Isáng hatingabíng cadilima,i, lubhâ
lihim na naghunos acó sa bintana[67]
ualáng quinasama cun hindî ang nása
matuntón ang sintá cong nasaang lúpa.
May ilán n~g taón acóng nag lagalág
na pina-Palacio ang bundóc at gúbat
dumating n~ga rito,t, quita,i, na iligtas
sa masamang nasa niyaong taong sucáb....
Salita,i, nahinto na big-láng pagdatíng
n~g duque Florante,t, principe Aladín,
na pagca-quilala sa voces n~g guiliu
ang gaui n~g puso,i, dî napiguil-piguil.
¡Aling dila caya ang macasasayod
n~g touang quinamtán ng magcasing irog
sa hiya n~g sáquit sa lupa,i, lumubóg,
dalá ang caniang napulpól na túnod.
¡Saang calan~gitan na pa-aquiat cayâ
ang ating Florante sa tinamóng touá
n~gayóng tumititig sa ligayang muchá
n~g caniyang Laurang ninanása nasa.
Ano pa n~gayaóng gúbat na malungcót[68]
sa apat, ay naguíng Paraiso,t, lugód,
macailang hintóng caniláng malimot,[69]
na may hinin~gá pang súcat na malagót.
Sigabó ng toua,i, n~g dumalang dalang
dinin~gig n~g tat-lo cay Laurang búhay,
nasapit sa Reino mula ng pumanao
ang sintang nag gúbat: ganitó ang saysay.
"Di lub-háng nalaon niyaóng pag alismo
ó sintáng Florante sa Albaniang Reino!
naringig sa baya,i, isang píping guló
na umalin~gaon~gao hangáng sa Palacio.
N~guni,t, dî mangyaring mauatasuatasan
ang báquit, at húlo ng bulongbulon~gan
parang isang saquít na di mahulaan
ng médicong pantás, ang dahil; at saan.
Dî caguinságuinsá Palacio,i, nacubcób
n~g magulóng baya,t, baluting soldados
¡o arao nalubháng caquiquilabot!
¡arao na sinumpa n~g galit n~g Dios!
Sigauang malacás niyaóng bayang guló,
_mamatáy mamatáy ang háring Linceo_
_na nagmunacalang gutumin ang Reino,t,_
_lag-yan nang Estanque ang cacani,t, trigo_.
Ito,i, cay Adolfong cagagauáng lahat,
at n~g magcaguló yaóng bayang bulág
sa n~galan ng Hari ay isinambulat
gayóng órdeng mula sa dibdib n~g sucáb,
Noón di,i, hinugot sa tronong luc-lucan
ang Amá cong Hari at pinapugutan
¿may matouíd bagáng macapang-lulumay
sa sucáb na puso,t, nagugulóng bayan?
Sa arao ring yao,i, naput-lán ng ulo
ang tapát na loob n~g m~ga consejo
at hindî pumuról ang tabác na lilo
hangang may mabait na mahal sa Reino.
Umacyát sa trono ang Condeng malupít,
at pinagbalaan acó n~g mahigpít,
na cong dî tumangáp sa haying pag-ibig
dustáng camataya,i, aquing masasapit.
Sa pagnanasa cong siya,i, magantihán,
at sulatan quitá sa Etoliang bayan,
pinilit ang púsong houag ipamalay
sa lilo, ang aquing ca-ayaua,t, suclám.
Limáng bouang singcád ang hin~ging taning
ang caniyáng sinta,i, bago co tangapín;
n~guni,t, pinasiyáng túnay sa panimdím,
ang mag patiuacál cundî ca dumatíng.
Niyari ang sulat at ibinigáy co
sa tapát na lingcód, n~g dalhín sa iyó;
dî nag-isang bua,i, siyáng pagdatíng mo,t,
nahulog sa camáy ni Adolfong lilo.
Sa tacot sa iyó niyaóng palamara
cong acó,i, magbalíc na may hocbóng dalá[70]
n~g mag-isáng moui ay pinadalhánca
n~g may Sellong súlat at sa Haring firma.
Matanto co ito,i, sa malaquíng lumbay
gayác na ang puso na mag-patiuacál
ay siyáng pagdating ni Minandro namán
quinubcób n~g hocbó ang Albaniang bayan.
Sa banta co,i, siyang tantóng nacatangáp
ng sa iyo,i, aquing padaláng calatas
caya,t, n~g dumating sa Albaniang Ciudad,
Lobong nagugutom ang cahalintulad.
Nang ualáng magauá ang Conde Adolfo
ay cúsang tumauag n~g capoua lilo
dumatíng ang gabí umalís sa Reino
at aco,i, dinalang gapús sa cabayo.
Capagdatíng dito aco,i, dinadahás
at ibig ilugsó ang puri cong ingat,
mana,i, isang túnod na cong saán búhat
pumáco sa dibdib ni Adolfong sucáb...."
Sagót ni Flerida "nang dito,i, sumapit
ay may napaquingang binibining voses
na paquiramdám co,i, binibig-yáng sáquit[71]
nahambál ang aquing mahabaguíng dibdib.
Nang paghanaping co,i, icáo ang nataós
pinipilit niyaóng táuong balaquiót,
hindi co nabata,t, bininit sa búsog
ang isang palasóng sa lilo,i, tumapos..."
Dî pa napapatid itóng pan~gun~gusap[72]
si Minandro,i, siyang pagdating sa gúbat
dala,i, Ejército,t, si Adolfo,i, hanap
naquita,i, catoto ¡laquíng toua,t, galác!
Yaong Ejércitong mula sa Etolia
ang unang nauica sa gayóng ligaya[73]
_Viva si Floranteng hari sa Albania_
_Mabuhay mabuhay ang Princesa Laura_!"
Dinalá sa Reinong ipinag diriuang
sampu ni Aladi,t, ni Fleridang hírang
capouà tumangáp na man~gag-binyágan:
magca-casing-sinta,i, naraos nacasál.[74]
Namatáy ang bun-yíng Sultan Ali Adab
noui si Aladin sa Perciang ciudad:
ang Duque Florante sa Trono,i, naac-yát
sa siping ni Laurang minumut-yáng liyág.
Sa pamamahala nitóng bagong Hari
sa capayapaan ang Reino,i, na-uli
dito nacaban~gon ang nalulugámi
at napasa-toua ang nag-pipighatî.
Cayâ n~ga,t, nagta-ás ang camáy sa Lan~git
sa pasasalamat n~g bayang tangquilic
ang Hari,t, ang Reina,i, ualáng naiisip
cundî ang magsabog ng aua sa cabig.
Nagsasama silang lubháng mahinusay
hangang sa nasapit ang payápang bayan,
Tiguil aquing Musa,t, cúsa cang lumagáy
sa yápac ni CELIA,T, dalhín yaring ¡_Ay! ... ¡Ay_!
FIN
MGA TALABABA
[A] Gubat na masucal, sa labás ng _Ciudad_ ng _Epiro_, na nasa tabi
n~g ilog na tinatauag na _Cocito_.
[B] _Febo_ ang arao, at gayón ang tauag n~g mga _Poeta latino_ at
_griego_.
[C] _Ciprés_ ay isang cahoy sa bundoc,--ang caraniuan ay malalaqui at
matutuid, ang mga sangá,i, pai-taás na lahát, kayâ n~ga,t, ang pagca
lagay, ay hichurang Púso; ang sangá nitó, ay itinitiric n~g m~ga tauo
sa úna sa ibabao ng libin~gan, kayâ ang lilim ay nacasisindac.
[D] Averno anáng m~ga Poeta, ay Infierno.
[E] Pluton isa sa m~ga Dioses ng m~ga Gentil, at anang m~ga Poeta ay
hari sa infierno.
[F] Cocito, ilog sa Epiro, region n~g Albania, at anang m~ga Poetas ay
isa sa apat na ilog sa Infierno caya camandág ang tubig.
[G] Narciso, isang bagontauong sad-yang gandá, anác ni Cefisino at ni
Lirope, sinintá n~g madlang Ninfas nguni,i, siniphayong lahat ni
Narciso.
[H] Adonis, baguntáuong sacdál cagandahan, anác sa ligao ni Cinirro,
na Hari sa Chipre, anác cay Nirrhang anác din niyá, sinintá n~g Diosa
Venus, at pinatáy n~g isang paguil.
[I] Ninfas Oreadas, ay ang m~ga Diosa sa gubat na sinasambá n~g m~ga
Gentil nang una: magagandá, at malalamig ang tinig anáng m~ga poeta.
[J] Harpias ay mababan~gis na Diosa n~g m~ga Gentil, ang taha,i, sa
m~ga Islang n~gala,i, Estrofadas, at sa gubat sa tabi n~g ilog n~g
Cocito; ang catauán ay parang ibon, muc-hang dalaga, baluctót ang m~ga
camay, ang cuco,i, matutulis, pacpac paniqui at macamamatay ang baho
n~g hinin~gá.
[K] Albania, isá sa m~ga Ciudad na malalaquí sa Imperio n~g Grecia.
[L] _Persia_ isang cahariang malaqui sa parte n~g Asia, na nasa
capangyarihan n~g m~ga moro.
[M] Pang-gabing ibon, ay ang m~ga ibong malalabo ang matá cong arao
para n~g Tictic, Cuago, Baháo, Paniqui, &c.
[N] _Furias_, m~ga diosas sa infierno, anac ni Aqueronte at n~g gabi;
tinatauag namang Eumanidas, sila,i, tatlo: Megeras, Tisiphone at
Alecto; ang buhóc ay parang serpiente, cung may ibig silang pagaliting
sinoman, ay bubunot ng isang buhóc na serpiente, at ipapasoc sa dibdib
ng táuong pinagagalit, n~guni,t, hindî namamalayan; siyang pagdidilim
n~g matá sa galit, at sasagasa na sa lalong pangánib.
[O] _Marte_, dios ng pagbabaca, anác n~g diosa Juno, ipinaglihi sa
pag-amóy ng isang bulaclac na inihahandóg sa caniya n~g diosa Flora.
Ang sabi n~g m~ga poeta, ay pag-gantí cay Jupiter na linaláng si Palas
sa caniyang utac ay di inalám si Junong esposa ni Jupiter. Si
Marte,i, lumitao sa Tracia at doon lumaqui.
[P] _Parcas_, diosas n~g camatayan at n~g tadhanang cararatnan n~g
tauo; sila,i, tatlo anáng m~ga poeta, sila ang nagtatan~gan sa búhay
n~g tauo, at namamahala sa casasapitan n~g lahat sa Sangsinucuban. Si
Clotho ang may tan~gan n~g habihán, si Luchesis ang humahabi, at si
Atropos ang pumapatid sa hilo n~g búhay.
[Q] _Apolo_ anác ni Jupiter, at ni Latona, capatid na panganay ni
Diana, ipinan~ganac sa islang ngala,i, Delos, caguilaguilalás n~g
licsi, at catapanganan n~g patain ang serpienteng n~gala,i, Pitón, na
nagpapasáquit sa caniyang iná. Anáng m~ga Poeta, ay siyang unang
nagmunucala, at nagturo n~g Musica, n~g Poesia at n~g panghuhula: siya
ang Principe n~g m~ga Musas at n~g mga Pastores.
[R] _Secta_, ang sinasampalatayanan n~g isa,t, isa ó ang sinusunod na
utos n~g canicaniyang Dios sa caraniuang uicang castilang Culto ó
Religión.
[S] _Aurora_, anác n~g arao at buan. Anang m~ga Poeta, ay pagcaumaga,
ay binubucsan ang pintô ng lan~git, at cong maicabît na ang m~ga
cabayo sa carro n~g arao ay siya ang nan~gun~guna sa paglabas, saca
casunod ang arao.
[T] _Crotona_, Ciudad sa Grecia Mayor sa dacong Italia, malapit sa
dagat n~g Tarante, bayan n~g iná ni Florante, ang louang n~g muralla
ay labingdalauang libong hacbang.
[U] _Linceo_, Hari sa Albania ng panahón ni Florante.
[V] _Buitre_, isang ibong lubhang malaqui, ang quinacain ay pauang
bangcáy n~g hayop. Ang sabi ng autor at iba pang nacaquiquilala sa
ibong itó, ay masidhing lubha ang pang-amóy, at umaabot hangang
tatlóng leguas.
[W] _Arcón_, isang ibong malaquí, na cararaquit n~g m~ga butó n~g
tupa, n~g aso at n~g iba pang hayop sa bundóc.
[X] Ang tinatauag na _cupido diamante_, ay ang hiyás na caraniuang
ilagáy sa noó n~g m~ga señora.
[Y] Anác n~g arao ay ang aurora.
[Z] _Nayadas_, m~ga Ninfas sa bátis, at ilog na sinasambá n~g m~ga
Gentil.
[AA] _Lira_, m~ga estormentong guinagamit n~g m~ga Ninfas, at Musas sa
canilang pag aauit, alpa ó biguela.
[AB] _Ninfas_, m~ga Diosa sa tubig; anáng m~ga Poeta, ay ca-aliu-aliu
ang tinig n~g voces, at taguintíng n~g lirang tinutugtóg.
[AC] Ang m~ga bátis na tinatahanán n~g m~ga Nayadas ay sagrado sa m~ga
Gentil, at canilang iguinagalang.
[AD] Atenas Ciudad na balita sa Grecia fundar n~g haring Cecrope;
bucál ó bátis n~g carunun~gan, at catapan~gan.
[AE] Pitaco sa Grecia, isa sa pitóng balitang m~ga sabio.
[AF] Si Polinice at si Eteocles, magcapatid na anác ni Edipo, na Hari
sa Tebas, sa Reina Yocastang caniyáng ina at asaua pa.
[AG] Adrasto Hari sa Ciudad ng Argos na isá sa madlang malalaquing
nasasacóp ng Imperiong Grecia; itó ang tumulong cay Polince sa guerra
laban cay Eteocles sa pag aagauan ng coronang mána cay Edipo.
[AH] Edipo anác ni Layo, na Harì sa Tebas at ng Reina Yocasta.
Paglabás ni Edipo sa tiyan n~g caniyang iná, ay ibinigay n~g amá sa
isang pastor, at ipinapatay, sa pagca,t, ang sabi sa Oráculo ni Apolo
na ang sangól na itó ay cun lumaqui, ay siyang papatáy sa caniyang
amá, sa aua n~g pastor ay isinabit na lamang n~g patiuaríc sa isang
cahoy sa bundoc; sa cai-iyac n~g sangól ay naraanan ni Forbante,
pastor ni Polivio, na Hari sa Corinto at ibinigay sa Reina Merope na
asaua ni Polivio; ang Reina sa pagca,t, ualang anác, ay pinarang anác
ang sangol. Nang lumaqui si Edipo, ay na pa sa Tebas, sa paglalacad ay
napatáy niya ang caniyang amáng Haring Layo, na hindi naquilala at
nag-asaua sa caniyang iná, na di rin niya naquilala: ang naguing anác
ay si Eteocles at si Polinice, na nagbabaca hangang man~gamatáy sa
pag aagauán ng Corona.
[AI] Venus, diosa n~g pag-ibig at n~g cagandahan, anác ni Jupiter at
ni Diana, anáng ibá, ay bucál sa bula n~g dagat.
[AJ] Cupido, dios n~g pag-ibig anác ni Venus at ni Marte.
[AK] Fama, Diosang sinasambá n~g m~ga Gentil; itó ang nag lalathala
n~g balang gauín ng táuo, magalíng ó masama man; ualang casintulin at
matunóg ang voces.
[AL] Medialuna, ang tauag sa estandarte o bandila nang m~ga moro, sa
pagca,t, napipinta ay isang cabiac na Buan.
[AM] Emir, gobernador ó Virey n~g moro.
[AN] Diana, Diosang anác ni Jupiter, at ni Latena, mabiguín sa
pan~gan~gaso, houaran n~g cagandahan at panginoong n~g m~ga Ninfas.
[AO] Houris, m~ga dalagang sadiyang carictan sa paraisong cat-ha ni
Mahomang profeta n~g m~ga moro, na ipinan~gan~gaco at parayang
ibinibihis sa magsi-sunód na taimtim sa caniyang licong Secta.
MGA PALIWANAG
[1] NANGYAYARI. Hindi "nangyari", gaya n~g nasa "Kun sino ang kumatha
ng Florante" at ng sa (1906) iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera. Sa
palimbag ni G. P. Sayo balo ni Soriano, nang 1919, ay "nangyayari" rin
ang nakalagay, gaya rin ng inihayag ng pahayagang "Katwiran"--dahong
tagalog ng tagapamansag ng mga naging pederal o progresista--noong
Oktubre ng 1903.
[2] "Cong pag saulang cong basahin sa isip". Sa palimbag ni P. Sayo ay
ginawang: "Kung pagsaulan cong basahin sa isip", at ganito rin ang sa
"kung sino ..." Ang "cong" sa unahan ay ginawang "kung", at ang "pag
saulang cong" ay itinumpak sa wastong kaparaanan ng pagsulat ngayon.
Pinagsama ang dapat pagsamahing "pag" at "saulan", at inalis ang
pang-ugnay o _ligazon_ "g" sa dulo nito, na isang kasagwaan na ngayon,
dahil sa "ko" ang sumusunod. Nguni't magpahanga ngayon ay buhay pa
ang ganyang kasaguwaan sa ilang manunulat. Kaya, malimit makita ang
ganitong mga pangungusap: "kaibigang ko", "pinsang mo", "pamangking
ko", "Amaing niya". Aywan kung bakit linalagyan ng _ligazon_ "g",
gayong kung hindi sa "n" natatapus ang salita ay hindi naman
linalagyan. Hindi masabi kundi "kapatid ko", "tula ko", "irog mo",
"kasama niya". Walang ano mang _ligazon_. Nguni't kapagkarakang naging
"n" ang katapusan ng salita ay narito na agad ang "paglalaro ng dila"
at masagwang paggamit sa pangpagandang _ligazon_. Ang _ligazon_ o
pang-ugnay ay pangpaganda lamang, pang-alis ng kagarilan; nguni't
kapag naman sumagwa ay nagiging tunay na kagaguhan, sa pangdingig
natin ngayon.
Ukol sa "pag" at iba't iba pang panglapi ay walang iisang tuntunin ang
nangauna sa atin. Kung minsan ay ikinakabit, nguni't ang malimit ay
hiwalay. Hindi dapat kaligtaang "pag" na panglapi ang aming tinutukoy.
Hindi ang pangsubaling "pag", na may sariling kahulugan, at tunay na
isang kataga. [1919] "Pag umulit ka pa ay ikaw ang bahala!" Ang "pag"
na iyan ay di dapat ikabit sa alin man. Pagka't hindi panglapi. Ang
lahat nang panglapi--pag, nag, mag, mang, ka, na, pa, um, in, an,
atbp.--ay di dapat ihiwalay. Subali't nang panahong yaon nina Balagtas
ay isinusulat kahi't na paano, mapakabit man o mapahiwalay sa dapat
kapitan. Kaya, hindi katakatakang makita ang mga ganitong
pagkakasulat: "pag saulan", "nag-iisa", "pagsuyo", "pagsintá", "mapag
uunaua", magpahangang libing", "pag luha, "mag pahangang daong", "pag
sintá", "pagca gapus", "pagca-búhay", "pinag liluhan", "isáng na aba,"
"pag ayop", atbp.
[3] MACALIGTAANG CO ... Narito na naman ang isang kasagwaan na ngayon,
bagama't magandang pakinggan noong araw. Kaya, itinumpak at ginawang
"nakaligtaan ko" ng "Kun sino ..." at ni P. Sayo. Marami ang
makikitang ganito sa aklat na ito--na sakali mang hindi kasagwaan,
nang panahon ni Balagtas, ay itinuturing na nating isang kasagwaan,
sapagka't nakasusugat na sa pangdingig ngayon.
May palagay kaming sa loob ng ilang panahon ay mawawala na sa pagsulat
ang ganyang kasagwaan sa _ligazon_, gaya ng pagkawala ng mga
sumusunod, sa halimbawa: "kanya nga" sa lugal ng "kaya nga",
"bungmalong" sa lugal ng "bumalong", "kungmain" sa lugal ng "kumain",
"maselang"' sa "maselan", "kungdi" sa "kundi", atbp.
[4] CONDI. Ginawang "kundi" ni P. Sayo at ng "Kun sino ..." ayon sa
bagong pagsulat natin. Sa aklat na ito ay makikita ang paibaibang
pagkakasulat sa salitang ito: kung minsan ay "condi" at kung minsan
naman ay "con di" at "cundi". May palagay kaming ang ganitong
pagkakaibaiba ay sa kasalanan na lamang ng kahista.
[5] ILINIMBAG. Ganito rin ang nasa kay P. Sayo; subali't sa "kung sino
..." ay lumabas na "inalimbag". Ito ay katulad din ng "inilimbag", na
kasamahan ng "nilimbag", "nilagda", "nilitis", "inilibing",
"inilagay", atbp., na pawang nasa di pangkaraniwang balangkas,
subali't hindi kabalbalan. Karaniwang makita sa mga salita nating ang
ugat ay nagsisimula sa "h", sa "l" at sa "w" at "y".
[6] "at di mananacao". Kay P. Sayo ay ganito rin. Hindi "na di
mananakaw" gaya ng nasa "Kun sino ..." At mapaghahalatang ayon sa
pagkakakastila ni G. Epifanio de los Santos sa "Florante", na anya'y:
"y que no será robada" ay "at" din at di "na", ang nasa sulat-kamay ng
"Florante" niyang inihulog sa tagalog--sulat-kamay na ayon din sa
kanya ay sipi sa lumabas noong 1853.