Part 5

1493 Words
“ITO PO ang kuwarto ko?” walang dudang gulat na gulat siya. Marangya ang silid. Parang sa isang prinsesa. “May sarili pang banyo na ang laki-laki! May mga lotion at shampoo dito na sosyal. Para sa akin ho ba ito?” “Puwede mong gamitin iyan. Guest room ito pero ang mga naunang assistant ni Teddy ay ito rin ang ginamit. Ikaw na ang mag-ahon ng mga gamit mo sa bag mo.” “Ang yaman-yaman po pala talaga ni Sir---este, ni Teddy, ano po?” “Oo. Kahit mahiga siya maghapon ay mabubuhay siya. Pagbutihin mo ang trabaho mo, Missy. Ayokong mapahiya kay Teddy.” “Pagbubutihan ko po, Aling Bining. Siyanga po pala, ayaw pala talaga niyang magpatawag ng sir. Hindi po ba nakakaalangan ang ganoon?” “Sundin mo kung ano ang gusto niya. Alam mo naman kung ano ang hangganan ng pagiging amo sa empleyado, hindi ba? Bata pa si Teddy. Lampas treinta lang at binata pa. Siya, ikaw na ang bahala sa mga gamit mo. Mamaya ay bumaba ka at ipapakilala kita sa ibang tauhan dito.” Gusto pa sana niyang magtanong pero iniwan na siya nito. Parang bata na nilibot niya ang silid. Hindi makapaniwalang ookupahin niya iyon. Tila siya nasa isang five-star hotel. Nahiga siya sa malambot na kama. Napapikit siya. Kay lambot talaga niyon. Pati unan ay ubod ng lambot at ang sarap yakapin. Pero hindi niya magawang matulog dahil na rin sa labis na excitement kaya napagpasyahan niyang lumabas na lang. “O, Missy, akala ko’y mamaya ka pa bababa?” “Naiinip ho ako doon, eh. Ano ho ba ang maitutulong ko dito?” Sinulyapan niya ang kasama ni Aling Bining. Bata pa iyon. Hindi nalalayo ang edad sa kanya. Nginitian niya ito. “Hi!” “Si Tere iyan. Tere, siya si Missy, iyong sinasabi ko sa iyo.” “Hello! Naku, tama pala si Drigs, maganda ka daw. Sana mag-enjoy ka dito. Hindi naman mahirap ang trabaho dito, eh. Naiinip nga lang ang iba.” “Hindi siguro ako maiinip. Ang ganda-ganda nga dito, eh.” Bumungisngis si Tere. “Naku, lahat ng bagong salta dito, iyan ang sinasabi, pero paglipas ng mga araw, hindi rin nakakatagal.”   ISANG linggo na si Missy sa mansiyon ni Teddy. At nae-enjoy niya ang pagtatrabaho doon. Hindi naman alalay ang pakiramdam niya sa trabaho niya. Ang ibang oras naman niya ay itinutulong niya sa kung anong gawain mayroon ang mga kasama niya doon bilang pakikisama na rin. "Bukas nga pala ay tiyak na kikiligin ka sa labis na sorpresa, Missy," ani Drigs. "Ano namang sorpresa?" "Secret muna para masaya!" sabi naman ni Tere. "Bakit, hindi mo pa ba sinabi sa kanya, Aling Bining?" tanong naman ni Drigs sa mayordoma. "Ang alin?" sagot nito. "Ang tungkol kay Idol?" Napakibit ng balikat si Aling Bining. "Hindi ko pa sinabi kay Missy.  Ayoko kasing mangyari noon na biglaan siyang papayag na magtrabaho dito dahil lang kay Ico. Gusto ko kasi, pupunta siya dito sa Isla Morante dahil gusto niyang magtrabaho talaga. At hindi dahil sa idol ninyo." Palipat-lipat na ang paningin niya sa tatlo. "Hindi ko kayo maintindihan." "Haayy, ang mabuti pa ay sabihin ko na sa iyo," ani Tere. "Hep, huwag muna!" awat naman ni Drigs. "Para nga masorpresa si Missy, eh! Ikaw naman, Tere, sobrang KJ!" "May pa-KJ-KJ ka pa diyan!" ingos ni Tere kay Drigs at saka siya nito hinarap. "Missy, bukas ay darating ang pamangkin ni Teddy dito. Halos dalawang beses sa isang buwan pumupunta ang pamangkin ni Teddy dito sa isla. Dito siya nagbabakasyon. At ang pamangkin niyang iyon ay walang iba kundi si...” she paused for effect. At halos magliwanag din ang mga mata. “Ico Abella!" "Ico Abella? Iyong artista?” kaswal na sabi niya. Tumango si Tere. "Hindi naman iyon talagang artista. Pero dahil sikat, parang ganun na nga. Hoy, wala ka man lang karea-reaksiyon, ah!" "Reaksiyon saan?" "Hindi ka man lang ba nagulat? O napatili? Dahil ang pamangkin ng amo natin ay si Ico Abella?!" Hindi niya naiwasan ang natural na pagtaas ng kilay. "Eh, bakit naman ako magugulat? Para siya lang naman. Hindi ba cook siya? Teka, kaya ba, may picture sila ni Uncle Teddy doon sa library?” “Tumpak! Ano, hindi ka man lang kikiligin? Aba’y tuwing darating iyon dito, parang palagi akong napapaihi sa labis na kilig, ikaw naman super dedma diyan?! Saka hindi cook ang tawag sa kanya. Chef.” “Ganoon din iyon. Nagluluto din,” katwiran niya. Natapik ni Drigs ang noo. "Kahit pala hindi sinabi ni Tere ngayon sa iyo ang tungkol kay Ico Abella, hindi ka rin masosorpresa! Missy, wala bang TV sa bahay ninyo?!" "Meron naman. Iyong kapatid kong grade six ang patay na patay sa cook na iyon.” “Chef nga sabi, hindi cook,” giit ni Tere. "Hindi ka ba nagka-crush sa kanya?" “Sus! Bakit naman ako magkaka-crush sa kanya? Komo nasa TV siya, kelangan ko nang magka-crush sa kanya?” mataray pang sagot niya. "Bakit naman? Eh ang guwapo ni Ico, no?" Napakibit lang siya ng balikat. “Aba’t ang taray,” napapailing na sabi ni Tere.   INAAYOS ni Missy ang mga file ng resorts na umuupa sa isla nang pumasok si Tere doon.             “Miss Mataray, malapit nang dumating si Ico!” kilig na kilig na sabi nito. “Sinundo na siya si Drigs sa ibaba.”             “Sa ibaba?” Alam niyang ang beach na nasa tapat ng mansyon ang tinutukoy nito.             “Iyong private boat ni Teddy ang pinagsundo sa kanya sa pantalan.”             Umirap siya. “Sus! Sa pantalan din pala siya manggagaling, eh. Akala ko, private din ang pantalan na bababaan niya.”             “Ikaw, ha? Parang galit ka kay Ico. Mabait kaya iyon. At guwapo pa. Sobra!”             “Nagkakandaihi ka na diyan sa sobrang kilig, Tere,” napapailing na sabi niya.             “Hay, naku! Manhid!” anito at nilayasan siya. ALAM NI Missy na paparating na si Chef Ico. Hindi starstruck si Aling Bining sa pamangkin ng amo nila. At siya man ay ganoon din. Sina Tere at Drigs, artistang-artista ang turing sa lalaki, at hindi naman niya masisi.             Sinulyapan ni Missy ang framed picture ng magtiyuhin. Guwapo namang talaga si Ico. Iyon nga lang, hindi siya starstruck dito. Naalala niya ang kapatid na si Karen. Kung malalaman lang ng kapatid niyang makakasama niya doon si Ico Abella, tiyak na maiinggit ito.             Bigla ay naisip niya, siguro ay puwede siyang makahingi ng autographed picture ni Ico Abella para sa pag-uwi niya sa day off niya, iyon ang pasalubong niya sa kapatid. Siguradong-sigurado siya na matutuwa si Karen.             Nakadama siya ng excitement para sa kapatid. Nakangiting lumabas siya ng library.             “O, ano, tinablan ka na rin ng excitement?” salubong sa kanya ni Tere. “Malapit na sila. Natanaw ko na iyong bangka.”             Natawa siya. “Baka naman himatayin ka diyan, Tere.”             “Hay, naku, doon na muna ako sa kusina. Inihahanda ni Aling Bining ang pagkain. Malagyan nga ng gayuma.”             Umakyat naman si Missy sa silid niya. Buhat doon ay tanaw niya ang dagat. Natanaw na nga niyang paparating na ang bangka na sinasakyan nito. Hindi niya alam kung dapat siyang bumaba din at maghintay dito. Nag-alala siya na baka isipin nitong masyado siyang feeling close para sumaludar. Si Teddy ang nasa labas at siyang naghihintay sa pamangkin nito. Pero naisip din niyang kung hindi siya bababa, baka naman isipin nito na pa-diva pa siya.             Naisip niyang mag-shower nang mabilis para naman fresh siya pagharap dito. Isang bulaklaking walking shorts at sleeveless na puting pang-itaas ang isinuot niya, courtesy ng mga damit na galing kay Jenny. Karaniwan nang gayak niya iyon dahil wala din naman siyang uniporme sa trabaho. Ang kanyang mahabang buhok ay hinayaan niya lang na nakalugay. “Matagal yata sila, Aling Bining?” tanong niya, medyo nainip na din dahil inaasahan niyang ilang minuto lang naman dapat ay nakaakyat na ang mga ito. “Baka napatagal ang kuwentuhan nilang mag-uncle,” sabi naman nito. Lumabas siya at naglakad sa gilid ng bakuran. Natutukso siyang silipin ito at si Teddy subalit nagpigil siya. Baka matanaw siya ay pag-isipan pa siyang nanunubok. Nagtungo na lamang siya sa swing. Inihilig niya ang ulo sa sandalan at pumikit. Napakasarap talaga sa lugar na iyon kaya naisip na rin niyang suwerte siya na nakapagtrabaho doon dahil karamihan sa mga oras niya ay para lang siyang bakasyunista doon. Hindi nga iilang beses na nakatulog na rin siya sa swing na iyon sa oras ng siesta ng amo niya at wala rin siyang masyadong ginagawa. “Who are you?”      Napabalikwas si Missy. Hindi niya alam kung nananaginip ba siya. Isang lalaking halos hubad ang tumambad sa kanya. Basang-basa ito at tumutulo pa ang tubig sa buong katawan. May ilang minuto na hindi siya nakaapuhap ng sasabihin. Pumikit-dumilat pa siya upang matiyak na hindi siya nananaginip lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD