CHAPTER 20
KINABUKASAN ay maaga pa lang mulat na mulat na ang mga mata ko para maghanda ng sarili, naligo na agad ako at nag-ayos saka lumabas ng maliit kong kwarto para sana magsapatos na. Balak kong tumayo na sa harapan ng bahay at doon na hintayin ang unggoy kong sundo mamaya.
Siyempre ‘no, mahirap na! Baka magisnan ko na naman dito sa loob ng bahay ‘yong unggoy na Kaijin na ‘yon at kung anu-anong kalokohan pa ng pamilya ko ang makita niya. Mabuti nga at hindi niya naiisipang laitin ang pamilya ko, e.
Pero hindi rin nakakatuwa dahil ako at ako lang ang nilalait sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
“Oh, Ma! Okay ka lang?” Natatawang tanong ko kay Mama nang makita ko siya sa salas na nakatulala, nakaupo siya sa kahoy na upuan namin do’n habang may iniinom na kape yata sa tasa. Natawa ako kasi nahuli kong nakatulala siyang umiinom ng kape kaya natapon nang kaunti sa damit niya.
Mabilis siyang lumingon sa ‘kin saka inirapan ako. “Hindi ako okay! Huwag mo ‘kong matanong-tanong ng ganiyan!” Masungit niyang singhal.
Biglang lumabas si Elmo mula sa maliit na kwarto niya saka dumaan sa harapan ko para magtungo sa maliit naming kusina. “Ay, Ate, ‘wag mong kausapin ang walang tulog.”
“Sino? Si Mama?” Nagtatakang tanong ko.
Lumingon siya saka nagpipigil ng tawa na tumango. “Hindi siya natulog magdamag, binantayan niya ang sarili niya.” Pabirong aniya. “Hindi, biro lang. Natatakot daw siya, e, baka bumalik daw ‘yung mga armadong lalaki.”
Nangingiwing napaurong ang leeg ko sa narinig saka nilingon si Mama. “Gano’n ba. Matulog ka na, Ma. Nai-report naman na yata nila Kuya sa barangay eh?” Pampalubag-loob na sambit ko, naaawa kay Mama. Ang lalim talaga ng mga mata niya! Kilala ko pa naman iyan, napaka-nerbyosa. “Tsaka may rumoronda na rin na barangay sa madaling-araw ‘di ba?”
“Ayun nga! E, natatakot pa rin ako. Isa pa, naglaro rin kami ng Tongits at Bingo nila Ninang Sol mo magdamag, panalo nga ako.” Ani niya saka biglang ngumisi.
Poker face na tinitigan ko siya at pinagdiretso na lang ang linya ng labi na nagsuot ng sapatos sa tabi niya. “Alis na po ako maya-maya lang, may trabaho ako sa umaga. Ito po ‘yung sahod ko na kinuha ko nang advance, itong isang libo naman, Ma, pang-grocery ‘to ah? Baka ipang-Bingo mo ‘to?!” Sermon ko sa kaniya habang nag-aabot ng pera.
“Hay nako, Eicine, marunong ka pa sa ‘kin! Kapag ako naman nanalo sa mga sugal na iyan dumodoble naman ang pera, mas maraming pang-grocery!”
“O kapag talo? Tiis na naman tayo ng isang linggo sa 555 tuna?!” Sagot ko. “Naku, Ma. Bahala ka riyan.” Ani ko saka nakasimangot na humalik pa rin sa pisngi niya bago lumabas ng bahay.
Bago pa tuluyang nakalagpas ng gate naming yari sa yero ay napansin ko pa ang kapatid kong si Erros pati ang ilan sa mga kabarkada nito sa gilid, nag-aabutan ng ipinagbabawal na gamot na nasa sachet. Napabuga na lang ako ng hangin at bulag-bulagan na nagdire-diretso sa labas.
Tutol pa rin naman ako sa kung paano kumikita ng extra income ang buong pamilya ko, mula sa nanay kong hindi na mapigilan ang sarili na magsugal kada araw, sa tatay kong hindi mabitiwan ang pagtutulak ng droga, sa mga kuya kong palaging ubos-biyaya sa paglalaro ng sabong ng mga manok, kay Erros na matinik sa holdapan hanggang sa mga paslit na kapatid kong maliliksi na rin kumilos kapag usapang pag-snatch.
Pero wala akong magawa para pigilan sila. Mahirap lang din talaga ang buhay namin at kahit may kinakain sa isang araw ay baon pa rin sa kaliwa’t-kanang mga utang.
Kaya kung magpapatuloy sa pakikialam si Kaijin sa trabahong mayro’n ako ngayon siguraduhin niya lang na mas malaki ang sahod ko sa kaniya kapag wala na ‘kong naging choice kung hindi ang mag-apply bilang full-time assistant niya.
“Ay palaka!” Bulalas ko sa gulat nang may bumusina sa gilid ko.
Doon ko lang napansin ang kadarating lang na magarang kotse ni Kaijin Valencia. Agad akong lumapit doon at binuksan ang pinto para makasakay na sa loob, bago pa magising ang mga tsismosang kapitbahay at pagkumpulan na naman itong si Kai.
“Bakit? Anong tinitingin-tingin mo. Tara na! Alis na tayo!” Pagtataray ko nang makitang nakatitig ito sa ‘kin habang sumasakay sa kotse niya.
Mahina siyang natawa dahil do’n. “Sungit ah. Nagtataka lang ako kung bakit madaling-madali ka. Bababa pa ‘ko para magpakita sa pamilya mo, para rin alam nilang dumating ako at sinundo kita ri-“
“Ay! Huwag na!” Pigil ko, tinatapatan pa siya ng hand gesture. “Huwag na.”
“May mga regalo ako para sa kanila, ibibigay ko lang.” Tukoy niya sa mga paperbag na kumpol-kumpol sa may backseat ng kotse, nilingon ko ‘yon at napaawang ang bibig ko sa dami ng paperbag na tinutukoy niya!
“Seryoso ka ba?” Hindi makapaniwalang tanong ko. “Sobra-sobra na ang pagsipsip mo sa pamilya ko, nawiwirduhan na ‘ko sa ‘yo.”
Masamang tingin ang ipinukol niya sa ‘kin pagkatapos kong magsalita. “Just so you know, your younger siblings need their own supply of papers and pencils to finish their projects in school, sila ang nagsabi sa ‘kin. Wala namang masama kung bibilhan ko. Some of these gifts are for Elmo, he said he badly needs new shirts, kahit daw luma. I don’t have luma so I asked my men to buy him new ones, wala namang masama dahil necessities-“
“Huh?! Seryoso ka ba diyan, Kaijin?!” Bulalas ko. “Binili mo ang mga kailangan ng mga kapatid ko? Sobrang bait mo naman!” Natatawa ngunit gulat pa rin na saad ko.
Inirapan niya lang ako nang maisip na baka inaasar ko siya pero hindi! I swear nagulat ako at... natuwa. Hindi na ito sumagot at sa halip ay kinuha ang mga paperbag saka bumaba mula sa kotse para personal na ibigay kila Kuya na saktong nasa maliit na bakuran lang ng bahay namin.
Kitang-kita ko ang ngiti sa mga labi ng mga kapatid ko mula kay Kuya hanggang sa mga maliliit kong kapatid. At si Kai... mukha siyang sincere habang nakangiting kinakausap sila Kuya!
Totoo ba ‘to? Kung totoo ‘to... ramdam kong nanaba ang puso ko.
Inaamin kong kulang na kulang ang pera namin sa araw-araw kaya naman kapag patungkol sa pangangailangan ng mga kapatid ko sa eskwelahan at pag-aaral ay hindi na pinapansin nila Mama at Tatay, hindi na nila pina-prioritize dahil mas uunahin na lang na gastusan ang mga pagkain.
Nakatulala lang ako kay Kaijin ng tingin habang pumapasok na ito ngayon sa sasakyan niya at minamaneho ang manibela para makalabas na ang kotse sa Sitio namin. Nahiya ako biglang awayin at asar-asarin siya.
“Ano na namang problema? Hindi ko pa kinakalimutan ang pagsipa mo sa mga tuhod ko kagabi.” Aniya nang mapansing nananahimik pa rin ako.
Umiling ako at nagdiretso ng tingin sa daan. “Thank you, ang bait mo ngayong araw baka nilalagnat ka.”
Ilang segundo siyang nanahimik bago nagsalita ulit. “If you or your family needs something important and it includes money, don’t hesitate on telling me what that is, maybe I could help.”
“Talaga? Bakit? I mean... hindi mo naman kami kaano-ano.” Mahinang dugtong ko.
Napalingon siya sa ‘kin na may kunot na noo. “Anong sinasabi mo. I don’t want to sound cheesy and dramatic, Eicine, but honestly I consider them as my family as well, bilang pamilya mo sila at ikaw...” tumikhim siya na parang naghinay-hinay sa sunod na sasabihin. “my parents consider you as also a part of our family kaya... gano’n din... gano’n din ako.”
Okay. That sounds cheesy to me.
Itinikom ko ang bibig ko at hindi na nagsalita pa nang hindi na malaman kung pa’no pa iyon dudugtungan pero naiwan ang ngiti na kumurba sa ‘king mga labi.
Hindi ko alam kung bakit. Minsan lang maging matino kausap si Kaijin at nakakatuwa... na hindi iba ang tingin niya sa ‘kin.
HANGGANG sa makarating kami sa workplace at gusali na pagmamay-ari niya ay nanatili akong tahimik, gano’n na rin naman ang ginawa niya dahil sinalubong siya agad ng ilan sa mga tauhan niya ro’n at may sinabi sa pribadong lugar. Mukhang seryoso ang pinag-usapan nila kaya hinayaan ko na lang muna.
Bago siya dumiretso sa opisina niya ay itinuro niya sa ‘kin kung sa’n ang magiging opisina ko at nang ma-gamay ko na ang mga paperworks at background checks na iniuutos niyang gawin ko sa advanced computer at laptop na naroon ay seryosong nagpokus na ako na tapusin ang trabaho ko ro’n.
As expected, naroon ang pangalang Gretta Naire. ‘Yong babaeng itinanong din ni Kaijin kay Mr. Marapulo noong nakaraan lang.
“Wow, ang ganda...” malumanay na bulalas ko nang lumabas ang litrato noong babaeng pina-gagawan sa ‘kin ni Kaijin ng background check, sa hitsura nito ay halata na agad na yayamanin at hindi basta-bastang babae lang. May listahan si Kai na ibinigay sa ‘kin at ang pinaka-utos ay i-highlight ang mga lokasyon kung sa’n matatagpuan ang mga taong ‘yon.
Hindi ko alam kung stalking ‘tong pinagagawa niya sa ‘kin o ano, napaka-wirdo talaga no’ng lalaking ‘yon.
Lumabas ang litrato ni Gretta Naire sa system, pangalan, buong mahahalagang mga impormasyon patungkol sa kaniya kaya cinompile ko ‘yon sa iisang file.
Mukha siyang 30s ganoon. Naipilig ko ang aking ulo nang may mapansin akong isa pang litrato ngunit pangalan naman ng organisasyon kung... saan daw ito kabilang.
Deuterium Cartel.
Ang logo no’n ay nakapaloob sa isang bilog, hitsurang agila na may piring sa mga mata at may dagit na malaking cobra sa paahan nito. Cartel? Deuterium Cartel? Agad na natigil ako sa ginagawa para tumulala saglit sa kawalan.
Para kasing narinig ko na ‘yon noon kay Tatay at Kuya Eric... Deuterium Cartel.
Napanguso ako at daig pa ang pagkakaro’n ng bumbilya sa ulo nang maisipang i-search sa system ang Deuterium Cartel na ‘yon. Nakagat ko ang mga daliri ko nang may mga impormasyong agad na lumabas pagkapindot ko pa lang ng enter.
Preview pa lang ng information ang nababasa ko nang magsalubong na agad ang aking kilay. Sa preview na ‘yon ay may nasilip akong pangalan na pakiramdam ko... pamilyar na naman sa ‘kin.
Deuterium Cartel was founded by Mr. Frediwald Guerrero, the members of this underground organization rapidly grows as year passed by... see more.
Napaurong ang leeg ko. ‘Yung pangalan na nabanggit ang pamilyar sa ‘kin. Hindi ko alam kung tama ba pero parang sounds like Fredi Guerrero rin ang pangalan ng misteryosong mayamang lalaki na sinasabi nila Mama at Tatay na nagsusustento sa pamilya namin buwan-buwan.
Hindi ko lang alam kung Frediwald ang pangalan niya pero... posible kaya? Parang hindi...
Pipindutin ko na sana ang see more sa information na ‘yon nang biglang may malakas na naglapag ng kung ano sa mesa, dito sa gawing gilid ko, kaya naman halos mapatalon ako sa gulat.
Nakita kong si Kaijin iyon nang lingunin ko, malakas na inihampas ang palad sa mesa para sadyaing gulatin ako.
“Alam mo ang epal mo, kumatok ka minsan kahit na ikaw pa ang boss dito ha!”
“Didn’t I tell you to refrain from searching to that system unless I told you so? ‘Yung mga nasa listahan lang ang tatrabahuhin mo.” Seryoso niyang sita sa ‘kin habang bahagyang itinuturo ang computer screen. Inexit ko agad ang pinagse-search ko saka patay-malisyang inikot ang swivel chair na kinauupuan ko para makaharap sa gawi niya.
“Na-curious lang ako, pamilyar kasi ‘yung Deuterium Cartel.” Depensa ko saka ibinigay sa kaniya ang printed file ng background check ni Gretta Naire.
Nag-angat ito ng kilay at bahagyang inilapit ang sarili sa gawi ko habang nakatukod ang kamay sa mesa. “Familiar? Why?”
Napalabi ako at nag-isip kung sasabihin ko ba sa kaniya ang rason. Bumuga ako ng hangin.
“Wala, baka nagkakamali lang ako. Pero katunog kasi ng pangalan ng founder no’n ‘yung nagpapadala ng pera sa pamilya ko. Si Mr. Guerrero.” Bagot na pagkukuwento ko.
Ang akala ko ay walang pakialam na iibahin niya lang ang usapan matapos kong sabihin ang mga sinabi ko pero ilang segundo itong hindi umimik at bahagyang mas nagsalubong ang mga kilay.
“Nagsusustento sa pamilya niyo? Tell me more about him.” Seryoso niyang saad, biglang parang naging interesadong-interesado sa pakikinig sa kung ano ang sasabihin ko patungkol doon. Ako naman tuloy ngayon ang nagtaka. “Pero bago ‘yon, ito muna ang ipaliwanag mo.” Sumilay ang ngisi sa kaniyang labi habang inilalapag ang hawak sa mesa.
Nagtatakang sinilip ko kung ano ‘yon at namilog ang mga mata ko nang makitang phone ko ‘yon! Nakabukas sa bandang inbox kaya dali-daling inagaw ko sa kaniya.
“Naiwan mo ‘yan sa kotse, nakalimutan ko lang na iabot sa ‘yo. Someone texted you, I didn’t mean to read it but I saw my name in her text message for you so...”
Hala gago!
Nanlamig ako sa hiya at napatayo pa mula sa kinauupuan nang mabasa kung ano ang tinutukoy ni Kaijin na text message!
From: Ashley
Huy, teh! Kakakilig naman si Fafa Kaijin Valencia kagabi, you’re his daw! Hindi ba talaga kayo mag-on?! Umamin ka na! Obvious naman na type mo siya sa paraan ng pagkukuwento mo sa ‘kin sa tuwing magkausap tayo! Halatang in love ka! See you later ha, chika minute later! Bye!
Hindi lang ‘yon, may isa pa palang mensahe galing kay Ashley at masasabi kong mas malala ‘to kaysa sa nauna!
From: Ashley
Diba nakwento mo rin pala siya before sakin na may itsura at matipuno ang katawan! Teh, go mo na ‘yan! Sakto ‘yan sa edad mong ‘yan maghanap ka na ng roromansa sa ‘yo sa kama! Naalala ko ‘yung biruan natin dati na maghahanap na tayo ng f**k buddy kapag bored, naku tanungin mo kung pwede siya! HAHAHA!
Naubo ako nang totoong masamid ng sariling laway!
Nakangiwing pinatay ko ang phone ko saka nahihiya nang mag-angat ng tingin kay Kaijin na paniguradong ngising-aso na naman, magyayabang na naman ‘yan at lalaki ang ulo!
Hindi ko siya type! Hindi ko siya gusto! Gusto kong sabunutan si Ashley tuloy!
Ano lang... gwapo at hot siya sa paningin ko, totoo naman kasi, tapos pakiramdam ko madali lang naman ma-attract sa kaniya pero kasi... alam mo ‘yon, hindi ko alam kung posible ko maramdaman ‘yon sa kaniya... ang tagal na naming nag-aaway mula pa noon!
Kaaway ang tingin ko sa kaniya simula bata pa lang kami!
‘Yun... ‘yun ang alam ko. Kaaway. Gano’n. Hindi ko alam kung posible ang romantic na pagtingin sa kaniya... hindi ko alam or more like baka... baka natatakot lang akong isipin at alamin sa sarili ko.
Narinig ko ang mahina nitong pagbuga ng hangin, panigurado ay ngumingisi at umiismid. Nagulat ako nang mapansin ang marahang paglakad nito palapit sa kinauupuan ko saka huminto at bahagyang naupo sa mesa, kaharap na ako!
“So you were planning to look for a f**k buddy, huh?” Aniya. Nakakrus ang mga braso sa dibdib at namamanghang nakangisi sa ‘kin. Nag-iwas ulit ako ng tingin at halos hindi makakilos sa kinauupuan! “What if I tell you that I’m looking for a bed warmer, too?”
Agad na umawang ang bibig ko at magsasalita sana para depensahan ang sarili nang mauna na ito.
“We’ll both benefit from this setup. We’ll satisfy each other’s needs.” Sambit niya saka tumayo nang tuwid at dahan-dahang ipinaikot ang isang braso sa ‘king beywang at ang isang kamay ay itinaas ang aking mukha para hulihin ang aking mga mata. “You don’t need to find someone else out there, Eicine. I volunteer myself.”
Napaawang ang aking labi sa narinig. Pakiramdam ko na naman ay nahigit ko ang aking paghinga at nagtatambol na naman ang aking dibdib! Bakit siya ganito!
Bumaba ang tingin niya sa ‘king labi at doon nagtagal. Nagulat ako nang unti-unti niyang ilapit ang mukha sa ‘kin.
“Kai...”
Nanatiling mahigpit ang kaniyang hawak sa ‘king beywang na parang ayaw ako nitong palayuin at paatrasin sa kakaiba nitong offer. Umasa akong gaya ng ginagawa niya noong mga nakaraan, itutulak ako at aasarin kapag akala ko ay tuluyan niya na ‘kong hahalikan, pero ngayon... hindi.
He... he really kissed my lips!
Holy s**t!