigaw ko sa mismong mukha niya. Napakurap siya sa gulat at awtomatikong nanubig ang mga mata. "Ano, iiyak ka? Ayaw mo ng sinisigawan pero sunod ka nang sunod sa 'kin! Sander ka nang Sander, hindi naman ako ang asawa mo! Patay na si Papa, okay?! Isaksak mo 'yan sa utak mo!" "Hunter!" Napatingin ako sa pinto ng kwarto ko kung saan naroon nakatayo si Ate Tess, nanenermon ang mga mata. "Paalisin mo nga 'to rito, Ate Tess! Pakainin mo na sa labas!" iritadong sabi ko saka tumalikod para kumuha ulit ng damit ko sa closet. "Halika na, Mirriam." Naramdaman ko ang pagpasok ni Ate Tess at maya-maya lang ay tahimik na sa kwarto ko. Dumiretso ako ng banyo para maligo. Paglabas ko ay si Ate Tess na lang ang nakita ko sa sala, nanonood ng TV. "Tulog na?" tanong ko habang may hawak na isang baso ng tubig. Tumango siya bilang sagot. "Bayad mo, Ate Tess..." Inabot ko sa kaniya ang dalawang daan pero tiningnan niya lang iyon bago tumingin sa mukha ko. "Hindi mo dapat sinisigawan ang nanay mo nang gano'n." Napairap ako at umupo sa tabi niya. "Hindi ko kailangan ng sermon." "Hindi ka makakarinig ng araw-araw na sermon kung sinusunod mo ang sinasabi ko," panenermon niya. "Huwag mong kalimutan na nanay mo pa rin 'yon. Kung makasigaw ka sa kaniya kanina ay parang kinalimutan mong inalagaan ka niyon mula bata, ah." Umismid ako. "Responsibilidad niyang alagaan ang anak niya. Hindi dapat pinapamukha 'yon. Una sa lahat, hindi ko hiniling na buhayin niya ako." "Pero responsibilidad din ng isang anak ang respetuhin ang magulang niya, Hunter. Sana maisip mo 'yan—" "Pagod lang ako, Ate Tess. At alam mong ayoko sa lahat ang maingay at makulit: doon ako sumasabog." "May sakit ang nanay mo, dapat iniintindi mo 'yon." Napahigpit ang pagkakahawak ko sa baso. "Ang tagal ko nang iniintindi ang sitwasyon niya. Kulang na lang maging baliw ako katulad niya sa kakaproblema kung paano siya bubuhayin. Nagtatrabaho ako sa umaga, nagpapakapagod...tapos ganyan ang uuwian ko? Mabuti sana kung pinatapos niya muna ako sa pag-aaral bago siya nabaliw. Pero hindi ko natapos dahil sa kaniya. "Kahit gustuhin ko man mag-aral, hindi ko magawa kasi mas kailangan niya ng suporta at atensyon. Kung hindi ako magtatrabaho, sinong bubuhay sa 'min? Ang laki na rin ng sinakripisyo ko, Ate Tess. Kung natapos ko sana ang pag-aaral ko, hindi sana ako nabulok sa trabahong hindi ko naman talaga gusto." "Naiintindihan naman kita, Hunter." Hinawakan niya ang balikat ko. "Pero hindi naman ginusto ng nanay mo na mangyari 'to sa kaniya. Kaya nga tinutulungan ko kayo kasi may malasakit ako sa inyo kahit hindi ko kayo kadugo, sana gano'n ka rin sa nanay mo." Madaling sabihin kasi wala sa sitwasyon. Hindi sila ang naghihirapan, hindi sila ang nagtitiis. Hindi sila ang araw-araw na nakikisama sa isang babaeng may tililing sa utak. Kaya ayokong magkaroon ng girlfriend, eh. Dagdag problema lang 'yan. Nang matapos ang sermon ni Ate Tess ay binigay ko na sa kaniya ang bayad niya. Kawawa naman, eh. Hindi madaling magbantay sa isang katulad ni Mama na may sapak sa ulo. Kumain akong mag-isa sa hapag, napapaisip kung hanggang kailan ako ganito. Paulit-ulit na lang ang takbo ng buhay ko, pakiramdam ko ay wala na akong patutunguhan. Mas gugustuhin ko na lang mamatay kung hanggang dito lang ako. Kung pwede lang maglaho na lang bigla o kaya hindi na lang ako magising. Pero kahit gustuhin ko man, hindi ko pwedeng pabayaan ang nanay ko. Pakiramdam ko... nabubuhay na lang ako sa responsibilidad sa nanay ko. *** Alas-otso na ng umaga nang magising ako kinabukasan. Nagising ako sa ingay ng boses ni Mama. Padabog kong inalis ang kumot sa katawan ko at napakamot sa ulo. "Araw-araw na lang! Lintik na 'yan!" Panay ang reklamo ko habang naliligo ako sa loob ng banyo. Araw-araw ay ganito ang set-up sa bahay. Kung tutuusin ay pwede ko nang maging alarm clock si Mama dahil sa ingay ng bunganga niya tuwing