Chapter 3-Save Him

2883 Words
[Orion Hale De Castro] Hindi ko maipaliwanag ang nakita ko nang hawakan ko si Hunter. Bata pa lang ako ay alam ko na ang kakayahan kong makakita ng hinaharap. Hindi ko iyon kontrolado. Bigla na lang itong susulpot tuwing may hinahawakan akong partikular na tao. Kadalasan, mga boses lang ang naririnig ko tuwing nakakakita ako ng hinaharap. Pero kay Hunter, ibang-iba. Una kong nakita ang pagbagsak niya sa sahig, senyales na mamamatay siya. Pangalawa kong nakita ay ang isang nakaraan na konektado sa kamatayan niya. Naroon ako mismo sa isang senaryo kung saan nakikita ko ang isang babae at isang lalake na nakasuot ng pangkasal. Malabo ang mga mukha nila pero rinig na rinig ko ang sumpang binitawan ng babae sa lalake. "Anong trip mo?" Nangibabaw ang iritadong boses ni Hunter kaya napatingin ulit ako sa kaniya. Normal na ulit ang paghinga ko kaya hinawakan ko ang kamay niya para ulitin ang sinabi ko kanina pero may bigla akong naalala. Ano pang silbi kung ipapaliwanag ko 'yon sa kaniya? Maniniwala ba siya? Baka pagkamalan niya lang akong baliw. "Saan mo nakuha ang mga pinagsasabi mo?" tanong niya ulit. Kaagad akong umiling at umiwas ng tingin. Mas matutulungan ko siya kung wala siyang alam. Bago pa siya magtanong ulit ay nagmadali na akong umalis. Nakita ko ang kamatayan niya at hindi iyon ang suot niya kaya okay lang na iwan ko muna siya. Hindi ako sigurado kung kailan mangyayari ang nakita ko pero sigurado akong hindi ngayon 'yon. "Oh, anong nangyari sa 'yo?" takang tanong ni Farrah pagkarating ko ng apartment namin. Naabutan ko siyang naglalagay ng heels sa paa, papasok na yata siya ng trabaho. Hindi ako nagsalita at umupo lang ako sa sofa, nanghihina. Hindi naman kami gano'n ka-close ni Farrah. Nagkakilala lang kami noong isang linggo pagkatapos kong lumipat ng tirahan dito. Ang sabi kasi sa akin ng landlady ay makakatipid ako kung may kahati ako sa apartment kaya pumayag akong tumira dito kasama si Farrah. Hindi naman siya mahirap pakisamahan. Mabait siya at siya pa nga ang madalas na nagluluto ng pagkain namin. "Orion, may problema ba?" tanong niya ulit. Umusog siya palapit sa akin at sinilip ang mukha ko. "Namumutla ka, ah. May sakit ka?" Tinakpan ko ang mukha ko at umiling. Nag-init ang mukha ko dahil sa pinipigilang emosyon. Unti-unti na naman akong nilalamon ng takot ko. Kung tutuusin ay dapat sanay na ako na makakita ng mga kamatayan pero hanggang ngayon ay kakaibang kilabot pa rin ang dala nito sa pagkatao ko. "Hala! Dumudugo ang ilong mo!" Napasigaw siya nang makita ang pagdaloy ng dugo mula sa ilong ko. Tumayo siya pero kaagad kong pinigilan ang braso niya. "Okay lang ako, Farrah." Ngumiti ako sa kaniya pero mukhang hindi siya kumbinsido. "Huwag ka nang mataranta. Ganito lang talaga ako." Napakurap siya at umupo ulit sa tabi ko. "Ano? Normal na sa 'yo 'yan?" Tinuro niya ang ilong ko. "Wait lang nga." Inabot niya ang isang rolyo ng tissue at maingat na pinunasan ang mga dugo sa ibaba ng ilong ko. "Sanay na sanay ka siguro na mag-alaga, 'no?" natatawang tanong ko habang pinapanuod ko siya sa ginagawa niya. "May lola ako noon." Itinapon niya ang tissue na puno ng dugo at kumuha ng kapalit para simutin ang dugo sa ilong ko. "Ako ang nag-alaga sa kaniya hanggang sa mamatay siya." "S-Sorry." Nailang tuloy ako sa narinig ko. Ngumiti siya. "Okay lang. Pero alam mo, hiniling ko noon na sana nakikita ko ang hinaharap." Kumunot ang noo ko. "Bakit mo naman gustong makita ang hinaharap?" "Para alam ko sana kung kailan mamamatay si Lola noon. Ang hirap kasi ng biglaan, eh. Alam mo 'yong sanay ka na sa presensya ng tao tapos...biglang mawawala?" Napatulala na lang ako sa kaniya. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa sinabi niya. Gusto kong sabihin sa kaniya na hindi madali na makakita ng hinaharap lalo na't nakikita mo ang kamatayan ng mga tao sa paligid mo, at may kapalit pang panghihina ng katawan at pagdurugo ng ilong. Mahirap. "P-Paano kung may tao nga na nakakakita ng future?" tanong ko. Napatigil naman siya sa pagpunas sa ilong ko at napatingin sa mga mata ko, natatawa pa. "Anong klaseng tanong naman 'yan? May tao ba na kayang makita ang future ng isang tao?" "H-Halimbawa lang..." Kinamot ko ang ulo ko. "N-Nagsusulat kasi ako ng kwento." "Ngayon ko lang nalaman na nagsusulat ka. Pero ang opinyon ko tungkol sa tanong mo, naniniwala ako na kung binigyan ng Dios ng kapangyarihan ang isang tao para makakita ng hinaharap, dapat gamitin ito para makatulong sa iba." "Kahit may kapalit?" paniniguro ko. "Kahit may kapalit," nakangiting ulit niya. Napangiti na rin tuloy ako. Dahil ako, kahit alam kong may kapalit ang bawat pangingialam ko sa future ng mga tao sa paligid ko ay mas pinipili ko pa rin na tumulong dahil...nakikita ko sa kanila ang nanay ko—ang nanay ko na hindi ko nagawang iligtas sa kamatayan sa kabila ng kakayahan ko. "Kung ako 'yon, makokonsensya ako kapag pinabayaan kong mangyari ang future at wala akong ginawa para mapigilan ito," dagdag ni Farrah. "Ano, magsusulat ka na?" tanong niya maya-maya. Dahan-dahan akong tumango at nginitian siya nang tipid. "Sige." Tumayo na siya at kinuha ang bag niya. "Papasok na ako sa trabaho. Ingat ka rito. Alagaan mo ang sarili mo, ha? Baka dumugo na naman 'yang ilong mo." "Salamat. Ingat ka rin." Nang makaalis siya, pumunta ako ng higaan ko at dumapa roon. Ilang segundo akong natulala hanggang sa makaramdam ako ng antok. Maya-maya, nakatulog na ako. *** "Ma, bili mo 'ko liptint. Paubos na, eh," ungot ko kay Mama habang nasa loob kami ng mall. Bumibili kasi siya ng gamot para sa sakit ng ulo. "Kumuha ka ro'n," sabi niya at napatalon ako sa tuwa. Pumunta ako sa section kung saan nakalagay ang mga liptint. "Wow! Favorite brand ko 'to!" bulalas ko nang makita ang isang box ng foundation. "Pabili ko kaya 'to kay Mama?" Kinuha ko iyon mula sa lagayan at tumakbo pabalik kay Mama na ngayon ay nasa cashier na. "Oh, ano na naman 'yan?" nakataas ang kilay na tanong niya nang makita ang hawak ko. "Utang na loob, Orion. Second year college ka na next week pero spoiled ka pa rin." Napanguso ako. "Kung buhay si Papa, hindi niya sasabihin 'yan." "Ibahin mo ako sa Papa mo." Humaba lalo ang nguso ko. Nahalata niya siguro ang pagsimangot ko kaya bumuntong-hininga siya at kinuha mula sa kamay ko ang foundation at ang liptint. "Sige na, bibilhin ko na. Last na muna 'to, ha? Magbabayad pa tayo sa apartment natin. May utang na tayong tatlong buwan. Hindi tayo mayaman, Orion." "Alam ko na 'yon, Ma. Thank you!" Niyakap ko siya sa braso, nakangiti nang malawak. Pero unti-unting nabura iyon nang biglang naging itim ang paningin ko at nawalan ako ng pandinig. Humugot ako nang malalim na hininga kasabay ng pagkabog nang malakas ng dibdib ko. Sunod-sunod na pumasok sa loob ng isip ko