CHAPTER 7
“HOY, hoy, hoy! Ganda nito ah!” Sabay kaming napatingin ni Kaijin sa lumapit. Ang nakatatanda ko pang kuya na si Kuya Eric. Kasama niya ang mga kaibigan na mahilig sa larong live sabong, nakangiti ang mga ito sa ‘min habang hinihimas at inaamoy-amoy pa ang kotse. “Sino ‘to, Eicine? Manliligaw mo?”
“Kuya, hindi. Umalis ka na diyan, aalis na rin kami. Ang dami ng nakatingin.” Nakasimangot nang sambit ko.
“Teka, sandali, manliligaw mo ba ‘to? Sagutin mo na! Mga ganitong mukha hindi na ‘to pinatatagal at pinapahirapan sa panliligaw, kung pwede lang magpakasal na kayo para masaya na tayong lahat! ‘Di ba?” Ani niya saka nilingon pa ang mga tao sa paligid na nagsisagutan naman ng pagsang-ayon, saka sila nagkaniya-kaniya ng biruan na hindi ko na pinansin.
“Hindi ko iyan manliligaw, kahit kaibigan hindi! Nakakahiya ka, Kuya, alis na diyan.” Pilit ko itong tinutulak palayo sa pintuan ng driver’s seat pero nagmatigas lang si Kuya at nakangisi pa rin na kinausap si Kaijin.
“Ikaw, boy maputi, ingatan mo ‘tong kapatid ko ha? Kapag niloko mo iyan kahit sa mansyon o kastilyo ka pa nakatira sinasabi ko sa ‘yo, puro maton at kape ang mga kapatid niyan at siya lang ang nag-iisang babae sa ‘min! Iniingatan namin iyan kahit papaano!”
Nahihiyang nag-angat ako ng tingin kay Kaijin. Nagbaba rin siya ng tingin sa ‘kin habang namamangha ang ekspresyon ng mukha.
“Iingatan ko po iyan. Huwag ho kayo mag-alala.”
“Aba kung ganoon mabait ka naman pala.” Ngiting-ngiti agad si Kuya. “Kailan ba ang kasal?” Hirit niya pa na ikinatampal ko ng aking palad sa noo.
Nakakahiya si Kuya!
“Kuya! Susuntukin na kita, isa!”
“Hindi pa po napag-uusapan pero baka dumating din sa ganoon.” Tugon ni Kai na nakapagpaurong na naman sa ‘king leeg. Ano raw! “Excuse me po, may pupuntahan lang kami. Babalik na lang po ako sa susunod.” Nakangiti pa rin niyang saad.
“Oh syur syur!” Lumayo nang bahagya sila Kuya sa kotse habang inilalahad pa sa direksyon niyon ang mga kamay. “Magdala ka ng pasalubong sa susunod ha, dagdag points sa mga manliligaw kapag may mga pasalubong sa pamilya!“
“Ako gusto ko maraming rugby! Bili mo ‘ko no’n marami!” Biglang pagsingit ng kapatid kong 8 years old, walang suot na damit sa pang-itaas at kita ang malaking tiyan.
“Hoy, ikaw, gago ka talaga! Bakit rugby!” Natatawang sita ni Kuya Eric saka binatukan iyon. “Suminghot ka do’n ng pabango huwag rugby, gago ‘to.”
“Sige na po, mauuna na po kami. See you next time.” Nakangiting paalam ni Kaijin.
Next time?! Wala ng next time!
Todo na yata ang simangot sa ‘king mukha habang umiikot patungo sa kabilang pinto ng sasakyan at pumasok sa loob ng kotse.
Minaniobra ni Kai ang manibela palabas ng lugar pero bago pa kami tuluyang makalayo roon ay nagulat pa ako nang buksan nito ang bintana ng kotse niya para kumaway-kaway sa mga taong nakatingin pa rin sa kaniyang sasakyan.
Tuwang-tuwa?
“They’re all nice and funny. Ikaw lang ang bugnutin, saan ka ba pinaglihi?” Aniya pagkasara ng bintana.
Hindi makapaniwalang nilingon ko ito saka humalukipkip. “Ikaw na nga ‘tong iniisip ko na baka naiilang at naiinis-“
“I’m not. Babalik pa nga ako riyan sa susunod, magdadala na ‘ko ng pasalubong.” Bahagyang nakangisi na saad niya habang nasa daan ang tingin kaya todo na ngayon ang pagsasalubong ng mga kilay ko.
“Huwag ka ng babalik diyan, hindi tayo close ha.”
“Where’s my phone?” Pag-iiba nito ng usapan saka inilahad ang kamay sa pagitan namin habang hindi pa rin nag-aalis ng atensyon sa daan.
Naitikom ko tuloy bigla ang bunganga ko saka napaubo-ubo. “Tungkol diyan... ano kasi...”
“Wala na?”
“Uhm medyo... wala na...” biglang naging maamong tupa na saad ko saka pangisi-ngising inapiran na lang ang nakalahad niyang palad na kanina pa naghihintay malapagan ng phone niya.
Nagulat ako nang isarado niya ang kamay niya at ikulong ang akin sa mahigpit na mahigpit na hawak!
“Aray!”
“Seriously, where’s my phone?” Mas mapanganib na ang tono na tanong niya.
Napapangiwing hinatak ko ang kamay ko pero hindi niya binibitiwan. “Wala nga!”
“What? Seryoso ba iyan? Babayaran kita ng malaki kung ibabalik niyo ang cellphone ko at hindi na kita ipapakulong kaya-“
“Wala na nga! Nabenta na!” Frustrated din na sagot ko. Nakagat ko ang ibabang labi ko. Hanggang ngayon talaga ay nanggigigil pa rin ako sa kapatid ko, hindi man lang ipinagpabukas ang pagbebenta.
Napag-alaman kong ang original price pala ng iPhone 13 ay lagpas P100,000 pero naibenta niya lang sa halagang bente mil!
Diyos ko mahabagin, kaya pala mabilis lang na naibenta! Aniya hindi raw niya alam ang original price pero nasilaw na siya sa bente mil na offer sa kaniya ng buyer niya kaya kinagat niya na. Nakakaloka!
Nilingon niya ako nang may naiinis na ekspresyon saka agad na hinilot ng palad ang kaniyang mga sentido. “Mukha lang akong kalmado, Eicine, pero maraming importanteng file ang naroon.”
“Eh sorry! Anong magagawa ko... nabenta na nga... tsaka hindi naman ako ang nagbenta, bakit ako ang didikdikin mo?” Medyo mahina nang sambit ko, halata kasi sa kaniya ngayon na bothered na siya. Mukhang seryoso na ngang maraming file na mahalaga roon.
Hindi siya agad nagsalita at literal na ilang minutong nagkaroon ng nakakabinging katahimikan sa loob ng kotse. Ayoko namang magsalita ng kahit ano dahil paniguradong galit siya at hindi lang ipinapahalata, o baka nagpaplano ng idiretso ako sa presinto? Promise, ituturo ko talaga si Erros!
“In that case you’ll have to work for me, then.”
Hindi na ako umalma, kaysa naman magbago pa ang isip niya at maisipang ipakulong na lang pala ako o pagbayarin nang malaking halaga dahil lang sa hindi niya alam kung saan hahagilapin ang phone niya at ang nangholdap sa kaniya, na kilala ko.
Dinala niya ako sa isang mamahaling restaurant kaya naman nahihiyang sumunod ako sa likuran niya, itong suot kong purple shorts na hanggang tuhod tapos jersey tshirt ang pinagtinginan ng mga nadaanan naming mayayamang mga tao sa loob.