umaga. Hindi ako kumakain ng almusal kaya nagtimpla lang ako ng kape habang pinapanood si Ate Tess na pakainin si Mama sa sala. "Wala nga akong ganang kumain!" parang batang sigaw ni Mama. Napairap tuloy ako. Para siyang bata. Hindi naman na bagay sa kaniya. Minadali ko nang ubusin ang kape ko para makaalis na ako. Sinuot ko na ang uniform ko at nagpaalam na kay Ate Tess. "Ikaw muna ang bahala riyan, Ate Tess," sabi ko. "Hindi ka magpapaalam sa mama mo?" Sinulyapan ko si Mama na ngayon ay nakaupong mag-isa sa sala at kinukutkot ang mga daliri sa kamay. Napairap ako at umiling. "Huwag na. Wala naman akong makukuhang matinong sagot diyan." Isinukbit ko ang bag sa balikat ko at tinalikuran na sila. Dumaan muna ako ng tindahan para bumili ng sigarilyo. Isang stick lang ang inubos ko at kumain na ako ng candy bago sumakay ng jeep papuntang Trivia. Pagdating ko roon ay nanibago ako nang hindi si Verdadero ang nakita kong nakabantay sa entrance. "Nasaan si Verdadero?" tanong ko sa lady guard na nakabantay, Cruz ang apelyido. 8:45 pa lang ng umaga kaya hindi pa pwedeng makapasok ang mga hindi employee sa loob ng Trivia. Bale 9:00 a.m kasi ang bukas namin kaya dapat bago dumating ang oras na 'yon ay nakabukas na lahat ng store sa loob. Kapag na-late ang mga employee ay may multa na fifty pesos, kaltas sa sahod namin. Yumuko ako sa logbook para ilagay ang pangalan ko, ng store na pinagtatrabahuhan ko, ang oras ng pagdating ko at ang pirma ko. "Hindi mo ba nabalitaan? Nasagasaan si Verdadero kagabi habang pauwi. Patay na siya." Napaayos ako ng tayo at gulat na napatingin kay Cruz. "N-Nasagasaan?" Hindi siya nakasagot kaagad dahil may pumasok na lalakeng employee at tiningnan niya ang bag nito gamit ang hawak na stick. Pumunta ako sa gilid dahil pipirma rin ang lalake sa logbook. "Oo. Hit and run. Kawawa nga 'yong asawa niya, eh," sagot ni Cruz sa tanong ko. Hindi ako nakapagsalita dahil parang may bumundol sa dibdib ko. G*go, magkausap pa lang kami ni Verdadero kahapon. Tapos ngayon....patay na? Buhay nga naman ng tao. Nakatulala lang tuloy ako habang inaalis ko ang malaking net na nakatakip sa food kiosk ng Take a Sip. Wala pa si Reese dahil mamayang tanghali pa ang shift niya. Bale ako ang palaging whole day dahil may anak siyang inaasikaso sa bahay nila. Pagpatak ng alas-nuebe ay nagsimula nang pumasok ang mga tao sa loob. Mabuti na lang at mabilis ako kumilos. Na-display ko na lahat at nailagay ko na rin nang maayos ang mga gamit sa counter. Wala pa namang costumer kapag ganito kaaga kaya binuksan ko muna ang isang cooler para i-drain. "Excuse me." Mula sa pagkakatuwad sa cooler ay umayos ako ng tayo para lingunin kung sino ang nagsalita. Kumunot kaagad ang noo ko nang makita kong si Orion iyon. Kay aga namang kamalasan 'to, oo. Nakasuot siya ng hanging blouse na may nakasulat na 'Don't stare at me'. Nakasandig siya sa may pinto kaya hindi ko alam kung anong suot niya pang-ibaba. Kumpara kahapon, nakalugay ang mahaba at itim niyang buhok na may kaunting highlights pa ng brown. Mas manipis din ang make-up niya ngayon dahil liptint lang siguro ang nilagay niya. Kapansin-pansin din ang band-aid na nakalagay sa cheekbone niya na nakita ko rin kahapon pero hindi ko pinagtuonan ng pansin. Wala naman kasi akong pakialam. Gumuhit ang ngiti sa labi niya kaya naglitawan ang mga biloy sa magkabila niyang pisngi. Kung gaano kamisteryoso ang mga mata niya ay gano'n naman kagaan ang ngiti niya. "Anong kailangan mo at nandito ka naman?" masungit na tanong ko. Nabura ang ngiti niya. Sabi na nga ba at peke 'yon. Napaismid ako. "Ang aga tapos ang sungit!" Umirap siya. "I wonder kung paano ka natanggap sa ganyang trabaho kung masungit ka sa mga tao." "Sa 'yo lang ako masungit. Mukha mo pa lang ay nakakasira na ng araw." Siempre hindi totoo 'yan. Marami na akong nasungitan at hindi lang siya. Kapag kasi hindi maganda ang first impression ko sa isang tao ay tuloy-tuloy na ang kasungitan ko sa kanila. Itong si Orion, naalala ko na isa sa pinakamaingay kong kaklase noong elementary ako. Madalas siyang nalilista sa mga Noisy People kapag wala ang teacher namin. "Same to you!" ganti niya. May kinuha siya mula sa loob ng bag niya at saka inabot sa akin ang isang papel. "Bio-data ko 'yan! Pakibigay sa boss mo!" Kumunot lalo ang noo ko at tiningnan nang masama ang papel na hawak niya. At may balak pa siyang mag-apply dito, huh? Tingin niya papayag ako na makasama ko siya sa trabaho? "Ano, hindi mo kukunin? Don't worry, hindi lang naman ito ang bibigyan ko ng bio-data ko. Lahat ng food kiosks dito, aapplyan ko! The more bio-data I give, the more chances of getting hired!" "Hindi kami tumatanggap ng walang experience," sagot ko sabay halukipkip. "At sa pormahan mo pa lang, mukhang hindi ka sanay magtrabaho." Nag-isang linya ang mga labi niya at pinaningkitan ako ng mga mata. At para mas lalo siyang mainis ay pinaningkitan ko rin siya at hindi nagpatalo sa tingin. "There's always a first time at kayang-kaya kong matuto, okay?!" malakas na sigaw niya na ikinangiwi ko. P*ta. Mababasag yata eardrums ko sa lakas ng boses ng babaeng 'to. "Nga pala, nakita mo ba 'yong guard kahapon?" biglang tanong niya. "Verdadero 'yong nakalagay sa uniform niya." Kumunot ang noo ko. "Bakit ko hinahanap? Type mo? May asawa na 'yon. Huwag ka ngang malandi." Binigyan niya ako ng matalim na tingin nang sabihin ko 'yon. Napalunok tuloy ako at napatikhim. "Gusto ko lang siyang kamustahin kasi kahapon hahabulin ko sana siya, kaya lang nahilo ako at dumugo ilong ko. Nagising na lang ako na nasa ospital na ako. Buti na lang at sinagot no'ng isang guard 'yong mga babayaran. Ano, nasaan si Kuyang guard?" Sandali akong hindi nakaimik sa tanong niya. Naisip ko kung bakit niya hinahanap si Verdadero kung kailan patay na ito. "P-Patay na si Verdadero. Kagabi pa. Na-hit and run daw," sagot ko habang nakatingin sa mukha niya para makita ang reaksyon niya. Napasinghap siya at napatulala. Namuo ang mga luha sa mga mata niya sa isang iglap. "H-Hindi ko siya nailigtas," sambit niya kasabay ng pagtulo ng mga butil ng luha mula sa mga mata niya. "Anong sinasabi mo? Paano mo naman siya maliligtas kung nakatakda nang mangyari sa kaniya 'yon?" takang tanong ko. "K-Kaya kong kalabanin ang mga nakatakda na," mariing katwiran niya pero nasa boses ang matinding pagsisisi. "At hindi mo rin ako maiintindihan kaya kunin mo na 'tong bio-data ko." Dinuldol niya sa mukha ko ang papel kaya hinuli ko ang pupulsuhan niya para pigilan siya. "Huwag ka ngang—" Natigil ako sa pagsasalita nang suminghap siya nang malalim na para bang nauubusan siya ng hininga. Napatulala siya at umawang ang bibig habang nakatingin nang deretso sa mga mata ko. "A-Anong nangyari sa 'yo?" tarantang tanong ko, hindi pa rin binibitawan ang pupulsuhan niya. "H-Hoy!" Binitawan ko ang pupulsuhan niya pero siya naman ang humawak sa akin, dahilan para manlaki ang mga mata ko. Unti-unting naging matalim ang tingin niya sa'kin kaya naramdaman ko ang paninindig ng mga balahibo ko sa batok. "Aking hinihiling na iyong maranasan, ang pait at sakit na iyong pinaramdam!" sigaw niya sa mukha ko. "A-Anong sinasabi mo?" Pinilit kong alisin ako kamay niya sa pupulsuhan ko pero sobrang higpit ng hawak niya. "Itatak mo sa iyong puso at isipan, ang iyong angkan ay aking pahihirapan! Ikalawang dekada ng kanilang buhay ay hindi nila mararanasan!" Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang pamilyar na mga salitang binitawan niya. Matapos niyang sabihin iyon ay kaagad niya akong binitawan kasabay ng paghahabol niya ng hininga. Muntik na siyang matumba kaya hinawakan ko ang balikat niya bilang suporta. Tumingin siya sa'kin nang puno ng takot ang mga mata. "M-Mamamatay ka, Hunter. Nakita ko..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD