[Hunter James Acosta]
Napakunot ang noo ko nang maramdaman ang p*******t ng likod at balakang ko. Nang tumingin ako sa gilid ko ay nakita ko si Orion na mahimbing na natutulog.
Kinusot ko ang mga mata ko at napatingin sa labas ng bintana. Maliwanag na.
Ano?! Dito ako natulog?!
Kaagad akong bumangon at lumayo kay Orion. Saka ko lang naramdaman ang p*******t ng buong katawan ko.
"Anak ng..." bulong ko habang inaalala kung bakit dito ako natulog.
Naalala ko na tuwing tinitigil ko ang pagsuntok sa likod niya ay nagigising siya at nagrereklamo. Wala naman akong magawa kaya hindi ako umalis kahit antok na antok na ako.
May mga pagkakataon pa nga nahuhulog na ang ulo ko sa sobrang antok pero pinipigilan ko kasi umuungol siya. Hindi na tuloy ako nakatulog nang nakahiga.
Natampal ko ang noo ko at marahas na ginulo ang sariling buhok habang nakatingin sa natutulog na si Orion.
Paanong nangyari na pumayag akong alilain ng babaeng 'to?!
Kahit inis na inis ako ay kumilos na rin ako para magluto ng almusal. Hindi pa gising si Mama kaya walang istorbo. Nang dumating si Ate Tess ay tinanong niya ako kung bakit panay ang inat ko. Sinabi ko na lang na nahirapan akong matulog sa sala. Tinawanan niya lang ako.
Bago ako umalis ay sinilip ko muna si Orion sa kwarto. Mukhang hindi siya makakapasok ngayon. Hindi ko na lang siya ginising.
Pagdating ko sa Take a Sip ay napansin kaagad ni Desiderio ang itsura ko.
"Mukhang kulang ka sa tulog, ah. May pumuyat sa'yo?" natatawang tanong niya. "Laki ng eyebags mo."
"Ah, oo. May malaking lamok kasi kagabi, eh. Hindi ako pinatulog."
Tinawanan niya lang ako.
Kahit antok na antok at kahit masakit ang katawan ko ay nagtrabaho ako nang maayos.
"Hi, Hunter! Musta?!" tanong ni Grace na dumukwang pa sa may counter para landiin ako.
"Wala ako sa mood ngayon," masungit na sabi ko.
"Palagi naman, eh," nagtatampong sagot niya.
Problema nito? Makaasta parang girlfriend ko.
"Buti wala 'yong kasama mo. Iyong babaeng akala mo ay crush ng bayan," tanong niya ulit.
"Bakit mo hinahanap?" Alam ko naman na si Orion ang hanap niya, eh.
Literal naman kasi na crush 'yong ng marami. Kaninang pagdating ko ay maraming naghanap sa kaniya. Si Ryan na taga-deliver ng tube ice, si Calvin na bagger na akala mo kung sinong heartrob. Marami.
"Wala. Nagkasagutan kasi kami noong nakaraang gabi. Tameme siya sa 'kin, eh."
Natawa ako nang sarkastiko. "Tameme? Duda ako riyan."
Sa bunganga pa lang ng babaeng 'yon, paniguradong binanatan niya si Grace.
Hindi ko na siya pinansin kaya umalis na rin siya. Pagdating ng tanghali ay dumating na si Reese. Nagtaka pa siya nang makitang wala si Orion.
"Masakit ang puson," sagot ko sa tanong niya.
"Ah, kaya pala napuyat ka," natatawa at napapailing na pang-aasar niya.
Kumunot ang noo ko. Paano niya nalaman?
"Paano ko nalaman?" Tinuro niya ang mga mata ko. "Ayan, oh. Ang laking ebidensya. Laki ng eyebags mo, gago. Kaya pala hindi kayo pumunta sa bahay kagabi, ah."
Inis na tinabig ko ang kamay niya. "Hindi ko kasalanan na sumakit ang puson niya. Naawa lang ako kaya pinatulog ko sa kwarto ko."
"Sa kwarto mo siya natulog?!" gulat na tanong niya.
"Alangan naman sa sala."
"Eh ikaw? Saan ka natulog?"
Hindi ako nakasagot. Napahawak ako sa likod ko na hanggang ngayon ay masakit pa rin. Sunod kong narinig ang malakas niyang pagtawa.
