Chapter 4-The Curse

2836 Words
[Hunter James Acosta] "Oh, sabay kayong uuwi?" tanong sa akin ni Reese nang makita niya si Orion paglabas namin ng Trivia. Naghintay talaga siya sa 'kin kahit wala naman akong sinabi. Makulit talaga. "Huwag ka nang magtanong," masungit na sabi ko. "Uwi ka na, erp." "Excited kang umuwi ako?" pang-aasar niya. "Tanga, wala kaming koneksyon ng babaeng 'yan." "Weh? Bakit hinintay ka niya?" Napakamot ako sa ulo ko. Hindi niya na talaga ako tinantanan sa pang-aasar mula pa kaninang pagbalik ko. Pinaliwanag ko na sa kaniya na hindi buntis si Orion at mas lalong wala akong nabuntis pero sige pa rin sa pang-aasar ang timang. "Huwag ka na ngang maraming tanong," pagsusungit ko. "Sige na." Inunahan ko na siya sa paglalakad. "Excited! Hahaha!" pahabol niya pero hindi ko na siya pinansin at napailing na lang ako. Nang makalapit ako kay Orion ay hindi niya kaagad ako nakita. Busy siya sa pakikipag-usap sa mga tricycle driver. Wala na kasing mga pasahero kapag ganitong oras. Halatang type siya ng mga gunggong na tricycle driver dahil ang lawak ng mga ngiti nila. Tss. Hindi niya ba alam na may mga asawa na ang mga 'yan? "Hoy," tawag ko. Natigil siya sa pagsasalita at napalingon sa akin. Awtomatikong nalukot ang mukha niya nang makita ako sabay nameywang. "Ano? Tara na?" Hinawi ko ang buhok ko at saka namulsa. "Mukhang busy ka pa, eh. Okay lang naman. Mas maganda ngang wala akong kasamang asungot, eh." Tumalikod na ako pero hinatak niya ang backpack ko kaya napabalik ako. "Ano ba!" "Tara na!" Hinawakan niya ang braso ko at hinatak ako. At ako naman si tanga na nagpahatak sa kaniya. Bago pa ako mainis ay binawi ko ang kamay ko sa kaniya. "Huwag ka ngang basta-basta nanghahatak!" angil ko. "Baka akalain ng ibang nakakakita sa atin ay magkakilala tayo!" "Magkakilala naman talaga tayo, ah!" Humarang siya sa dinaraanan ko kaya napatigil ako sa paglalakad. Hay. P*tangina. Bakit ba kasama ko 'to ngayon? "Alam mo ikaw, ang sarap mong hampasin ng Arnis stick, eh! Buti na lang hindi ko dala 'yon!" Inambahan niya ako ng suntok pero hindi man lang ako natinag. Napatingin lang ako sa kamao niyang maliit na nakaamang sa akin. Matangkad siya pero hanggang tenga ko lang ang height niya. Napaismid ako at nilampasan na siya. Wala akong mapapala kung makikipagtalo ako sa kaniya. "Teka...hindi ba kasali ka rin sa Arnis noong elementary? Magkasama pa nga tayong nagti-training noon, eh!" Nasabayan niya pa rin ako sa paglalakad kahit malalaki na ang hakbang ko. Tibay. "Marunong ka pa ba mag-Arnis?! Ako kasi marunong pa rin! Sumali pa rin kasi ako sa Arnis noong high school ako! Eh, ikaw? Sumali ka pa ba? Magaling ka rin naman, ah! Pagdating kasi ng high school ay naghiwa-hiwalay na tayo tapos wala na akong balita sa 'yo. Ano, nagtae ka ba ulit sa classroom? Gagi, 'yong amoy ng jebs mo naalala ko pa rin! Parang na-stock sa ilong ko!" Wala akong naririnig. P*tangina. Wala akong naririnig. "Hoy! Magsalita ka naman!" Kinalabit niya ako. Paulit-ulit akong bumuga ng hangin. Ayoko talaga sa maingay, mabilis akong marindi. T*ngina, bakit kasi nakabuntot 'to sa 'kin? "Hunter!" Narinig ko ang boses ni Grace mula sa likod ko. T*ngina. Isa pa 'to. Tumigil kami ni Orion sa paglalakad at nilingon si Grace. "Ang bilis mong lakad!" hiningal na sabi niya nang tumigil siya sa tapat ko. "Bakit ba?" "Iimbitahan sana kita. Pupunta kami nila Karen sa bar. Birthday ko ngayon, eh." Napatingin siya kay Orion at mabilis na nabura ang ngiti niya. "I-Ikaw 'yong sumigaw kanina. Sabi mo nabuntis ka ni... Hunter." Tumingin ulit siya sa 'kin, nagtatanong ang mga mata. Tumawa nang malakas si Orion, pumalakpak pa. "Joke, joke lang 'yon! Naniwala ka naman?" Awkward na ngumiti sa kaniya si Grace bago tumingin ulit sa akin. "A-Ano, sama ka?" Umiling ako. "Hindi pwede. May emergency sa bahay, eh. Next time na lang." Bumakas ang pagkadismaya sa mukha niya. "May emergency ba talaga? At saka wala nang next time. Ngayon na ang birthday ko, eh." Napahilot ako sa sentido ko. Bakit ba napapaligiran ako ng mga makukulit? "Pasensya na. May emergency talaga sa bahay. Sige." Hindi ko na siya hinintay na sumagot at tinalikuran ko na siya. Binilisan ko na rin ang paglalakad ko. "Hoy, teka lang!" habol ni Orion. Haay. Binagalan ko ang paglalakad ko para masabayan niya ako sa paglalakad. "Jowa mo 'yon?" tanong niya. "Maganda, ah." "Hindi ko jowa 'yon." "Weh? Halatang nagselos sa akin, eh. Kaya pala iwas na iwas ka sa 'kin, ah. May iniingatan kang feelings." Napailing na lang ako. Bahala siya kung ayaw niyang maniwala. Sino ba siya? Pagdating namin sa paradahan ng jeep ay nauna akong sumakay at sumunod naman siya. Nakaupo siya sa pinakapintuan habang nasa tabi niya naman ako sa kanan. Ako na ang nagbayad ng pamasahe naming dalawa. Umandar na ang jeep maya-maya. "Malayo ba bahay n'yo?" tanong niya habang iniipon sa kamay ang buhok niya dahil nililipad ito ng hangin. "Hindi." "Okay. Tipid sumagot nito." Tumawa siya. Tumingin na lang ako sa harap at hindi sinasadyang napatingin ako sa katabi kong lalake sa kanan. Nakatingin siya sa katabi ko—kay Orion. Sinundan ko kung saan siya nakatingin kaya tumingin ako pabalik kay Orion. Napataas ang kilay ko nang makitang bumaba nang kaunti ang neckline ng suot niyang damit at kita na ang cleavage niya. Tumingin ako ulit sa lalake at binigyan siya ng matalim na tingin. Nahalata kaagad niya na nakatingin ako kaya umayos siya ng pagkakaupo at nag-iwas ng tingin. G*go ba 'to? Hindi na lang manuod ng video. Pagkarating namin ng bahay ay pinagalitan ko kaagad si Orion. "Kapag nagsusuot ka ng ganyang damit, maging responsable ka. Hindi mo alam na pinagpapantasyahan ka na ng lalake kanina." "Weh? Sino? Katabi mo kanina?" Napairap ako. "Bakit interesado ka pa kung sino? Tandaan mo na lang ang sinabi ko. Hindi naman bawal magsuot ng ganyan pero sana tingnan mo naman kung nakikita na 'yang kaluluwa mo." "Opo, Papa." Tumawa siya para asarin ako. "Ano, hindi ka pa uuwi? Nakauwi na ako nang safe. Siguro naman titigilan mo na 'yang kabaliwan mo." "Gusto ko munang makita ang bahay n'yo," pagpapa-cute niya sabay peace sign. Natigil lang ako sa panenermon sa kaniya nang marinig ko ang boses ni Ate Tess at ang malakas na iyak ni Mama. Nagmadali akong pumasok ng gate at naramdaman ko ang pagsunod ni Orion. Nang makarating ako sa pinto ay bumungad sa akin ang nagkalat na piraso ng TV at mga vase. "Ano ka ba naman! Lahat na lang sinisira mo!" naiiyak na sigaw ni Ate Tess kay Mama na ngayon ay nakaupo sa pinakadulo ng sofa at umiiyak habang yakap ang sarili. "Ikaw kasi pinapagalitan mo 'ko, eh!" parang bata na sagot ni Mama. "Sinayang mo lahat ng pagkain sa refrigerator! Siempre papagalitan kita!" "Magluluto lang naman ako, eh! Paparating na si Sander kaya dapat lutuan ko siya!" "Dios ko naman!" Napahilamos sa mukha si Ate Tess. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko habang pinapanuod ko silang mag-away. Namanhid na yata ako sa pinaghalong galit at inis na nararamdaman ko ngayon. Pagod pa ako sa trabaho. Wala na bang mas masaklap? "H-Hunter, nariyan ka na pala." Nakita ako ni Ate Tess kaya napalingon din sa akin si Mama. Kaagad lumiwanag ang mukha niya at tumakbo palapit sa akin. Bago pa niya ako mayakap ay hinawi ko kaagad siya at naglakad papunta ng kusina. Nakasunod sa akin si Ate Tess mula sa likod "Nagpahinga lang ako kanina. Akala ko tulog din siya pero paggising ko...pinakialaman niya na lahat ng mga pagkain sa refrigerator," kwento ni Ate Tess. Habang nagsasalita siya, lumikot ang mga mata ko sa mga kalat sa kusina. Nasa kawali ang iba't ibang uri ng gulay na binili ko pa nakaraan sa supermarket ng Trivia. Sunog na ang mga iyon. Pagtingin ko sa sahig ay nagkalat ang mga mantika, kape at asukal na bagong bili ko rin. "T*ngina..." puno ng panlulumong sambit ko. Gusto kong magwala ngayon. Parang nandilim ang paningin ko at pakiramdam ko ay sasabog ako anumang oras. "Sander..." Boses iyon ni Mama mula sa likod. Kumuyom ang mga kamao ko pero hindi ko siya nilingon. Pagod na pagod ang katawan ko pero mas pagod ang utak ko ngayon. Ang bahay na dapat maging pahinga ko ay nagiging kalbaryo dahil sa nanay ko. Ang masaklap, hindi ko siya magawang pabayaan kasi bilang anak, responsibilidad ko siya. Pero t*ngina, napapagod din ako. "Sander—" Sinubukan niyang hawakan ang braso ko pero tinulak ko siya nang malakas. Naputol na ang pagpipigil ko. Nahawakan siya kaagad ni Ate Tess kaya hindi siya natumba. "Ano? Bakit may tinira ka pa?! Sana sinira mo na lang lahat ng gamit dito! Sana inubos mo na lang lahat ng pagkain sa ref! T*ngina, Ma! Nakakapagod kang intindihin, ah! Tulungan mo naman akong intindihin ka! Pagod na pagod ako sa trabaho, oh! Tapos itong d*putang 'to ang madadatnan ko?! Maawa ka naman!" "Hunter," naiiyak na saway ni Ate Tess. Nag-umpisang umiyak nang malakas si Mama pero mas lalo lang nag-init ang ulo ko. "Kailangan ko rin ng nanay!" Nabasag ang boses ko. "Ayoko nito! Sawang-sawa na 'ko! Kung alam mo lang kung ga'no ko kagusto na huwag na lang umuwi rito kasi araw-araw mong pinapasakit ang ulo ko! Araw-araw kang ganito!" "S-Sander..." Patuloy lang siya sa pag-iyak. Sinipa ko ang paa ng upuan sa harap ko at naglakad palabas ng kusina. Pinagsisipa ko ang mga piraso ng basag na TV sa sala. "P*tanginang buhay 'to! Ano pa! Ano pang gusto mo?!" Hindi ko na alam kung para kanino ko sinasabi ang mga salitang 'yon. Baka sa Dios. Kasi bakit niya hinahayaang mangyari sa'kin 'to? Bakit niya ginawang baliw ang nanay ko? Kulang pa ba lahat ng pagsubok na binibigay niya sa 'kin? Hindi pa ba siya kuntento? Bigla na lang tumulo ang mga luha ko. Sobrang bigat ng dibdib ko. "Sander! Tama na!" awat ni Mama. Dahil sa magkahalong emosyon, hindi ko na napigilan ang sarili ko at muntik ko na siyang masapak. Mabuti na lang at sumigaw nang malakas si Ate Tess kaya natigil ang kamao malapit sa mukha ni Mama. "Ano ka ba, Hunter!" malakas na sigaw ni Ate Tess at humarang pa siya kay Mama. Kitang-kita ko ang takot sa mukha ni Mama dahil sa ginawa ko. Kumawala siya sa pagkakayakap ni Ate Tess at tumakbo papasok sa kwarto niya. Dahan-dahan kong binaba ang kamao ko, natauhan sa ginawa ko. Mula sa gilid ng mata ko, nakita ko si Orion. Nakapasok na pala siya at nakatayo sa harap namin kanina pa. Madilim ang mukha niya na para bang gusto niya akong suntukin. Umiling ako at naglakad palabas ng bahay, hindi ko siya pinansin nang tawagin niya ang pangalan ko. Gusto kong mapag-isa ngayon, gusto kong magpalamig ng ulo. Pero paano ako kakalma kung nakasunod siya sa akin ngayon? T*ngina, kailan ba tatahimik ang buhay ko? Siguro kapag patay na 'ko. Huminto ako sa paglalakad at hinarap siya. Napatigil din tuloy siya sa paglalakad. Napansin ko ang nakakuyom niyang mga kamao at ang matatalim niyang tingin. "Ano ba! Bakit ba sunod ka nang sunod?!" sigaw ko pero hindi man lang siya nagpatinag. "Alam mo bang gusto kitang sapakin ngayon?" seryoso ang mukha na sambit niya. "Ano?" Nagsalubong ang mga kilay ko. "Ano bang problema mo?!" "Hindi mo dapat ginawa 'yon sa nanay mo!" "Ano bang pakialam mo?! Kung alam ko lang na mangingialam ka, hindi sana kita hinayaan na sumama! Umuwi ka na nga sa inyo!" Tinalikuran ko na siya pero hinatak niya ulit ang braso ko. Pagharap ko ulit sa kaniya ay nakaduro na ang hintuturo niya sa mukha ko. "Alam mo, kanina pa ako nagtitimpi sa'yo, eh!" gigil na sambit niya. "Kung nanay ko 'yong ginano'n mo, baka mata mo na lang ang walang latay!" "Ano bang alam mo?! Ikaw ba 'yong nagtatrabaho sa buong araw tapos gano'n ang madadatnan mo?! Ikaw ba 'yong araw-araw, pinaparusahan ng Dios dahil may nanay kang may sapak sa utak?! Hindi mo alam 'yon, eh! Kaya pwede bang huwag kang makikialam sa buhay ko?! Kasi ni kalahati ng kwento ko ay hindi mo alam!" "May sakit ang nanay mo, okay?! Bakit hindi mo maintindihan 'yon?! Naiintindihan ko ang galit mo pero 'yong saktan mo siya?! Hindi tama 'yon! Maswerte ka nga at may nanay ka, eh!" "Mas bubuti ang buhay ko kung wala akong nanay!" Kitang-kita ko ang pagdaan ng matinding galit sa mga mata niya nang bitawan ko ang mga salitang iyon. "A-Ang kapal ng mukha mong sabihin 'yan..." Humina ang boses niya habang naghahabol ng hininga. "K-Kung wala siya, wala ka rin." "Mas mabuti nga sana na hindi na lang ako pinanganak. Alam mo kung bakit? Kasi wala nang kwenta ang buhay ko. Nabubuhay na lang ako dahil sa isang responsibilidad bilang anak. Kaya kahit sinabi mong mamamatay ako, wala na akong pakialam. Kung tutuusin...hinihintay ko na lang na mamatay ako." Naibaba niya ang hintuturo na nakaduro sa mukha ko. Para siyang nanghina sa sinabi ko at dumaan ang...awa sa mga mata niya. Awa? Bakit siya naaawa sa'kin? Dahil puno ng drama ang buhay ko? Dahil hindi ako isang tipikal na lalake na umiikot ang buhay sa mga kaibigan at pamilya niya? Halos nawalan na ako ng oras para sa sarili ko. "K-Kung gano'n ay...naniniwala ka sa nakita ko? Na mamamatay ka?" mahina at dahan-dahan niyang tanong. Ginulo ko ang buhok ko at napaupo sa gutter. Hindi naman siya gumalaw at nasa tapat ko lang siya nakatayo. "K-Kung hindi mo nabanggit ang tungkol sa sumpa...hindi sana ako maniniwala na nakikita mo ang hinaharap..." mahinang sagot ko sa tanong niya. Kanina, nang sabihin niyang mamamatay ako, naniwala kaagad ako dahil sa mga sinambit niyang salita. "Aking hinihiling na iyong maranasan, ang pait at sakit na iyong pinaramdam! Itatak mo sa iyong puso at isipan, ang iyong angkan ay aking pahihirapan! Ikalawang dekada ng kanilang buhay ay hindi nila mararanasan!" Walang ibang nakakaalam sa sumpa na 'yon kaya imposibleng nagkataon lang na alam 'yon ni Orion. Kaya kahit ayoko, naniwala ako sa sinabi niya na kaya niyang makita ang hinaharap at malapit na akong mamatay. "S-Sumpa? May sumpa ka?" Umupo si Orion sa tabi ko, titig na titig sa mukha ko, pero ang mga mata ko ay nakatuon lang sa pavement. "Kami," pagtatama ko. "May sumpa ang mga Acosta—ang lolo ko tuhod. Hindi naman ako naniniwala roon dati, eh. Nakwento lang kasi sa akin ni Mama na may sumpa si Papa dahil namatay ito noong 20th birthday. "Buntis pa lang sa 'kin no'n si Mama nang mamatay si Papa. Biglang may babaeng sumaksak sa kaniya. Ang sabi pa ni Mama, gano'n din ang nangyari sa lolo ko—namatay din noong 20th birthday niya. "Ang sabi ko naman, coincidence lang ang mga 'yon. Walang sumpa. Hindi totoo ang sumpa dahil nasa modernong panahon na tayo. Hanggang sa marinig ko na nga mula sa bibig mo 'yong sumpa. Iyon siguro ang ikamamatay ko." "T-Teka, ilang taon ka na ba? At kailan ang birthday mo?" "19. Dalawang buwan mula ngayon ang birthday ko." Bumuka ang bibig niya. "M-Malapit na pala. Hindi mo ba alam kung bakit kayo nagkaroon ng sumpa? Kasi kapag may sumpa, may solusyon." "Ang sabi, may babaeng sinaktan ang lolo ko sa tuhod. Bilang ganti, sinumpa siya nito. Iyon lang ang alam ko. Nagpasalin-salin na lang kasi ang kwentong 'yon kaya hindi na detalyado. Hindi rin kasi ako naniwala kaya hindi ko na inalam pa ang buong kwento." Napatulala siya at mukhang nag-iisip nang malalim. "Ikalawang dekada ng kanilang buhay ay hindi nila mararanasan," ulit niya sa huling parte ng sumpa. "Iyon pala ang ibig sabihin ng ikalawang dekada. 20 'yon, 'di ba? Mamamatay ang angkan n'yo pagsapit ng 20th birthday. Nakakatakot naman." "Huwag ka nang mag-abalang alamin kung anong solusyon sa sumpa na 'yan. Handa naman akong mamatay." Tumayo na ako at pinagpag ang suot kong pantalon. "No! Hindi pwede! Hindi ka pwedeng mamatay!" Tumayo rin siya at humarang sa daraanan ko. Desperada na ang mga mata niya. "Tutulungan kita! Mapipigilan natin 'yan! Two months pa naman, 'di ba?! Maraming araw pa para malaman ko kung anong makakaputol ng sumpa sa angkan n'yo!" "Wala akong pakialam kahit mamatay ako, okay? Kaya tantanan mo na 'ko." Humakbang ako pero hinarang niya ang mga kamay sa dibdib ko. "I'm just trying to save you!" Bubulyawan ko sana siya pero bumaba ang tingin ko sa isa niyang kamay na may hawak na music box. Kumunot ang noo ko dahil pamilyar sa akin ang hawak niya. "Music box 'yan ng tatay ko, ah." "H-Huh?" Napatingin siya sa hawak niya. "A-Ah...napulot ko 'to do'n sa sala n'yo. Nakalimutan kong ibalik. Pero totoo? Sa tatay mo 'to?" "Sabi ni Mama hawak 'yan ni Papa bago siya masaksak kaya tinago niya 'yan. Mahilig kasi sa music box si Papa." "Talaga?! Ako rin! Mahilig ako sa ganito!" Nakangiting pinagmasdan niya ang itim na music box. "Eh, di sa 'yo na 'yan," sabi ko at mabilis na tumakbo para takasan siya. "Hoy!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD