[Orion Hale De Castro]
Sinampal ko ang sarili ko nang ma-realize na kanina pa ako natulala. Kanina pa wala si Hunter sa harap ko pero ramdam na ramdam ko pa rin ang pamumula ng mukha ko.
"Hoy, Orion! Huwag kang ganyan!" mahinang bulong ko sa sarili ko. "Gumising ka, tanga!"
Hay! Bwesit na Hunter 'yon, ah! Bakit ba ako naapektuhan sa ginawa n'on?!
Hanggang sa pag-uwi ko sa apartment namin ni Farrah, pakiramdam ko ay namumula pa rin ang mukha ko.
Naabutan ko si Farrah na tulog na sa higaan niya. Nagluto siya ng hapunan kaya pagkatapos kong magbihis ay kumain na ako.
Hindi ko siya crush. Hindi ako magkaka-crush sa katulad niyang masama ang ugali tapos masakit magsalita. Gwapo lang siya, period.
Imbes na isipin ko ang inis ko kay Hunter ay inisip ko na lang kung paano ko mapipigilan ang pagkamatay niya.
Naaalala ko na nagmula ang sumpa sa isang babae na nakasuot ng pangkasal. Ang sabi ni Hunter, lolo niya sa tuhod ang lalakeng isinumpa ng babae. Ibig sabihin ay ikakasal dapat ang lolo ni Hunter sa babaeng 'yon pero sinaktan ito.
Kung kontrolado ko lang sana ang kakayahan ko ay gagawin ko ang lahat para makita nang buo ang pangyayari— kung bakit galit na galit ang babae sa lolo ni Hunter. Ang sabi kasi ni Hunter ay wala siyang gaanong alam sa sumpa ng lahi nila, matagal na panahon na rin kasi ang lumipas.
Pero naniniwala ako na pwede pang maputol ang sumpa. Kailangan ko lang malaman kung sino ang babaeng nagbigay ng sumpa.
***
Mabuti na lang at day-off ni Hunter kinabukasan, sabi sa akin ni Reese. Pumunta rin si Sir Gelo nang maaga at tinanong ako kung marunong na raw ba ako. Ang sabi ko ay medyo pa lang. Memorized ko pa lang ang mga flavor ng milktea pati ang pagsusukat ng mga ingredients pero madalas ay nagkakamali pa ako.
Ang sabi niya lang ay okay lang 'yon dahil pangatlong araw ko pa lang naman ngayon bilang trainee. Pero bukas raw ay magsusuot na ako ng uniform dahil magiging regular na ako. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko 'yon.
Noong araw na 'yon ay binigay na sa akin ni Sir Gelo ang uniform, ID lace at visor ko. Ang sabi niya ay walang bayad 'yon kaya tuwang-tuwa ako. Pag-alis ni Sir Gelo ay binigay naman sa 'kin ng isang janitor ang ID ko.
"Regular na regular ka na mula bukas," nakangiting sabi ni Reese sa 'kin.
"Oo nga, eh. Kaya turuan mo pa 'ko lalo. Ako na rito sa preparation area at ikaw na ang mag-take ng mga order sa counter."
Hindi naman pala gano'n kahirap ang matuto kapag nagpursige akong aralin ang isang bagay. Bago natapos ang araw na 'yon ay malaki ang naging improvement ko.
Marunong na akong magluto ng black pearl, gumawa ng coffee jelly at whipped cream na pahirapan sa paggawa. Sumabog kasi ang nitrogen vial na nilalagay sa whipper.
"Hindi ko alam kung may sumpa ba ang araw na 'to sa 'kin," natatawang sabi ko habang nililinis ko ang mukha ko ng tubig mula sa lababo. Dahil sumabog ang nitrogen vial kanina sa whipper ay dumiretso sa mukha ko ang whip cream.
"Speaking of sumpa, ano na pala ang balita tungkol sa sumpa ni Hunter?" tanong ni Reese. Wala naman kaming masyadong costumer ngayon.
"Wala pa, eh. Inaalam ko pa kung sino ang nagbigay ng sumpa kanila Hunter." Napasimangot ako nang maalala ang problema ko.
"Bakit kasi kailangan mo pang malaman kung sino?"
Pinatay ko ang gripo at pinunasan ang mukha ko gamit ang puting towel. Sumandig ako sa lababo at tumingin kay Reese.
"Siempre kailangan kong malaman kung anong pinagmulan ng sumpa na 'yon para malaman ko kung anong solusyon. Naniniwala kasi ako na ang bawat sumpa ay may kaakibat na solusyon."
Napatango siya. "Eh, paano kung walang solusyon?"
"Eh, di babantayan ko siya pagdating ng birthday niya."
"At anong gagawin mo?"
"Pipigilan ko ang kamatayan niya."
Tumaas ang kilay niya. "Paano mo gagawin 'yon? Ang kamatayan ay kamatayan. Iyon ang dulo ng buhay ng mga tao na pinahiram lang ng Dios."
"Ang kamatayan ay tinakda ng Dios, totoo 'yan. Pero ang sumpa ay galing sa isang taong nananalig sa mga demonyo. Walang basbas mula sa Dios ang kamatayan ng mga sinumpa ng babaeng 'yon. Nakukuha mo ba ang punto ko?"
Dahan-dahan siyang napatango, mukhang nakuha niya rin ang gusto kong iparating.
"Ibig sabihin, ang mga taong nagbibigay ng sumpa ay nananalig sa demonyo?"
Tumango ako. Hindi ako sigurado roon pero marami akong nababasa o naririnig na binibigay ng mga demonyo ang hiling ng mga taong nananalig sa kanila, at ang kapalit n'on ay ang pag-alay ng kanilang kaluluwa sa demonyo. Kaya naniniwala ako na hindi kagustuhan ng Dios ang pagkamatay ng mga lahi ng Acosta.
"Parang mga mangkukulam..." sambit ni Reese, nanlalaki ang mga mata. "Alam mo bang may nakatirang sikat na mangkukulam sa malapit sa amin? Hindi ko lang alam kung totoo 'yon dahil matagal na."
"Aalamin ko kung sino ang babaeng 'yon," determinadong sambit ko.
Nang mag-closing kami ay pumunta muna ako ng restroom para magbihis ng damit. Nakiusap pa ako sa dalawang janitor na naglilinis doon dahil nakita kong sinasabon na nila ang sahig.
Nagsuot ako ng red fitted top na malalim ang neckline. Nilugay ko ang buhok ko para naman makahinga siya mula sa pagkakakulong sa hairnet.
Habang sinusuklay ko ang buhok ko sa harap ng salamin ay pumasok naman 'yong babaeng may gusto kay Hunter. Grace daw ang pangalan sabi ni Reese. Katabi lang ng food kiosk namin ang kiosk ng Pizza Go kung saan siya ay isang food handler.
Nilagyan ko ng liptint ang labi ko at mula sa gilid ng mata ko ay alam kong nakatingin siya sa 'kin.
"Mukha ka namang walang alam sa pagtatrabaho. Bakit ka nagtitiyaga? Maraming pwedeng pasukan, pwede kang mag-sales lady pero bakit sa Take a Sip pa?"
Pinagdikit ko ang mga labi ko para ikalat ang liptint doon bago ko binalingan si Grace. Mukhang sinadya niyang puntahan ako rito para sabihin 'yon, huh?
"Matanong muna kita. Una sa lahat, anong problema mo sa 'kin? Akala mo ba ay hindi ko napapansin na palaging masama ang tingin mo?"
Mukhang hindi niya inasahan ang tanong ko dahil napakurap siya. Ano bang akala niya? Hindi ako papatol?
"Ah, alam ko na." Tumango ako kunwari. "Dahil kay Hunter, 'di ba? Huwag kang mag-alala, hindi ko siya aagawin sa 'yo."
Bumuka ang bibig niya pero hindi siya nakapagsalita, halatang inis siya.
"Pero wait lang...'di ba wala namang kayo? Mukha namang hindi interesado sa 'yo si Hunter kaya wala namang aagawin sa 'yo. Una sa lahat, hindi ka niya girlfriend. Huwag kang feeling entitled, ah?" Nakangiting tinapik ko ang balikat niya bago ko siya nilampasan.
Ha! Ano ka ngayon?
***
Kinabukasan ay suot ko na ang uniform ko at ID ko nang pumasok ako ng Trivia.
"Wow! Naka-uniform na siya!" pang-aasar ng lady guard na nakabantay sa entrance. Desiderio raw ang tawag ng lahat sa kaniya.
Nginitian ko siya bago ako pumasok. Nakabukas na ang Take a Sip kaya dire-diretso akong pumasok.
Nakalimutan kong si Hunter nga pala ang makakasama ko ngayon dahil day-off naman ni Reese. Hindi ko pinansin si Hunter nang pumasok ako sa food kiosk. Kausap niya kasi ang taga-deliver ng tube ice.
"Bago n'yo?" tanong ng lalakeng kausap ni Hunter, tinuturo ako.
Nakasuot siya ng puting uniform at ID. Nasa harap niya ang isang malaking push cart na may nakapatong na isang sako ng tube ice.
Tumingin sa akin si Hunter at mabilis na pinasadahan ng tingin ang suot ko.
"Oo, bago 'yan," sagot niya sabay iwas ng tingin. "Patulong magbuhat."
Hindi kaagad nakasagot ang lalake dahil titig na titig siya sa 'kin. Ngumiti na lang ako nang alanganin sa kaniya.
"Ryan," tawag ni Hunter. Hawak niya na ang dulo ng sako at masama na ang tingin.
"Ay, oo nga pala!" Tumawa si Ryan at napakamot sa batok. "Ganda kasi ng kasama mo."
"Mas maganda kapag nanganak na ang asawa mo," sarkastikong sabi ni Hunter. Tumawa lang si Ryan.
Magkatulong nilang binuhat ang malaking sako ng tube ice papunta sa cooler namin. Tumabi ako para makadaan sila.
Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi nang makita mismo ng mga mata ko ang paglabasan ng mga ugat sa braso ni Hunter. Halatang batak na batak ang katawan niya sa pagtatrabaho. Sa isang iglap ay nag-init ang paligid ko. Pinagpawisan ako bigla.
"Whew!" Napasipol ako at umiwas na lang ng tingin. Pinunasan ko ang namuong pawis sa noo ko.
Kasalanan 'to ni Hunter! Dahil sa ginawa niya noong nakaraang araw ay nagkakaganito na ako!
Nang maipasok na nila sa cooler ang mga tube ice ay binigyan ni Ryan si Hunter ng resibo bago ito umalis.
"Ikaw na ang maging kahera ngayon," sabi ni Hunter maya-maya.
Itinali ko na sa bun ang buhok ko at nilagyan ng hairnet, saka ko nilagay ang red visor ko.
"Ayoko nga. Baka ako na naman ang pagbintangan mo kapag nag-short ang benta natin." Masama pa rin ang loob ko sa kaniya. Manigas siya riyan.
"Sabi ni Sir Gelo ay isabak ka na sa counter," giit niya.
"Sa preparation area na lang ako. Marunong naman na ako, eh." Tinalikuran ko siya at humarap sa preparation area
"Sa counter ka na nga. Ano bang problema mo?"
"Huwag mo 'kong kausapin."
"Alam ko na kung bakit ka nagkakaganyan ka." Sumilip siya sa mukha ko. "Dahil do'n sa ginawa ko noong isang gabi, 'no?"
"Tumigil ka nga!" Tinulak ko ang mukha niya.
"Sus! Isang araw na ang lumipas, hindi ka pa rin nakaka-move on? Pa'no pa kaya kung hinalikan kita? Baka himatayin ka sa kilig."
Humarap ako sa kaniya at humalukipkip. "As if naman papayag akong magpahalik sa 'yo!"
Tumaas ang kilay niya. "As if naman hahalikan kita. Hindi ako nanghahalik ng babaeng manok."
"A-Anong sabi mo?!" Sobra na 'tong lalakeng 'to!
"Wala. Magtrabaho ka na. May costumer ka." Nakangising inginuso niya ang matandang costumer na nakatingin sa menu namin.
Hindi na lang ako umangal at kinausap ko na ang costumer para hingin ang order niya. Hindi na namin nagawang magtalo dahil unti-unting dumami ang costumer hanggang sa dumating ang tanghalian. Ako ang unang kumain sa canteen. At dahil day-off si Reese ay mag-isa akong pumunta sa canteen, sa mismong building ng admin.
Kakaupo ko lang nang may maglapag ng tray niya sa harap ko. "Hi! Orion, 'di ba?"
Napangiti ako nang makilala ko siya. Siya 'yong palagi kong nakikita na nagtutulak ng cart.
"Calvin..." sambit ko sa pangalan niya.
"Oo, tama!" Umupo siya sa harap ko. "Pwedeng makisabay?"
"Umupo ka na, eh," biro ko.
"Grabe siya!" Napahawak siya sa dibdib at nagkunwaring nasaktan sa sinabi ko.
Mukhang magka-vibes kami. Siguradong magkakasundo kami. Dahil pareho kaming madaldal ay marami na kaagad kaming napag-usapan habang kumakain.
"May boyfriend ka na ba?" biglang tanong niya.
"Wala." Umiling ako at uminom sa bottled water na binili ko.
"Hindi ka pa nagka-boyfriend?"
"Nagkaroon na pero hindi naman seryoso."
"Sa ganda mong 'yan, wala kang boyfriend ngayon?"
Tumawa ako. "Sa pambobola mong 'yan, wala ka pang nauto?"
Tumawa siya sa sinabi ko. Para kasi sa 'kin ay gasgas na 'yang linyahan niya. Alam ko naman kung ang lalakeng kaharap ko ay may gusto sa akin. Si Calvin, gwapo sana at mukhang artistahin pero hindi ko gusto ang personality niya. Ayoko ng lalakeng mabulaklak magsalita pero hindi ka naman kayang panindigan hanggang huli.
"Eh, si Hunter, 'yong katrabaho mo? Nanliligaw ba 'yon sa 'yo?"
"Huh?" Nangasim kaagad ang mukha ko. "Duh! Bakit ako liligawan n'on?"
"Chill. Galit 'agad?" tumatawang pang-aasar niya. "Pero seryoso, hindi ka no'n pinopormahan?"
"Hindi, 'no. Palagi nga kaming nag-aaway. Masama kasi ugali."
"Kapag ako nanligaw sa 'yo, pwede?"
Napakurap ako sa sinabi niya. Ang bilis niya! Ngayon pa nga lang kami nagkakausap nang matagal. Wala, turn off!
Hindi rin match ang personality naming dalawa. Pareho kaming madaldal. Mas okay pa sa 'kin ang lalakeng may pagkamasungit para may thrill! Tulad ni Hunter!
Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ko 'yon bigla. Paano nasali si Hunter?! Naalog na ba utak ko?! Anyare?!
"Oh, aalis ka na?" tanong niya nang tumayo na ako.
"Oo. Sige, bye!" Kumaway ako sa kaniya at nagmadaling umalis.
Shocks! Ano ba 'to? May crush ba 'ko kay Hunter? Kaya ba affected ako presensya niya kanina pa? Ayoko nito!
Pagbalik ko ng Take a Sip ay naabutan ko si Hunter na kausap si Reese.
"Hoy, Reese! Akala ko day-off mo!"
Napatingin ako sa suot niya. Nakasuot siya ng maong pants at light blue sweater. Nakalugay ang maikli niyang buhok na hanggang balikat lang. Ngayon ko lang siya nakitang hindi nakasuot ng uniform at naka-red lipstick pa siya.
"May importante akong sasabihin sa 'yo!" sabi niya at hinawakan ang kamay ko.
"Baka pwedeng kumain muna 'ko?" singit ni Hunter sa gitna namin. Nakapatong kasi ang mga braso niya sa maliit na pintuan at nakatunghay sa amin.
"Saglit lang 'to!" sabi ni Reese at mabilis akong hinila papunta sa tabi kung saan malayo kay Hunter.
"Ano ba kasi 'yon?" kunot-noong tanong ko.
"May tita ako na kaya kang tulungan!" excited na sagot niya at inalog pa ang balikat ko.
"H-Huh? A-Anong klaseng tulong?"
"Hindi ko 'to kaagad sinabi kasi nasa malayong lugar siya nakatira. Pero umuwi siya kanina sa bahay namin. May kakayahan siyang makipag-usap sa mga kaluluwa at pwede niyang kausapin ang babaeng nagbigay ng sumpa kay Hunter."
Napaawang ang bibig ko. "T-Talaga? Legit ba 'yan? Paano niya makakausap ang kaluluwa ng isang babaeng matagal nang patay?"
"Trust me! Magaling ang Tita Cha ko! Hindi ko naman siya ire-recommend sa 'yo kung hindi siya magaling at mapagkakatiwalaan, eh. At saka ayaw mo ba n'on? Hindi ka na mahihirapan na alamin kung sino ang nagbigay ng sumpa sa lahi nila Hunter."
Napangiti ako. Mas mapapadali nga kung haharap kami sa isang taong may kakayahang kumausap ng kaluluwa.
"Sige. Kakausapin ko si Hunter," nakangiting sabi ko.
"Oo. Mas mabuting kasama mo siya! Text mo 'ko kung payag siya at sasamahan ko kayo."
Umalis na si Reese matapos ang pag-uusap namin. Hindi ko muna kaagad sinabi kay Hunter ang tungkol sa pinag-usapan namin dahil kumain muna siya para mananghalian.
Pagbalik niya mula sa canteen ay hindi ako makahanap ng tiyempo. Dumami bigla ang costumers kaya tinulungan ko siya sa pag-prepare kahit maraming nag-aabang sa counter.
"Sa counter ka na lang, ako na rito," sabi niya nang makitang ginamit ko na rin ang pangatlong blender.
"Hindi mo kakayanin mag-isa. Marunong naman na ako, eh," sabi ko. "At para na rin ipakita ko sa 'yo na may alam na ako." Pagkatapos kong sabihin iyon ay umalingawngaw ang nakakangilong tunog mula sa blade ng blender. Napangiwi ako at kaagad na pinindot ang off button. "S-Sorry po. Sorry." Nag-peace sign ako sa mga costumers. Narinig ko pa ang mahinang pagtawa ni Hunter.
"Sabi ng blender hindi ka pa raw masyadong magaling," sarkastikong sabi niya. Gusto ko siyang hampasin pero nagpigil ako dahil maraming nakatingin na costumers.
Tumulong pa rin ako kahit gano'n ang nangyari at sa kabutihang-palad ay naging maayos naman ang blender.
Nang maubos ang pasensya ko—este ang mga costumer ay saka ko lang hinampas si Hunter sa likod.
"Ano ba!" reklamo niya nang lumingon siya sa 'kin. "Bakit ka nanghahampas?"
"Wala! Trip ko, bakit?"
Umismid siya. "Pikon ka lang kasi pinagtawanan kita kanina."
"Nyenye." Nag-make face ako at umirap.
"Para kang bata." Tinalikuran niya ako at bumulong ng kung ano-ano.
Inambahan ko siya ng suntok at napatigil na lang nang mapadaan ang admin officer ng Trivia. Kasama niya ang TL ng mga housekeeper. Mukhang naglilibot sila sa buong mall kung nagtatrabaho ba kami nang maayos. Dahil do'n ay nag-behave na lang ako.
Pagdating ng uwian ay saka ko lang naisipan na kausapin si Hunter. Sabay kaming naglalakad ngayon sa gutter ng parking area, papunta sa left wing.
"Payag ka bang isama kita sa isang spirit medium?" tanong ko sa kaniya habang sinusubukang sabayan ang paglalakad niya.
Ang haba ng biyas niya kaya kahit hindi siya naglalakad nang mabilis ay ang hirap niya pa ring sabayan sa paglalakad.
"Spirit medium?" Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa harap. "Para saan?"
"Para sa 'yo!" Humarang ako sa dinadaanan niya kaya napatigil siya sa paglalakad at napabuntong-hininga. "Kailangan mo ng medium! Para makausap natin 'yong babaeng nagbigay ng sumpa sa lolo mo sa tuhod! Para malaman natin kung bakit niya ginawa 'yon at kung anong pwede nating gawin para maputol ang sumpa!"
Ginulo niya ang sariling buhok, bakas ang inis sa mukha. "Sinabi ko na sa 'yo, 'di ba? Wala akong pakialam kahit mamatay ako, okay? At magsasayang lang ako ng oras."
"Hindi ka nga pwedeng mamatay!"
"Ha! Ano ka...Dios? Ikaw ang magdedesisyon kung pwede akong mamatay o hindi? At saka, 'di ba sabi mo sinubukan mong iligtas sa kamatayan ang nanay mo? Pero ano? May nagawa ka ba?"
Kumirot ang dibdib ko nang maalala ko si Mama. Pero dahil determinado akong kumbinsihin siya ay winakli ko iyon sa isip ko.
"Hindi kayang dalhin ng konsensya ko kapag pinabayaan kita, Hunter. At FYI, marami na akong natulungan. Kung ano 'yong guilt ko nang mamatay si Mama, 'yon din ang mararamdaman ko kapag hinayaan lang kitang mamatay. Intindihin mo naman ako."
Napahilamos siya sa mukha. "Kung wala kang nagawa para iligtas ang nanay mo na sarili mong kadugo, bakit ka mag-aabalang tulungan ako? Ano mo ba ako? Ano ba kita?"
"Ginagawa ko 'to para na rin bumawi sa mga ginawa mo sa akin noon! Tanda mo? Noong iligtas mo ako sa asong ulol? Kung hindi mo ako iniligtas noon, nakagat na sana ako! Malamang ay patay na ako ngayon!"
"Sus!" Umismid siya. "Hindi ko nga matandaan na ginawa ko 'yon para sa 'yo."
"Hindi na mahalaga kung natatandaan mo 'yon. Gusto ko lang bumawi sa 'yo sa paraang alam ko!"
"Hindi mo naman ako kadugo," halos pabulong na sambit niya pero narinig ko pa rin.
"K-Kaklase kita dati! Bakit, nasa dugo ba ang pagtulong sa kapwa?!" defensive na sagot ko. Ayokong isipin niya na may gusto ako sa kaniya kaya ayoko siyang mamatay.
"Ikaw na rin ang nagsabi na masama ang ugali ko at sinabi mo rin noong isang gabi na sana nga mamatay na lang ako. Akala mo ba nakalimutan ko 'yon?"
"H-Hindi ko naman sinadyang sabihin 'yon! Na-carried away lang ako! At sorry kung nasabi ko 'yon! Hindi ko naman alam na nagtatampo ka dahil sa sinabing kong 'yon!"
Napakurap siya. "A-Anong nagtatampo? Ano 'ko? Bata? Tumabi ka na nga riyan!" Mahinang tinabig niya ako para makadaan siya. Kaagad ko naman siyang hinabol ulit at sinabayan sa paglalakad.
"Sige na, Hunter! Pumayag ka na, oh! Tulungan mo naman ang sarili mo na mabuhay!" pamimilit ko. "Kapag sumama ka, hindi na kita kukulitin! Pagbigyan mo lang ako—Ay!" Dahil nakatingin ako kay Hunter habang naglalakad ay hindi ko napansin ang nakasalubong kong lalake. Hinintay ko nang tumama ang pwet ko sa gutter pero hindi nangyari.
May mga brasong nakapulupot sa bewang ko kaya hindi ako tuluyang natumba. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang nabiglang mukha ni Hunter. Tinulak ko kaagad siya para bitawan niya ako. Pakiramdam ko ay napaso ako sa pagdidikit ng balat naming dalawa.
Nagbaba ako ng tingin at ngumuso hanggang sa narinig ko ang marahas niyang pagbuntong-hininga.
"Gaano ba 'to kahalaga sa 'yo? Napapahamak ka sa ginagawa mo, eh. Gusto mo nga akong iligtas sa kamatayan ko pero ang lampa mo naman."
Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya at sinalubong ang masungit pero magaganda niyang mga mata.
"Kasinghalaga ng buhay ng nanay ko," sagot ko sa piyok na boses. Nag-init ang sulok ng mga mata ko. "Kahit ilang ulit akong sumubok na iligtas ka sa kamatayan ay hindi ako mapapagod. Ginagawa ko 'to dahil ito ang hindi ko ginawa noong araw na mamatay si Mama. Isang beses lang akong sumubok na iligtas siya pero hindi ko inasahan na malilinlang ako ng kamatayan. Kaya sana ay hayaan mo akong gawin ang bagay na hindi ko nagawa para sa mama ko—ang iligtas ka sa kamatayan."
Natahimik siya at nanatiling nakatitig sa mga mata ko na para bang inaarok lahat ng sinabi ko. Maya-maya lang ay hinilot niya ang sariling sentido at bumuntong-hininga.
"Huwag ka nang umiyak. Pumapayag na 'ko."