"Your memory turned into a nightmare is the reason for your Thanatophobia."
"Thanatophobia..." pag-uulit ko.
Inalala ko ang buong nangyari sa gabing iyon.
Para namang isang mabilis na pagrerecall ang pumasok sa isip ko. Napasinghap ako.
Kasama ko si papa sa loob ng sasakyan. Madilim ang daan na tinatahak namin, at sa tansya ko ay malalim na rin ang gabi.
Hindi ko maintindihan kung bakit bumibilis ang aming sasakyan, parang may humahabol sa'min mula sa likod.
Hanggang sa kasabay ng pagkidlat nang malakas ay ang paghinto ng sasakyan namin. Sobra akong natakot nang marinig ang nakakabinging tunog ng kidlat, napapikit ako at tinakpan ko ang mga tainga ko.
"Raven, stay here." bilin sa'kin ni papa bago lumabas ng sasakyan.
Ilang sandali ang lumipas, dala ng kuryosidad ay binuksan ko ang pinto ng sasakyan at lumabas.
Natunghayan ko ang pag-aaway ng papa ko at isang naka-itim na nilalang. Hindi ko mawari kung anong klase itong nilalang, pero sobra akong kinikilabutan habang nand'on siya.
Nakita ko kung paano niya kinitil ang buhay ng ama ko. Hindi ko alam kung paano pero sa tingin ko ay hindi simpleng pagpatay iyon. Walang dalang kahit na ano at walang ginamit na kahit na anong bagay ang nilalang na 'yun, kun'di ang mga kamay niya.
Sobra akong natakot.
Lalo na n'ong tiningnan niya ako at nagsambit ng kung ano-ano. Hindi ko pa masyadong nauunawaan kung anong sinabi niya. Kumidlat ulit nang malakas, kasabay nang paglaho ng nilalang.
Napaupo ako at tinatawag ko ang papa ko.
Gusto ko siyang magising.
Gusto kong umuwi at magpahinga.
Gusto kong protektahan niya ako.
Dahil natatakot ako.
Hindi ko alam kung bakit pero takot na takot na ako.
Nakita kong unti-unting nawawala ang ama ko. Mas lalo akong umiyak.
Dahil nag-iisa na lang ako.
"Pero, naguguluhan pa rin ako. Bakit gan'on? Kahit naliwanagan na ako, ba't parang may kulang pa rin?" tanong ko sakanya.
"Iyon ang susunod mong hahanapin." saad niya.
Bigla akong nagising.
Nagising akong umiiyak at dala ang alaala ng bangungot na hanggang ngayon ay kinatatakutan ko pa rin.
***
Ilang araw ang lumipas, patuloy lang sa pakikipag-usap si Rachel at ang kanyang tatay. Sinabi na rin niya kina kuya Rob na ang tatay na niya ang bahala sa mga gastusin niya, hindi naman umalma ang panganay. Natuwa pa sila dahil nagiging close na sila ng pamilya niya sa iba.
Paminsan-minsan ay nagkukwento sa'kin si Rachel ng mga ganap niya sa tuwing kasama niya ang pamilya ng tatay niya. Buti na lang din at nakikisama rin siya. Natutuwa ako para sakanya.
Nandito ako sa balcony ng bahay at nagmumuni-muni. Napalingon ako nang tumabi sa'kin si Isagani.
"May problema ba, Raven?" tanong niya.
"Wala. Gusto ko lang magpahangin." sagot ko.
"Natutuwa ako dahil nagiging close na kayo ni Rachel. Sumama na siya sa'yo, at sa tingin ko rin ay nagshashare na kayo ng secrets. Nakakatampo tuloy." saad niya na ikinatawa ko.
"Kaya nga eh." pagsang-ayon ko.
"Kun'di dahil sa'yo, hindi rin sasama si Rachel sa tatay niya at pamilya nito." saad pa niya.
"Sus, kun'di nga dahil sa pagkausap mo, hindi 'yun magdadalawang-isip eh." saad ko.
"Kaya, salamat." tuloy ko. Ngumiti lang siya. Ilang sandaling katahimikan ang nanaig.
"Namimiss mo na ba ang mga kaibigan at pamilya mo sa Manila?" tanong niya.
"Medyo." tipid kong sagot.
"Ba't 'di mo sila bisitahin o puntahan?" tanong naman niya.
"Bakit, pinapauwi mo na ba ako?" tanong ko habang nakatingin sakanya. Agad siyang umiling.
"Hindi ah! I mean, pwede ka naman magstay pa rin." utal niyang sagot, natawa ako.
"Gusto mo ba akong magstay?" tanong ko.
"Oo naman." sagot niya agad. Natawa ulit ako. Hay, Isagani.
Tumahimik ulit kaming dalawa.
Maya-maya ay naramdaman kong hinawi niyang iilang hibla ng buhok ko papunta sa likod ng tainga ko. Hindi man ako lumilingon ay nakikita ko pa rin dahil sa peripheral vision.
Bumilis ang t***k ng puso ko. Ba't gan'on?
Inilagay niya sa tainga ko ang isang earphone at may narinig akong music.
Was there a lifetime waiting for us in a world where I was yours?
Natigilan ako nang marinig ang kanta. Patuloy kami sa pakikinig.
I was scared to lose you then
But secrets turn into regrets
Buried feelings grow...
"Oh, you were a good dream" sabay niyang kanta habang nakatitig sa'kin. Napatingin ako sakanya.
"Bakit, napapanaginipan mo ba 'ko or pinapangarap mo ako?" asar kong tanong para iwasan ang kabang nararamdaman ko. Bakit ba ako nagkakaganito!?
Tumawa siya.
"Both." saad niya.
Agad akong umiwas ng tingin at hindi ko na napigilang ngumiti.
Taksil na mga labi.
"Is there a lifetime waiting for us?" tanong niya. Napalunok ako.
Napakaganda ng kanta na iyon, pero sobrang sakit din.
Hindi ako tumitig sakanya gaya ng ginagawa niya ngayon.
Dahil natatakot ako.
Natatakot akong makita ang hangganan ng kanyang buhay.
***
"Raven..." saad ni Rachel pagkatawag niya sa'kin sa phone, nahalata kong umiiyak siya.
"Bakit?" kinakabahan kong tanong.
"Pumunta ka rito, please." pakiusap niya. Agad kong tinanong kung nasaan siya.
Pagkasagot niya ay naghanda na ako at nagtanong sakanila kung nasaan 'yung Medical Center ng Las Espadas.
Agad naman akong sinamahan ni Isagani na pumunta r'on.
Inalala ko ang nakita ko sa mga mata ni Mang Roel.
Malakas ang kutob ko na ito na ang araw.
Nalulungkot ako para kay Rachel.
Pagkasalubong namin kay Rachel ay marami ang mantsa ng dugo sa damit at balat niya. Umiiyak din siya.
Agad ko siyang niyakap habang tuluyan na siyang humahagulgol.
Bumitaw siya.
"Anong nangyari, Rachel?" tanong ni Isagani.
"Si Papa..." saad niya. Nanlumo naman ako. Totoo nga. Totoo 'yung mga nangyari.
"Binaril siya sa harap ko..." nahihirapan niyang saad sabay hagulgol. Yinakap ko ulit siya para i-comfort.
Nakita ko sa mga mata ni Mang Roel,
Nasa isang park sila, kasama ang buong pamilya. Masaya silang kumakain at nagkukwentuhan.
Inaya ni Mang Roel si Rachel na bumili ng ice cream sa 'di kalayuan ng pwesto nila.
Si Rachel ang bumili ng ice cream habang si Mang Roel ay naka-abang lang sa likod nila.
Maya-maya ay may tumigil na motor sa harap ni Mang Roel. May dalawang lalaki ang nakasakay at sinigawan si Mang Roel.
Napatingin naman sila Rachel at iba pang tao sakanila, hanggang sa naglabas ng baril ang isang lalaki at itinutok ito kay Mang Roel at walang pasabing pinagbabaril. Napasinghap ang lahat ng mga tao, habang ang mga bumaril ay agad nang tumakas.
Naiwan si Rachel na nakasalo sa tatay niyang nakahandusay na.
"Excuse me," saad ng isang doktor na lumapit sa'min. Lumapit naman ang mag-ina ni Mang Roel sa'min at nakibalita.
"Hindi na niya nakayanan... I'm sorry, but he's already dead." saad ng doktor.
Pagkasabi nun ay parang mahihimatay na si Anna, inalo naman siya ng anak niya. Si Rachel naman ay bumagsak kaya umupo rin ako para damayan siya.
Ilang oras bago kami tuluyan nang umuwi.
Nagpaalam kami kay Anna kung pwede ba magpahinga si Rachel, at pumayag naman din siya agad dahil nag-aalala siya kay Rachel.
Sinabihan ko si Anna na magpakatatag sila. Maayos kaming nakapagpaalam after ng pag-uusap naming iyon.
Dumating kami sa bahay nang salubungin kami ng mga tao rito. Lahat sila ay nag-aalala para kay Rachel.
Lumabas ako sa bahay pagkatapos ko mag-ayos ng sarili.
Hanggang sa umupo sa tabi ko si Rachel na halatang namumugto ang mga mata.
Nag-aalala talaga ako para sakanya. Para siyang naulila ulit, una si Manang Fe at ngayon ay ang tatay niya.
"Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi ko inaasahan 'yun lahat. Parang hindi pa nagsisink in sa'kin." share niya lang.
"Ganito ba talaga ang pakiramdam mawalan ng mahal sa buhay nang pangalawang beses? Parang unti-unti akong lumulubog." tuloy niya.
"Hindi ko alam, pasensya na." saad ko.
"Pero alam mo ba, pareho tayo." tuloy ko.
"Nakita ko ring pinatay ang totoo kong tatay." nahihirapan kong saad. Napatingin siya sa'kin.
"Hindi ko alam kung ilang taon ako n'on kasi ngayon ko lang din naalala. Iyon ang palagi kong bangungot, at naging dahilan ng pagkatakot ko sa kamatayan." kwento ko pa. Tinapik niya ang balikat ko. Sandali kaming tumahimik.
"Gusto ko magalit sa mundo." sabi niya.
"Gusto ko ring magalit sa Diyos." iyak niyang saad.
"Kasi hinayaan nilang maging ganito ako. Sunod-sunod nilang kinuha ang mga taong naging malapit sa'kin."
"Deserve ko ba 'to, Raven? Ito na ba ang kapalit sa lahat ng kasungitan at pagkamuhi ko sa buhay?" tanong niya. Agad akong umiling.
"Bakit sila pa!? B-ba't hindi na lang ako!? May mas silbi pa sila kaysa sa'kin, eh." iyak niyang pagrarant. Bumuntong-hininga ako, at inakbayan siya para damayan.
"Tandaan mo, Rachel. Deserve mong maging masaya at ng kapayapaan. Hindi pa panahon para magpaalam ka kasi marami ka pang mararanasan na masasayang moments at mas maraming blessings. Kaya 'wag kang panghinaan ng loob. Ayos lang magluksa at maging malungkot sa pagkawala ng mahal mo sa buhay. Pero hindi ka dapat magstay sa gan'yan, ha? Laban lang." payo ko. Mas lalo siyang umiyak at yinakap ako nang mahigpit.
Nanatili lang kaming gan'on nang ilang minuto bago namin napagdesisyunan na magpahinga na.
N'ong lamay ni Mang Roel, si Rachel ay nagstay sa bahay ng tatay niya. Bumibista naman kami para makiramay.
Hindi ko rin nakakalimutan na kamustahin siya, minsan ay tumutulong din ako sa pag-aasikaso.
Lumipas ang ilang araw nang tuluyan na ring malibing si Mang Roel, nakapagpahinga na nang tuluyan ang lahat.
Si Rachel ay palagi ko na ring sinasamahan. Nakikita ko naman na sinusubukan niyang maging better, kahit mahirap.
Palagi rin kaming nagkakausap ni Isagani, minsan ay kinakamusta niya sa'kin si Rachel at minsan nama'y kinukulit niya lang ako.
Katulad ngayon.
"Sayaw tayo." saad niya. Nasa balcony kaming dalawa. Sigurado ako na natutulog na ang mga tao, I think it's already 10 p.m. na rin kasi.
"Lakas ng trip mo. Ba't naman tayo sasayaw?" saad ko naman sakanya. Binigay niya ang isang pares ng earphone sa'kin at inilagay ko naman 'yun sa tainga ko.
"Gusto ko lang, eh. Masaya kaya." saad niya. Ang weird mo naman, Isagani.
Ako'y sa'yo
Ikaw ay akin
Ganda mo sa paningin...
"Yung kanta eh hindi naman bagay sa pagsasayaw." komento ko pa habang isinasayaw niya ako nang mabagal.
"Kaya nga 'slow dance', mabagal." pilosopo niyang sagot. Napairap naman ako.
Sumasabay siya sa pagkanta ng musika.
Napakaganda talaga ng boses niya.
"Ba't naman ito ang pinili mong kanta?" tanong ko pa ulit sakanya. Napakamot siya sa ulo.
"Kasi kasing ganda mo ang buwan." sagot niya sa'kin. Napangiti ako, nang maalala ang sinabi niya about moon n'ong nasa Heronimo kami.
Hindi ko 'yun makakalimutan.
"Korni mo." komento ko na lang, dahil wala akong masabi.
Buong kanta ay tinititigan niya ako bagay na ikinakailang ko rin.
Pero n'ong malapit na matapos 'yung kanta, saka ako nagkaroon ng lakas na titigan din siya.
Mabilis na nagzoom in ang paningin ko sa mga mata niya.
Napasinghap ako nang maramdaman ang nakasanayang kakaibang pakiramdam.
Agad akong pumikit.
Hindi natuloy ang pagsulong ko sa mga mata niya.
"Raven? Sorry." saad niya. Unti-unti siyang lumayo sa'kin, dahilan para mahulog ang earphone na nasa tainga ko.
Nakapikit pa rin ako, at yumuko.
Hindi ko kaya.
Tinapik niya ang balikat ko. Agad ko siyang yinakap.
Mukhang nagulat siya sa ginawa ko dahil hindi niya ako nayakap pabalik. Pero maya-maya ay naramdaman ko ang pagyakap niya sa'kin.
"Pwede ba ganito na lang imbis na titigan?" saad ko habang yakap siya.
"Huh?" nauutal niyang saad.
Nakayakap lang ako sakanya dahil ayaw kong matingnan ang mga mata niya.
Kahit ano pang ganda nito, ayaw ko.
Unti-unting tumulo ang mga luha ko habang yakap pa rin siya.
"Raven? Umiiyak ka ba?" tanong niya sa'kin. Hindi naman ako sumasagot.
Bakit? Bakit si Isagani pa?
Sa lahat ng nakitaan ko ng kakaibang visions, ito ang pinakamasakit.
Hindi ko tinuloy ang pag-tingin ko dahil alam ko na agad ang susunod na mga mangyayari.
Ibig sabihin, makikita ko ang kamatayan niya.
Ayaw ko.
Sana hindi ko na lang tiningnan.
"Isagani," tawag ko sakanya. Nakayakap ako nang mahigpit sakanya.
"Huwag mo 'kong iiwan." saad ko.