Sa sobrang pagkakataranta kanina ay ito na lang ang pambahay na damit na nahugot ko sa cabinet ko. Nakakahiya naman!
“Siraulo ka talaga, sana nagsabi ka man lang na dito tayo pupunta. E ‘di sana nakapag-dress ako!” Giit ko habang nauupo sa bakanteng seat na pinagdalhan sa ‘min ng waitress.
“Huwag na, nakakairita sa mata kapag nakikita kitang nakasuot ng maikling damit.”
“Nasisilaw ka lang sa legs ko.”
“Feeling sexy ka lang kaya naiirita ako.”
Kinagat ko ang ibabang labi ko saka inambaan itong babatuhin ng napulot na kutsara sa mesa. Umirap naman siya at naglabas ng papel at ballpen. Nagsulat ng ilang minuto kaya nagtatakang sinilip ko iyon.
“Oh, pirmahan mo ‘to. Kasunduan ‘to.” Ani niya habang itinutulak ang papel malapit sa harapan ko. “Kasunduan iyan na dahil may mahalaga at mamahaling gamit akong naiwala ng kasabwat mo-“
“Hindi nga sabi ako kasabwat!”
“Hindi ako naniniwala. Pumirma ka na lang.”
“Tsk!” Padabog na binasa ko ang nasa papel habang hawak ang ballpen. Nang maunawaan ko ang naroon ay agad na namilog ang mga mata ko. “Wait, baliw ka na ba?! Ano ‘to!” Tukoy ko sa parteng iyon ng kasunduan.
Malinaw na sinasabi kasi roon na ang pirma ko sa contract na iyon ay bilang pagkumpirma na pumapayag ako sa lahat ng nakasulat na kondisyon ni Kaijin kapalit ng atraso na idinulot ko raw sa kaniya at sa mga file niya sa trabaho na naapektuhan.
At ang kondisyon lang naman na iyon ay maging Personal Alalay nito ng 12 hours per day.
“Bakit? Ano bang ineexpect mo, madaling kapalit? Siyempre pahihirapan kita, hindi naman nagkakahalaga ng piso lang ang nawala sa ‘kin.”
“Pero hindi naman ako ang kumuha!”
Bagot na inilapit nito ang sarili sa direksyon ko saka diretso ang titig sa ‘king mga mata na ngumisi. “Erros is your elder brother and it was confirmed by Ethan earlier. He’s also the guy last night, am I right?”
Nanlaki ang mga mata ko. Alam na niya?!
Ethan. Iyong kapatid kong bata na kanina pa nakikipagkwentuhan sa kaniya kanina! Sinasabi ko na nga ba wala talagang mabuting dulot ‘tong pagpunta niya sa lugar ko. Siya mismo walang mabuting dulot!
“Oh alam mo naman pala na ‘yung kapatid ko ang may kasalanan sa ‘yo, bakit ako pa ang ilalagay mo sa ganitong-“
“Naniniwala pa rin akong sinadya mo ‘yong nangyari. Doon pa lang sa night club baka plano mo na ‘to hanggang sa dalhin kita sa hotel suite ko.”
“Sino bang nagsabi na dalhin mo ‘ko sa hotel suite mo?” Mabilis na sagot ko, nakikipagtalo.
Naitikom namin pareho ang bibig matapos kong mabanggit iyon. Hindi ko alam kung anong dahilan niya pero kasi ako natahimik ako nang maalala ko kung gaano... kainit ang gabing iyon kaya dumating kami sa puntong... umabot kami sa hotel suite niya.
Lumakas na naman ang kabog ng dibdib ko. Kapag naiisip ko talaga ang mga nangyari sa gabing iyon... hindi ako makapaniwala.
Hindi ko rin magawang makalimutan...
Nakita ko ang naiilang bigla na emosyon sa mga mata ni Kaijin saka nag-iwas ng tingin at tumikhim. Nakapokus na lang sa papel ng kontrata ngayon.
“No more buts, Eicine. Kung papabayaran ko na lang sa ‘yo ang mga gamit ko na iyon, may kasama pang wallet na nagkakahalaga ng 30k na cash, tingin mo hindi pa okay ‘tong hinihingi ko? Pirmahan mo na.”
Marahas na bumuntonghininga ako.
“I’ll dicuss further and additional conditions on the following days, just sign first this contract and we’re good.” Hinawakan nito ang kamay ko sa ibabaw ng mesa saka nakangiti nang matamis na tinapik-tapik iyon bago sumandal sa kinauupuan. “Bilisan mo or do you want me to guide your hand.” Mula roon ay naramdaman ko kaagad ang pamilyar na kuryente sa uri ng hawak niya kanina na pareho sa kung paano ako nito hawakan noong gabing iyon...
Kinikilabutan na binawi ko ang kamay ko mula sa hawak niya.
“Never kong pinangarap na maging alalay mo, Kaijin, baka itulak na lang kita sa bangin.” Umirap ako sa kaniya saka atras-abante ang kamay sa pagpirma ng kontrata.
Narinig ko siyang mahinang natawa. “Bakit? Magiging masaya ka sa setup na ‘to, I’m telling you.”
Napalunok ako bago huminga nang malalim at tuluyang pinirmahan na ang bwisit na pa-kontrata niya na iyon.
“Baka ikaw lang ang masaya.” Irap ko.
Hinila niya ang papel saka masayang tinitigan ang pirma ko roon. “Of course. You’ll be mine for six months. I’ll have my personal alalay for six months.” Paulit-ulit niyang sambit na malinaw namang para mang-asar.
Hay, mahabaging langit!
May balat ba ako sa pwet?
Pumangalumbaba ako matapos itukod ang siko sa mesa at mariing napapapikit. “Nagpapakabait naman ako, Lord, pero bakit kailangan mong iharap pa sa buhay ko ang lalaking ‘to. ‘Di ko ‘to deserve.” Mahinang usal ko.
I heard him laughed quietly.
Tumikhim siya at nagsalita maya-maya. “You’ll visit my pad once a week, linisin mo. The rest of the days in a week ay sasamahan mo ‘ko sa trabaho. Then, that’s it.”
“Then that’s it.” Sarkastikong ulit ko na parang ang dali-dali ng gagawin. Mahinang natawa na naman siya habang tinitignan ang mga reaksyon ko kaya lalong inirapan ko ito.
“We’ll talk about my terms and conditions, kung mayroon ka ring gustong sabihin, well... sige pag-iisipan ko kung papayagan ko.” Taas-baba ang kilay na aniya.
Lumabi ako at nagsalita, hindi pa rin ako makapaniwalang magpapa-alipin ako sa unggoy na ‘to. “I-send mo na lang sa ‘kin ang address ng office mo at siguraduhin mong madali lang ang ipapagawa mo dahil printing ng papers lang ang kaya ng skills ko sa mga kumpanya-kumpanya!” Nagmamaldita na saad ko.
I mean, hindi naman ako totally bobo dahil nakapagtapos naman ako ng tourism. Pangarap ko pa ngang maging flight attendant! Pero iyon nga, easy money ang kailangan ko at okay na ako sa trabaho ko sa Secret Help Hotline company namin.
Itong ipapagawa niya lang sa kumpanya niya ang hindi ko alam.
“Kumpanya?” Nagtatakang tanong niya.
Natigil saglit ang usapan namin nang maglapag ng pagkain ang mga waiter saka may kaunting sinabi kay Kai bago umalis muli.
“Oo, sabi mo sasamahan kita sa trabaho sa ibang araw ng bawat week na dadaan? Ano?”
“Sinong nagsabing sa kumpanya ako nagtatrabaho?” Lalong ngumisi ito pagkatapos.
Nangunot ang noo ko. “Saan?”
He smirked.