"Magkatabi kayong natulog!" mapang-asar na sambit niya.
"H-Hindi kami magkatabi!" tanggi ko. "Nakatulog lang ako habang sinusuntok ang cramps niya sa likod."
Nanlaki ang mga mata niya at tinakpan ang bibig. "Ginawa mo 'yon?! Pumayag ka?! Naku, delikado ka na!"
"A-Anong delikadong pinagsasasabi mo?"
"Baka ma-fall ka! Yiehh!"
"Tumigil ka nga!" Hinagis ko sa mukha niya ang basahan pero tinawanan niya lang ako.
Lintik na 'yan. Ayoko ng ganito. Inaasar sa isang babae na...hindi ko naman type.
Hanggang sa matapos ang trabaho namin ay tinutukso pa rin ako ni Reese pero hindi ko na lang siya pinansin.
Pag-uwi ko ay inasahan ko na umuwi na si Orion pero nagkamali ako. Naabutan ko siyang nagluluto sa kusina. Pinapakinggan niya ang mga sinasabi ni Ate Tess sa kaniya at halatang determinado siyang matuto sa pagluluto.
Hindi ko pinaalam na dumating na ako kaya sumandig ako sa hamba ng pinto at pinanood si Orion na gawin ang mga inuutos ni Ate Tess. Natawa pa ako nang mapaso siya nang kaunti dahil hinawakan niya ang kaserola nang walang hawak na pot holder.
"Ano ka ba. Huwag kang hahawak nang mainit nang wala kang hawak na pot holder. Ikaw talaga," natatawang sabi ni Ate Tess.
"Sorry po."
"Okay lang 'yan. Atleast marunong ka na sa paggawa ng Tinola."
"Marami pa po akong gustong matutunan na lutuin. Ayoko kasing umasa sa iba kasi darating ang araw na mag-isa na ulit ako sa apartment namin."
"Huwag kang mag-alala, darating ang araw na matututunan mo lahat ng ito. Magtiwala ka lang sa sarili mo."
Hindi ko namalayan na nakangiti na pala ako habang pinapanood ko ang bawat reaksyon ng mukha ni Orion.
Oo, maganda siya. Siya ang tipikal na babae na mapapalingon ka talaga kapag dumaan siya sa harap mo. Pero ngayong unti-unti ko siyang nakikilala, at nakikita ko ang pagpupursige niyang maging independent kahit hindi siya handa, iyon siguro ang nagpapaganda sa kaniya lalo.
Kinatok ko ang gilid ng pinto para kunin ang atensyon nila. Nang mapatingin sa akin si Orion ay ngumiti kaagad siya.
"Nagluto ako!" pagyayabang niya.
"Tikman ko nga." Lumapit ako at tumigil sa harap ng kaserola.
Sumandok ako ng kaunting sabaw at tinikman iyon. Napatango ako at pinigilan ang ngumiti.
"Pwede na. Pwede ka nang mag-asawa."
Tumawa siya sa sinabi ko. "Thank you! Pero hindi pa ako mag-aasawa! Boyfriend nga wala, eh!"
"Kamusta na puson mo?" tanong ko nang maalala.
"Okay naman na ako. Nag-text din ako kay Sir Gelo na hindi ako nakapasok dahil sa cramps ko. Salamat nga pala kagabi, ha? Himbing ng tulog ko."
Paanong hindi hihimbig tulog mo? Tumigil lang ako sa pagsuntok sa cramps mo eh umiiyak ka na.
"Nga pala. Ngayong okay na ako, pwede na tayong pumunta kay Reese!"
"Oo nga, Hunter," singit ni Ate Tess. "Kanina ka pa hinihintay niyan ni Orion. Nakabihis na nga, oh."
Napatingin ako sa suot ni Orion. Naka-pantalon na siya at simpleng halter blouse na bulaklakin. Naka-bun din ang buhok niya kaya kitang-kita ang makinis at mamula-mula niyang balat.
Tangina, ang dami ko nang napapansin.
"Pero bago 'yon, kumain muna tayo," sabi ni Orion at kinuha ang backpack ko sa likod para ipasok sa kwarto ko. Pagbalik niya at hinatak niya ako paupo sa upuan na katabi ni Mama.
"Sander, nagluto siya para sa 'tin!" parang bata na sambit ni Mama. "Bait niya, 'no? Ganda-ganda pa."
"Naku, Ma! Huwag mo naman ako masyadong purihin," pa-demure na sagot ni Orion habang bitbit ang isang mangkok na may laman na Tinola.
"Alam mo, bagay kayo ni Sander pero hindi na siya pwede kasi asawa ko na siya!" dagdag ni Mama.
Tumawa si Orion at tumingin sa akin. "Opo, Ma. Hindi ko siya aagawin sa'yo. Wala akong balak."
Umiwas na lang ako ng tingin sa kaniya.
Maya-maya pa ay sabay-sabay na kaming kumain. Panay ang kwentuhan ng tatlo habang ako naman ay tahimik lang. Nang matapos kami ay sinabihan ko si Ate Tess na hintayin akong makabalik dahil nga pupunta pa kami ni Orion sa bahay nila Reese. Nagpaalam kami kay Mama bago umalis.
"Nabusog ka ba?" tanong ni Orion habang nag-aabang kami ng tricycle sa may kanto. Medyo malayo kasi ang bahay nila Reese.
"Oo," tipid na sagot ko.
"Ba't ang tahimik mo?"
Bakit nga ba? Dahil ba pakiramdam ko ay nagkakagusto na ako sa kaniya? Eh ano naman? Normal lang naman 'yon.
"Natatakot ako..." bulong ko pero narinig niya pala.
"Natatawang ka saan?"
Natatakot ako dahil hindi dapat kita magustuhan. Mamamatay ako at nakatakda na 'yon. Hindi ko kayang mamatay na alam kong...may maiiwan ako.
"Wala." Bumuntong-hininga ako. Mabuti na lang at hindi na siya nagtanong pa.
Pagdating namin sa bahay nila Reese ay mukhang pinaghandaan niya ang pagdating namin ni Orion. Pagpasok kasi namin sa maliit nilang bahay ay nakaupo na sa isang maliit na mesa ang isang babaeng may katabaan pero ubod ng puti. Kulog ang mahaba niyang buhok at mukhang mabait naman.
"Tita Cha, sila 'yong mga katrabaho ko na sinasabi ko sa'yo. Si Orion saka si Hunter," pagpapakilala sa amin ni Reese sa Tita niya. Nakatayo lang siya sa tabi nito.
Umupo kami ni Orion sa dalawang monoblock chair na nakalagay sa harap.
"Nice meeting you po, Tita Cha," nakangiting sabi ni Orion. Hindi naman ako nagsalita.
Sa tagal naming magkatrabaho ni Reese ay ngayon ko lang nalaman na may Tita pala siya. Hindi naman kasi siya palakwento tungkol sa mga kamag-anak niya.
"Hindi na ako magpapaligoy pa..." mabagal na sabi ni Tita Cha at dahan-dahang tumingin sa akin. "Ikaw ang lalakeng may sumpa, hindi ba?"
Tumango ako bilang sagot.
"Maaari ko bang hawakan ang kamay mo?" Inilahad niya ang isang palad at napatingin ako roon.
Siniko ako ni Orion kaya napilitan akong ibigay ang isa kong kamay. Nang magdapo ang mga kamay naming dalawa ay awtomatikong napapikit siya at nagsalita ng kakaibang lenguwahe.
Nagkatinginan kami ni Orion at binigyan niya lang ako ng isang ngiti na para bang sinasabi na magtiwala lang ako.
Ilang minuto akong naghintay habang hawak niya pa rin ang kamay ko. Patuloy lang siya sa pagsasalita ng kakaibang lenguwahe na hindi ko maintindihan habang nakapikit nang mariin.
Nang sandaling magdilat siya ng mga mata ay kaagad niya akong binitawan. Bakas sa mga mata niya ang takot.
"Galit na galit siya sa lahi mo," sambit niya habang nakatingin sa akin. Nanindig tuloy ang mga balahibo ko."Nakausap ko siya ngunit hindi niya sinabi kong ano ang kaniyang pangalan. Ang sabi niya ay iniwan daw siya ng lolo mo sa tuhod noong araw ng kanilang kasal. Nagbabaga ang galit niya kaya isinumpa niya ang buong lahi n'yo."
Hindi ako nakapagsalita. Akala ko kanina ay fake lang siya...pero sa mga sinabi niya ngayon ay unti-unti akong naniniwala na pareho sila ni Orion—may kakaibang kakayahan.
"Namatay ang lolo mo at ang ama mo sa araw ng ika-dalawampung kaarawan nila. At ikaw na ang susunod."
"T-Tita Cha," tawag ni Orion. "Tugmang-tugma po ang sinabi n'yo sa nakita ko. Dalawang tao na nakasuot ng pangkasal ang nakita ko at 'yong babae ang nagbigay ng sumpa sa lalake—sa lolo sa tuhod ni Hunter."
"Tama." Tumango si Tita Cha. "Ang pangyayaring nakita mo ay ang araw na nagbigay ng sumpa ang babaeng nakausap ko." Sumandig siya sa sandalan ng upuan at tumingin sa akin. "Hindi ito ang unang beses na naka-engkwentro ako ng taong may sumpa. At lahat sila ay natulungan ko."
"Talaga po?!" Bakas ang pag-asa sa boses ni Orion. "Ano pong ginawa n'yo para maputol ang sumpa nila?!"
Pinagdaop nito ang dalawang palad bago sumagot. "Ang mga sumpa ay galing sa mga demonyong pinag-alayan ng kaluluwa ng isang tao. Magkarugtong ang sumpa at ang mga demonyo at ang mga demonyo ay kalaban ng panginoon."
"So, ano pong ibig n'yong sabihin?" naguguluhang tanong ni Reese. Bakas na rin sa mukha niya ang pagkalito.
"Ang nais ko lang sabihin ay kailangan mong dumikit sa isang taong matindi ang pananampalataya sa Dios," sagot niya habang nasa akin pa rin ang tingin.
"What do you mean 'dumikit', Tita Cha?" tanong ni Orion. "Dumikit na parang linta? Ganern?"
"Hindi. Kailangan niyang makatuluyan ang isang babaeng may takot at may pananampalataya sa Dios."
Nagsalubong ang mga kilay ko at hindi ko na napigilan na magsalita. "Anong ibig n'yong sabihin? Maghahanap ako ng babaeng may takot at may pananampalataya sa Dios? Hindi ba pwedeng ilapit ko na lang ang sarili ko sa Dios? Aminado naman ako na hindi ako malapit sa Dios, eh."
Tumawa nang mahina si Tita Cha na para nang nagbibiro lang ako.
"Kung hindi ka didikit sa babaeng may katangian ng mga binanggit ko, madali kang malalapitan ng mga demonyo. Kapag nasa paligid mo ang babaeng 'to, hindi ka malalapitan ng mga demonyong nagnanais makuha ang iyong kaluluwa dahil sa tindi ng pananampalataya nito. At sa nakikita ko sa'yo, hindi malakas ang pananampalataya mo sa Dios. Hindi ka dapat mag-aksaya ng panahon."
Dahan-dahan siyang dumukwang sa akin bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Hindi marahil nakwento sa'yo ng mga ninuno mo na bago sumapit ang kanilang kamatayan ay may tatlong demonyong nagpapakita sa kanila at unti-unting inuubos ang kanilang kaluluwa, ang kanilang lakas mula sa pisikal at internal. Ang tatlong demonyong iyon ay ang nag-aalaga sa kaluluwa ng sumumpa sa inyo. At kapag sumapit ang inyong ika-dalawampung kaarawan, magsasanib-pwersa ang tatlong demonyong iyon para isakatuparan ang sumpa ng kanilang alaga."
Napakabilis na ngayon ng kabog ng dibdib ko habang pinapakinggan ang mga sinasabi niya. Nanlamig ang buong katawan ko at napatulala na lang ako.
Akala ko ay tapos na siyang magsalita pero nagpatuloy pa rin siya.
"Kung nais mong mabuhay, huwag na huwag kang magsasayang ng oras. Humanap ka ng babaeng katulad ng sinabi ko. Malaki ang maitutulong niya sa'yo sapagkat hindi ka malalapitan ng tatlong demonyo, hindi nila. Upang kapag sumapit ang iyong kaarawan ay hindi nito basta-basta makukuha ang iyong kaluluwa at malalabanan mo sila nang may malakas na pagtitiwala sa panginoon."