[Orion Hale De Castro]
"Bwesit talaga! Bwesit! Bwesit! Bwesit!"
Banas na banas ako kay Hunter pag-uwi ko ng apartment. Iniwan niya ako! Hindi ko alam kung saan siya nagpunta! Hindi ko na siya hinabol dahil mukhang desperado na siya na mapag-isa muna.
Pero kahit na! Inis pa rin ako sa kaniya!
Padaskol kong ipinatong ang sling bag sa higaan ko at umupo roon.
"Oh, bakit lukot 'yang mukha mo? May nakaaway ka?" Sumilip sa pinto ng kwarto namin si Farrah. Hindi ko siya nakita sa sala kanina. Nasa kusina yata siya at nagluluto, may suot siyang red apron, eh.
Ngumiti ako sa kaniya. "Wala. May bwesit lang na nagpasira sa araw ko."
Natawa siya sa itsura ko. "Huwag mo na lang pansinin. Ang sabi nga sa bible: "But to you who are listening I say: Love your enemies, do good to those who hate you."
"Wow. Nagbabasa ka pala ng Bible?" natatawang tanong ko. Bilib ako sa mga katulad niya. Ako kasi, tamad akong magbasa ng Bible at hindi rin ako mahilig magdasal.
"Pinalaki kasi ako ng mga magulang ko nang may takot sa Dios. Tapos mahilig din ako magbasa ng Bible kaya ayon." Tinitigan niya nang maigi ang mukha mo. "Alam kong hindi ka mahilig magdasal pero maniwala ka na kapag inilapit mo ang sarili mo sa Kaniya, makakaya mo ang lahat ng problema."
"Salamat." Ngumiti na lang ako.
Hindi naman sa hindi ako naniniwala sa Dios pero hindi talaga ako nagdadasal. Minsan lang akong tumapak sa loob ng simbahan. Ewan ko, mabilis kasi akong ma-bored kapag nagpi-preach ang pari. Kahit sa classroom, gano'n din ako.
Bumalik na ulit si Farrah sa kusina para magluto. Ako naman ay nagbihis ng pambahay. Paglabas ko ng banyo ay tapos na si Farrah sa pagluluto kaya inaya niya na akong kumain. Nang matapos ay naghilamos na ako at dumiretso sa higaan ko.
Napangiti ako nang makita ko ang music box sa side table ko. Hindi ko pa 'yon nabubuksan kahit isang beses kaya kinuha ko at pinagmasdan nang maigi.
Ewan ko ba pero gustong-gusto ko ang mga music box lalo na kapag tumutugtog ito. Para akong dinadala nito sa isang mahiwagang lugar.
Bubuksan ko na sana iyon pero biglang tumunog ang phone ko. Nilagay ko ulit ang hawak kong music box sa side table at inabot ang phone ko.
Napakunot ang noo ko nang makitang unknown number ang tumatawag. Hindi ako mahilig sumagot sa mga tawag ng strangers, baka mga scam lang 'yon.
"Bakit hindi mo sinasagot?" tanong ni Farrah na kakaupo lang sa higaan niya at pinapatuyo ang buhok gamit ang tuwalya.
"Unknown number, eh." Nagkibit-balikat ako.
"Sagutin mo. Baka importante," udyok niya.
Tumango ako at tumayo para lumabas ng kwarto. Sa sofa ako umupo at sinagot ang tawag.
"Hello, scammer!" bungad ko.
"Good evening. I'm Gelo Santos from Take a Sip Milktea shop." Boses ng lalake ang sumagot. "Pwede ka bang pumunta sa Trivia bukas para sa interview?"
Nanlaki ang mga mata ko at tinakpan ko ang bibig ko.
Gosh! Owner yata siya ng Take a Sip sa Trivia! Naku, lagot! Tinawag ko siyang scammer!
"U-Uh...I'm sorry. Kayo po ba 'yong may-ari ng Take a Sip sa Trivia?"
Narinig ko ang pagtawa niya. "Yes. I own the franchise. Natanggap ko ang bio-data mo kanina. Kailangan namin ng crew ngayon."
"Pwede po ako!"
"Uh, yes. Kaya kita tinawagan para ma-interview kita bukas. 10 a.m."
"Sure! Sir..."
"Gelo."
"Sir Gelo! Hehe. Thank you po!"
Napatalon ako sa tuwa nang patayin ko ang tawag.
"Yes! May trabaho na 'ko!" Tumakbo ako papasok sa kwarto para ibalita kay Farrah pero tulog na siya.
Ang saya ko kahit badtrip na badtrip ako kay Hunter kanina. Sa sobrang saya ko, hindi kaagad ako nakatulog. Kaya kinaumagahan, 9 a.m na ako nagising at pumasok na rin sa trabaho si Farrah.
Hindi na ako nag-almusal at diretso ligo na ako para pumunta ng Trivia. Nakakahiya, baka ma-late ako sa interview. Hindi pa nga ako naha-hire pero baka masisante kaagad ako!
Nagsuot ako ng white off-shoulder top at black jeans na pinaresan ko ng white flats. White sling bag ulit ang gamit ko pero mas maliit iyon kaysa kahapon. Naglagay ako ng kaunting liptint sa labi saka sa pisngi para hindi ako magmukhang maputla. Inayos ko rin ang kilay ko. Natagalan ako ng kaunti dahil nag-double braid pa ako ng buhok ko. Inayos ko sa gilid ang bangs ko at ngumiti sa salamin.
"Alright! Ganda mo!" Pinitik ko ang mga daliri ko sa harap ng salamin. Bago ako umalis, nag-spray ako ng pabango.
Ilang minuto lang ay nasa Trivia na ako. Nang tingnan ko ang suot kong white wristwatch ay nanlaki ang mga mata ko.
Late ako ng two minutes!
Binilisan ko ang paglalakad ko hanggang sa marating ko ang Take a Sip. Nakita kong kausap ni Hunter ang isang matangkad na lalake na nakasuot ng salamin. Mukhang mas matanda lang siya sa amin nang sampung taon. Nakasuot siya ng hapit na black dress shirt at pantalon. Habang nagsasalita siya, gumagalaw ang mga kamay niya. Hula ko ay siya ang boss nila Hunter.
Hindi ko namalayan na nakalapit na pala ako sa kanila hanggang sa mapatingin silang dalawa sa akin.
"Oh, nandito ka na pala." Nginitian kaagad ako ng kausap ni Hunter at inilahad sa akin ang isang kamay. "I'm Gelo Santos, the franchise owner of this shop."
Tiningnan ko muna si Hunter at tinaasan niya lang ako ng kilay. Inirapan ko siya bago nginitian si Sir Gelo at nakipag-shake hands.
"Hi, Sir Gelo! I'm Orion Hale De Castro!" Halos kita na ang ngala-ngala ko sa lawak ng ngiti ko. Ang gwapo niya tapos sobrang puti pa. Feeling ko tuloy ay siya si Edward Cullen ng Twilight. May salamin nga lang.
"Nice meeting you. Are you ready for the interview?"
"Yes po! Opo naman, Sir!"
"Alright." Bumaling siya kay Hunter. "Hunter, ikaw muna ang bahala rito. Sa food court lang kami."
"Sige, Sir," sagot ni Hunter sabay tingin sa akin. "Ingat...po kayo."
Nag-make face ako sa kaniya bago sumabay sa paglalakad ni Sir Gelo. Pumunta kami sa isang metal long bench sa pinakagitna ng mall. Pahingahan 'yon ng mga shoppers kaya okay lang na doon kami tumambay ni Sir Gelo.
"Undergraduate ka sa BS Tourism?" tanong ni Sir Gelo habang binabasa ang bio-data ko. Inayos niya pa ang suot niyang salamin at nakangiting tumingin sa akin. "So, gusto mong maging flight attendant?"
"Sana..." Tumawa ako nang alanganin. "Pero namatay po kasi 'yong mama ko bago ako nakapag-enroll sa sophomore. Nang mailibing ang mama ko, pinalayas naman ako sa apartment. Mabuti na lang at mabait 'yong dating amo ng mama ko, binigyan niya ako ng pera para makapagsimula ulit. Lumipat ako ng apartment at naghanap ng trabaho kahit wala po akong experience. Wala naman po kasi akong ibang kapamilya kaya sarili ko lang ang aasahan ko."
"This must be your first step on being independent woman," nakangiting sagot niya.
"Oo nga po, eh. Kaya sana po tanggapin n'yo po ako sa trabaho. Wala po akong experience pero mabilis naman po akong matuto."
Weh? Talaga, Orion? Kaya pala hirap na hirap kang maintindihan ang mga lectures noon sa school. Echoserang frog 'to!
"Okay. You're hired."
Namilog ang bibig ko sa tuwa. "Talaga, Sir Gelo?! Thank you!" Gusto kong magtatalon sa tuwa kahit alam kong pinadali niya ang interview. Nagtanong lang siya ng kaunti tapos hired na 'ko? Keri na rin! Tinanggap na nga ako, eh. Magrereklamo pa ba 'ko?
Panay ang pasalamat ko sa kaniya hanggang sa bumalik kami sa Take a Sip. Naabutan namin si Hunter na nililista ang order ng dalawang costumer na babae. Nakita ko pa kung paano magbulungan 'yong dalawang costumer, mukhang crush si Hunter.
Okay lang. Gwapo naman kasi si Hunter pero hindi ko siya type.
Ang sabi sa akin ni Sir Gelo ay bukas na ako mag-uumpisa at kailangan ko raw magdala ng white plain t-shirt at hairnet tapos black pants dapat ang isuot ko at itim din ang sapatos.
Gusto kong umangal dahil hindi naman ako nagsusuot ng t-shirt pero tinikom ko na lang ang bibig ko. Kailangan daw kasi 'yon para payagan ako ng manager ng Trivia na pumasok sa loob ng Take a Sip. Mahigpit pala ang pamamalakad sa mga mall! Ngayon lang ako na-inform!
Umuwi na ako pagkatapos. Wala akong ibang ginawa buong maghapon kundi maglinis ng apartment. Nakakahiya kay Farrah dahil siya na nga ang palaging nagluluto tapos siya pa ang maglilinis. Nang matapos ay nagpahinga na ako. Nagulat pa ako kasi ang aga dumating ni Farrah. Para bang pagod na pagod siya.
"Aga mo umuwi?" usisa ko.
Umupo siya sa gilid ng kama niya at tinanggal ang suot na heels. "Biglang sumama ang pakiramdam ko, eh."
"Hala, buntis ka? Kailan n'yo ginawa?" biro ko. Hindi ko inasahan na matatawa siya nang malakas.
"Wala nga akong boyfriend, eh. Pagod lang talaga ako. Maghapon ba naman akong nakatayo."
Oo nga pala. Sales lady kasi siya sa isang sikat na clothing brand.
Eh, kung mag-sales lady na rin kaya ako? Pero mukhang hindi ko kakayanin. Mabilis akong mapagod at paniguradong sasakit ang paa ko sa buong maghapon na pagtayo. Umiiyak pa naman ako kapag may masakit sa akin. Nasanay ako sa pag-aalaga ni Mama kapag may sakit ako.
Hay. Miss ko na si Mama. Kung maibabalik ko lang ang buhay niya, hindi sana ako naging pasaway. Kaya nga nang makita ko ang ginawa ni Hunter sa mama niya kagabi ay nabwesit ako. Kung nanay ko ang ginano'n niya, bubog-sarado siya sa'kin.
"Bakit pala wala ka pang boyfriend?" usisa ko kay Farrah. Tinatanggal niya na ngayon ang make up niya sa mukha gamit ang isang cotton pad at nakalugay na rin ang mahaba niyang buhok.
"Wala lang. Wala akong matipuhan. Hindi pa kasi dumadating si 'the one'. Malay mo, eventually ay pagtagpuin din kami ng destiny."
"Destiny? Naniniwala ka pala ro'n?" natatawang tanong ko.
"Oo naman. Lahat ng bagay at pangyayari dito sa mundo ay naisulat na sa tadhana."
Tadhana. Siguro nga tama siya, pero may parteng mali. Medyo mali dahil para sa isang katulad ko na kayang makita ang hinaharap, kayang-kaya kong pigilan o baguhin ang mga pangyayari sa paligid ko. Kaya kong kalabanin ang tadhana.
Ewan ko ba. Kahit alam kong hindi ko sigurado kung kaya kong pigilan ang kamatayan ni Hunter, gusto ko pa rin siyang tulungan lalo na't sa lahat ng taong nakitaan ko ng kamatayan, siya lang ang may dalawang buwan na palugit bago mamatay.
Hindi ko alam pero parang may humihila sa akin para protektahan siya—para iligtas siya sa tiyak na kamatayan. At ngayong magkasama kami sa trabaho ay mapapadali ang pagligtas ko sa kaniya. At isa pa, kahit papaano ay naging mabait naman sa akin noon si Hunter. Maraming beses niya akong tinulungan at panahon na para bumawi ako sa kaniya.
***
Kinabukasan ay 8 a.m ako gumising. Hindi na ako nag-almusal at nagkape na lang ako. 9 a.m ang bukas ng Trivia kaya dapat, bago dumating ang oras na 'yon ay nasa loob na ng mall ang mga employees, dahil kung hindi ay magmumulta kami ng 50 pesos.
Tulad ng sinabi ni Sir Gelo, nagsuot ako ng itim na pantalon at itim na sapatos. Pinatungan ko ng itim na jacket ang suot kong white t-shirt. Kay Farrah galing 'yon, buti na lang at binigay na lang sa 'kin.
Nang tingnan ko ang sarili ko sa salamin ay napasimangot ako. Hindi ako sanay magsuot ng ganito. Madalas ay mga pang-kikay ang suot ko. Crop top, sleeveless at backless ang kadalasan kong suot. Wala naman akong magawa dahil parte 'to ng trabaho. Naglagay ako ng kaunting liptint sa labi ko at inayos ko rin ang kilay ko. Tinali ko sa ponytail ang buhok ko. Okay lang na ganito kasimple ang ayos ko, maganda pa rin naman ako. Chos!
Bumili ako ng hairnet sa tindahan na nadaanan ko bago ako sumakay ng jeep papuntang Trivia.
Pagdating ko sa Trivia ay nakita kong maraming shoppers ang nagkukumpulan sa may entrance. 8:45 a.m pa lang kasi at tanging mga employee pa lang ng mall ang nakakapasok.
Pero teka. Paano ako makakapasok kung wala akong ID? Naku, lagot!
Dinilaan ko ang pang-ibaba kong labi at sumilip sa loob. Nakabantay ang isang matabang lady guard. May pumasok na isang lalakeng nakasuot ng uniform ng isang sikat na fast food chain. Kahit nakasuot siya ng jacket ay kita ko pa rin ang loob. Pinapasok siya ng lady guard at pinasulat sa isang log book.
Ay, gano'n pala 'yon. Parang may attendance kineme.
Nang makapasok ang lalake, saka ko nakita si Hunter na lumapit sa lady guard. Mukhang nauna siya sa'kin. Sinulyapan niya ako pero saglit lang iyon at may binigay siyang maliit na papel sa lady guard saka bumalik sa store nang hindi man lang ako tiningnan.
"Miss! Pasok ka na!" sabi ng lady guard. Inabot niya sa akin ang maliit na papel na binigay sa kaniya ni Hunter kanina.
"Thank you, Ate!" nakangiting sabi ko nang makapasok ako. Sinundan ko kaagad si Hunter hanggang sa makarating kami sa Take a Sip.
"Ano 'yong binigay mo kay Ate lady guard?" tanong ko habang tinitingnan ang hawak kong papel. Pumasok na siya sa kiosk pero hindi ako sumunod.
"Temporary pass mo," matipid na sagot niya habang isinusuot ang apron. "Ako pa ang pinaasikaso ng pass mo. Tagal mo kasing dumating."
Natawa ako nang sarkastiko. "Wow! Hindi ko naman alam na excited kang makita ako!"
"Aga-aga, ang ingay." Napailing siya. "Pumasok ka na nga. At huwag mong iwala 'yang temporary pass mo hangga't hindi pa dumadating ang ID mo."
"Yes, Sir!" Sumaludo ako sa kaniya at saka binuksan ang maliit na pintuan para makapasok ako. "Saan pwedeng ilagay 'to?" tanong ko kay Hunter habang hawak ko ang sling bag ko.
"Sa babang drawer," sagot niya habang may kinukuha sa kabilang drawer. Pagpasok ko ng bag ko sa malinis na drawer ay binato niya sa mukha ko ang isang apron.
"Suot mo 'yan. Tanggalin mo na 'yang jacket mo at mag-hairnet ka na. Mamaya mag-iikot na ang manager ng Trivia."
Sumunod naman ako sa mga sinabi niya. Binigyan niya ako ng tatlong papel at sinabing kailangan kong kabisaduhin 'yon. Mga steps iyon sa paggawa ng milktea at nakalista rin doon ang bawat flavor. Ang dami!
Habang binabasa ko ang mga 'yon ay naglilinis naman ng lababo si Hunter. Wala pa raw si Reese, 'yong babaeng kasama niya, dahil mamaya pa raw iyon papasok. Maya-maya ay biglang may nagsalita sa speaker at sinabing open na daw ang mall. 9 a.m na pala. Napatingin ako sa entrance nang isa-isang nagsipasok ang mga shoppers.
"Pabili pong milktea! Okinawa!" May lumapit kaagad na bata sa may counter kaya kaagad akong napangiti.
Ang nangyari, ako ang nag-take ng mga order habang si Hunter naman ang gumawa ng mga order. Alam kong nainis siya dahil ako dapat ang mag-prepare ng mga order pero hindi naman siya makapagreklamo dahil dinumog na kami ng mga costumers. Mabuti na lang at madaldal ako kaya kayang-kaya kong humarap sa mga costumers.
"Paano kita matuturuan kung ikaw ang kahera?" reklamo niya pagdating ng tanghali. Pagod na pagod kami dahil sa dami ng bumili kanina. Halos maubusan ako ng laway sa kakatanong ng 'ano po order n'yo?', 'anong size po?', 'sugar level?'. Paulit-ulit!
"Hindi mo rin naman ako matuturuan kung gano'n karami ang bumibili," katwiran ko. "At saka ayaw mo n'on? Marunong na kaagad akong maging kahera? Ang bilis kong magsukli tapos nadadala ko pa sa charm ko 'yong ibang costumer!"
"Mabilis magsukli kasi may calculator? Ewan ko sa'yo." Inirapan niya ako at pinagpatuloy ang pagma-mop sa sahig. Nagkaputik kasi iyon dahil sa mga yelo mula sa cooler.
"Oh, bakit nag-aaway kayo riyan?" Dumating bigla si Reese. Nakasuot siya ng uniform pero may nakapatong na jacket.
"Wala." Si Hunter ang sumagot. "Pakainin mo muna nga 'yan do'n sa canteen. Tanghali na rin."
"Ano? Kumain na kaya ako sa bahay bago ako pumunta rito," angil ni Reese. "Ikaw na lang. Samahan mo siya."
"Ayoko ngang makasama 'yan!"
Napasinghap ako sa sinabi ni Hunter. "Bakit? Gusto rin ba kitang makasama? Kapal ng mukha mo, ah."
"Sige na. Ako na ang sasama." Napakamot sa ulo si Reese. "Baka mamaya, sa canteen pa kayo mag-away."
Binelatan ko si Hunter bago ko tinanggal ang suot kong apron at hairnet. Inilugay ko muna ang buhok ko at nilagay ang panali sa pupulsuhan ko. Kumuha rin ako ng pera para pambili ng pagkain ko.
Namangha ako nang malaman kong sa admin building pala nakalagay ang canteen ng mga employee. Nasa pinakalikod iyon ng Trivia kaya ang haba ng nilakad namin. Pagdating namin sa maliit na building ng admin ay napatingin ako sa taas.
Do not enter. Authorized employees only.
"Good noon! Bagong crew n'yo?" bati ng isang guard na nakabantay sa may pinto. Si Reese ang kausap niya pero sa akin siya nakatitig.
"Oo. Ganda, 'no?" sagot ni Reese. Pinakita niya ang ID niya kaya pinakita ko rin ang temporary pass ko.
"May boyfriend ba?" tumatawang tanong ng guard. Muntik nang malukot ang mukha ko.
Si Manong...matanda na, lumalandi pa.
"Huwag mo nang pagdiskitahan," natatawang sabi ni Reese sabay hatak sa braso ko. "Tara na, Orion."
Umakyat kami sa maliit na hagdan at marami kaming nakasalubong na mga employee mula sa iba't ibang store ng Trivia. Mukhang dito nga talaga sila kumakain.
Pag-akyat namin sa taas ay tinuro ni Reese ang left wing ng building at sinabing naroon daw ang admin office pati ang control room kung saan mino-monitor ang mga CCTV mula sa loob ng Trivia at sa parking area.
Pumunta kami sa right wing at nakita ko roon ang malawak na canteen. Maraming mesa at upuan. Maraming kumakain na employee at ang ilan sa kanila ay napatingin sa akin.
"Dito ka pupunta kapag lunch break," sabi ni Reese.
"Pwede bang samahan mo muna 'ko?" nakangusong tanong ko. Ang awkward kasi kung mag-isa lang akong kakain.
"Sige. Hindi pa naman peak hour ngayon," nakangiting sagot niya. "Tara, upo tayo ro'n." Hinatak niya ako paupo sa isang bakanteng mesa.
Sinamahan niya rin akong mag-order ng pagkain ko at maya-maya lang ay pinapanuod niya na akong kumain.
"Nakwento sa akin ni Hunter na magkaklase kayo dati. Pero bakit lagi kayong nag-aaway?"
"Ewan ko ba ro'n. Ang suplado kasi tapos ayaw niyang maniwala kaagad na malapit na siyang mamatay." Muntik ko nang madura ang kinakain ko nang ma-realize na nadulas ang dila ko.
Tutang inamoy naman. Ang daldal mo.
"Ano?" Tumawa si Reese na para bang may sinabi akong joke. "Anong mamamatay? Bakit? Nakakakita ka ba ng future? Patawa ka rin pala, eh."
Napanguso ako sa sinabi niya. Ano kaya kung sabihin ko sa kaniya ang sikreto ko? Alam kong pagtatawanan niya ako lalo pero kapag nalaman niya na mamamatay si Hunter, baka tulungan niya pa ako.
"Reese..." Natigil siya sa pagtawa nang makita niya kung gaano ako kaseryoso. "Maniniwala ka ba kapag sinabi ko na may sumpa si Hunter? Na nakita ko ang future niya...na mamamatay siya?"
Sumeryoso bigla ang mukha niya. "J-Joke ba 'yan? A-At anong sumpa? Naniniwala ka pa ro'n?"
"Hindi lang ako basta naniniwala dahil nakita mismo ng mga mata ko kung paano nagsimula ang sumpa ni Hunter."
Hindi siya nakapagsalita kaya pinagpatuloy ko ang pagkwento sa kaniya. Sinabi ko rin ang linya ng sumpa ni Hunter at nasa mukha niya ang gulat at hindi makapaniwala.
"Ano, naniniwala ka ba?" Paubos na ang kinakain ko nang itanong ko 'yon.
Nakabuka ang bibig niya habang nakatitig sa mukha ko. Hindi ko alam kung naniniwala ba siya o ano.
"Hindi kita pipilitin na maniwala kaagad," nakangiting sabi ko at inubos na ang kinakain ko.
Hanggang sa pagbaba namin ay hindi pa rin siya nagsasalita. Parang ang lalim ng iniisip niya. Pagbalik namin ay kinuha ko ang toothbrush at toothpaste ko at nagsepilyo sa restroom. Pagbalik ko sa Take a Sip ay wala na si Hunter dahil siya naman daw ang kakain. Habang wala si Hunter ay tinuruan ako ni Reese sa pag-prepare ng mga order. Hindi ako madaling matuto kaya nahirapan ako.
"Okay lang 'yan, nag-uumpisa ka pa lang kasi," pagpapalakas ng loob ni Reese.
Buong hapon ay siya ang nagturo sa akin habang si Hunter naman ang nasa counter at kumukuha ng order. Nahuhuli ko siya minsan na nakatingin sa akin na para bang tinitingnan niya kung ginagawa ko nang maayos ang trabaho ko.
"Hindi raw pupunta si Sir Gelo ngayon," balita ni Hunter pagdating ng gabi.
"Ano ba 'yan. Mag-cash advance sana ako, eh. Gipit na gipit ako ngayon," nakasimangot na sabi ni Reese.
"Pahiramin na lang kita."
7:30 p.m na at pagod na pagod kami sa dami ng costumers kanina. Ang sabi ay 8:00 p.m daw ang closing ng mall pero nag-uumpisa nang magligpit sila Hunter. Tumulong na rin ako sa pagbibilang ng mga baso. Kasama raw kasi 'yon sa inventory. Doon malalaman kung magkano dapat ang total sales namin ngayong araw. Kapag hindi tugma sa sales ang pera, ikakaltas sa sahod namin. Gano'n pala 'yon.
Pagdating ng 8:00 p.m ay may nagsalita ulit sa speaker na nagsasabing close na raw ang mall. Unti-unting nagsilabasan ang mga shoppers habang may tulak-tulak na cart.
Pumirma ako sa log book kung anong oras kami nag-out bago namin sinara ang Take a Sip. Nilalagyan pala 'yon ng malaking net para daw hindi mapasok ng daga ang kiosk namin.
"Kulang ang benta natin ng fifty pesos," sabi ni Hunter habang sabay-sabay kaming tatlo na naglalakad palabas ng Trivia.
"Pa'no mo nasabi?" tanong ko.
"Malamang. Ako ang gumawa ng inventory, eh," sagot niya. "Alam mo bang ngayon lang kami na-short ng pera?"
"Sinasabi mo bang ako ang dahilan kung bakit kulang ang benta natin?" Nameywang ako.
"Oo. Sino bang naging kahera kaninang umaga? Hindi ba ikaw?"
"Ikaw din naman ang nasa counter kanina, ah. Baka ikaw ang nagkamali ng sukli."
"Hindi ako nagkakamali sa pagsukli," pagmamalaki niya. "Sasabihan ko si Sir Gelo na sa'yo ikaltas ang 50 pesos."
"Aba—" Sisinghalan ko sana siya pero inunahan niya na ako sa paglalakad. "Naku, talaga!" impit na tili ko, gigil na gigil.
"Hayaan mo na. Masanay ka na," awat ni Reese. Hawak niya pa ang braso ko dahil susugurin ko sana si Hunter. Ang bilis niyang maglakad. Nakalabas na kaagad siya.
Ilang segundo kong pinakalma ang sarili ko hanggang sa makalabas kami ng mall.
"Una na ako," paalam ni Reese bago siya pumunta sa parking area ng mga tricycle.
"Ingat!" sabi ko at saka hinanap ng mga mata ko si Hunter. "Nasaan na 'yon?"
Lumiko ako sa left wing para hanapin si Hunter pero wala siya roon. Kaunti na lang ang tao sa paligid pero may guard na nakabantay sa may parking area ng mga motor. Naningkit ang mga mata ko nang makitang may anino ng dalawang tao sa loob ng parking area ng mga motor. Hindi 'yon napapansin ng guard dahil may kausap siya sa hawak na walkie talkie.
Dahan-dahan akong naglakad papunta roon at sinilip ang dalawang anino. Para silang nag-aaway dahil kita ko na sakal-sakal ng isang anino ang isa pa. Madilim kasi sa parte na 'yon kaya hindi ko masyadong maaninag.
"Hoy!" sigaw ko. Napalingon sa akin ang guard kaya tinuro ko ang dalawang anino. "May nag-aaway sa loob!"
Kaagad kumilos ang guard at pumasok sa parking area ng mga motor. Gamit ang flashlight niya ay natamaan ng ilaw niyon ang isang lalakeng sakal-sakal ng isang tao na nakasuot ng itim na cloak. Nakataklob ang ulo nito ng hood kaya hindi ko mamukhaan.
Pumalag ang lalakeng sinasakal niya kaya nagawa kong makita ang mukha nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Hunter iyon!
"H-Hunter!" sigaw ko at mabilis na tumalon sa nakaharang na barrier para tulungan si Hunter.
"Hoy!" sigaw ng guard sa sumasakal kay Hunter. Napalingon ito sa amin kaya binitawan nito si Hunter at kaagad tumakbo palayo.
Nilapitan ko kaagad si Hunter na ngayon ay wala nang malay na nakahiga sa pavement.
"H-Hunter!" Sinalakay ng kaba ang dibdib ko. Inilapit ko ang tenga ko sa dibdib niya at nakahinga ako nang maluwag nang makumpirmang humihinga pa siya.
Binalingan ko ang guard na ngayon ay may kausap na ulit sa walkie talkie. Humihingi yata siya ng responde. "Kuya guard, kayo munang bahala kay Hunter!" Tumayo ako at tumakbo para habulin ang nakasuot ng cloak kanina.
Sanay akong tumakbo nang mabilis kaya nakita ko kaagad siya sa may paradahan ng jeep.
"Hoy!" sigaw ko. Nakatawid na siya sa kabilang kalsada kaya binilisan ko ang pagtakbo ko.
Napatingin sa akin ang mga pasahero na naghihintay ng jeep sa gilid ng daan, karamihan sa kanila ay mga employee ng Trivia.
Nang makatawid ako sa kabilang kalsada ay pumulot ako ng bato at hinagis sa direksyon niya. Natamaan siya sa likod kaya nadapa siya. Kaagad ko siyang nilapitan pero nang aalisin ko na ang suot niyang hood ay siniko niya bigla ang mukha ko. Umikot kaagad ang paningin ko pero hindi ako nagpatalo. Sinakyan ko siya sa likod at inipit ang leeg niya gamit ang braso ko.
"Sino ka?! Bakit gusto mong patayin si Hunter?!" nahihirapang tanong ko dahil nagpupumiglas siya. "Sumagot ka!"
"Huwag kang makialam!" sagot niya sa malalim na boses.
Nanindig ang mga balahibo ko sa batok. Ang boses niya ay parang boses ng tatlong demonyo na nasa iisang katawan.
Dahil distracted ako ay siniko niya ulit ang mukha ko kaya nabitawan ko siya at napahiga ako sa gutter. Napapikit ako sa sakit at nang idilat ko ang mga mata ko ay wala na siya.
"Sino 'yon?" hinihingal na tanong ko sa sarili ko.