Chapter 17
Mabilis ang mga hakbang ni Mang Berting papalayo sa malaking bahay ni Madam V. Halata sa mukha niya ang takot. Palinga-linga siya habang halos hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa sa bilis ng kanyang paglalakad. Papalabas na siya ng subdivision nang hindi sa kalayuan ay may isang sasakyan na pala ang nag-aabang sa kanya.
“Sino kayo? A-ano’ng kailangan n’yo sa akin?” nahintakutang tanong ng matanda sa mga lalaking mabilis na nakalapit sa kanya. Naka bonet ang mga ito kaya hindi niya namumukhaan.
Mabilis itong ipinasok ng limang lalaki sa kulay itim na sasakyan at paharurot na iyong pinatakbo.
“Nasa amin na siya,” wika ng isang lalaking katabi ng driver sa kabilang linya.
“Just make sure na hindi siya makakatakas. Alam n’yo na ang gagawin n’yo,” tugon naman ng nasa kabilang linya. bago pinatay ang aparato. Sa isip niya ay konti na lang at magagawa na niya lahat ng mga plano. Marami nga lang sagabal na hindi niya talaga inaasahan.
Mga ilang araw nga na lumipas ay umingay ang pangalan ni Vanessa sa radyo at television dahil sa Pagkamatay ni Manang Isme na siya ang itinuturong salarin. Walang kaalam-alam ang dalaga dahil nakakulong lang siya sa kuwarto at nagpapagaling ng mga sugat. Kaya kinahapunan ay muling siyang binalikan ni Rona sa kuwarto upang tanggalin ang benda sa kanyang ulo at kausapin na rin.
“Gusto mo bang malaman kung ano ang balita ngayon tungkol sa ’yo?” seryosong tanong ni Rona kay Vanessa. Inumpisahan na nitong tanggalin ang benda.
“B-bakit? Ano ba ang balita tungkol sa akin? Ibinalita ba sa TV na patay na ako?” kinakabahan niyang tugon.
Pero hindi sumagot si Rona. Tipid lang itong ngumiti at nagpatuloy sa ginagawa.
“Dadalhin kita mamaya sa ibaba. Para makita mo ng personal at marinig ang nasa balita.”
Tanging tango na lamang ang nagawa ni Vanessa sa sinabing iyon ni Rona. Tama na sa kanya ang narinig na makakalabas na siya ng kuwarto at malalaman na niya kung nasaan na siya ngayon.
Matapos ang pagtatanggal ng benda ay dinala na ni Rona si Vanessa sa labas ng kuwartong tinutuluyan nito. Halos mapanganga si Vanessa sa ganda ng tanawin nang sumalubong sa kanya ang mala-paraisong lugar. Ang kinaroroonan niya ngayon ay isang beach house na kung saan ay nasa pinakatuktok siya ng bahagi. Nakapatong iyon sa malapad at malaking bato na pinalibutan ng mga stainless na nagsisilbing harang at bakod. Kaya pala ang dami niyang naririnig na iba't ibang huni ng hayop. Napakagaling ng architect na nagdesinyo ’nun. Habang inalalayan siya pababa ni Rona ay tanaw na tanaw niya ang malawak na karagatan at asul na asul nitong kulay. Tanaw niya rin ang mala pulbo na buhangin na para bang kay sarap paglaruan nang nakayapak. Doon niya nasilayan nang tuluyan ang lugar kung nasaan siya. Sa bandang kaliwa niya sa baba ay may mga kubo, nakahelera iyon hanggang sa abot tanaw niya. Habang sa kanan naman ay mga dwarf coconut na mayroong mga nakasabit na palamuti. May mga upuan din. Nakarating kami sa pinakababa ng bahay na nasa taas. May malapad na swimming pool doon na nakaharap mismo sa dagat at may mga mahabang upuan na gawa sa kahoy. Sandaling pinaupo siya ni Rona at nagtawag ng kasama. Hindi na kasi nito kayang ibaba siya sa pinaka mababang bahagi dahil nagkaroon ng emergency na tawag. Lumapit sa kanila ang dalawang guardiya at inalalayan siyang bumaba sa limang baitang na hagdanan. Dinala siya ng mga ito sa isa pang bahay na nasa likurang bahagi. Bale tatlo kasi ang nakikita niyang three storey house maliban sa dalawang kuwartong inuukupa niya sa taas.
“Ate Minda, dito po muna itong bisita natin. May pinuntahan lang kasi sandali si Nurse Rona,” wika ng isang guardiya na kasama niya sa isang babaeng nagluluto na medyo may edad na. Doon lang napagtanto ni Vanessa na kusina pala ang lugar na iyon. Malalaking lamesa, upuan at kung ano pang mga gamit na pang kusina ang nakikita niyang maayos na nakahelera roon.
“Gising na pala ang magandang dilag na ito?” nakangiting sabi nito sa kanya. Sandaling natigilan si Vanessa at naalala ang kasamahang si Manang Isme.
“M-magandang umaga po,” magalang na bati rito ni Vanessa.
“Nagugutom ka na ba, Ining?” tugon nito sa pagbati niya.
“Hindi pa naman po. Kakatapos ko lang po kasing kumain.”
“Magkuwentuhan na muna kayo riyan. Babalik pa kasi kami sa campo,” paalam ng dalawang lalaking naghatid sa kanya. Pagkatapos niyang makapagpasalamat sa mga ito ay lumapit siya kay Ate Minda. Magaan naman ang loob niya rito kaya medyo napanatag siya at nawala ang kaba sa dibdib niya.
“Huwag kang mag-alala, ligtas ka rito,” pagbibigay kasiguraduhan nito sa kanya. Humila siya ng upuan at naupong nakaharap dito. Pinagmamasdan niya ito sa ginagawang paghihiwa ng gulay.
“Ano’ng lugar po ba ito? Nasa Maynila pa rin po ba tayo?”
“Oo naman. Pero malayo na tayo sa mga taong gustong pumatay sa ’yo.”
“Sino po ba ang nagdala rito sa akin?” muli niyang usisa. Para man lang may idea siya.
“Huwag mong masiyadong kinukulit si Ate Minda kapag nagluluto at baka ibang rekados ang mailagay niya sa niluluto.”
Sabay silang napalingon ni Ate Minda sa kakarating lang na si Rona. Hindi na ito nakasuot ng uniform. Blouse at hindi naman masiyadong maikli na short ang suot nito. Ang mahabang buhok nito ay hinayaan lang nitong nakalugay kaya naman lalong lumitaw ang ganda nito.
“Vanessa, sumama ka sa akin. Doon tayo sa kabilang camp. May kailangan akong ipakita sa ’yo,” seryosong paanyaya sa kanya ni Rona. Nagpaalam silang dalawa kay Ate Minda at agad na umalis. Dumaan sila sa buhanginan na labis niya namang ikinatuwa. Pakiramdam ni Vanessa ay nawala ang pananakit ng binti niya dulot sa hindi pa niya naghihilom na sugat. Parang gusto niya pa ngang magtampisaw sa tubig. Napakalamig n’yon at kay linaw kaya para siyang natutukso. Para siyang bata na ngayon lang nakatungtong ng beach resort.
“Huwag kang mag-alala. Bibigyan ka naman namin ng pagkakataong ma-enjoy sa lugar na ito. Feel free here as long as you can,” nakangiting sabi ni Rona.
“Hindi ko talaga maintindihan. Hindi pa ba ako puwedeng umuwi sa amin? Baka kasi nag-aalala na ang pamilya ko.” Biglang naalala ni Vanessa ang pamilya dahil sa sinabi nito.
“Sa ngayon, hindi pa talaga puwede. At si boss na ang bahalang magdesisyon kung ano ang susunod na hakbang gagawin. Mahirap na at baka masundan tayo ng mga kalaban.”
“Boss? Kalaban?” sunod-sunod niyang tanong na hindi maintindihan ang ibig sabihin ng dalaga.
“Were here. Isantabi mo na lang muna ’yang mga tanong mo. Hindi ako ang dapat magsabi sa ’yo ng lahat.”
Huminga na lang siya ng malalim at binalingan ang isa pang bahay na hindi niya namalayang nasa harapan na pala nila. Masiyado kasi siyang nalibang sa mga buhangin. Kung kanina ay malaking kusina ang pinasukan nila, ngayon naman ay isang malawak na living room. May malaking TV sa pinakagitna at mga divider na malalaki na may naka-display na mga picture frame at mga antigong flower vase at banga. Labis siyang namangha dahil nagmukhang museum ang lugar na iyon sa dami ng mga antigong kagamitan. Doon niya rin naalala ang sinasabi ni Rona tungkol sa balita na dapat niyang malaman.
“Ipapanuod mo na ba sa akin ang sinasabi mong balita?” agad niyang tanong dito.
Sandali itong nag-isip at sumulyap sa kanya.
“I think, this is not the right time. Si sir na lang siguro ang magsasabi sa ’yo,” wika nito bago magpatuloy sa pagsasalita. Wala na naman siyang nagawa kundi ang manahimik na lang. Makisabay sa laro ng mga ito. “Dito tumutuloy ang mga VIP kapag nagpupunta sila rito. Marahil ay wala kang nakikitang second floor at mga kuwarto na puwede nilang pagpahingahan. Sa lahat kasi ng guest House at bahay rito na iyong nakikita ay ito lang ang may secret room. At dahil secret room nga ay hindi ko puwedeng sabihin sa ’yo kung saan banda. Bahala na si boss ang magsabi sa ’yo,” mahabang pahayag ni Rona. Inilibot pa ni Vanessa ang paningin. Wala nga siyang makita na mga kuwarto roon, pero napakalawak ng lugar at puro naglalakihan na mga cabinet at dividers lang ang mga nakikita niya. Pagkatapos nila sa VIP house ay dumiretso naman sila sa isang pang guest house at sa pagkakataong iyon ay ang pinakamalaki na sa lahat. Kanina hindi niya ito nakita nang pababa siya mula sa mataas na parte ng beach house dahil natatabunan pala ang guest house na iyon ng mga nagtataasang puno. Doon na niya nakita ang mga taong nakatira roon. Iyon pala ang sinasabing campo ng mga ito. May limang palapag at fifty five rooms para sa mga staff. May isang daang katao ang naroroon kasama na ang mga maids at guardiya. Doon niya rin nalaman na may mga kasama rin pala silang mga doctor, nurse, negosyante at iba't ibang tao na may mga katungkulan sa bansa. Hindi tuloy alam ni Vanessa kung ano ang iisipin. Mas lalo siyang naguluhan sa lugar na kanyang kinaroroonan.
“Nasaan ba talaga ako?” bulong niya sa sarili habang isa-isang ipinakilala sa kanya ni Rona ang mga taong nasasalubong nila sa hallway. Para siyang turista roon na tinu-tour ng isang tourist guide.
Matapos ang dalawang oras mahigit sa paglilibot ay pinagpahinga muna siya ni Rona. Pero hindi na siya sa dating kuwarto. Dahil nagsisilbing kuwarto pala iyon ng mga pasyente ng mga ito. Sa isang pahingahan na kubo style siya inilipat ni Rona. Nakaharap iyon sa dagat kaya tuwang-tuwa siya. Makakapag relax kasi talaga siya roon, lalo na't solo niya ang nasabing puwesto. Sa hula niya nga ay para iyon sa mga bisitang nagche-check in doon. May isang kuwarto na may sariling palikuran at balkonahe na siyang pinagpahingahan niya ngayon. Maganda sana kung kasama niya roon ang pamilya niya. Walang problemang iniisip at masayang nagbabakasyon lang. Medyo nalungkot siya sa isiping iyon kaya nagdesisyon na lang siyang pumasok sa kuwarto at matulog. Mag-iipon na muna siya ng lakas sa sarili bago pag-isipan ang susunod na gagawin.
Hapon na nang magising muli si Vanessa. Nakaramdam siya ng gutom kaya agad siyang lumabas sa kubo at nagpunta sa kusina. Tahimik ang paligid, marahil ay nagpapahinga rin ang mga tao roon. Tirik na tirik pa kasi ang araw kahit mag-aalas-kuwatro na ng hapon. Hinanap niya si Rona ngunit hindi niya ito mahagilap kay dumiretso na siya kay Ate Minda. Naabutan niya ang ginang na nagluluto pa rin.
“Magandang hapon po, Ate Minda,” pang-iistorbo niya sa ginagawa nito.
“Magandang hapon naman. Buti at gising ka na ulit. Halika magmeryenda ka muna,” magiliw nitong paanyaya sa kanya.
“Buong magkahapon ka po ba talaga nagluluto?” Natawa naman ito sa naging tanong niya.
“Hindi. Nagkataon lang na may bisitang darating kaya marami akong niluluto ngayon.”
“May bisita po?”
“Oo. Mamaya makikita mo rin siya, kaya kumain ka muna at maligo para sa hapunan ay magkasabay kayong kumain.”
Kunot-noong napatitig siya rito. Bakit kailangan pa siyang isabay sa bisita sa pagkain. Ganoon na ba siya ka importante? At sino ba ang bisitang tinutukoy nito? Pero lahat ng mga katanungan sa isip ni Vanessa ay hindi niya maisatinig, dahil alam niya rin naman na wala siyang sagot na makukuha. Kumalam ang sikmura niya nang makita ang niluluto nito. Malalaking lobster, alimango, sugpo at pusit ang pinagkakaabalahan nito. Lahat ng mga iyon ay paborito niya.
“Gaano po ba karami ang bisitang darating at puro po malalaking sea foods na ’yan ang niluluto mo, Ate Minda?” muli ay hindi makatiis na tanong.
“Marami at puro barako. May mga babae rin naman,” nakangiting tugon nito. Nakontento na lang si Vanessa sa patingin-tingin at lunok ng laway habang pinagmamasdan ang mga putahe. Mukhang mabubusog pa yata siya sa sariling laway kakalunok.
“Tulungan ko na po kayo sa paghahanda,” wika niya na kaagad nakisali sa paghihiwa ng mga ingredients.
“Kaya mo na ba?”
Tango lang ang isinagot niya rito bago siya hinayaan ni Ate Minda tumulong. Nakakatamad din kasi ang walang ginagawa. Nasanay na kasi siya sa bahay ni Madam V, na laging may ginagawa. Nang maalala ang ginang ay muling nanumbalik sa dibdib ni Vanessa ang takot. Paano na lang kapag hinanap siya nila Manang Isme? Saan pa siya puwedeng magtago? Hindi naman puwede habang buhay siyang naroon sa kinaroroonan niya ngayon. Ni hindi niya nga kilala ng lubusan ang mga tao roon. Napabuntonghininga na lang siya at taimtim na nanalangin para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.