ang mga senaryo...ni Mama. Tirik na tirik ang araw at kasama ako ni Mama sa pagtawid sa kabilang kalsada. Ang mga damit na suot namin sa pangitain na 'yon ay ang mga damit na suot din namin ngayon. Nang makatawid kami sa kabilang kalsada, may lalakeng tumatakbo at may hawak na bag at maliit na kutsilyo. Hinarang iyon ni Mama dahil nakita niyang hinahabol ito ng mga tao. Nagpumiglas ang lalake at sinaksak siya sa sikmura. Sa mismong paanan ko, bumagsak ang duguang katawan ni Mama. Lumuluhang binitawan ko ang braso ni Mama. Kinuha niya ang mga pinamili niya mula sa cashier at binigyan ako nang nagtatakang tingin. "Bakit ka umiiyak?" tanong niya nang makalabas kami sa mall. "M-Ma...huwag muna tayong umuwi...please," umiiyak na sambit ko. "B-Bakit? Anong nakita mo?" Hindi na lingid sa kaalaman ni Mama na nakakakita ako ng future. Bata pa lang ako, ilang beses ko nang napatunayan na tama ang mga pangitain ko. "M-Masasaksak ka ng isang magnanakaw. Tanghali nangyari 'yon, Ma. Hintayin natin na gumabi bago tayo umuwi." Dumaan ang takot sa mga mata niya pero hindi siya nagsalita at niyakap niya lang ako. "M-Ma, ayokong mawala ka. Gagawin ko lahat para hindi mangyari ang nakita ko." Buong buhay ko, ito ang unang beses na nagpasalamat ako na may ganitong klase akong kakayahan. Dahil dito, magagawa kong iligtas ang Mama ko sa kamatayan niya. Pero nagkamali ako. Pagdating ng gabi...habang tumatawid kami ng kalsada, tinulak ako ni Mama. Nang madapa ako sa kalsada ay kaagad kong nilingon si Mama. Sa mismong harap ko, nakita ko kung paano niya mabundol ng isang kotse. Doon ko napagtanto na kahit anong gawin ko...kahit iligaw ko ang kamatayan, makakahanap ulit ito ng pagkakataon para makuha ang isang taong nakatakdang mamatay sa oras na 'yon. Pero hindi ako 'yong tipo ng tao na manonood na lang na mamatay ang mga tao sa paligid ko. Hangga't kaya ko, tutulungan ko. Kayang-kaya kong kalabanin ang kamatayan kahit ilang beses pa nitong paduguin ang ilong ko. Idinilat ko ang mga mata ko at naramdaman ko ang pagpatak ng isang butil ng luha mula sa mata ko. Dahan-dahan akong bumangon mula sa higaan at napatingin sa orasan sa taas. 7:15 p.m. Gabi na pala. Ang bigat ng pakiramdam ko. Napanaginipan ko pa ang nangyari kay Mama. Naalala ko si Hunter. Tumayo ako at naligo para magbihis ng panlakad ulit. Hindi ako makaramdam ng gutom, dala siguro ng mga iniisip ko. Nagsuot ako ng isang gray na long-sleeved fitted blouse na may mababang neckline, ni-tuck in ko iyon sa isang black high-waisted ripped jeans na pinaresan ng white sneakers. Kinulot ko rin ang dulo ng buhok ko at tinali sa half-bun, pagkatapos ay ginawa kong messy bun iyon para bumagay sa postura ko. Kinuha ko ang white sling bag ko at naglagay din ako ng liptint sa labi ko bago ako umalis. Nang makarating ako ng Trivia ay kaunti na lang ang tao. Isang oras na lang kasi ay magsasara na sila. "Kawawa naman si Verdadero, 'no?" "Oo nga. Tapos 'yong pamilya niya, kawawa rin." Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ang usapan ng lady guard na nagbabantay sa entrance at ng isang guard na bantay ng parking area. Nanikip ang dibdib ko nang maalala ang mukha ng guard na pinag-uusapan nila. So, patay na talaga siya. Hit and run. Bumuntong-hininga ako at inaala si Hunter. Hindi ko kayang tiisin ang ganito. Nakokonsensya ako dahil hindi ko man lang nagawang tulungan 'yong guard. Hawak ang sling bag ko ay naglakad ulit ako papunta sa Take a Sip. Nakita ko kaagad si Hunter kasama 'yong babae na nakita ko rin kahapon. "Close na po kami," sabi ni Hunter nang hindi nakatingin sa akin. Nagbibilang na siya ng mga plastic cup na ginagamit sa Milktea. Nge. Binibilang pala 'yon? Napatingin ako sa babaeng kasama niya na nasuksok ang ulo sa ilalim ng kabinet sa baba, mukhang may binibilang siya. "Close na kayo? Hindi pa naman 8 p.m, ah. 7:30 pa lang," sabi ko. Napangiti ako nang gulat na nag-angat ng tingin sa akin si Hunter. "Anong ginagawa mo rito?" masungit na tanong niya. "Liligawan ka," nakangiting sagot ko. Kitang-kita ko ang pagsalubong ng mga kilay niya. "Bangag ka ba? Umuwi ka na nga." Nagbilang ulit ng baso pero pinitik ko ang tenga niya. "Aray ko! Ano ba!" "Nandito ako para tulungan ka. Kaya imbes na sungitan mo 'ko, magpasalamat ka na lang." "Ano? Hibang ka ba? Bakit ako magpapasalamat sa'yo? At anong tulong ang pinagsasabi mo?" Tumingin ako sa paligid bago dumukwang sa kaniya para bumulong. "Hindi ba nakita ko ang future mo? Mamamatay ka. Kaya nandito ako para tulungan kang pigilan ang kamatayan mo." Napasimangot ako nang itulak niya ang mukha ko, halos mabali ang leeg ko sa lakas ng pagkakatulak niya. "Hindi ako mamamatay at hindi ako naniniwala sa mga sinasabi mo. Kabaliwan mo lang 'yan." Umiling siya at nagbilang ulit ng baso. Sa inis ko ay inagaw ko ang mga basong hawak niya. "Hindi kabaliwan 'to, Hunter. Hindi biro ang nakita ko. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung kailan ka mamamatay pero sinasabi ko sa 'yo na totoo ang sinasabi ko." Gumalaw ang matalim niyang mga panga at mabilis na inagaw sa akin ang mga baso. "T*ngina, lumayas ka nga sa harap ko. Tigil-tigilan mo 'ko. Sa iba ka mang-trip, huwag sa 'kin. Wala akong oras para diyan." Napaawang na lang ang bibig ko at hindi makapaniwalang napatitig sa kaniya. Tigas nito, ah! Kung wala lang akong puso, pinabayaan na lang sana kitang mamatay! Dinilaan ko ang pang-ibabang labi ko at paulit-ulit na bumuntong-hininga. "Ayaw mong maniwala, ah..." bulong ko. Luminga ako sa paligid at sinigurong may mga taong makaririnig sa mga sasabihin ko. "Hunter!" Nag-umpisa akong umiyak nang malakas, dahilan para manlaki ang mga mata ni Hunter at maging ang kasama niyang babae ay napatayo mula sa pagkakasuksok sa loob ng cabinet. Nauntog pa siya. Unti-unti kong nakuha ang atensyon ng mga tao sa paligid kaya lihim akong nagdiwang. "Maawa ka naman sa 'kin! Panagutan mo 'ko!" umiiyak na sambit ko. "A-Anong sinasabi mo! Manahimik ka nga!" tarantang sigaw ni Hunter. "Hala, Hunter!" Kinalabit siya ng kasama niyang babae na nanlalaki rin ang mga mata habang hawak ang isang clipboard at ballpen. "Nakabuntis ka? Patay ka ngayon!" "Manahimik ka nga, Resse!" asik ni Hunter sa babae bago ako binalingan. "Baliw ka ba?" "H-Hindi ako nababaliw!" umiiyak na sagot ko. "Buntis talaga ako at ikaw ang ama! Maniwala ka naman, oh! Pagkatapos mong pagsawaan ang katawan ko ay tatawagin mo lang akong baliw? Eh, kung tawagin din kitang jutay? Matutuwa ka?!" Napatakip sa bibig ang babae at si Hunter naman ay halatang gusto akong kaladkarin palabas ng Trivia. Napapatingin na rin sa amin ang mga taong napapadaan. "Reese, ikaw muna ang bahala rito," matigas na sabi ni Hunter sa babaeng kasama niya. Inalis niya ang suot na apron, visor at hairnet bago lumabas sa kiosk nila. Halos mabali ang braso ko sa lakas ng paghila niya sa akin. "Anong trip mo?!" pabulong na asik niya nang makalabas kami. Ang higpit ng pagkakahawak niya sa pupulsuhan ko. Galit talaga siya. "Alam mo, wala akong oras para makipaglokohan sa 'yo. Pinagkakalat mo pa na nabuntis kita? T*ngina, hindi ako papatol sa 'yo! Sa ingay ng bibig mo at sa ugali mo pa lang, kahit halikan ka, hindi ko kayang gawin!" Napasinghap ako sa sinabi niya. Ang yabang ng lalakeng 'to, ah! Ginawa ko lang naman 'yon para pansinin niya ako. As if naman gusto kong magpabuntis sa kaniya. "Bitawan mo nga ako!" sigaw ko. Gamit ang kabila kong kamay ay pinilipit ko ang kamay niyang nakahawak sa pupulsuhan ko. Napasigaw siya sa sakit lalo na nang tuhurin ko ang sikmura niya. Ha! Ano ka ngayon?! "A-Aray ko," nakangiwing sambit niya habang hawak ang sikmura. "For your information, ginawa ko lang 'yon kanina para pansinin mo 'ko! Hindi ko naman gagawin 'yon kung kinausap mo ako nang maayos, eh! At isa pa, hindi rin ako papatol sa 'yo kasi masama ang ugali mo! Sana hindi na lang kita pinuntahan dito, demonyito ka!" Hindi siya nakasagot dahil namimilipit pa rin siya sa sakit. Buti nga sa kaniya! Deserve niya 'yan! Tumunog ang cellphone niya na nakasuksok sa suot niyang pantalon. Kinuha iyon ni Hunter at sinagot ang tawag. "H-Hello...Ate Tess..." Kitang-kita ko ang pagbabago ng ekspresyon sa mukha niya. Nagsalubong ang mga kilay niya at mukhang galit siya sa kausap. "Bakit mo naman pinabayaan, Ate Tess?! Nasaan siya?" Napasabunot siya sa buhok at halos ibato niya ang sariling cellphone, mabuti na lang at ibinulsa niya na ulit iyon bago ako tiningnan nang masama. "Pwede bang umalis ka na sa harap ko? Huwag ka nang dumagdag sa mga problema ko," inis na sabi niya. Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. "Hindi. Sasamahan kita sa pag-uwi. Malay mo, mamatay ka na mamaya tapos hindi man lang kitang magawang iligtas." "T*ngina naman!" Napasabunot ulit siya sa buhok niya. "Ang kulit mo! Sabi nang—" "Mag-eeskandalo ulit ako rito," hamon ko. "Hahayaan mo 'kong sumama sa 'yo sa pag-uwi o ipagkakalat ko rito na nabuntis mo 'ko? You choose." Napasinghal siya. "Wala ka talagang kahihiyan sa katawan, 'no? Wala kang pakialam kahit mapahiya mo ang sarili mo. T*ngina, bahala ka sa buhay mo." Dinilaan ko ang pang-ibaba kong labi at mabilis na hinatak ang kwelyo niya, dahilan para muntik nang magtama ang mga ilong namin. "Isa pang mura, hahalikan kita," nakangising sambit ko. Pero hindi man lang siya naapektuhan dahil seryoso lang ang mukha niya habang nakatitig nang deretso sa mga mata ko. Nakakainis! Bakit walang talab?! Kapag ibang lalake tapos ginanito ko, mamumula na ang tenga at mukha! Pero itong lalakeng 'to, hindi tinatablan ng charm ko! Hindi na ba 'ko maganda?! Hindi siya nagsalita pero inalis niya ang kamay ko mula sa pagkakahawak ko sa kwelyo niya. Pinagpag niya pa 'yon na para bang nadumihan. "Arte..." Napairap ako. "Sorry ka pero may taste ako pagdating sa isang babae." Tiningnan niya ako from head to toe. "At hindi ka kasali ro'n." "Oh, eh di ikaw na!" sarkastiko kong sabi. Napailing siya at tinalikuran na ako. "Hihintayin kita sa ayaw at sa gusto mo! Hindi ka makakatakas sa 'kin!" "Bahala ka sa buhay mo..." sagot niya habang naglalakad ulit papasok ng Trivia, nakapamulsa. Para sa 'kin, oo ang ibig sabihin n'on.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD