Chapter 8-Cramps

2432 Words
[Hunter James Acosta] "Hi, Mama!" Lumukot ang mukha ko nang niyakap ni Orion si Mama na ngayon ay sinusubuan ng pagkain ni Ate Tess. "S-Sino ka?" parang batang tanong ni Mama kay Orion. "Hindi naman kita kilala, eh." "Katrabaho po ako ni Hunter!" Umupo si Orion sa tabi ni Mama at hindi man lang nahiya. Ni hindi ko nga siya pinapasok dito sa bahay namin. Hindi ko nga alam kung bakit ako pumayag na sumama siya rito. Gusto niya raw makita ang mama ko bago kami pumunta sa bahay nila Reese. At oo, pumayag ako sa gusto niya para lang huwag niya akong iyakan. Napailing ako sa naisip ko. Hindi ko inakalang bibigay ako sa pag-iyak-iyak niya. "Ako ang bago n'yong anak, Mama!" masiglang sabi ni Orion. "Hoy." Sinipa ko nang mahina ang paa niya. "Huwag mo nga siyang tawagin na mama." "Bakit ba?" nakangusong angil niya sabay yakap kay Mama. "Gusto ko siyang tawaging mama." "Siguro'y wala ka nang nanay, ano?" nakangiting tanong ni Ate Tess kay Orion. Halatang aliw na aliw siya rito. "Opo, eh! Namatay na kasi ang mama ko kaya gusto kong magkaroon ulit ng nanay." Tumayo lang ako sa harap nilang tatlo habang pinapanood silang mag-usap. Tumawa nang malakas si Ate Tess. "Nakakatuwa ka naman. Kahit alam mo ang kondisyon ni Mirriam ay gusto mo pa rin siyang maging nanay." "Malapit po talaga ang loob ko sa mga nanay. Kaya nga nagalit ako kay Hunter noong isang gabing nakita kong muntik niya nang saktan si Tita Mirriam." "Hindi Hunter ang pangalan niya!" angil ni Mama sabay turo sa akin. "Sander! Sander ang pangalan niya! At saka nag-sorry na siya sa'kin! Ang sabi niya love niya pa rin ako, basta huwag lang akong makulit!" Napatingin kaagad sa akin si Orion at tinaasan ako ng kilay na parang hindi naniniwala sa kwento ni Mama. "Nag-sorry po sa inyo si Hunt—si Sander?" tanong niya kay Mama. "Kung gano'n hindi naman po pala siya sobrang salbahe. Ako po kasi ilang beses niya nang pinaiyak—" Lumaki ang mga mata ko. "A-Anong sinasabi mo?" Tumawa tuloy si Ate Tess at ngumuso naman si Mama. "Pero mabait naman po si Sander..." bawi ni Orion. Hindi ko narinig ang ibang sinabi niya dahil tinitigan ko nang mabuti ang mukha niya. Ang saya ng mga mata niya habang kausap si Mama. Halatang gustong-gusto niya talaga na magkaroon ulit ng nanay. "Si Sander, love ko 'yan..." pagmamalaki ni Mama. Nakita ko ang pagguhit ng malaking ngiti sa mga labi ni Orion, na naging dahilan para maglabasan ang malalalim niyang biloy. Katulad ng sinabi ko noong makita ko siya ulit, misteryoso ang mga mata niya pero nawawala iyon kapag ngumingiti siya—parang gumagaan ang paligid. Nang mapatingin siya sa akin ay kaagad akong umiwas ng tingin. Nakaramdam kaagad ako ng pagkailang. Baka isipin niyang attracted ako sa kaniya. Oo, maganda siya at inaamin ko 'yon. Halata naman dahil maraming nagkakagusto sa kaniya na mga employee ng Trivia, pero hindi ako ang tipo ng lalakeng mabilis ma-attract sa mga babae. Madalas, kinikilala ko muna. Mabilis na nakuha ni Orion ang loob ni Mama dahil nagtatawanan na silang tatlo sa sala. Ang daldal na babae. Lakas tumawa pero iyakin naman. Sinenyasan ko si Orion na sumunod sa akin sa kwarto kaya sumunod naman siya. "Usap muna po kami ni Hunter—ay ni Sander pala!" paalam niya kay Mama at Ate Tess. "Ipaubos mo 'yan sa kaniya, Ate Tess," utos ko sabay turo sa plato. Naglakad na ako papunta ng kwarto ko at hinagis sa kama ang suot kong backpack. "Bakit mo 'ko pinasunod dito?" tanong ni Orion. Pagharap ko ay nasa pinto lang siya at tinitingnan ako nang masama. Umismid ako nang mabasa ko kung anong nasa isip niya. "Kapal ng mukha mo. Wala akong balak sa 'yo." "Bakit mo nga ako pinapunta rito?' "Hindi ako pumayag na sumama ka rito para lang makipagdaldalan ka kay Mama at kay Ate Tess." "Eh kaya nga ako sumama rito para makita ang nanay mo!" "Hindi mo pwedeng daldalin 'yon si Mama habang kumakain. Mahirap pakainin 'yon. Gusto ko na ring matapos ang lakad natin para makapagpahinga na ako." Tumayo ako at naglakad papunta sa banyo. "Umupo ka muna riyan at hintayin mo 'ko." "Ang daya mo. Magbibihis ka ng panlakad tapos ako nakapantrabaho pa!" "Hindi ko kasalanan 'yon." Limang minuto lang ang itinagal ko sa loob ng banyo para maligo at doon na rin ako nagbihis ng panlakad. Paglabas ko ay napatigil ako sa pagpupunas ng tuwalya sa basa kong buhok nang makita ko si Orion na nakahiga patagilid sa kama ko. Hawak niya nang bandang ibaba ng tiyan niya at namimilipit sa sakit. "Anong nangyari sa 'yo?" takang tanong ko. "A-Ang sakit ng puson ko," nakangiwing sagot niya. "Bakit?" Pinagpatuloy ko ang pagpupunas ng buhok ko. "Madalas ba 'yan sumakit?" Umiling siya. "Tuwing may period ako, sumasakit talaga." Napatigil ako. "Pa'no 'yan? May lakad pa naman tayo. Pupunta pa tayo kay Reese." "Actually, tinagusan ako." "Ano?!" Kaagad akong lumapit sa kaniya at hinila ang dalawang kamay niya para paalisin siya roon. "Huwag kang humiga riyan! Baka malagyan mo ng dugo!" Humaba ang nguso niya, namumula na rin ang mga mata. "H-Hindi ka ba naaawa sa'kin?" "H-Hindi!" "May tagos ang likod ng pantalon ko," parang bata na sabi niya at tumalikod pa para ipakita sa akin. Umiwas kaagad ako ng tingin nang makitang may patak nga ng dugo. "P-Pwede bang pumunta ka sa apartment namin ni Farrah. Paniguradong nakauwi na 'yon. Kailangan ko ng underwear at napkin—" "Ayoko! Bakit ako pupunta ro'n?!" mabilis na angal ko. Mas humaba ang nguso niya. "Sige na, oh. Hindi ko kayang umuwi. Sobrang sakit ng puson ko saka may tagos pa ako. Nasa kabilang barangay lang naman ang apartment namin, eh." Ginulo ko ang buhok ko dahil sa inis. "Bakit kasi hindi ka nagdala ng pamalit mo? At bakit hindi mo alam na magkakaroon ka ngayong araw?" "S-Si Mama kasi ang palaging nagpapaalala sa akin, eh." Napakamot ako ulo ko. "Hay! Eh di hindi tuloy ang lakad natin ngayon? Galing mo rin, eh!" Natigil din ako sa panenermon sa kaniya nang makitang tumulo na ang mga luha niya habang nakatingin sa sahig. Nakaramdam na naman tuloy ako ng awa sa kaniya. Hay! Bakit ba ako nakakaramdam ng awa sa kaniya kapag umiiyak siya?! "Sige na! Sige na!" Bumuntong-hininga ako nang marahas. "Ibigay mo sa 'kin address ang apartment mo." Tahimik na sinulat niya sa isa isang papel ang address at kinuha ko iyon. "Dito ka lang muna," bilin ko bago ako lumabas ng kwarto. Naabutan ko sa sala si Ate Tess na naghuhugas na ng pinagkainan sa lababo. "Nasa kwarto na si Mirriam," sabi niya nang makitang hinahanap ko si Mama. "May lakad kayo no'ng katrabaho mo?" "Orion ang pangalan niya, Ate Tess. May lakad sana kami kaso sumakit ang puson niya. Tinagusan pa. Iwan ko muna siya rito at pupunta ko sa apartment niya. Ikukuha ko siya ng gamit." "Buti napapayag ka. Sa ugaling mayroon ka, madalas kang mainis kapag may nag-uutos sa'yo," natatawang sambit niya at napailing pa. "Ayoko lang ng iniiyakan ako." "Hayaan mo at igagawa ko siya ng salabat para mabawasan ang p*******t ng puson niya. Intindihin mo na lang dahil hindi madaling maging babae." Hindi na ako sumagot at nagpaalam na ako. Sumakay ako ng tricycle papunta sa apartment ni Orion. Sampung minuto lang at nakarating na ako sa isang may katamtamang laki ng bahay. May ilaw na sa loob ng bintana kaya alam kong may tao na. Nang katukin ko 'yon ay pinagbuksan ako ng isang babae. Maputi siya at matangkad siya, kasingtaas ni Orion. Lampas balikat ang itim niyang buhok. Lalong sumingkit ang mga mata niya nang ngumiti siya sa akin. "Sino po sila?" tanong niya habang hawak ang seradura ng pinto. Tumikhim ako. "Ako si Hunter. Katrabaho ako ni Orion. Tinagusan kasi siya kaya..." Hindi maituloy ang sinasabi ko dahil parang ang awkward na ako ang nagsasabi n'on. Mukhang nakuha niya kaagad ang ibig kong sabihin kaya tumawa siya. "Pasok ka muna. Kukunin ko lang ang mga kailangan niya." "Hindi na. Dito na lang ako," tanggi ko. Kaming dalawa lang sa loob. Baka kung anong isipin ng iba. "Sige. Wait lang." Hinintay ko siya nang limang minuto hanggang sa lumabas ulit siya nang may hawak na puting paper bag. Inabot niya iyon sa akin. "Kompleto na 'yan," nakangiting sambit niya. "Salamat." Binigyan ko siya ng tipid na ngiti bago ako umalis. Pagbalik ko sa bahay, naabutan ko si Orion na umiinom ng salabat sa may kusina. Nakatayo lang siya habang kinakausap siya ni Ate Tess. Hindi tulad kanina ay matamlay na siya ngayon at hindi na dumadaldal. "Ito na. Magbihis ka na ro'n." Inabot ko sa kaniya ang paper bag. "Thank you!" Patakbo siyang pumasok sa kwarto ko, takip ang bandang pwetan. "Ang cute niya, 'no? Bagay kayo," pang-aasar ni Ate Tess. Sinimangutan ko tuloy siya. Habang nasa banyo siya at nagbihis na ako ng pambahay. Hindi naman kami matutuloy sa lakad namin, eh. Saktong pagkatapos ko ay natapos na rin siya. Nakasuot na siya ng puting sando at itim na short. Namumutla na siya ngayon kaya napatayo ako mula sa pagkakaupo sa kama. "Ayos ka lang?" tanong ko. Umiling siya, nakanguso. "H-Hindi ko kayang umuwi. Pwede bang dito muna ako matulog? Hindi ko kayang maglakad." Napabuntong-hininga ako. Sabi ko na nga ba at mangyayari 'to, eh. Nakakaawa naman kung pipilitin ko siyang umuwi. Mukhang...hirap na hirap siya. "Sige, sige. Dito ka matulog sa kwarto at doon muna ako sa sala." "Tabi na lang tayo," nakangusong sabi niya. "A-Ano ka?! Hindi tayo close para magtabi sa iisang kama. At hindi rin kita girlfriend!" "Dami mo namang sinabi. Nahihiya lang naman ako na sa sala ka matutulog samantalang kwarto mo naman 'to." "Mas okay na matulog ako sa sala kaysa makatabi ka." "G-Grabe ka. Makapagsalita ka parang may ketong ako." "Sige na. Huwag ka nang magdrama riyan. Matulog ka na." Pinatay ko na ang ilaw at kakamot-kamot sa ulo na tumalikod na ako para lumabas ng kwarto. "Thank you, Hunter," malumanay na sabi niya. Tumigil ako sa may pinto at lumingon sa kaniya. Kahit patay na ang ilaw ay naaninag ko pa rin na nakahiga na siya sa kama ko. Bumuntong-hininga ako at dahan-dahang sinara ang pinto. Hay. Iba na 'to. Ngayon lang ako may pinatulog na babae sa loob ng kwarto ko. Kinausap ko si Ate Tess at binayaran ko na rin siya para sa buong araw niyang pag-aalaga kay Mama. "Salamat, Ate Tess." "Dito siya matutulog?" tukoy niya kay Orion. Umiling ako at kinamot ang sariling ulo. "Hindi niya raw kayang umuwi mag-isa." Tinaasan niya ako ng kilay kaya inunahan ko na kaagad siya. "Hindi ako gano'n, Ate Tess." "Naniniguro lang." "Sige na. Umuwi ka na." Nang makaalis na siya ay dinalaw ko muna si Mama sa loob ng kwarto niya. Tulog na tulog na siya kaya lumabas din ako kaagad. Pumasok ulit ako sa kwarto ko para kumuha ng unan at kumot pero narinig ko ang mahinang ungot ni Orion. Kumunot ang noo ko at nagmadaling pinindot ang switch ng ilaw para makita siya nang malinaw. Nakita kong nakahiga sa pagilid habang mahinang sinusuntok ng kamao ang bandang ibaba ng likuran niya. Cramps. Tandang-tanda ko pa na pinag-aralan namin ang p*******t ng likuran ng mga babae tuwing may regla sila. Ang sabi, nahihirapan daw matulog ang mga babae dahil dito. Dahan-dahan akong lumapit sa kama at tiningnan ang mukha niya. Nakapikit siya pero sobrang kunot ng noo niya. May tumutulong luha rin mula sa gilid ng mata niya. "A-Ang sakit... Hunter..." bulong niya. Medyo nagulat pa ako kasi alam niya pala na tinitingnan ko siya. "Matulog ka na lang kasi," sabi ko. "A-Ayaw akong patulugin. Ang sakit, eh," umiiyak na sagot niya habang patuloy na sinusuntok ang likod. "Iyakin ka rin pala kapag nagkakasakit," paismid na sabi ko bago umakyat sa kama at pumunta sa gilid niya. "Dumapa ka." "H-Huh?" Dinilat niya ang luhaang mga mata at tumingin sa akin. "Bakit?" "Ako na ang susuntok sa cramps mo." Matagal siyang tumitig sa akin bago tahimik na dumapa. Niyakap niya ang isa kong unan at doon ipinatong ang baba niya. Bumuntong-hininga ako at sinimulang suntukin nang mahina ang likod niya. "Hmm...bango ng unan mo..." dinig kong bulong niya, nakapikit na. "Huwag mo nang amoyin." Umirap ako. "Thank you, ha?" Hindi ako sumagot. Pangalawang thank you niya na 'yon. "Ganito ka ba kapag nagkakasakit? Umiiyak?" usisa ko. "Oo. Sanay ako na inaalagaan ni Mama kapag nagkakasakit ako kaya ngayong wala na siya, para akong nalumpo." "Hindi mo talaga kayang mabuhay nang mag-isa. Kapag wala ka sigurong kasama kapag nagkakasakit ka ay iiya ka na lang." "Kaya ko naman. Kung hindi, bakit ako nandito? Bakit ako nagtatrabaho? Iba ang hindi kayang mabuhay mag-isa sa hindi sanay mag-isa." Hindi na lang ako sumagot. May punto naman siya, eh. Kahit hindi siya naging handa sa pagkamatay ng nanay niya ay hindi siya sumuko. Sinusubukan niya pa ring harapin ang mundo kahit mag-isa lang siya. "Pero alam mo...masaya ako..." dagdag niya. Kumunot ang noo ko at tumingin sa mukha niya. Malapit nang pumikit ang mga mata niya. "Masaya ako na nalaman kong nag-sorry ka sa nanay mo. Na-realize ko na hindi naman pala gano'n kasama ang ugali mo." "Masama ang ugali ko." "Kung masama ang ugali mo, siguradong may parte sa pagkatao mo ang mabuti." Natigil ako sa pagsuntok sa likod niya. Hindi ko akalain na sa ilang ulit naming pag-aaway ay nasabi niya pa rin na ang mga salitang 'yon. "Ang swerte mo at may nanay ka pa. Kaya sana huwag kang magalit na tinawag kong 'Mama' ang nanay mo." Suminghot siya. "M-Miss na miss ko na kasi mama ko, eh. Kaya minsan, napapatingin na lang ako sa mga bituin. Sabi niya kasi, nagiging bituin ang mga taong namamatay. Kaya naisip ko, baka isa na siya sa mga bituin ngayon sa kalangitan. Nang mamatay siya...naging paborito ko na ang pagsi-star gazing kapag nami-miss ko siya." Dama ko ang lungkot sa boses niya kaya hindi na lang ako sumagot. Hindi ko alam kung anong pakiramdam ng mawalan ng nanay. Naalala ko tuloy si Mama at napatanong: Paano kaya kapag nawala rin si Mama? Malulungkot ba ako? Iiyak? Siguro. Hindi ko alam. Nang hindi na nagsalita si Orion ay sinilip ko ang mukha niya. Nakapikit na siya at mahimbing na ang tulog. Tinigilan ko ang pagsuntok sa likod niya pero bigla siyang umungol at nagreklamo. Napilitan tuloy akong ituloy ang ginagawa ko. Tangina, ano? Hindi ako matutulog?!Susuntukin ko ang likod niya magdamag?! Hindi ako papayag!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD