CHAPTER 6
NANG mag-umaga ay naisipan kong tawagan ang paying customer #100 ko noong nakaraang gabi saka nag-report ng maiksi sa trabaho para naman kaunting sermon na lang ang aabutin ko mula sa mga boss ko kapag nagpunta na ako sa kumpanya namin at nalaman nila ang kapalpakan na nangyari, na imbis na si Mr. Edward ang madale ko sa night club ay ibang lalaki.
“Bakit sa lahat ng lalaki naman, Lord, bakit si Kai pa?” Gigil na bulong ko sa sarili habang nagtitipa ng number noong customer sa phone para i-dial.
Bawat gabi more than 200 ang elite customers sa night club na iyon at talagang hindi ko maisip kung bakit siya pa ang mapagkakamalan ko ro’n. Nagsisisi rin ako na hindi ako attentive habang papunta pa lang kami sa hotel suite niya, napaka-laking katangahan.
“Hello?”
Tumikhim ako nang marinig ang tinig ng babaeng nagbayad sa kumpanya. “Ah hello... ma’am, uhm ‘yung patungkol po sa text message ko kagabi, ‘yung report ko po sa inyo patungkol sa... fiance mo po. Si Edward, ano kasi, ma’am, nagkamali po ako ng-“
Hindi pa man ako tapos sa sinasabi nang putulin nito ang aking pagsasalita, mukhang good mood yata si ma’am at masigla pa rin ang tono.
“It’s fine, Agent E! Seriously, it’s totally fine. Babaero talaga siya, magkamali ka man o hindi. At napatunayan ko iyon sa tulong ng kumpanya niyo, dahil diyan ire-recommend ko kayo sa mga friend kong interesado. Magbabayad sila ng malaki, thanks a lot, Agent E!”
Huh?
Hindi siya galit?
“O-Okay po... pasensya na po ulit.”
“No problem, no problem. Mag-iingat ka, girl, see you when I see you again.”
Saglit akong natameme, mga ilang segundo, tila nakaulinigan ng kakaiba sa tono noong sinabi niya ang huling mga salita pero iniling ko na lang ang aking ulo at pinatay ang tawag.
Matapos iyon ay saktong-sakto na bumungad sa pintuan ng silid na kinalalagyan ko ang mga maliliit na kapatid ko.
“Ate! May pogi sa labas! Hinahanap ka, Eicine raw!”
Agad na namilog ang mga mata ko saka sinundan ito sa paglabas ng kwarto pero bago iyon ay natatarantang bumalik pa ako ulit sa kabilang parte ng bahay namin para mag-toothbrush, maghilamos at magbihis ng damit.
“Hoy, Eicine! Siraulo ka talaga, sinong nagsabi sa ‘yo na magdala ka ng hindi natin kakilala rito sa lugar ha!” Bulyaw ni Tatay habang lumalapit sa ‘kin dito sa harap ng maliit namin na salamin, wala itong pang-itaas na damit at may hawak pa na tasa ng kape. Pero kasing-init na yata ng kape na iyon ang ulo niya sa ‘kin ngayon. “Alam mo ba kung gaano katagal na tayong inaabangan ng mga pulis? Hindi lang iyang mga iyan makapwesto dahil walang nagtatangkang ilaglag ang address natin tapos ikaw...”
“Ano ba iyon, ‘tay? ‘Wag niyo na ho isipin iyan, hindi iyan magsusumbong sa pulis, tyaka malay ba ng lalaking iyan sa labas na hinahanap pala tayo ng mga pulis noon pa.” Singhal ko habang nagsusuklay ng buhok. “Ibig kong sabihin, kayo pala, hindi tayo. Magbago na ho kasi kayo para ‘di na tayo natatakot nang ganito sa mga pulis at mga hindi kilalang bisita!” Pahabol na saad ko pa habang naglalakad patungo sa labas ng bahay.
Nang madaanan ko naman si Mama ay agad na binatukan ako.
“Ikaw ang siraulo bata ka! Kung hindi iyan asset ng mga police investigator dito, hindi ka namin bubulyawan, ‘wag mo rin kami mautus-utusan magbago dahil wala kang lalamunin kung hindi ganito ang trabaho natin!” Sunud-sunod na sermon niya habang bitbit ang maliit kong kapatid.
Hindi na yata matigil ang pagkamot ko sa ‘kin ulo mula pa roon kay Tatay.
“Oo na ho! Lalabasin ko na ‘yung tao at paaalisin dito sa lugar para okay na. Okay?”
Bago pa ako tuluyang makalabas ng pintuan ng bahay namin ay hinigit ako ni Mama sa braso patungo sa bintana namin na may sirang jalousie.
“Ano na naman ba iyon, Mama!” Nakangiwing kinamot ko ang aking ulo.
“Sino ba kasi iyan. Kagabi ka pa usap-usapan dito sa ‘tin na may lalaki raw na naghatid sa ‘yo, pulang-pula ang mamahaling kotse pero mukhang hindi naman daw foreigner na matanda ang driver.” Usiserang asik niya habang sinisilip namin sa jalousie window ang ngayong nakalabas sa kaniyang kotse na si Kaijin. Nakatayo ito ngayon sa gilid ng nakaparadang kotse sa labas ng bahay habang pinagtitinginan ng mga kapitbahay.
“Wala iyan, ‘Ma! Sandali, lalabas na ak-“
“Pogi, medyo bata pa, maganda ang kutis.”
“Mukhang maraming pera...”
Nagulat ako nang pati si Tatay ay naroon na rin sa tabi ko at nakikisilip sa jalousie window.
“Kung hindi iyan delikadong tao para sa ‘tin...” pinutol ni Mama ang sinasabi saka nilingon ako at siniko sa tagiliran. “Nobyohin mo iyan! Asawahin mo!”
“HUH?!”
Tumikhim si Tatay. “Ay sa akin naman hindi ako tututol diyan, basta ganiyang may kotseng mamahalin. Baka kapag asawa mo na iyan pwedeng akin na lang ang kotse saka bumili na lang kayo ng bago. Ano, pwede ba ano?”
Winasiwas ko ang mga braso ko para palayuin silang dalawa sa magkabilang gilid ko saka tumalikod sa bintana at sila ang hinarap habang namemeywang.
“Saksakin niyo na lang ako kung iyan lang din ang mapapangasawa ko! Ayoko, tigilan niyo ako, Mama at Tatay!” Nakakunot ang noong singhal ko sa kanila.
Binatukan naman agad ako ni Mama kaya nakangiwing nilingon ko ito.
“Ikaw, huwag kang boba, anak! Ayaw mo ng ganiyan kayaman? Anong gusto, tambay?”
“Wala akong sinabing gusto ko ng tambay, ‘Ma! Ayoko no’n pero ayoko rin niyan!” Lahad ko ng kamay sa direksyon ni Kaijin. Nako kung kilala lang nila ang lalaking iyan, hinulog lang naman niyan ang anak ninyo mula sa kotse niya, oh ano.
“Wushu. Malakas ang loob niyang magyabang ng ganiyan palibhasa alam niyang sinusustentuhan tayo ni Mr. Guerrero.” Ani Tatay habang nakapameywang na nakatingin sa ‘kin at kay Mama. “Isipin mo na lang, paano kung napagod na kakapadala ng pera sa ‘tin si Mr. Guerrero, tiyak tuluyan na tayong manlilimos sa kalsada!”
“Ayun na nga!” Singhal ni Mama. “Kaya ngayon pa lang bumingwit-bingwit ka na ng mayaman! Kahit hindi na gwapo basta malaki ang bulsa na may libo-libo! Pero ayan... complete package oh, gwapo at mayaman!”
Hindi makapaniwalang tinignan ko na lang silang dalawa habang nakakunot ang noo at nakasimangot nang husto.
Tama naman sila, bukod sa mga trabahong modus nila sa araw-araw ay sustento ni Mr. Guerrero ang bumubuhay sa ‘min buwan-buwan. Hindi ko kilala kung sino iyon dahil ayaw namang sabihin nila Mama at Tatay pero ang sabi lang ay mayaman daw na matanda. Hindi ko rin alam kung anong rason ng consistent na pagpapadala niya ng pera sa ‘min pero ang paliwanag lang nila Mama ay may utang na loob sa ‘min.
Kaso ayun nga, kahit anong laki ng perang sustento na iyon ay kulang pa rin dahil bukod sa adik sa sugal si Mama ay may kaniya-kaniyang pinupuntahan ang pera namin, gaya na lang ng mga ipinagbabawal na gamot na pinaglulustayan nila ng pera.
Inilingan ko na lang sila at inilabas na si Kaijin.
Bungad na bungad pa lang mula sa gate namin ay makikita ng bulungan nang bulungan ang mga tsismosa na kapitbahay sa paligid, ang halos lahat ay nagpapa-cute pa nga at binibiro na pansinin ang mga anak nilang dalagita!
Diyos ko mahabagin!
Habang si Kai naman ay abala lang sa pagkausap nang nakangiti sa mga batang nasa tabi niya, mga nakahubad ang mga batang iyon habang may bitbit na supot ng plastik at sinisinghot sa pagitan ng pakikipag-usap sa kaniya.
“Kaijin!” Pag-agaw ko sa atensyon nito.
Nagtinginan ang mga tao sa paglabas ko ng bahay, maging siya ay nag-angat ng tingin.
Sa pagkakataong iyon ay pati yata ako biglang natigilan nang magtama ang aming tingin.
Fresh na fresh ang hitsura nito sa suot na simpleng shirt ngunit may maliit na tatak ng brand sa kaliwang parte ng damit habang naka-black pants at sapatos na halata ring mamahalin at branded. Ang puti ng kutis at ang... ayoko sanang isipin ‘to, pero ang gwapo niya...
Para siyang artistang lalaki na nagniningning tapos napadpad sa mundo naming mga dukha ganoon.
Kaso iyon nga masama naman ang ugali. Pangit pa rin talaga.
Basta gwapo na pangit si Kaijin.
“Halika na, sa ibang lugar tayo mag-usap.” Mahinang sabi ko rito saka hinila siya sa braso.
Natatawang lumapit ito sa tainga ko saka bumulong. Iyon din tuloy ang ginawa ng mga tsismosa sa paligid, malamang ay pinagmamalisyahan na ng mga iyan ang paglapit ni Kai sa ‘kin.
“Halos lahat sila nagsasabing gusto nila ako makapangasawa, am I too good-looking today?”
Agad na napaurong ang leeg ko sa narinig at nag-angat ng tingin sa kaniya. Hindi ako makapaniwala.
“Yaman mo lang ang habol ng mga iyan, huwag ka ngang masyadong assuming.” Nakalabing sumimangot ako rito. Naiirita sa mga tao pati sa kaniya.
“Tara na, umalis na tayo rito.”
“Bakit hindi na lang diyan sa loob ng bahay niyo tayo mag-usap? Tutal ay kasabwat ka rin naman, para malaman ng parents mo ang ginawa mong-“
“Hindi nga ako kasabwat! Paulit-ulit!” Bulyaw ko. Saka tinakpan ang bibig nang matauhan na marami nga palang nanonood sa ‘min. “Isa pa, huwag mo ng kausapin ang parents ko, baka ipakasal pa nila ako sa ‘yo. Ayaw mo naman iyon mangyari ‘di ba? So tara na!” Hinawakan ko ito sa braso para hilahin na sana papasok ng kotse niya pero hindi siya nagpatinag.
Ngumisi ito na halatang tuwang-tuwa sa mga reaksyon ko at sumandal sa kotse niya habang nakahalukipkip, nagtitingin na rin sa paligid.
“Actually, I’m starting to like this place. Baka mapadalas ako ng punta.”
Napaawang ang bibig ko.