CHAPTER 12
NAKASIMANGOT na pumasok ako sa kotse ni Kaijin nang sa wakas ay pakawalan ako ni Mama at Tatay pati nila Kuya, todo pa nga kung maka-kaway sa ‘min ang pamilya ko habang nakapwesto sa gate namin na parang cheer na cheer sa pag-alis namin ni Kai! Nagpaalam kasi si Kai na aalis kami at buong magdamag akong hindi makakauwi tapos itong pamilya ko naman ay todo-coach at rehearse sa ‘kin kung paano ko raw dapat akitin si Kaijin Valencia!
Kinikilabutan ako.
Gwapo at mukhang yummy naman si Kaijin dahil sa matipuno nitong katawan pero hindi ko lang talaga maaatim ang ugali, imbis na kiligin at pagnasahan siya ay umaakyat lang ang dugo ko sa ‘king ulo at nakakaramdam ng pagka-irita?!
Hindi ko talaga kakalimutan kung pa’no ako nito hinulog mula sa kotse niya!
“Sa’n tayo pupunta? Isasama mo na ba ‘ko sa mga illegal mong gawain, ano ka ba lider ng modus? ‘Yung mga nangunguha ng laman-loob o ‘yung lider ng mga badjao sa jeep?” Tuluy-tuloy na talak ko sa kaniya habang minamaniobra nito ang manibela ng sasakyan at lumalabas na kami sa Sitio Dos.
Payag na payag agad kanina sila Mama, akala mo gusto na ‘kong ibenta rito kay Kaijin eh, ang tingin kasi kay Kaijin ay lalaking mag-aahon sa ‘min sa kahirapan. Napasimangot ako.
Hindi man lang nagtanong kung bakit buong magdamag akong hindi pauuwiin nitong aroganteng lalaki na ‘to.
“Yes, isasama kita and no, hindi ako lider ng mga modus. Angkatan lang ng advanced firearms, that’s it.” Prente niyang sagot habang ang atensyon ay naroon pa rin sa daan.
“That’s it.” Sarkastikong ulit ko pa sa sinabi niya para asarin ito. “Akala mo normal lang na business ha. Basta ito, sinasabi ko sa ‘yo...” iniangat ko ang daliri ko para ituro sa mukha niya at idikit sa kaniyang pisngi habang mariing tinititigan siya. “Kapag nagkahulihan na, huwag na huwag mo ‘kong isasama sa kulungan. Mag-isa kang tumanda bilang preso tutal ay masama ka namang tao.”
Malakas na hinawi niya ang kamay ko palayo sa kaniyang mukha saka nakakunot ang noo na nilingon ako. “Nag-resign na ang assistant ko, hindi ka niya na-orient ng mga gagawin kaya dumikit ka lang sa ‘kin palagi at magtanong kung may gusto kang malaman. Maliban na lang kung personal na tanong iyan.”
NANG makarating kami ni Kai sa malaking gusali na pagmamay-ari niya ay dire-diretsong nagtungo kami sa ibang palapag. Pagbukas pa lang ng mga tauhan niya roon sa malaking double door ay bumungad agad sa ‘kin ang malakas na hangin galing sa labas. Open-field ang hitsura dahil kaunting side lang ang may bubong saka napapalibutan ng railings.
Tingin ko ay ito ang pinakamataas na floor sa building na ‘to, kita ang view sa ibaba at tanaw ang mga bahay, kalapit na mga gusali pati mga gumagalaw na sasakyan sa ibaba kaya naman hindi ko napigilang mamangha at sumilip-silip habang mahigpit ang hawak sa nakaharang na railings.
Magre-relax na sana ako sa view nang maramdaman kong may kumuha sa kaliwang kamay ko at may inilagay sa palad ko na malamig na bagay. Paglingon ko ay si Kaijin iyon na naglalapag ng... baril sa kamay ko!
“Ay, diyos ko!” Bulalas ko saka nabitawan ang baril na iyon! Nalaglag tuloy sa sahig at lalo akong napatili!
Hindi pumutok?!
Hindi?!
“Hindi pumutok... mabuti naman... ayoko, bakit mo ‘ko pinapahawak niyan.” Natatarantang sabi ko habang nag-aangat ng tingin kay Kaijin na ngayon ay kamot-ulong nameywang sa harapan ko.
“Hindi nangangagat ang baril, hawakan mo na para makapag-umpisa na tayo.”
“Alam kong hindi na ngangagat iyan pero ayokong hawakan sabi. Tsaka makapag-umpisa saan?!”
Inirapan ako nito na parang bwisit na bwisit siya sa ‘kin saka inabot muli ang baril mula sa isa sa tauhan niyang lumapit para pulutin ang baril sa sahig.
“Kailangan mong matuto kung pa’no humawak at gumamit ng baril, Eicine.” Dugtong niya na ikinabilog na talaga ng mga mata ko. Hinawakan ko agad ang dibdib ko gamit ang parehong kamay dahil sa nerbyos.
“Please lang, ang usapan ay assistant mo ‘ko. Wala naman do’n na tuturuan mo ‘ko niyan, tapos ano na ang next? May ipapabaril ka sa ‘kin?! Ayoko, teh, ayoko.” Umiling-iling ako nang mabilis para lang maramdaman niya ang pag-disagree ko to the highest level!
“This is a part of self-defense, Eicine. Hindi biro ang mga taong makakasalamuha natin sa bawat transaksyon na mangyayari, kung ayaw mong umakyat agad sa langit ay dapat matutunan mong protektahan ang sarili mo.”
Nag-iinarteng ngumiwi ako sa kaniya saka ilang beses na umiling-iling pero nagpatuloy lang ito sa paglapit sa ‘kin at iniaabot ang baril.
“Sige kapag natuto akong bumaril ikaw ang una kong gagamitan ng bala. Gusto mo ba iyon?” Nakangiwing pang-uuto ko sa kaniya pero hindi pa rin natinag ang mokong, nakalahad pa rin ang kamay na nag-aabot ng baril sa ‘kin.
“Nangangawit na ‘ko. Isa.” Seryoso at bahagyang bagot ang ekspresyon na aniya sa ‘kin.
Kinuha ko na lang tuloy at muntik pang mabitawan dahil sa hindi inaasahang bigat nito. Manginig-ngnig pa ang kamay.
Lumapit ang ilan pang tauhan ni Kai sa kaniya saka nito inabot ang mga hawak nila. Mukhang earplug iyon at earmuffs na siya mismo ang nagsuot sa ‘king tainga, pumwesto ito sa ‘king harapan at seryoso ang ekspresyon na ginawa iyon, maging ang pagsuot din noong eye protection sa ‘king mga mata at pag-ayos no’n sa ‘kin.
Nahigit ko ang aking paghinga nang ma-realize kung gaano na naman kami kalapit sa isa’t-isa ni Kaijin, ngayon ay nagkakaroon ako ng tyansa na matitigan ang bawat parte ng kaniyang mukha na tila perpektong hinugis dahil siguro siya ang favorite ni Lord?
Mula sa mga mata nito, mahabang mga pilik-mata, katamtamang kapal ng kilay, napakatangos na ilong at normal na mapulang labi, ganoon din ang kaniyang manly jawline. Nakita ko na rin naman ang Daddy niya at masasabi kong kaya siguro ganitong sobrang attractive ng looks niya ay dahil may pinagmanahan.
Nang matigil ang atensyon ko sa kaniyang labi ay hindi sinasadyang napalunok ako. Naalala ko na naman kasi iyong gabi kung kailan... naranasan kong mahalikan iyon. Sobrang lambot... sobrang...
“Aray ko!” Bulalas ko at natigil lang sa pag-iisip nang pitikin ako nito sa noo. Sinamaan ko siya ng tingin. “Bakit ba ang hilig mo manakit ha! Walang bahid ng pagiging gentleman ‘yang pagkatao mo, barilin kita diyan eh!” Naiiritang pananakot ko sa kaniya.
Nagpigil ito ng ngisi sa narinig. “Huwag mo ‘kong titigan nang ganoon sa susunod.”
Defensive na nagtaas ako ng noo. “Sinong nakatitig sa ‘yo. Hindi ako nakatitig sa ‘yo huh.”
“Kapag tinitigan mo pa ako nang ganoon sa susunod, hahalikan na kita.”
Ilang segundong hindi ako nakaimik at natameme sa narinig saka nagpeke ng maraming pag-ubo!
“Hay! Mabuti pang humalik kay... kay kuyang naka-earpiece!” Turo ko sa isa sa mga nakahilerang tauhan niyang nakatayo ‘di kalayuan sa ‘min. Seryosong nilingon naman niya iyon at nakita kong nag-angat ng kilay. “Mabuti pang siya ang halikan ko kaysa ikaw! Tandaan mo iyan, Kai. Kaya huwag ka ring lalapit-lapit sa ‘kin, baka akalain mo pang tinititigan kita kahit hindi naman.” Pagpapalusot ko.
Nauubusan ng pasensya na bumuga ito ng hangin saka hinila ang kamay ko kung saan hawak-hawak ko pa rin nang mahigpit ang handgun na ibinigay niya kanina. Nagulat ako nang hawakan niya iyon habang iminumuwestra ang baril. Napatikhim tuloy ako ng ‘di oras nang makaramdam ng pagka-ilang.
“Alright, talkative woman, listen very carefully. This handgun is a SIG Sauer P226, one of the best self-defense pistol in my collection.” Ipinilig niya ang kaniyang ulo saka nagpokus doon. Kulay itim ang pistol handgun na iyon na kamukhang-kamukha ng mga baril na napapanood ko sa mga palabas.
“Grabe...” hindi ko napigilang OA na mapailing habang nakatutok ang tingin sa baril at pumalatak. “Tsk! Hindi ko inaakalang darating ang araw na hahawak din ako ng ganito... pinapanood ko lang ‘to dati eh! Mabigat pala ano?” Nakangising tanong ko sa kaniya saka natutuwang pinatalbog-talbog nang bahagya ang baril sa ‘king palad.
Mabilis na pinigilan ni Kai ang kamay ko sa pamamagitan ng mahigpit na hawak saka ako inirapan.
“Hindi ‘to laruan.” Supladong aniya kaya mabilis na inalis ko ang ngisi ko. “First rule, Eicine, always treat a gun like it’s always live and loaded with bullets. Hindi mo papatalbugin nang ganoon sa kamay mo na parang water gun ang hawak mo, tanga lang ang gumagawa no’n.” Seryosong sabi niya kaya awtomatiko na naman na nagsalubong ang kilay ko.
Kahit kailan talaga wala pang magandang salita ang lumabas sa bibig ng lalaking ‘to.
“Always make sure that you’re aware if your gun is loaded or unloaded with bullets. Here, I’ll show you its important parts...” seryosong pagtuturo niya saka kinuha muna ang baril para kalasin ang ibabang parte no’n. “This is what you call chamber while this part is the magazine, this part is where you will insert these ammunitions or these bullets.” Turo-turo niya roon sa parte ng baril habang tinatanggal iyong magazine-magazine na sinasabi niya.
‘Yong lalagyanan ng bala.
Manghang-mangha na umawang ang bibig ko. Iba talaga kapag nakikita sa personal itong baril. Masaya rin kahit medyo nakakatakot. “Wooooow...” reaksyon ko.
Nakita kong nag-angat ng titig sa ‘kin si Kai saka nagpigil ng tawa. “You really look like an idiot.”
Nawala ulit ang ekspresyon ko kanina at napalitan ng iritasyon habang tinataliman ang titig sa kaniya.
“So this is how you will insert all the bullets in a magazine.” Ipinag-demo niya ang sinasabi niya, tahimik na namangha na lang ako at halos takpan pa ang bibig, huwag lang makagawa ng ingay.
Paniguradong iinsultuhin lang ako ng antipatikong unggoy na ‘to kapag narinig akong nag-wow.
“So we have rules when holding a gun, first is to always treat it like it’s loaded with bullets. Para sigurado ka palagi. Keep it unloaded until you’re ready to use it. Here, hold this.” Binigay niya ang baril kaya nae-excite na ngayon na kinuha ko iyon at ginaya kung paano ito hawakan noong naalala kong cool na bida sa napanood kong movie.
“Ay ganito humawak si Cardo ng baril sa tv!” Mayabang na minuwestra ko pa ang sinasabi ko.
Mabilis na hinawakan ni Kaijin ang palapulsuhan ko at inilipat ang direksyon ng aking kamay.
Tinutok ko kasi sa kaniya.
Sinamaan niya ako ng tingin. “Second rule is to always keep the firearm you’re holding pointed to a safe direction, never point it at anybody unless it’s necessary.” Umikot ito patungo sa ‘king likuran at nagulat ako nang halos ikulong niya ang aking maliit na katawan sa pagitan ng kaniyang mga braso, kasama ng kamay kong nakahawak sa baril ay inihawak niya rin roon ang dalawang kamay niya habang ine-extend ang mga braso namin sa pwesto ng pagbaril.
Napatikhim ako nang tila manuyo ang aking lalamunan, naiilang na sinubukang mag-focus na lang sa itinuturo niya.
Bakit kasi kailangang ganito kami kalapit sa isa’t-isa?!
“Only point your firearm at stuff you can and you will destroy.” Dugtong ni Kai.
Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa mga tauhan niyang ngayon ay inihahanda ang shooting target boards na hugis mga tao.
Iginuide niya ang aking kamay sa malakas na pagkasa ng baril na hawak naming dalawa ngayon kaya mariing nakagat ko ang aking ibabang labi at pilit itinago ang kaba.
“I want you to learn how to ready your gun and shoot anyone that would try to harm you... but as long as you’re with me, I won’t let anyone as much as possible lay their hands on you.”
Natulala ako sa narinig. Tunog-protective at caring iyon na ikinatigil ko.
“Kasi gusto kong ako lang ang tutulak at pipitik sa tanga kong assistant.” Dugtong niya pa kaya nasiraan ng moment na sinimangutan ko ito, nag-angat ako ng tingin sa kaniya at handa na sana itong bawian ng pang-iinsulto rin na salita nang maabutang nakatutok din sa akin ang kaniyang tingin.
Ang lapit... at heto na naman ang matinding pagka-ilang ko. Bakit feeling ko bigla na lang nagmamalfunction ang paghinga ko sa tuwing ganito kami sa isa’t-isa. Biglang ang hirap huminga!
Nakita kong bumaba sa ‘king labi ang kaniyang seryosong-seryoso na tingin at nagtagal doon ng ilang segundo, hindi rin nakaligtas sa ‘king paningin ang pagbaba ng adam’s apple nito... habang ang mga mata ko naman ay tila na-magnet din sa kaniya.
“I told you to stop staring at me this close.” Dinig kong ani ni Kai ngunit lalo lang yata akong nabato nang mapansing unti-unting lumalapit sa ‘king mukha.
S-Sandali... anong gagawin niya.
Natatarantang naipikit ko ang mga mata ko nang maisipan na baka... baka hahalikan niya ako?!
Teka, ayoko... ayoko, huwag! Kahit na mukhang malambot ang labi niya... ayoko.
Pero daig pa ng naparalisado ang katawan ko, hindi ako makapag-isip nang maayos. Hinintay ko na lang ang mangyayari.
Wala pang ilang segundo nang gulat na napatili ako dahil sa narinig na malakas na ingay at naramdamang malakas na impact mula sa baril na parehong hawak namin ni Kaijin. Napindot ko yata ang trigger ng baril!
Mabilis na nagmulat ako ng mga mata at nakumpirma ang nangyari nang makitang may butas sa gitna iyong target board na malayo sa kinatatayuan namin.
Nakaabot sa ‘king pandinig ang mahinang pagtawa ng lalaking nasa likuran ko. “Bullseye, ah?” Nang-aasar na saad niya.
Pinag-iinitan ng mga pisngi na hindi na lang ako umimik. Papikit-pikit pa ‘ko ng mata, really, Eicine?!