CHAPTER: 3

1302 Words
Nagpatuloy ang aking pang araw-araw na buhay. Nagkaroon ako ng de kotse na suki kaya mabilis maubos ang mga paninda ko. Hindi na rin ako inaabot ng gabi sa lansangan dahil sa laging pakyaw ng mga ito ang tinda ko. Nagdagdag din ako ng tatlong daan sa aking puhunan at nakakatuwang naubos pa rin ang paninda ko. Binibilang ko ang tubo ko na mahigit na sa anim na daang piso. Malaki na ito para sa puhunan ko na isang libo. Maaga akong nakauwi kaya't bumili ako ng kalahating kilo ng liempo para lutuin ng adobo. Napangiti ako ng may napulot akong kapirasong kahoy na pwede kong gawin na gatong. Kahit paano makakatipid ako sa uling. “Anak, gumaganda ang negosyo mo ah? Maaga nauubos at maaga ka nakaka-uwi. Sana ay laging ganito. Para hindi ako nag-aalala sayo,” sabi ni Lola na naupo na sa kahoy na silya sa tabi ko. “Kaya Lola, sana nga ay tuloy-tuloy. Para makapagluto tayo ng masarap na ulam lagi,” nakangiti na sagot ko sa matanda. Nagsimula na akong magpadikit ng kahoy, pina-apoy ko ito gamit ang mga takip na plastik ng soft drinks na napulot ko. Madamot si Aling Nena, ayaw mamigay ‘e. Ipapakilo din daw kasi niya. Ang matandang may-ari ng tindahan, napaka damot talaga. Hindi ako nag gisa, nilagyan ko lang ng bawang toyo, suka, laurel na dahon, pamintang buo at seasonings ang karne at isinalang sa apoy. Naupo ako sa tabi ni Lola at niyakap ko ito. Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat at ipinikit ang aking mga mata. “Lola, may maintenance ka pa bang gamot?” tanong ko dito. “Meron pa, pero hanggang tatlong araw na lang ‘yun anak,” sagot nito na bakas ang hiya sa akin. Ganito ito, hindi nanghihingi. Kailangan mo pakiramdaman. Wala kang reklamo na maririnig, hindi katulad ng ibang magulang na panay hingi sa mga anak. “La, bawal ka pa mamatay huh? Magpalakas ka pa, titira pa kita sa malaking bahay. Bibilhan pa kita ng mga bestida na magaganda. Magpalagay ka pa ng pustiso na porselana. Marami pa akong pangarap sayo, kaya wag kang pasaway huh? Dahil kapag namatay ka, hindi na ako mangangarap. Kung matutupad ko ang pangarap ko na wala ka na, ayaw ko na lang. Okay na ako sa ganito, wala ng silbi ang mangarap pa,” “Ang pangit mo mag-isip, malakas pa ako kahit papano, malayo pa ako sa kamatayan. Bilisan mo magpayaman, para naman maranasan ko mamili sa mall,” pagbibiro na sagot nito sa akin. Napangiti ako sa tugon nito. Ganito si Lola, hindi madrama, sabi nga niya ay matibay na ang kanyang dibdib dahil lumaki siyang mag-isa. Matapos ko makapag luto, naghain na ako at magana kaming kumain. Nag ligpit ako ng kusina at pagkatapos ay nag linis na ng aking katawan. Kurtina lang ang devider namin ni Lola, kaya't hinawi ko ito at sinilip ang matanda na mahimbing na kaagad na natutulog. Sinalpak ko ang headset sa aking tenga at kinonekta sa aking cellphone na de keypad. Nakinig ako ng mga kanta sa radyo hanggang sa makatulog ako ng mahimbing. Kinabukasan…Nag asikaso kaagad ako ng almusal habang kumekendeng. Maganda ang gising ko dahil mahaba ang aking tulog. Kahit ba pritong itlog lang ang almusal, mahalaga may pagkain. Masaya ako na naluto ko kagabi ang paboritong adobo na liempo ni Lola. Hindi man natupad ang isang kilo na gusto ko, mahalaga ay nakapag luto ako kahit kalahating kilo. “Mukhang maganda ang gising ng dalaga ko ah?” pagbati sa akin ni Lola. “Good morning sa pinakamagandang matanda sa balat ng lupa!” nakangiti na pagbati ko dito. “Anak, sabi ng kapitbahay natin, may job fair daw sa mall na malapit dito. Ayaw mo ba mag apply ng trabaho doon?” tanong nito na sinimangutan