chapter 6

2678 Words
[7] QUINALALAGUI-AN. Sa "Kun sino ..." ay kinalalagian" din ang nakalagay; subali't sa palimbag ni P. Sayo ay "kinalalagyan", at ganito rin sa malas ang kay De los Santos--pagka't "en el Makati río donde se reflejaba" ang pagkakakastila niya. Ang "reflejaba", bagama't di siyang katumbas ng "kinalalagyan", ay siyang tanging maikakapit dito, upang maging maganda ang pangungusap, palibhasa'y kawangis din ng "kinalalagyan" o "kinalalarawanan" ang "kinalalagyan"; samantalang hindi maikakastila sa "kinalalagian".   Nariyan ngayon ang isang bagay, na dapat liwanagin. Alin kaya riyan ang totoo? Ang "kinalalagian" o ang "kinalalagyan"? Maimamatuwid, na labis ang pantig ng "kinalalagian", kaya tama ang "kinalalagyan"; subali't maimamatuwid namang labis din ang kasunod na talata, labingtatlo rin ang "binabacas co rin sa masayang doongan", nguni't iginalang ito at di iniklian. Mapaghahalatang susog diya'y mali ang "kinalalagyan", at "quinalalagui-an" ang tunay na ibig sabihin ni Balagtas, pagka't "lagi" na sa Makating ilog si Celia, at siyang ilog na liniligawan ng Makata. At ayon kay G. Victor Baltazar, anak ng Makata, ay "quinalalagui-an" nga ang tama sa natatandaan nilang magkakapatid.   [8] "aquing camatayan". Hindi "lalong kamatayan", gaya ng nasa "Kun sino ..." Sa hawak ni De los Santos ay ganito rin: "tu memoria es mi muerto". At siya ring nasa kay P. Sayo.   [9] "dica mapaparam". Sa ingat ni De los Santos ay napaghahalatang "di ka napaparam" ang nakalagay, gaya ng na kay P. Sayo at sa "Kun sino ..."   Ang pagkakasulat ng "dica" ay isang maliwanag na kamalian, na kay damidaming kasama sa aklat na ito, sa kasalanan ng limbagan. Ang mga gaya niyan--paris ng "dipa" (di pa), "dico" (di co), "cona" (co na), "copa" (co pa), "mona" (mo na), atbp., ay mga kamaliang sagana sa aklat. Pinapagsasama ang mga salitang tig-isang pantig, at may mga salita namang ginagawang parang dalawa o higit pa, kung minsan.   [10] "sa mahal mong yapac" at di "sa bakas ng yapak", gaya ng nasa "Kun sino ..." Kay P. Sayo ay "sa mahal mong yapak" din. Gayon din kay De los Santos.   [11] "hangad na lumauig". Sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay naging "ang" ang "na".   [12] "Bago mo hatulang catcatin at lico". Sa iba ay ganito naman: "Bago mo hatulan katkatin at liko"; walang pang-ugnay o _ligazon_ "g". Kaya, naging garil.   [13] "luasa,t, hulo". Kay P. Sayo ay "lasa,t hulo"--na isang maliwanag na kamalian. Ang "luasa,t, hulo" ay kahambing ng "puno't dulo". At ang ibig sabihin ay pakasuriin muna mula sa puno hanggang sa dulo, bago lapatan ng hatol.   [14] "ang mata,i, itingin". Walang "ang" sa "Kun sino ..."   [15] "ó nanasang pantás". Ganito rin ang kay P. Sayo; nguni't sa "Kun sino..," ay ginawang ganito: "oh, nanasang pantas!" Ayon sa pagsulat natin ngayon. Nguni't ang ganitong pagbabago ay nakaligtaan sa dakong unahan: ang "ó nanasang irog" ay hindi binago. Hindi ginawang "óh, nanasang irog!"   [16] DINIDILIG. Sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nadidilig".   [17] "Bagong taoung basal, na ang anyo,t, tindig". Sa iba ay "Bagong taong basal, ang anyo at tindig".   [18] CASAM AN. Sa "Kun sino ..." ay "kasamaan", na nakasira sa bilang ng pantig.   [19] "O tacsil na pita sa yama,t, mataás!" Itong huling kataga ay naging sanhi ng isang pagtatalo noong araw. May nagsasabing kasingkahulugan ito ng "mápataas" at may nagsasabi namang katimbang ng "matayog", kasalungat ng "mababa"; nguni't sa paano,t, paano man ay tama, at siyang ibig sabihin ni Baltazar, ang pagkakakastila ni De los Santos, na "poder"; lakas, kapangyarihan.   [20] "ng casamáng lahat". Sa "Kun sino ..." ay lumabas namang "kasam-an", gaya ng nakasulat sa ika 18. "Casam-an" doon at "casamán" dito. Isa pang katunayan iyan ng kawalan ng iisang tuntunin sa pagsulat. Kaya, kung minsan ay mababasa nating "catao-an" ang "katawan", at kung minsan naman ay "catauán" o "cataoan", gaya rin naman ng "catouiran", na kung minsan ay "catuiran", atbp.   [21] "at niyaring nasapit". Ganito rin ang kay De los Santos at ang sa isang ginoong nagngangalang Cecilio Rivera; subali't ang sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay nawalan ng "at". Napaghahalatang kusang inalis, upang maging sukát ang bilang ng pantig. Labis nga naman sa labingdalawa ang may "at". Kaya, inalis ito.   At nariyan ang sa palagay namin ay isang kamalian pa hanga ngayon ng tanang manunula ngayon. Pawang matapat, halos ay bulag, at walang kapasupasubaling lingkod at alipin ng bilang ng mga pantig sa pagkakasulat. Ipinaaalipin sa Ortograpía pati ng tingig at aliw-iw ng tula, at walang kalayalaya ang lipad ng diwa at pitlag ng kaluluwa. Hindi makalayo sa bilangguan ng Ortograpía; at "di kailangang maging pilay man sa pangdingig, huwag lamang maging kulang o maging labis sa kumpas ng Ortograpía".   Kung sa bagay ay tunay ngang napakaselan sa bilang ang tulang tagalog. Walang pagtatalo ukol dito. Nguni't may isang pasubali, na sa palagay namin ay dapat pagkaisahan ng lahat, upang alang-alang din sa katamisan ng tulang tagalog ay palayain, sa gayon at sa ganitong pagkakataon, ang lipad ng tula. Hindi sa tuwituwi na'y "bilang ng pantig sa pagkakasulat" ang paghahariin, kundi ibigay naman sana, sa manakanaka, ang kapangyarihan sa "bilang ng pamimigkas". Ibig naming sabihi'y "pantig ng pamimigkas" (tawagin nating "sílaba prosódica") ang papamaibabawin sa "pantig ng pagkakasulat" (tawagin naman nating "silaba ortográfica"), kailan ma't magkakalaban sa harap ng Katamisang dapat maghari lagi na.   Si Balagtas, na di mapag-aalinlanganang sa tamis at lambing, sa tingig at aliw-iw na walang kasingsarap ng kanyang mga tula, unang utang ang kanyang ikinatangi at ipinaging Hari sa panunula, ay maraming halimbawang iniwan, upang maging saligan ng pagsusuri at pagkakaisa ng lahat. Bukod sa "at niyaring nasapit na cahabág-habág" ay nariyan pa ang: "na ang lilim niyaón ay nacasisindác", "ang buntóng hiningá niyaóng nagagapus", "ipinaghaguisan niyaóng mga lilo", "ang pananambitan niyaóng natatali", "anhin mang touirin ay magcacalisiya" at ilan pa sa "Florante at Laura"; saka "Dalita,i, sumira niyaring pagtitiis" sa "Labing-dalauang Súgat nang Púso", bukod pa sa "Dusang di maampat niyaring mga matá", atbp. Ang "iya" sa "niyari", "niyaón" at "nagcacalisiya ay pinapagdaraang parang isang pantig lamang, kung minsan. Marahil ay sapagka't kung minsa'y nagiging "isang pantig lamang sa pamimigkas". Bakit ay di naman nakasusugat sa pangdingig.   At kahambing ng "iya"--na naaaring gawing isa sa pagbigkas kahi't dalawa sa pagkakasulat--ay maaari rin ang "iyo". Gayon din, at maaari ring pagkaisahan, ang ukol sa "uwa", manakanaka. Maaaring palayain ang makata, maminsanminsan, kailan ma't di makasusugat sa pangdingig. Bigyan laya nga; at ang ganito ay hindi naman sapilitan. Lumaya ang may ibig, at huwag naman ang ayaw.   At ang ganyang kalayaan--na di pangsugat sa taynga--ay lalong mabuti kay sa kalayaang ginagamit na sa pagpapaikli. Pinaiikli, at iniwawasak pati ng tumpak na pagkakasulat ng salitang ibig paikliin, magkaroon lamang ng sukát na bilang sa ortograpía. Gaya ng kung minsan ay ginagawa sa "kailan". Pinipilit na palabasing dalawang pantig lamang ito sa pagkakasulat, sinisira ang ugat, ginagawang "kaylan"--na tila baga kung isulat at siraing ganito ay tama na at hindi na labis. Ganyan din ang ginagawa sa "kailangan" at sa "mayroon", sinisira at isinusulat ng "kaylangan" at "mayron"--gayong paano man ang gawin, ang "kaylan" at ang "kaylangan" at "mayron ay lumalabas din, sa pangdingig, na "kailan" "kailangan" at "mayroon". At ang ganyan ay hindi isang "kalayaan" kundi tunay na "kaalipnan". Kaalipnan sa Ortograpía! Pangsira sa pangdingig, ano man ang gawin.   Diyan mapaghahalatang may mga pagkakataong nagiging makapangyarihan, sa ilang pagkakataon, ang pantig ng pamimigkas" kay sa "pantig ng pagkakasulat"; at talagang ganito naman ang dapat mangyari. Diwa at kaluluwa ng tula ang tingig, ang aliw-iw. Nasa aliw-iw at tingig ang musika, na siya na rin ngang tunay na tingig at aliw-iw. At ang musika at lambing, ang sarap at ang tamis ng pamimigkas ay siyang "pulot at gata" ng tula. Hindi ang ortograpíang "pipi at bingi".   [22] "maauaing Langit". Sa lahat nang nasa harap namin ngayon ay ganito ang sinasabí; nguni't isang ginoong nabanggit na namin sa unahan, Cecilio Rivera, ay nagsabi, noong 1906, na iyan daw ay mali. Ipinahahalata niyang sa" lugal niyan ay "tumutungong langit" ang nakalagay. Nguni't nasabi na nga naming: sa lahat na ay ganyan ang nakalagay. Ganyan din ang nakalagay sa "Florante" ng isang sumulat ng ilang lathala ukol sa bagay na ito--noon ding 1906--at nagtago sa pamagat na "Crisantemo", taga Lalaguna at nanirahan sa Marinduke.   [23] "iyong tinutungha,i, ano,t, natitiis?" Sa "Kun sino ..." ay "tinutungháy" ang nakalagay, at gayon din kay P. Sayo. At iyan ay naging sanhi rin ng pagtatalo, noong araw. Nguni't walang ibang tumpak kundi ang "tinutungha,i," (tinutunghan, na may ligazon "i" o "y", pinaikling "tinutunghan", at umuri sa "tun~go"). Ang "tinutunghay" ay di tama: dapat gawing "tinutunghayan". At labis naman kung ganito.   [24] DIN~GIGUIN. Sa iba ay "dinggin"; kaya, pilay ang tula. Sa "Florante" ni G. C. Rivera ay "dingigin" din.   [25] VOSES. Sa "Kun sino ..." ay "boses", na kusang isinulat na ganito, upang itugma sa bagong ortograpía natin. Nguni't kay P. Sayo, na nagbago rin ng pagsulat, ay pinapanatili ang datihang "voces". Sa aklat na ito ay nakikitang ang "voses" na iyan ay lumilitaw ring "voces" kung minsan--na isa pang katunayan ng kawalang ingat ng limbagan.   At yamang napag-uusapan na rin lamang ang kawalang ingat ng limbagan, o lalong maliwanag, ng kahista, ay daliriin na natin ang maraming kamalian. Daliriin ang ukol na lamang sa pagkukudlit ("acentuación ortográfica"), at huwag na ang sa ibang bagay--yamang matutukoy na rin lamang natin sa mga ibang paliwanag. At upang huwag na tayong mag-aksaya ng maraming panahon--yamang kay liwanag namang napupuna ng matatalin ng mangbabasa--ay tingnan na lamang natin ang sa mga tulang sumusunod:   "Datapua,t, sino ang tataróc cayâ sa mahál mong lihim Dios na daquilà? ualáng mangyayari sa balát ng lupà dî may cagalin~gang iyóng ninanasà.   Sa halimbawang ito--at sa marami pang sagana sa aklat--ay mapagkikilalang noon pa man ay alam na ang halaga ng bawa't kudlit at kung paano ang tumpak na paggamit. Salakot (capucha o circunflejo) ang ilinagay sa "cayâ", sapagka't bigla at paimpit ang pagbigkas dito. Ang salakot ay siyang kayarian ng kudlit na pabigla (agudo) at ng paimpit (grave o gutural). At sapagka't pawang hindi pabigla, kundi paimpit lamang, ang pagbigkas sa dulo ng tatlo pang talatang kasunod--"daquilà", "lupa" at "ninanasà" ay kudlit na banayad lamang ang ginamit.   Nguni't masdan natin ang mga sumusunod:   "Sa loob at labas, n~g bayan bayan, cong sawî caliluha,i, siyang nangyayaring harî cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî ininís sa húcay nang dusa,t, pighatî".   "Caliluha,t, samâ ang úlo,i, nagtayô at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô, santong catouira,i, lugami at hapô ang lúha na lamang ang pinatutulô.   "Súcat na ang tingnán ang lugaming anyô nitóng sa dálita,i, hindi macaquibô? aacaing bigláng umiyác ang púsô cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô".   "!Ay Laurang poo,i,! ¿baquit isinuyò sa iba ang sintang sa aqui pangacò at pinag liluhan ang tapát na púsó pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?"   "Dusa sa puri cong cúsang siniphayò, palasong may lasong natiric sa púsò; habág sa Ama co,i, túnod na tumimò aco,i, sinusunod niyaring panibughò".   Sa limang ito ay kay liwanag na napagkikilala ng dadalosdalos ng kahista. Sa unang halimbawa ay ginamit ang salakot, sa lahat na, gayong hindi nararapat sa ikalawa at ikatlong talata. Napagkikilalang huwag na di magkaroon lamang ay di na kailangan kahi't papaano.   Gayon din ang ginawa sa ikalawa at ikatlo: pawang salakot din, gayong hindi dapat sa katapusang talata ng ikalawa at sa ikatlo't katapusang talata ng ikatlong halimbawa.   Sa ikapat na halimbawa--na pawang natatapus sa banayad na paimpit--ay nasangkapan ng "gutural" o "grave" ang dalawang nauunang talata; nguni't pagdating sa ikatlong talata at sa katapusan, dahil marahil sa sa wala nang madampot na "gutural" ay isinumpal na ang bigla (agudo), kahi't na paano.   At sa katapusang halimbawa ay panay namang "grave" ang ginamit, kahi't hindi nararapat sa katapusang talata. Siyang nadampot niya, at siyang ilinagay.   Kaya, sa bisa ng ganyang kagagawan, ang "puso" ay napalagay na "púsô" sa ikatlong halimbawa, "púsó" sa ikapat at "púso" sa ikalima. At ang "tulo" naman ay napalagay na "pinatu-lô" sa ikalawang halimbawa, "i-túlô" sa ikatlo at "tumuló" sa ikapat.   [26] NAHIHIMBING. Sa "Kun sino ..." ay "nalilibíng"; nguni't kay De los Santos at P. Sayo ay "nahihimbing" din.   [27] INA-ING-AING. Sa iba ay "dinaingdaing". Napaghahalatang kusang binago, pagka't sa mga bata na lamang ngayon nariringig ang ganyan. At marahil ay sa bisa ng paniwalang mali iyan, kung kaya binago. Nguni't ang katagang iyan ay di mali. Matanda na nga lamang at lipas na. Buhat sa "inaing", na ang laman ng idinaraing ay "ina", gaya naman ng "aying" na "ay" ang nagiging laman ng pagdaing.   Ayon kay G. Victor Baltazar, anak ng Makata, ay talagang "ina-ing-aing" ang na sa matandang "Florante". Hindi "dinaing-daing."   [28] IPINABIGAY. Kay P. Sayo ay "ipinamigay", na isang tunay na kamalian. Ang "ipinabigay" ay isang balangkas--na maaaring sabihing "tatak Bulakan"--na gaya rin ng "pasuriin muna" ay di siyang karaniwan sa ibang pook ng Katagalugan. Sa iba, ang "pasuriin" ay "kásuriin"; at ang isa't isa ay anak ng "pakasuriin". Sa may dakong Bulakan ay "pa" ng panglaping "paka" ang ginagamit, samantalang sa ibang dako naman ay "ka".   Ang "ipinabigay" ay di nariringig sa ibang dako, kundi ang "ipinakabigaybigay".   Hindi dapat kaligtaang ang "ka" ay siya ring ginamit nina Del Pilar, sa pakling "Caiigat cayo!", bilang tugon sa munting aklat ni Fray Rodriguez, na "Caiingat Cayo!" laban sa mga aklat ni Rizal at iba't iba pa.   [29] DUQUE ADOLFO. Ang "duque" ay isang maliwanag na kamalian ng limbagan. Si Adolfo ay "Conde". Hindi "Duque".   [30] "para n~g panaghóy ng nananambitan". Sa "Kun sino ..." ay gaya ang nakalagay sa lugal ng "para"--na sa malas ay kusang binago, upang wagasin ang pananagalog. Iginalang ni P. Sayo ang "para". [31] "na ang uica,i, "Laurang aliu niyaring budhî". Sa "Kun sino ..." ay ganitong kamalian ang nakalagay: "ang wika ay !Larawangaliw niyaring budhi!" Napaghahalatang ang "Larawan" ay kamalian lamang ng limbagan; nguni't kinusa ang pagkakagawa ng "ang wika ay" ... sa lugal ng "na ang uica,i, ..." Kay P. Sayo ay wala ring "na", at ang "ay" ay ginawang _ligazon_ at ikinabit sa "wika".   [32] "nan~gaca-tin~gala,t, parang naquinyig". Pilay. Maliwanag na kamalian ng limbagan ang "naquinyig". Dapat basahing "naquiquinyig".   [33] GAPUS. Sa "Kun sino ..." ay "gapos" at kay P. Sayo. Ang "gapus", na katimbang ng "nakagapos", ay siyang tumpak.   Sa sinusundang talata, ang katagang "mahapis" ay nakalagay na "mahahapis" kay P. Sayo. Kaya, naging labis.   [34] "Nang matumbasan co ang lúhà, ang sáquit". Sa iba ay ganito naman: "Nang matumbasan ko ang luha nang sakit". Ginawang "ang luhan nang sakit" ay pagkagandagandang "... ang lúha, ang sáquit".   [35] CALULUNURAN. Sa "Kun sino ..." ay "kalunuran" ang nakalagay; kaya, naging pilay. At ang "pagcatungó" ay "pagkatungo" naman kay P. Sayo. Tumpak ang "pagcatun~gó", pagka't "tun~gó" at di "tungo" ang ibig sabihin. Pantay-mata na ang pagkakatungó ng araw. Inilalarawang parang isang taong napakataas ang araw, at noong tumun~gó ay abot sa pantay-matá ang lagay ng kanyang ulo. Napakagandang larawan!   [36] "ang sa pagcatali,i, liniguid n~g hirap". Ganito rin kay De los Santos at kay P. Sayo; nguni't sa "Kun sino ..." ay ganito naman--na ayon sa patotoo ng anak ni Balagtas ay mali--: "yaong natataling linigid ng hirap". Sa malas ay walang malaking kaibhan ito sa nauna; nguni't nagkakaibang totoo. Sa una ay kay liwanag na ibinabadhang ang hirap na lumiligid sa nakatali ay anak ng pagkakatali, samantalang dito sa huli ay di maliwanag na ganyan ang ibig sabihin.   [37] "sa nan~ga-calabang maban~gís na hayop". Ganito rin ang na kay P. Sayo; nguni't sa "Kun sino ..." ay ganito naman: "sa mga kalabang mabangis na hayop". Ginawang "mga kalaban" ang "nangacalaban".   [38] "Halos nabibihay sa habág ang dibdib". Sa iba't iba ay pawang "nabibihag"--sa lugal ng "nabibihay"--ang nakalagay. Na, isang tunay na kamalian. Tama ang "bihay". Sinsay ang "bihag". At ang kahulugan ng "bihay"--na isang salitang lipas na ngayon--ay "punit", bagama't lalong matindi sa rito. Sa ngayon ay katimbang na ng "waray".   [39] "ang aquing hinin~gang camataya,t, sáquit". Sa Kun sino ..." ay ganito ang nakalagay: "ang aking hininga, kamataya't sákit". Kay De los Santos ay ibang-iba: "no permitiste que trizas hicieran--de mi cuerpo, vida y padecimientos" ang pagkakastila niya sa "at di binaya-ang nagca-patíd-patíd--ang aquing hinin~gáng camataya,t, sáquit". Napakalaya ang pagkakakastila. Nagkaroon ng "cuerpo" (katawan)--na pinalitaw ng "trizas"--at nawalan ng "camatayan" (muerto).
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD