Kabanata 6
K I M
Agad akong napasugod sa hospital nang mabalitaan kong nanganak na ulit si Yakira. Matalik na kaibigan ko si Kira mula pa noong high school kami. Si Zachary Walcott ang napangasawa niya. Isa sa matalik na kaibigan naman ni Ethan. Pangalawang anak na nila iyon, samantalang ako hanggang ngayon ay mag-isa pa din. Ako na talaga ang tatandang mag-isa. Hindi naman ako takot na tumandang mag-isa pero syempre hinahangad ko pa rin namang magkaroon ng pamilya. Pero kung hindi talaga ‘yon para sa akin ayos lang din naman. At least, wala akong ibang poproblemahin kundi ang sarili ko lang. Sanay na rin naman ako nang mag-isa. Mula kasi ng magkolehiyo ako ay bumukod na ako sa mga magulang ko. Strict ang parents ko pero may tiwala naman sila sa akin kaya hinayaan na nila ako. Apat kaming magkakapatid at puro mga lalaki ang kapatid ko. Ako lang ang babae pero pinagkatiwalaan pa rin nila akong bumukod.
May kaya ang pamilya namin pero hindi kami ‘yong masasabi mong mayaman. Nakakaluwag lang siguro. Sariling pera ko ang inipon ko para lang makabili ako ng sasakyan at magkaroon ako ng sarili kong condo. Hindi rin naman ganoon kalaki ang unit ko pero ayos na ako doon. Aanhin ko ang malaking unit kung mag-isa lang naman ako sa bahay?
Pagdating sa hospital ay agad akong nagtanong kung saan ang kwarto ni Yakira. Agad naman akong iginiya ng isang lalaking nurse papunta doon. Nagulat ako sa dami ng taong naroon. Ano ito reunion? Kompleto ang mga kaibigan ni Zachary sa loob ng silid. Naroon na rin si Alianna at Louise na nakaupo sa tabi ng kama ni Yakira.
“What a crowd,” bulalas ko bago nilingon ang lalaking nurse na naghatid sa akin doon. Pinasalamatan ko siya bago niya sinarado ang pinto at tuluyang umalis.
Tumayos si Alianna at Louise para salubungin ako. Bumeso ako sa kanila bago ako lumapit kay Yakira na may buhat-buhat na sanggol. Mukhang lalaki nanaman ang baby niya. Lalaki din kasi iyong panganay nila.
“Akala ko hindi ka pupunta. Lagi kang wala kapag nag-aaya ako,” ani Kira habang bumebeso ako sa kanya.
“Pasensya na talaga, Kira. Busy lang talaga,” nakangusong sabi ko habang pinagmamasdan ang baby’ng buhat niya. Ang liit niya pero mukhang si Kira na ang kamukha ng isang ito ngayon. Iyong panganay kasi nila parang xerox copy ng tatay niya. Mabuti naman itong bunso kamukha na ni Kira. Ang saklap naman kasi kung ikaw ‘yong naghirap manganak tapos ‘yong anak mo kamukhang-kamukha ng tatay.
Biglang may humakhak sa may gilid kaya nabaling doon ang atensyon ko. Tumaas ang kilay ko kay Ethan. Ano nanamang problema ng lokong ‘to?
“Busy? Saan ka busy, Kim? Clubbing?” may himig ng panunukso ang boses niya. Inirapan ko siya. May kung sinong sumipol pero hindi ko na inalam kung sino iyon.
“Huwag mo akong igaya sa’yo, Ethan. Nagtatrabaho ako,” mariing sabi ko.
Humalakhak si Walcott.
“Here we go again,” anito habang natatawa. Sinulyapan ko siya at inirapan. Hindi ko pa nakakalimutan ang sinabi niya sa akin noong isang araw sa unit ni Ethan.
“Shut up, Zach!” saway ni Kira sa asawa. Agad namang itinikom ni Walcott ang bunganga niya.
“Alright, love…”
Ngumisi ako at napailing. Ang laki-laking tao, under sa asawa.
“Madalas ka sa club?” tanong ni Louise.
“Uh, nitong mga nakaraang gabi lang.”
“Sinong kasama mo?” may halong pagtatampo sa boses ni Louise.
“Mga kasamahan ko sa trabaho. Nagkakaayaan lang after ng trabaho. Saglit lang din naman kami doon.”
“Bakit hindi mo kami inaaya?” nakangusong sabi naman ni Alianna. Bumuntong hininga ako. Ang tatanda ng mga ito pero ang hilig pa ding magtampo.
“Saglit lang naman ako doon. ‘Tsaka kahit ayain ko kayo, papayag ba ang mga asawa niyo?”
“Oo naman!” mabilis na sagot ni Alianna. Bumaling ako kay Stephen. Nakakunot ang noo nito pero hindi naman tumutol sa sinabi ng asawa. Isa pang under.
“Papayag din naman yata si Edward basta magpapaalam ako,” ani Louise na ang tinutukoy ay ang napangasawa niya. Napangisi ako.
“Ay, oo nga pala. Nakalimutan kong takot nga pala sa inyo ang mga asawa niyo,” sabi ko habang tinitignan si Stephen at Zachary. Parehong napasimangot ang dalawa kaya mas lalo akong napangisi.
Muli akong bumaling sa baby.
“Ang cute naman ng baby namin na ‘yan. Mabuti naman at kamukha na ng mommy ‘yan,” sabi ko habang ginagalaw ang kamay ng baby.
“Pabuhat naman ako sa baby na ‘yan,” sabi ko kaya agad namang ipinasa sa akin ni Kira ang anak niya. Ang liit-liit niya pero ang sarap niyang hawakan. Nakakagigil siya.
Tumayo ako habang buhat ang baby ni Kira at bahagya ko siyang isinayaw.
“Anong panagalan ng baby namin na ‘yan?” malambing na sabi ko.
“Yohann,” ani Kira.
“Ay, ang pogi naman ng pangalan niyan… Anong gusto ng baby Yohann na ‘yan?” Isinasayaw ko siya habang nilalaro at kinakausap. Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti.
“Ngumiti siya sa akin!” pagmamayabang ko. Humalakhak si Yakira at hinayaan lang akong laruin ang kanyang anak. Ang sarap talaga sa pakiramdam nang may buhat na baby.
Sa sobrang pagka-aliw ko sa baby hindi ko na napansing pinapanuod na pala nila akong lahat. Napataas ang kilay ko.
“Bagay pala sa’yong may buhat na baby,” nangingiting sabi ni Louise.
Tumawa ako.
“Baka gusto mo kong kuning babysitter ng anak mo, Kira,” biro ko. Natawa din siya.
“Gawa ka na lang ng iyo, Kim.” Ngumisi si Walcott.
“Sige, next time. Hahanap muna ako ng fafa na may magandang lahi,” pagsakay ko sa biro niya.
“Pwede na raw ba ‘yong lahi ni Ethan, Kim?” singit ni Sander. Matalim ko siyang tinignan.
“Gago!” sambit ni Ethan.
Nagtawanan silang lahat. Kaming dalawa lang yata ni Ethan ang hindi natawa sa birong iyon ni Sander. Isa pang epal ‘tong lalaking ‘to.
“Nagpapatawa ka?” pairap na sabi ko. Tumawa pa sila lalo.
“‘Yan nagalit na tuloy. Gago kasi ‘to,” naiiling na sabi ni Ethan, tinutukoy si Sander.
“Bakit, tol? Nai-in love ka na ba kanina?” tukso pa ni Walcott. Dapat talaga hindi pinagsasama-sama itong mga bwisit na ‘to. Nakakapang-init ng ulo.
“Tumigil ka nga, Zach. Panay kayo tukso d’yan kaya lalong nagkakainitan ‘yong dalawa, eh.”
“Nagkakainitan naman na pala, eh,” kumento ni Caleb. Napailing na lang ako. Ang mga bwisit na ‘to pinagkaisahan na kami.
“Kuya, stop!”
“Ang lalakas ng tama niyo, may boyfriend ‘yan,” naiiling na sabi ni Ethan. Naghiyawan ‘yong apat.
Sabay-sabay namang napalingon sa akin ‘yong tatlo. Oh, great! Galing talaga. Sarap nilang pagkukutusan sa totoo lang. Parang mga gago. Ang tatanda na nila para sa mga ganitong asaran. Parang wala talagang nagbago sa kanila kapag magkakasama.
“May boyfriend ka ngayon?” si Kira.
“Bakit hindi ka nagkukwento sa amin,” si Alianna naman. Ngumuso si Louise halatang nagtatampo.
Sinamaan ko ng tingin si Ethan. Epal talaga ‘tong mokong na ‘to kahit kailan, eh.
“‘Tsaka bakit alam ni Ethan?” takang tanong ni Kira. Napabuntong hininga ako bago sinagot ang mga tanong nila.
“Nakita niya kami kagabi pero hindi ko pa boyfriend si Tom,” sabi ko.
“Tom? Sino ‘yon? Kilala ba namin?” kuryosong tanong ni Louise. Umiling ako.
“Hindi. Ipinakilala lang sa akin ‘yong ng katrabaho ko kagabi.”
“Gwapo?”
Ngumisi ako at tumango.
“Syempre.”
“Hot?” nakangising tanong ni Alianna.
“Alianna!” matalim siyang tinignan ng asawa. Natawa tuloy ako sa kanilang dalawa.
“Tom Angeles ba?” sabat ni Sander. Napalingon ako agad sa kanya.
“Huh? Kilala mo siya?”
Ngumisi siya at nailing.
“That dog, he tried to court my wife.” Bahagyang umawang ang bibig ko sa impormasyong nakuha.
“Talaga? Sayang naman. Bakit ikaw pa ang pinili niya?" may ngisi sa labing sabi ko. Nagsalubong ang kilay ni Sander. Pinagtawanan siya ng mga kaibigan niya. Aso pala, ah.
“Nagtangkang manligaw kay Sab? Kailan?” kuryosong tanong ni Kira kay Sander.
“Noong nagtatrabaho pa siya doon.”
Tumango si Yakira.
“Uh, ito ba ‘yong gwapong um-attend sa church wedding niyo? ‘Yong boss niya sa trabaho?” ani Yakira. Napakamot sa ulo niya si Walcott. Mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ng asawa pero wala na ring nagawa. Napailing ako. Duwag.
“Gwapo na ‘yon sa’yo, Yakira?” hindi makapaniwalang sabi ni Sander.
“Oo nga, love. Hindi naman gwapo ‘yon.”
“Ang kakapal ng mga ito. Hoy, gwapo si Tom, ‘no! ‘Tsaka mabait ‘yong tao hindi tulad niyong mga mapanglait,” pagtatanggol ko sa tao. Sinimangutan lang ako ng dalawa at hindi na rin naman nakipagtalo.
“Nasa church wedding nga iyon nina Sander at Sabrina, Kim! Hindi mo lang yata napansin,” ani Yakira.
“Talaga? Hindi ko nga napansin.”
“Napansin mo pa ‘yon, buntis ka na sa pangalawang anak natin no’n, ah?” may himig ng pagtatampo sa boses ni Walcott. Parang tanga ‘tong isang ito. Inirapan lang siya ni Yakira. Tinignan siya ng masama ni Yakira.
“Huwag mong sabihing nagseselos ka pa kita mong boyfriend na nga iyon ni Kim.”
“Hindi ko pa nga boyfriend,” sabi ko.
“Doon na rin naman yata papunta ‘yon,” ani Kira. Nagkibit lang ako ng balikat.
Ilang sandali pa ay kinuha na ng nurse ang baby. Dadalhin na raw sa nursery room. Mabuti na lang at naabutan ko pa siyang nandito at nabuhat ko pa.
“Ipakilala mo agad sa amin kapag naging kayo na,” ani Louise, mukhang excited na para sa akin. Ngumiti ako at tumango lang.
“Tingin ko bagay sa’yo ‘yon, Kim. Mukhang seryosong tao ‘yon, eh. Bagay sa’yo ‘yong mga ganoong klaseng lalaki,” ani Kira.
“Love, kay Ethan tayo,” mahinang sabi sa kanya ng asawa. Inirapan ko ito.
“Tumigil ka nga, Zach! Kita mong hindi nga nila gusto ang isat-isa!”
Napakagat ako sa ibabang labi ko. Great! Ito nanaman po tayo. Sumasakit ang ulo ko sa mga ito.
“Hindi ka sure d’yan,” ani Zach.
“Kira, mapapatawad mo pa ba ako kapag napatay ko ‘yang asawa mo?”
Tumawa lang si Yakira habang napapailing.
“Tumigil na kasi kayo boys. Iniinis niyo si Kim,” ani Alianna.
“Lagi naman talagang inis ‘yang kaibigan niyo,” nakangising sabi ni Ethan.
“Makita ko ba naman pagmumukha mo, eh.”
“Tama na ‘yan. Mag-uumpisa nanaman kayo. Hindi ba talaga kayo magkakasusundong dalawa?” pairap na sabi ni Kira. Ngumuso lamang ako at hindi na nagsalita pa.
“Nga pala sa birthday ko, ah! Pumunta kayo. Kim, please lang huwag kang magdadahilan sa akin ng kung ano-ano at hindi ko talaga ‘yan tatanggapin,” ani Louise.
Oo nga pala. Next month na ang birthday ng bruhang ito. Bumuntong hininga ako at tumango.
“Fine. Saan tayo?”
“Palawan.”
“Okay.”
Ilang sandali lang ay nagpaalam na rin agad si Louise dahil hinahanap na raw siya ng asawa niya. Ganoon din si Sander dahil kapapanganak lang din ng asawa niya sa pangalawa nilang anak. Babae ang pangalawa nilang anak at sobrang ganda nito. Mana sa ina. Pinakahuli kaming nagpaalam nina Caleb at Ethan sa mag-asawa. Dumiretso ako sa sasakyan ko. ‘Tsaka ko lang napansin na magkatabi pala ang sasakyan namin ni Ethan. Inirapan ko siya nang makita kong ngumisi siya.
“Sa tabi pa talaga ng sasakyan ko napiling mag-park,” pasaring niya. Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi na rin naman pinatulan ang pang-aasar niya. Pumasok na ako sa loob ng sasakyan ko at agad na pinaandar ito.