ko. “Magkano ang isang araw doon? Limang daan. Magkano ang isang araw ko dito, tapos kahit papano nababantayan pa kita. Ayaw ko, dito na lang ako. Mag-iipon ako ng pera, kukuha ako ng pwesto sa mall, para doon ako magtinda. Isasama kita kapag maayos ang tindahan ko, para doon ka na lang mamahinga mahalaga sa akin na kasama kita lagi.” Hindi na sumagot ang matanda, ganito ito. Ayaw ng pakikipagtalo. Matapos namin kumain ay diretso ako sa palengke, balik sa bahay at saka lalagra sa aking pwesto para magtinda. “Kuya, saan kayo nagtatrabaho? Bakit lagi na lang ang dami ng binibili mo na tusok-tusok, hindi ka ba nagsasawa?” tanong ko sa lalaki na medyo may edad na, namakyaw na naman kasi ito ng aking paninda. Tig-isang daan ang binibili nito, bali lahat naabot ng anim na daan. Hiwalay ang sauce at ang sukang maanghang. “Merienda namin ito ng ka body ko. Minsan naman ay humihingi din ang boss namin,” sagot nito sa akin na tinanguan ko lang. Malayo kasi sa tanong ko. *Wala ka bang kasintahan?” tanong nito na inilingan ko. “Wala akong plano, gusto ko lang yumaman at makapagtapos ng pag-aaral,” sagot ko sa lalaki. “Tama yan, mas maganda na pamilya muna ang unahin,” hirit pa nito. “Wala naman akong iba pa na pamilya, Lola ko lang ang kasama ko. Dalawa lang kami, kaya gusto ko yumaman. Malapit na nga ako pumasok sa bar d’yan na bagong bukas. Para lang mabigyan ko ng magandang buhay si Lola,” pagbibiro ko sa lalaki na biglang nagpaalam na aalis na. Napangiti ako na umiiling. Hindi pa naman ako nababaliw para maging pokpok. Mataas ang pangarap ko at hindi kasali doon ang magbilang ng lalaki para sa easy money. “Joms, bibili sana ako dito kagabi, kaso mukhang maaga ka nakakaubos ng paninda?” tanong ni Tinay na tinanguan ko. “Oo, alas syete lang ubos na. Pasara na nga ako ‘e, pinakyaw na ng suki ko ang paninda ko.” “Ano?! Wala ka na dyan? Nako naman! Inihaw na tuyo na naman ang ulam ko. Bibili sana ako ‘e. Magkakaroon na ako ng UTI nito. Kundi alamang na pinigaan ng kalamansi, tuyo na inihaw ang ulam ko,” nayayamot na sabi ng babae na pinagtawanan ko. “Tipid ang alamang, dalawang piso lang ang balot kay Aling Nena, tapos isang kalamansi, piso lang yun. Talo-talo na ‘yun!” pagbibiro ko dito na may katotohanan. Ganun din naman madalas ulam ko dati. Tinigil ko lang dahil naiinggit si Lola, bawal kasi sa kanya ang alamang. Bukod sa may high blood, may kati-kati sa balat na tumutubo sa matatanda kapag nag-uulam ng hipon. “Penge na lang sauce, maglalaga na lang ako ng itlog. Pwede na ‘yun ulamin,” sabi nito sabay kuha ng isang palstik na baso at nilagyan ng halos kalahati. “Kapal talaga ng mukha mo Tinay! Buraot ka talaga. Bakit kasi hindi ka mag banat ng buto, para may silbi ka. Palamunin ka ni Aling Elsa ‘e,” diretso na sabi ko dito. “Namemersonal ka ah! Sauce lang hiningi ko, nanumbat ka pa. Nag apply ako kanina sa HFDL Mall bilang janitress. Kapag kumita ako babayaran kita,” sagot nito. “Kapag kumita ka, ibili mo ng masarap na ulam ang nanay mo. Sa kanya ka bumawi, hindi sa ibang tao,” sagot ko dito sabay lagay ng kadenang bakal sa lamesa at inabot ko sa babae ang isang timba na dala ko. “Tulungan mo na ako, bibigyan kita ng ulam. Magluluto ako ng pinakbet na gulay,” sabi ko dito na tumalon sa tuwa. “Ay salamat beshy! Magkakaroon din ng sustansya ang katawan kong yummy!” Naiiling na lang ako sa sinabi nito. Dahil payat ito at hindi naman yummy. Model type ang tawag ng mayayaman, pero sa mahihirap na tulad ko, ang tawag bulalo, malnourished o kaya walang makain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD