Chapter 6-He's Sorry

2968 Words
[Hunter James Acosta] Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko. Unang bumungad sa akin ang mukha ni Velasco, ang security guard na nakabantay kanina sa parking area ng mga motor. Nang ilibot ko ang paningin ko ay saka ko lang napagtanto na nasa loob ako ng control room. Napapalibutan ako ng mga CCTV monitors at nakahiga ako sa maliit na sofa. "Kamusta pakiramdam mo, p're?" tanong ni Velasco nang bumangon ako mula sa pagkakahiga. Hinawakan ko ang leeg ko nang maramdaman ang kirot sa parteng 'yon. "Bakit ako nandito?" "Wala kang maalala?" kunot-noong tanong niya. Napatingin ako sa grupo ng mga security guards na nakatingin sa isang monitor. Tumayo ako at tiningnan kung ano ang pinapanood nila. Isang CCTV footage. Ang anggulo ay nasa left wing ng Trivia—kung saan naroon ang parking area ng mga motor. Sa pagkakalala ko ay doon ako dumaan kanina...bago ako sinakal ng isang lalake na nakasuot ng itim na cloak. Naalala ko na. "Mukhang inabangan talaga siya ng taong 'yon," sabi ng isang guard habang pinapanood ang footage. Kitang-kita ko sa monitor ang sarili ko habang naglalakad. Sa isang anggulo ng camera ay nagtatago sa madilim na parte ng parking area ng mga motor ang sumakal sa akin. Nang dumaan ako roon sa pinagtataguan niya ay mabilis niya akong hinablot hanggang sa tuluyan akong makatawid sa barrier. Kinaladkad niya ako sa dulo kung saan hindi kami kaagad mapapansin. Hindi na iyon nahagip ng CCTV. "Anong ginawa sa 'yo? Sinakal ka?" tanong ng isang guard na hindi ko naman kilala. Kapalit yata siya ni Verdadero, 'yong namatay. Hindi ko siya sinagot dahil inalala ko ang itsura niya habang sinasakal ako. Malakas siya kaya kahit hindi ko makita ang mukha niya ay alam kong lalake siya. Doble ang lakas niya kaysa sa akin kaya kahit anong gawin kong palag ay hindi ko magawa. Nang sakalin niya ako ay doon ko nakita nang malapitan ang mga mata niya. Hindi ko makakalimutan ang kakaibang kilabot na naramdaman ko nang makita ko ang mga mata niya. Purong itim ang mga 'yon na para bang sumisimbolo sa kamatayan. Pakiramdam ko, nakaharap ko ang isang demonyo. "Buti na lang nakita ka no'ng katrabaho mo," untag ni Velasco. "Kung hindi siya sumigaw, hindi ko malalaman na may nangyayaring kababalaghan sa loob ng parking area." Kumunot ang noo ko at napatingin sa kaniya. "Sinong katrabaho?" "Ayon, oh," turo niya sa desk kung saan naroon nakaupo ang chief security officer ng mall na si Sir Arvic Del Gado. Kausap niya si...Orion. "Hinabol niya 'yong sumakal sa 'yo. Astig nga, eh. Hindi siya takot. Crush ko na 'yan. Ganda pa." "Tumigil ka nga," mahinang asik ko. "Bakit? Single naman ako, ah." Tumawa siya. "Bawal 'yang ginagawa mo." Tumingin ulit ako kay Orion at ngayon ay naglalakad na siya palapit sa akin. Kumunot ang noo ko nang makitang may sugat na naman siya sa magkabilang pisngi. Dumudugo pa. "Sinong bumanat sa 'yo?" tanong ko nang huminto siya sa harap ko. "Okay ka ba?" Hindi niya pinansin ang sinabi ko at tumititig lang siya sa mukha ko. "Kinabahan ako nang makita kitang walang malay. Akala ko patay ka na." "Hindi 'yan ang tanong ko," pagsusungit ko. "Hinabol mo pa talaga. Ano bang akala mo sa sarili mo? Si Superman? Tingnan mo nga 'yang napala mo." Ngumuso siya. "Sinubukan ko lang naman habulin para makilala ko kung sino 'yon." "Tapos kapag napahamak ka, ako ang sisisihin, 'di ba? Sa susunod, kung hindi mo naman kaya, huwag ka nang magmagaling." Hindi ko siya maintindihan. Bakit niya ipapahamak ang sarili niya para sa 'kin? Hindi naman kami close. Nakita ko kung paano tumigas ang ekspresyon sa mukha niya. Napatingin ako sa mga kamao niya nang kumuyom iyon. "Alam mo, hindi ko naman hinihingi na magpasalamat ka dahil nag-effort akong habulin 'yong gustong pumatay sa 'yo. Akala ko masama lang ang ugali mo—mas malala pa pala." Inirapan niya ako bago siya tumalikod at naglakad paalis. Naiwan akong nakatulala. Narinig ko ang pagtawa ni Velasco sa gilid ko. "Ginalit mo si Ganda." Tiningnan ko siya nang masama. "Orion ang pangalan ng babaeng 'yon. Hindi ganda." "Selos ka?" pang-aasar niya. "Bakit ako magseselos? Hindi ko type 'yon." "Pero type ko. Payag kang ligawan ko 'yon?" "Magtrabaho ka na lang." Nilayasan ko na siya at pinuntahan si Sir Arvic para ibigay ang statement ko. "May nakaaway ka ba?" tanong niya. "Wala naman, Sir," sagot ko. At alam kong hindi ko kaaway 'yon. Wala akong kaaway na...demonyo. Nagtanong pa siya nang nagtanong hanggang sa pinauwi niya na ako. Pagod na pagod ang buong katawan ko nang umuwi ako sa bahay namin. Nadatnan ko si Ate Tess na sinusubuan ng pagkain si Mama. Himala, tahimik siya ngayon at hindi nagpapasaway. Hindi na makalat ang sala at itinapon na rin ni Ate Tess ang mga gulay na pinaglaruan kahapon ni Mama. "Oh, nandito na pala si Hunter," sabi ni Ate Tess nang makita ako. Napatingin ako kay Mama nang bigla siyang tumayo. "Ayoko na kumain," parang bata na sabi niya at mabilis na tumakbo papasok ng kwarto. Inilapag ko ang bag ko sa sofa at bumuntong-hininga. "Nagtatampo sa 'yo ang mama mo," sambit ni Ate Tess at ibinaba ang hawak na plato sa coffee table. "Natakot siya sa 'yo." "Hayaan mo siya." Sinandal ko ang ulo ko sa sandigan ng sofa at hinilot ang sentido ko. "Kasalanan naman niya kung bakit ako nagalit." "Pero hindi tama 'yong ginawa mo." Bumuntong-hininga ulit ako. Alam ko naman na mali ang ginawa ko kagabi. Muntik ko na siyang masaktan. Pero gano'n ako, eh. Kapag galit ako, hindi ko kontrolado ang sarili ko. "May sakit ang nanay mo, okay?! Bakit hindi mo maintindihan 'yon?! Naiintindihan ko ang galit mo pero 'yong saktan mo siya?! Hindi tama 'yon! Maswerte ka nga at may nanay ka, eh!" Sa isang iglap ay naalala ko ang sinabi ni Orion sa akin. Namalayan ko na lang na nasa loob na ako kwarto ng kwarto ni Mama. Nakaupo siya sa kama at nilalaro ang buhok ng hawak na manika. "Hindi mo siya titingnan, Mirriam. Galit ka sa kaniya," rinig kong sabi niya sa manika. Gusto kong matawa sa sinabi niya. Attitude 'to, eh. "Hindi ka niya love," dagdag niya. "Sasaktan ka niya. Ayos lang, pangit naman siya, eh." "Ma..." tawag ko. "Pangit siya. Huwag mo siyang pansinin." Lumapit ako sa kaniya at sinundot ang pisngi niya. "Attitude ka, ah..." Tumingala siya sa 'kin, bakas ang inis sa mukha. "Ano ba! Labas ka nga! Pangit mo!" "Sabi nila, magkamukha tayo. Kapag pangit ako, pangit ka rin." "Oo, hindi ka pangit! Supot ka pala!" Napakamot ako sa ulo ko. "Tumahimik ka na nga. Hindi na ako galit sa 'yo, okay? Kahit sinayang mo 'yong mga gulay kahapon at kahit binasag mo 'yong TV saka mga vase." "Galit pa rin ako sa 'yo! Hindi mo 'ko love!" "Love kita kapag hindi ka pasaway." Hindi siya sumagot at ngumuso lang. May naalala tuloy ako. Kaagad akong umiling para iwakli 'yon sa utak ko. "Sorry na," mahinang sabi ko sabay kurot sa pisngi niya. "Huwag mo nang gagawin ulit 'yon. Pinaghirapan kong bilhin 'yong mga 'yon kaya ako nagalit." "H-Hindi ka na galit?" parang batang tanong niya. "Hindi na." "Weh?" "Hindi na nga." "Yehey!" Niyakap niya ang tiyan ko at sinubsob roon ang mukha niya. Napasimangot tuloy ako. "S-Sige na. Maghilamos ka na bago matulog." "Ayokong galit ka sa 'kin, Sander. Huwag ka na magalit sa 'kin, ah?" "Huwag ka lang maging pasaway." Inalis ko ang mga braso niyang nakapulupot sa tiyan ko. Tumingala siya sa 'kin at ngumiti nang ubod nang tamis. Hindi ko alam pero nahawa ako sa ngiti niyang 'yon. *** "Balita ko, may sumakal daw sa 'yo kagabi?" tanong ng lady guard na palaging nakabantay sa entrance, si Desiderio. Nilagay ko ang pangalan, oras ng pagdating at pirma ko sa logbook. "Oo pero hindi naman namukhaan," sagot ko. Binuksan ko ang zipper ng bag ko at hinayaan siyang tingnan ang laman n'on. "Naku, dapat mag-ingat ka sa susunod." Tumango ako sa kaniya at hindi na lang nagsalita. Naglakad na ako papunta sa Take a Sip at natigilan ako nang makitang wala nang nakalagay na net sa ibaba niyon. Lumapit pa ako para silipin kung sino nang nasa loob pero biglang tumayo si Orion mula sa pagkakatuwad sa may cooler. Hawak niya ang ice scooper at isang maliit na palanggana. Mukhang inaalis niya ang mga tubig mula sa cooler. Inayos niya ang suot na pantalon at sinimangutan ako. Ngayon ko lang nahalata na may mga sugat siya sa magkabilang pisngi. Namumula ang mga 'yon pero hindi naman na dumudugo. Napansin ko na kahit may mga sugat siya sa mukha ay mukha pa rin siyang tao. "Aga mo, ah. Nauna ka pa," sabi ko. Hindi siya sumagot at tumuwad ulit para alisin ang mga tubig sa cooler. Ba't hindi 'to namamansin? Pumasok na ako sa loob at inalis ang suot kong jacket. Nilagay ko na rin ang bag ko sa ibabang drawer. "Good morning, Hunter!" nakangiting bati ni Grace. Nang makita niya si Orion ay nabura kaagad ang ngiti niya. Absent siya kahapon kaya siguro hindi niya alam na katrabaho ko na rin si Orion. Hindi siya nagsalita pero halatang inis siya. Hindi ko na lang siya pinansin. Buong araw, hindi ako pinansin ni Orion. Nagtaka tuloy si Reese dahil hindi kami nag-away o nag-usap man lang. Wala naman akong pakialam kaya hinayaan ko na lang. Mas mabuti nga 'yon at walang makulit. Si Reese lang ang nagturo sa kaniya ng mga dapat niyang malaman. "Hi! Service crew ka na rin pala ng Take a Sip?!" Napatingin ako kay Calvin, isang bagger ng Supermarket. May tulak-tulak siya na magkakarugtong na cart, ibabalik niya yata sa pwesto. Siya 'yong bagger na maraming nagkaka-crush, gwapings kasi. "Oo. Kailangan ng trabaho, eh," nakangiting sagot ni Orion. Umiwas na lang ako ng tingin at pinagpatuloy ang pagbibilang ng pera. Closing na kasi kami at si Reese ang naghuhugas ng mga gamit at si Orion naman ang nagbibilang ng mga stock. "11,500...12,000...13...14...." bilang ko sa mga bill. "Dapat sa Supermarket ka na lang nag-apply. Mas mataas sahod do'n," sabi pa ni Calvin. "Okay lang naman. Nag-uumpisa pa lang naman kasi ako." "Pero dapat—" 15, 550!" malakas ang boses na sabi ko, natapos din sa pagbibilang. "Quota na naman?" Tuwang-tuwang lumingon sa akin si Reese. Tumango ako bilang sagot. "Sige, ano...Orion, 'di ba? Calvin nga pala." Narinig ko ulit ang boses ni Calvin. "Ah, Calvin...tawag ka yata ng kasama mo," sabi ni Orion. "Sige, kitakits na lang bukas!" Nang maramdaman kong wala na si Calvin ay saka lang ako nagsalita. "Bilisan mo na riyan." Hindi ulit siya sumagot. Bakit kapag ako ang nagsasalita ay hindi siya sumasagot? Ano bang problema ng babaeng 'to? "Magkaaway ba kayo? Kanina ko pa kayo napapansin, eh," tanong ni Reese. "At ikaw, Orion...sabi mo gusto mong tulungan si Hunter na makaiwas sa kamatayan niya. Paano mo siya matutulungan kung hindi mo siya kinakausap?" Kumunot ang noo ko at napatingin kay Reese. "Anong alam mo?" Mula sa paghuhugas sa lababo ay humarap si Reese sa akin. Hindi naman magawang tumingin sa akin ni Orion at nakatingin lang siya sa hawak na clipboard. "Sabi niya malapit ka na raw mamatay. Alam niya dahil nakikita niya ang future. May sumpa ka raw," sagot ni Reese. Nagtiim ang bagang ko at tiningnan nang matalim si Orion. Naramdaman niya siguro ang tingin ko kaya tumingin din siya sa akin. "Bakit?" nakataas ang kilay na tanong niya. Bakit? Hindi ba siya nahihiya na pinagkakalat niya ang tungkol sa nakikita niya? Bakit kailangan niyang ikawento 'yon sa iba? "Usap tayo mamaya," matigas na sabi ko. *** "Aray ko!" reklamo ni Orion nang bitawan ko ang braso niya. Nakalabas na kami ng Trivia at nakauwi na rin si Reese kaya hinatak ko papunta sa gilid si Orion. "Bakit ba pinagkalalat mo na may sumpa ako? Gusto mo bang pagtawanan ka ng mga tao?" nagpipigil na tanong ko. Umismid siya. "Pagtatawanan ako? O ikaw? Alam ko naman na nahihiya ka, eh! Pasensya na, ah! Gusto ko lang naman kasi na matulungan ka!" "Anong tulong? Makakatulong ba sa 'kin 'yang pagkakalat mo? Tingin mo naniwala 'yon si Reese sa 'yo? Malamang, iisipin n'on na baliw ka! Mag-isip ka nga!" "Alam mo, kagabi ka pa, eh! Malapit na 'kong mapikon sa 'yo!" Halos idikit niya ang mukha niya sa mukha ko sa sobrang panggigigil pero hindi ako nagpaapekto. "Ikaw na nga ang gusto kong tulungan, ikaw pa 'tong maraming sinasabi!" "Hoy, babae!" Tinuro ko ang mukha niya pero hinawi niya ang kamay ko. "Una sa lahat, hindi ko sinabing tulungan mo 'ko! Pangalawa, wala akong pakialam kung mapikon ka sa 'kin dahil mas pikon na pikon na 'ko sa 'yo!" "Oh, ano ngayon?!" "Ha!" Napabuga ako ng hangin. "Alam mo, imbes na sinasayang mo ang oras mo sa pagliligtas 'kuno' sa akin, bakit hindi mo asikasuhin 'yang sarili mo? Halatang-halata na wala kang alam sa totoong takbo ng mundo. Hindi ka ba nahihiya na sa tanda mong 'yan, kahit mga simpleng bagay ay hindi mo magawang maayos? Hindi ka ba tinuruan ng nanay mo?" "Eh, di wow! Ikaw na!" Pumalakpak pa siya sa mismong mukha ko. "Napakasama ng ugali mo! Sana hindi na lang ako nag-abalang tulungan ka! Sana nga talaga mamatay ka na lang!" Napakurap ako sa sinabi niya. "A-Anong sabi mo?!" "Sana mamatay ka na lang! Total, deserve mo 'yon!" Inulit pa nga. "P-Pasalamat ka nga at kahit takot akong pakialaman ang tadhana, pinili ko pa rin na tulungan ka!" Sa isang iglap ay namula ang mga mata niya. "Sarili ko ngang nanay ay hindi nagawang iligtas ng kakayahan ko, eh! Pero kahit takot ako, gusto ko pa ring subukan na iligtas kayo kasi hindi kakayanin ng konsensya ko na hayaan kang mamatay katulad ng guard na na-hit and run!" Natigilan ako. Guard na na-hit and run? Si Verdadero? Ibig sabihin ay nakita niya rin ang future ni Verdadero pero wala siyang ginawa? "H-Hindi ko naman hiniling na mag-thank you ka dahil sa ginawa ko. Pero 'yong insultuhin mo 'ko dahil lang sa wala akong alam sa realidad ng mundo, sobra na 'yon! Wala na ngang alam sa mga simpleng bagay 'yong tao, eh! Bakit hindi mo tulungang matuto?! Bakit kailangang mang-insulto?! Willing naman akong matuto, eh! At pasensya ka na, ha?! Lumaki kasi ako nang nakadepende kay Mama, eh! Sa kaniya ko inasa ang lahat! Kaya nang mamatay siya, para akong bumalik sa pagkabata—walang alam! Ano, okay ka na?!" Naitikom ko ang bibig ko nang marinig lahat ng sinabi niya. Tinakpan niya ang sariling mukha at nagsimulang humagulhol. Umupo siya sa gutter ng parking area ng mga kotse at doon umiyak nang umiyak. Nagulat pa ako dahil 'yong iyak niya ay parang iyak ng bata. Napalingon tuloy ako sa paligid kung may nakatingin sa amin. Baka isipin nila na sinaktan ko 'to. "T-Tumayo ka nga riyan." Sinipa ko nang mahina ang gilid ng hita niya. "Umuwi ka na! Iwan mo na 'ko rito!" umiiyak na sagot niya. "At huwag mo 'kong hawakan!" "H-Hindi naman, ah!" "Ewan ko sa 'yo! Pangit mo!" At umiyak siya ulit. Ha! Lintik na 'yan. Bakit naging katunog niya na si Mama? At bakit sinasabihan nila ako ng pangit kapag galit sila sa 'kin? Oo na. Masakit ako magsalita at alam kong mali ang ginawa ko. Hindi ko naman alam na ganito siya kaiyakin, eh. Ginulo ko ang buhok ko dahil sa inis. Ako 'yong inis sa kaniya kanina, eh. Bakit pakiramdam ko ay kailangan kong mag-sorry? Habang tumatagal ay lumalakas ang iyak niya. Bwesit, para naman akong pinaparusahan nito. Bumuntong-hininga ako at kinalabit ang balikat niya. "S-Sorry na." Parang may magic ang salitang binitawan ko dahil tumigil kaagad siya sa pag-iyak. Tumingala siya sa 'kin at tiningnan ako nang masama. Basang-basa na ang pisngi niya sa mga luha. "Anong sinabi mo?" tanong niya sabay singhot. "Hayy!" Napakamot ako sa likod ng ulo ko. "Sabi ko, sorry na! Tumayo ka na riyan!" Tumayo naman siya at pinagpag ang bandang likod ng suot na pantalon. Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi bago tumitig sa mukha ko. "Marunong ka naman pala mag-sorry," nakangusong sabi niya. Umismid ako. "Kung hindi ka naman umiyak, hindi ako magso-sorry, eh." Napansinghap siya sa sinabi ko. "A-Ang sama talaga ng ugali mo!" At mukhang paiyak na naman siya kaya inagapan ko na kaagad. "Sorry na nga, 'di ba? Huwag ka nang ngumawa riyan!" "Bakit mo 'ko sinisigawan?!" paiyak na tanong niya. "Hay! Dios ko!" Napahilamos ako sa mukha ko. Tumikhim ako at sinubukang pahinain ang boses ko. "Sorry na, okay?" "Wala man lang kalambing-lambing," hirit niya pa. P*tangina. "Gusto mo ng malambing?" pigil ang inis na tanong ko. Tumango naman siya habang kagat ang pang-ibabang labi. Bumuga ako ng hangin at ipinasok ang mga kamay sa bulsa ng pantalon ko. Dahan-dahan akong yumuko at pinantay ang mukha ko sa mukha niya. Halatang nagulat siya sa ginawa ko dahil nahigit niya ang hininga niya at nanlaki pa ang mga mata. At dahil natuwa ako sa reaksyon niya ay inangat ko ang isa kong kamay at hinawi ang ilang hibla ng bangs niya na nakaharang sa isa niyang mata. Tumaas ang sulok ng labi ko nang makitang namula ang pisngi niya habang nakatitig siya nang diretso sa mga mata ko. "Sorry na...okay?" malalim ang boses na sambit ko sabay ngiti. Napalunok siya nang ilang ulit at napaatras palayo sa akin. Nabura ang ngiti ko at tinulak nang mahina ang mukha niya. "Huwag kang kiligin." Ngumisi ako at kinalabit ang baba niya bago ako nakapamulsang naglakad paalis, nilampasan ko siya. "H-Hoy! Sinong maysabing kinilig ako sa 'yo?! Neknek mo!" pahabol na sigaw niya. Hindi ko na siya nilingon pa at dire-diretso lang akong naglakad habang may nakapaskil na maliit na ngiti sa mga labi ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD