CHAPTER four
DON’T choose me, don’t choose me! Send me home, please! Diyos ko, bigyan mo ng amnesia ang lalaking iyan! paulit-ulit na usal ni Grace sa kanyang isip. Katatapos lang ng cocktail party at oras na para gawin ang first elimination. Para nga siyang sira-ulo kanina na nakikipaglaro ng hide-and-seek kay Mike. Kapag nakikita niyang lalapitan siya nito ay agad siyang umaalis at lumilipat ng puwesto. Pakiramdam nga niya ay ilang dekada na ang katumbas ng araw na iyon.
“Grace.”
“H-huh?” aniyang nagtatakang binalingan ang katabing si Joewelyn. Mabait ito.
“Ikaw ang tinawag ni Mike,” sabi ni Joewelyn.
“A-ako?!” Wala sa sariling itinuro pa niya ang kanyang sarili. “B-baka nagkamali lang ng tawag si M-Mi—ang lalaking iyan.”
“Wala namang ibang Grace dito, ikaw lang,” natatawang wika nito bago siya marahang itinulak.
“O-okay, thanks,” aniya, saka dahan-dahang naglakad patungo sa kinaroroonan ni Mike. Napansin niya na pampito na siya sa mga babaeng tinawag at naibigay na rin kay Myla ang first impression rose. Napaismid siya.
Ano naman ang nakita ni Mike kay Myla? Hindi naman sa pamumula, pero siguradong “salamat, Doc” ang beauty niya. Mas maganda pa si Joewelyn sa kanya! Ano ba ang ginawa ng babaeng ito para makuha ang atensiyon ni Mike? Hindi ba effective ang ginawa ko kanina?
“Hindi mo na sana ako tinawag,” mahinang wika niya nang makalapit siya rito sa wakas.
“Halos makatulog na ako sa ginawa mong paglalakad, sweetie,” malambing na sambit nito, mababakas sa mga mata ang panunukso.
Pinandilatan niya ito. “Get it done, Mike!” angil niya rito. Wala na siyang pakialam kahit ilang camera pa sa bahay na iyon ang nakatutok sa kanya at kahit naka-on pa ang microphone niya. Kung puwede lang na tubuan siya ng pakpak nang mga sandaling iyon nang sa gayon ay makalipad na siya paalis sa lugar na iyon. Hindi kasi niya maunawaan ang damdamin niya. Halo-halo ang emosyon doon. Natatakot siya at kinakabahan pero hindi niya maitatangging apektado siya ng presensiya ni Mike. Hindi siya sigurado kung ang uneasiness na nararamdaman niya ay dahil sa pagkapahiya niya na ito pala ang lalaking walang sabi-sabing hinalikan niya noon o kung may iba pang dahilan.
“Grace, will you accept this rose?” nakangiting wika nito. Tila bale-wala rito ang ipinakita niyang kagaspangan ng ugali. Maybe he just knew how to handle girls like her. Ano pa ba ang aasahan niya gayong habulin ito ng mga babae?
“I-it’s my pleasure, Mike,” napipilitang sagot niya.
“Thank you,” mahinang tugon nito habang iniipit sa tainga niya ang bulaklak. Sa pagkagulat niya ay bigla nitong pinisil ang pisngi niya na parang nanggigigil ito roon.
“Ano `yan? Bakit may paganyan-ganyan ka pa, ha?” mahina ngunit mariing protesta niya. Ngali-ngaling pisilin niya ang ilong nitong perpekto ang hugis. Nasorpresa rin siya sa tanong niya na animo close na siya rito at may karapatan na siyang magsalita rito nang ganoon. Nadadala siya ng emosyon niya at nakakalimutan niya kung sino ang lalaking ito.
“Ang sarap mo kasing pikunin, lalo kang gumaganda,” sagot nito, saka hinawakan ang kamay niya. “Ihahatid na kita sa puwesto mo, baka kasi abutin pa ng bukas ang paglalakad mo.”
Wala siyang nagawa kundi magpaakay na lang dito. Parang kampana na patuloy na umaalingawngaw sa pandinig niya ang sinabi nito. Lalo raw akong gumaganda? Binobola lang niya ako. Pero kung pambobola nga lang iyon, bakit pumapalakpak ang mga tainga niya?
“MARISSA, ayoko na! Gulo itong pinasok ko! Hindi ako matatahimik dito!” ani Grace sa kaibigan. Nang matapos ang taping para sa unang episode ng Search for Miss Right ay tinawagan agad niya ang mga kaibigan niya. Mabuti na nga lang at pinapayagan silang gumamit ng telepono, kaya hayun siya ngayon at hindi matapos-tapos ang pagsesentimyento.
“Relax, Gracie. Ano ba kasi ang nangyari? Guwapo ba ang man-in-search?”
Parang biglang sumakit ang ulo niya sa tanong ng kaibigan. “Hindi ka maniniwala! Hindi ito nangyayari, Diyos ko! Ano’ng nagawa kong kasalanan? Bakit ako pinarurusahan nang ganito? Saan ako nagkamali? Masunurin naman ako sa batas, bakit ganito?”
“Puwede ba, Graciana, ayusin mo ang pagkukuwento mo? Para ka na namang sinasaniban ni Sisa. Ano ba ang nangyari?”
“Si Mikael Henric Villamor ang man-in-search! Can you believe that? Paanong magiging man-in-search ang lalaking `yon, eh, alam naman ng buong Pilipinas kung gaano kadalas magpalit ng girlfriend ang palikerong `yon?” nanggagalaiting litanya niya. Nasa kontratang pinirmahan nila na bawal maglabas ng ano mang impormasyon hangga’t hindi pa natatapos ang pagte-tape ng buong show. Pero wala na muna siyang pakialam sa kontratang iyon. Basta kailangan niyang mailabas ang nilalaman ng dibdib niya dahil parang puputok na iyon sa dami.
“S-si Mike ang man-in-search? Seriously?!” hindi makapaniwalang tanong ni Marissa.
“Ay, hindi! Nagbibiro lang ako!” mataray na sagot niya, na tinawanan lang nito. “Marissa… gulo itong napasukan ko. Napasubo yata ako sa gulo!”
“Ano bang gulo ang pinagsasabi mo? Si Mike `yon, gaga! Kung alam ko lang na si Mike ang man-in-search, nagpumilit din sana akong makasali.”
“Hindi mo naiintindihan, eh!” nakalabing wika niya.
“Naiintindihan ko. Isa iyang malaking biyaya at pambihirang pagkakataon. Alam mo namang kapag natupad ang pangarap kong makadaupang-palad ang isa sa magkakaibigan ay puwede na akong mamatay, hindi ba?”
Hay, hindi lingid sa kanilang magkakaibigan kung gaano kabaliw si Marissa sa grupong iyon. Lahat yata ng mga magazine kung saan na-feature ang magkakaibigan ay mayroon itong kopya. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag sinabi niya na ang lalaking naging biktima ng truth or dare nila nang gabing iyon ay walang iba kundi si Mike Villamor? Come to think of it, bakit hindi nakilala ni Marissa na si Mike pala iyon? Dahil ba masyadong madilim ang puwesto ni Mike noon?
“Marissa…”
“Grace, ano ba kasi ang ipinagkakaganyan mo?”
“Natatandaan mo ba `yong lalaking nilapitan ko noong nag-truth or dare tayo sa bar sa Libis noong lumuwas tayo sa Maynila? Noong nakaraang buwan?”
Humagikgik ito. “Paano ko makakalimutan `yon, eh, doon ko nakita na puwede ka palang maging wild? Ginawa mo pa ngang ice cream `yong lips ng kawawang lalaki. `Tapos, noong hinila na kita, binalikan mo—”
“Stop it, Marissa! Kailangan mo pa ba talagang ipaalala ang bagay na iyan? Lasing ako noon, wala ako sa huwisyo,” namumula ang mukhang wika niya. Lumagutok sa sahig ang suot niyang heels dahil palakad-lakad siya sa kuwarto niya.
Tumawa ito nang malakas. “Kaya mula noon ay hindi ka na uli uminom ng alak, ganoon ba? Wait, bakit mo pala biglang naitanong ang tungkol sa lalaking `yon? Hinahabol mo ako ng walis-tambo kapag binubuksan ko ang topic na iyan. Ano’ng meron?”
“Marissa, ang lalaking `yon! Si Mike `yon!”
“A-ano?!”
Bahagya niyang inilayo ang telepono mula sa tainga niya dahil sa lakas ng tinig ng kaibigan.
“Hindi puwedeng mangyari `yon, Gracia! Bakit hindi ko siya nakilala? Nagpalit ba ng mukha si Mike? Kahit buhok niya, makikilala ko, eh!”
Siya naman ang natawa rito. “Ewan ko kung bakit hindi mo nakilala si Mike. Understood naman siguro `yong sitwasyon ko dahil lasing ako. Pero ikaw, matino ka naman noon, eh. At ang masama pa, siya pa mismo ang nagpaalala sa akin ng bagay na iyon. I mean, hello? Paano niya nalamang ako `yon?”
“Okay, suko na ako!” biglang wika nito.
“Suko saan?” naguguluhang tanong niya.
“Suko na ako sa pagpapantasya kay Mikael. Friend, malinaw naman na mukhang hindi niya nakalimutan ang kiss mo. Ikaw na ang may pamatay na lips at ikaw na rin ang magaling humalik!” natatawang wika nito. “Hindi na tuloy ako makapaghintay na mapanood ang reality show na iyan. Search for Miss Right—malay mo, ikaw pala ang Miss Right na `yon. OMG, it’s a fairy tale in the making!”
“Marissa naman, eh. Heto nga at hindi na ako magkandatuto sa pag-iwas sa lalaking iyon. Ano ba ang gagawin ko?”
“Oh, my God, apektado ka na ng pagkatao ni Mike? Nakikita mo na ba `yong sinasabi ko sa iyo dati na kakaibang epekto ng mga mata niya?”
Naitirik niya ang kanyang mga mata. Hinding-hindi malalaman ni Marissa na palihim niyang binubuklat ang mga koleksiyon nito ng magazine para tingnan ang litrato ng abogadong si Milo. Sekreto niya iyon. Halos pagtawanan niya ang kaibigan kapag nagpapantasya ito sa mga lalaki gayong ang totoo ay lihim din siyang nagpapantasya sa mga ito. Wala nga lang siyang lakas ng loob para ipakita iyon.
“Marissa, alam mo namang—hello? Hello? Nandiyan ka pa ba? Hello?” Napapalatak na lang siya nang makitang wala nang signal ang telepono niya.
“BAKIT ninyo naisip sumali sa contest na ito?” tanong ni Mike na noon ay naglalagay ng mga panggatong sa bonfire kung saan nakapalibot ang lahat. Pangatlong taping na iyon ng Search for Miss Right at question and answer ang nagaganap. Magtatanong si Mike ng mga nais nitong malaman sa mga kalahok. Walang maunawaan si Grace sa mga napag-usapan na dahil kanina pa lumilipad ang isip niya. Isa pa, distracted siya dahil tila gustong ipagmayabang ni Mike ang mga pan de sal sa tiyan nito. Hindi nakabutones ang suot nitong Hawaiin polo kaya kitang-kita ang pormadong muscles nito sa katawan. Ewan niya kung bakit nag-iinit ang mukha niya tuwing mapapadako sa abs nito ang mga mata niya at makikita niya ang mga pinong balahibo roon.
“Because I am Miss Right!” nakaliyad ang dibdib na wika ni Myla.
Lihim siyang napailing nang kung ano-ano pa ang mga sinabi nito bilang pagbibida sa sarili nito. Ano ba ang nakita rito ni Mike at hindi pa rin ito natatanggal?
“Ikaw, Joe?” tanong ni Mikael kay Joewelyn.
“I am searching for that special someone who deserves a place in my heart. `Yong taong kayang magpuno ng mga pagkukulang ko, mapapangiti ako kahit gaano pa kabigat ang problema ko. Ilang beses na akong nadapa at kung saan-saan na rin ako napadpad sa kakahanap sa kanya. Kaya lang obvious naman na hindi ko pa rin siya natatagpuan dahil heto ako ngayon sa harap ninyo at nakikipagkompetensiya para sa atensiyon ni Mike.”
Hindi niya naiwasang mapabuntong-hininga. Nararamdaman kasi niya ang bigat ng salita ni Joewelyn.
Parang lumukso ang puso niya nang dumako sa direksiyon niya ang paningin ni Mike.
“How about you, Grace?” tanong nito.
Bumuntong-hininga siya bago nagsalita. “Dahil sa pera,” walang ligoy na sagot niya. May mga camera na nakatutok sa kanila para idokumento ang bonfire event na iyon. Kapag nasa labas sila ng beach house ay may mga cameraman silang kasama samantalang sa loob ng bahay ay wala na dahil may mga installed video camera na roon.
“Dahil lang sa pera kaya ka sumali rito?” tanong ng atribidang si Myla.
Hindi siya naapektuhan ng mapanuring mga mata ni Myla. Bakit naman siya matatakot sabihin ang totoo? “Oo, dahil sa perang makukuha ng mananalo. Kailangan ko ng pera, eh. Malaki ang maitutulong n’on para hindi ako matali sa lalaking hindi ko mahal.”
Hindi nakaligtas sa kanya nang maningkit ang mga mata ni Mike. “Can you elaborate on that?”
“Bakit? Para malaman ng sambayanang Pilipino ang mga alalahanin ko? Hindi ko kailangan ng mga taong sisimpatya o huhusga sa akin. You asked me the reason I joined in this craziness, I gave you an honest answer. It’s all for the money,” matatag na wika niya kahit pakiramdam niya ay tagos sa mga buto niya ang mataman na titig ng binata.
Biglang naging tahimik ang lahat. Marahil ay hindi makapaniwala ang mga ito na sasabihin niya ang ganoon, samantalang dapat ay ginagawa niya ang lahat para manalo sa contest na iyon.
Humugot ng malalim na hininga si Mike. “Okay, ladies, we’ve had enough of this bonfire thing. Maaga pa ang gabi, let’s go and enjoy ourselves!” wika nito, saka nauna nang tumayo at tinungo ang kinaroroonan ng mga pagkain at alak. Agad ding pumailanlang sa kapaligiran ang isang masayang tugtog na lalong nakadagdag sa kakaibang atmosphere na mayroon nang gabing iyon.
Napansin niya na nagsasayaw na ang karamihan at ang iba naman ay kanya-kanya na ng kuha ng pagkain at inumin. Siya naman ay nagpasyang lumusong sa tubig. Maliligo na lang siya para magkaroon siya ng dahilan na lumayo sa mga ito. Alam niyang hindi ganoon kalamig ang dagat dahil hinawakan na niya iyon kanina.