Kabanata 7
K I M
Nakipagkita ako kay Tom kinabukasan. Ang akala ko nga hindi na niya ako kokontakin pagkatapos ng gabing iyon. Akala ko na-turn off na dahil may iniyakan akong ibang lalaki pero mukhang hindi naman. Pagkatapos kasi ng gabing iyon ay madalas na siyang mag-text. Minsan pa nga ay tumatawag siya. Nakakatuwa lang kasi kahit alam kong busy siya sa kanyang trabaho ay may oras pa din siyang mag-text sa akin. Mabait talaga si Tom at sweet pa. Hindi siya katulad ng mga lalaking ipinakilala sa akin ni Jade na puro malibog naman. Tingin ko kaya ko namang araling magustuhan siya. Hindi sa hindi ko pa siya gusto. Sa totoo lang gusto ko talaga siya, pero hindi iyon katulad ng nararamdaman ko para kay mokong.
Pero siguro nga matututunan ko din siyang magustuhan kung ganito palagi ang ipinapakita niya sa akin. Ang tanga ko na lang kung pakakawalan ko pa itong ganitong klaseng lalaki. Minsan lang ako makatagpo ng ganito tapos palalampasin ko pa? Katangahan na iyon, Kim. Baka pag pinalampas mo pa ito ay hindi ka na talaga makapag-asawa pa.
“Hi! Kanina ka pa?” Ngumiti ako. Tumayo siya upang hilahin ang upuang nasa harapan niya para sa akin.
Grabe, napaka maginoo naman ng isang ito. May mga lalaki pa palang ganito. Naupo ako sa upuang nilalahad niya. Ngumiti siya.
“Kadarating ko lang din,” aniya ng nakangiti. Sumisilip ng bahagya ang dimples niya.
Gentleman na, gwapo pa.
“Pasensya na, ah. Ang traffic kasi ng dinadaanan ko.”
“It’s okay. You’re just in time. Maaga lang talaga akong dumating.”
Ngumiti ako, nagpapabebe.
“Gano’n ba? Pasensya na talaga, ah.”
“It’s okay, Kim. Order na tayo?”
Ngumiti ako at tumango.
Naging maayos naman ang date namin ni Tom sa araw na iyon. Nasundan pa nga iyon ulit kinabukasan. Masaya naman siyang kasama. May sense kausap at higit sa lahat hindi mayabang. Ayaw na ayaw ko kasi sa lalaki iyong mahangin. Nati-turn off agad ako kapag gano’n. Buti hindi naman ganoon si Tom. Hindi ko alam kung ano na bang mayroon sa amin. Hindi naman niya sinabing manliligaw siya pero ayoko din namang magmadali. This time, gusto kong magdahan-dahan na muna. Lahat kasi ng naging boyfriend ko nakuha ang sagot ko ng mabilisan, kaya tuloy pati ang relasyon namin mabilisan lang ding natapos. Pero hindi naman ako nanghihinayang sa mga relasyong iyon. Bakit ako manghihinayang sa mga taong wala namang kwenta. Hindi dapat pinanghihinayangan ang mga gunggong na iyon lalo pa at puro manyak naman iyon. Katawan ko lang ang habol sa akin at nang hindi ko ‘yon maibigay ay iiwan na lang ako ng basta. Kung sabagay, may sarili silang pangangailangan. Pero kasi kung mahal mo talaga ang isang tao, willing kang maghintay kung kailan siya magiging handang ibigay ang sarili niya sa’yo.
“Kim, pupunta ka ba mamaya?” tanong ni Ma’am Dana, isa siya sa mga boss namin sa trabaho. Iniimbita niya ako sa party niya mamayang gabi sa isang exclusive bar.
“Oo naman, Ma’am! Papahuli ba ako?”
Ngumisi si Ma’am at umiling.
“Sige, asahan ko kayo doon mamaya, ah?”
Malapit sa amin si Ma’am Dana kahit na mas mataas ang posisyon nito sa amin. Actually, anak siya ng may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan namin. Kasing tanda ko lang siya at wala pa din siyang asawa kaya madalas kaming magkaintindihan. Hindi ko alam kung bakit hindi pa din siya nag-aasawa. Maraming manliligaw iyon pero baka tulad ko hindi niya pa rin talaga mahanap ang lalaking pakakasalan niya. Mahirap na kasing magpakasal ng basta-basta sa panahon ngayon. Mahirap magtiwala… Sobrang dami na kasing mapagsamantala sa panahon ngayon. Pakakasalan ka nga pero sa huli iiwan ka din kapag nagsawa na o nakuha na ang gusto sa’yo.
Siniko ako ni Jade pagkaalis ni Ms. Dana.
“May susuotin ka na ba mamayang gabi?”
“Meron naman. Bakit?”
“Sexy-han mo. Maraming mayayaman doon. Baka maka-jackpot tayo,” nakangising sabi ng gaga. Inirapan ko nga. Alam naman niyang wala akong pakialam sa status ng isang lalaki sa buhay. Basta madiskarte, ayos na iyon. ‘Yong mga naging boyfriend ko madiskarte naman. ‘Yon nga lang madiskarte din sa kamanyakan.
“Hindi pa ba ako jackpot kay Tom, kapag nakuha ko ‘yon?” Nagtaas ako ng kilay sa kanya.
“Ay, oo nga pala! May Tom ka na nga pala. Okay, ako na lang ang magmamaganda mamayang gabi. Baka makahanap din ako ng katulad ni Tom doon.”
Tumawa ako at umiling. Ang gagang ‘to talaga.
“Hindi bagay sa’yo ‘yong mga ganoong lalaki, Jade.”
“Lahat ng lalaki, Kim, bagay sa akin. Ako pa ba?” Nakuha pang kumindat ng loka. Ewan ko sa isang ‘to. Napakaharot. Maharot din naman ako pero ibang level ng kaharutan meron ang babaeng ito, eh.
I wore an off-shoulder bodycon dress paired with high heels. Jeans lang sana ako at crop top kaya lang palagi na lang ganoon ang sinusuot ko sa mga lakad namin, kaya naisipan kong mag-dress naman ngayong gabi.
Nauna nanaman si Jade sa akin doon. Masyado kasing excited ang loka-lokang iyon lumandi. Inunahan pa nga yata ang may birthday doon. Natawa ako sa naisip ko pero agad ding nawala ang ngisi ko, nang matanaw ang isang pamilyar na sasakyan malapit sa pinag-parking-an ko. Kumunot ang noo ko at bahagyang lumapit sa sasakyan. Hindi naman siguro kanya ito. Baka nagkataon lang. Sa BGC ko iyon madalas makita. Imposibleng kung kailan nandito ako sa Makati ay narito din siya.
Umiling ako at pumasok na lang sa loob ng bar. Hindi lang naman siguro siya ang may Aston Martin sa mundo, ano? Marami nang tao sa loob, nang pumasok ako. Namangha ako. Sobrang dami namang kakilala ni Ma’am Dana. Pero siguro hindi naman lahat ng nandito ay kilala niya. Nahirapan tuloy akong hanapin ang kaibigan ko sa dami ng tao. Dumiretso na lang muna ako sa unahan kung nasaan si Ms. Dana para batiin siya.
Agad siyang ngumiti nang makita ako.
“Happy birthday sa pinaka maganda kong boss,” bati ko sabay abot ng regalo ko sa kanya.
Tinanggap niya iyon at niyakap ako.
“Salamat, Kimmy. Akala ko hindi ka na pupunta,” aniya. Tumawa ako.
“Palalampasin ko ba naman ang gabing ito? Makakalibre kami ng inom,” biro ko.
“Kanina pa dito ang kaibigan mo.”
“Oo nga, eh. Hindi ko nga mahanap ang babaeng ‘yon,” sabi ko sa pag-aakalang si Jade ang tinutukoy niyang kaibigan ko.
“No, Kim. Hindi si Jade ang tinutukoy ko.”
Kumunot ang noo ko. Eh, sino pala kung hindi si Jade? Bago pa man ako makapagtanong ay may mainit na kamay nang dumapo sa balikat ko. Agad akong nag-angat ng tingin kay Ethan na may malawak na ngisi sa mga labi. Nakaakbay siya sa akin at sobrang lapit namin sa isat-isa. Sa sobrang lapit niya ay naamoy ko na ang gamit niyang pabango. Bumilis ang tahip ng dibdib ko. Tumawa si Ms. Dana.
“Magkaibigan pala kayo nitong si Ethan mula high school, Kim?” ani Ms. Dana. Mas lumawak ang ngisi sa labi ng mokong. Ang galing din gumawa ng kwento ng isang ito, ‘no? Magkaibigan? Kami? Eh, kulang na nga lang magpatayan kami tuwing nagkikita.
Talagang gustong-gusto niyang sinisira ang gabi ko, ah? Pilit na ngumiti ako.
“Uh, medyo…” Binalingan ko ulit si Ethan sa tabi ko at pasimple siyang inirapan.
“Ang tagal mo nang nagtatrabaho sa amin pero hindi ko manlang nalaman na magkakilala pala kayo nitong pinsan ko.”
Namilog ang mga mata ko.
“Pinsan?”
Ngumiti lang si Ms. Dana sa akin. Hindi ko magawang ngumiti ng maayos dahil sa lumilikot na kamay ni Ethan sa balikat ko. Tinignan ko ulit siya ng masama. Nagpaalam siya sa pinsan niya at hinatak na ako paalis doon. Doon ko lamang nailabas ang sama ng loob ko sa kanya. Pagalit kong hinawi ang kamay niya sa balikat ko.
“What the hell, Ethan Francisco! Anong ginagawa mo dito? Sinusundan mo ba ako?”
Ngumisi siya.
“Hindi mo ba narinig? Pinsan ako ng boss mo kaya nandito ako at bakit naman kita susundan?”
“Ewan ko! Kasi gusto mo kong bwisitin?”
Tumawa siya.
“Nauna ako dito.”
“Wala akong pakialam! Lubayan mo nga ako!”
“Easy… I just want to give this back to you,” aniya sabay lahad ng necklace kong bigay pa sa akin ng papa ko. Napaawang ang labi ko at agad iyong kinuha mula sa kanya.
“O, akala ko ba sabi mo itapon ko na?” Ngumisi siya. Umirap ako at tinalikuran na siya. Wala akong balak magpasalamat sa kanya dahil hindi rin naman siya marunong magpasalamat. Siya naman din ang dahilan kung bakit ko ito naiwan sa condo niya.
Sa wakas nahanap ko din ang kaibigan ako. Agad akong naupo sa tabi niya nang nakasimangot. Naroon na rin ang ilang mga kasamahan namin sa trabaho. Walang sabi-sabing sumimsim ako sa alak na nasa lamesa nila. Tumaas ang kilay sa akin ni Jade.
“Ano ‘yan? Kadarating mo lang parang napaaway ka na agad,” nanunuyang sabi niya. Inirapan ko siya.
“He’s here,” tipid kong sinabi. Nagsalubong ang mga kilay ng kaibigan ko. Luminga siya sa paligid bago ibinalik ang tingin sa akin.
“The who?”
Ngumuso ako at muling nilagok ang isa pang shot glass na naroon.
“Ethan Francisco.”
Nanlaki ang mga mata ni Jade at muling pinasadahan ng tingin ang buong paligid.
“Nasaan diyan?”
“Hahanapin ko pa talaga, Jade? Nabubwisit na nga ako’t narito siya tapos gusto mong hanapin ko pa?”
Humalakhak si gaga.
“Bakit? Hindi ka pa din maka-move on doon? Akala ko ba trip mo si Tom?”
“Huwag na nga natin siyang pag-usapan, pwede ba?”
“Sus! Naiinis ka lang naman kasi palagi siyang nagpapakita tuwing sinusubukan mo siyang kalimutan,” may ngisi sa labing sabi ng gaga. Inirapan ko siya pero hindi naman itinanggi pa iyon. Totoo naman ‘yon at aminado ako doon. Kaya palagi akong naasar kapag nakikita ko siya ay dahil hindi ko siya magawang kalimutan. Minsan naman akala ko nakalimutan ko na siya pero kapag nakikita ko siya bumabalik nanaman. Kaya balik nanaman ako sa umpisa. Nakakainis na! Kaya minsan hinihiling ko na lang talaga na huwag na siyang makita ulit para tuluyan nang matapos itong lintek na nararamdaman ko. Ako lang din naman kasi ang nahihirapan.
“Iinom na lang natin ‘yan,” aniya at muli akong inabutan ng maiinom.
“Gusto mong malaman kung paano ako mag-move on sa isang lalaki?”
Bumaling ako kay Jade at nagtaas ng kilay.
“Humahanap ng ibang lalaking malalandi. Ay, hindi nga pala umuubra sa’yo ‘yon. Nakailang boyfriend ka na nga? Hanggang ngayon siya pa din?” may ngisi sa labing sabi ng gaga. Inilingan ko siya. Papansin din ang isang ito. Kailangan niya pa bang ipangalandakan sa akin kung gaano ako kapatay na patay sa Ethan na ‘yon?
“Eh, paano nga ba kasi napunta dito ‘yon?” biglang kuryosong tanong ni Jade.
“Pinsan siya ni Ms. Dana.”
“What?” gulat na bulalas ni Jade, sabay tawa ng malakas.
“Ang liit nga naman ng mundo, ano? Baka naman kayo talaga kaya palagi na lang kayong pinagtatagpo.” Tumawa ako.
“Nice joke.”
“O, bakit? Pwede naman ‘yon, ah?”
“Jade, kulang na lang magpatayan kami kapag nagkikita tapos sasabihin mo ‘yan? Ayos ka lang ba? Paano kami maglalambingan, sabihin mo nga? Magsasaksakan? Ganoon ba?”
Tumawa ng malakas ang gaga. Napailing na lang ako at natawa na din sa sariling naisip.