“Hoy! Rigor! Lumabas ka diyan!” Nagulantang ang tahimik na sanang paghiga ni Rigor sa kanyang silid ng marinig ang tila kumosyon sa kung saan. “Lumabas ka, Rigor! Siguradong ikaw ang may kinalaman ka na naman sa pagkawala ni Marie!” Biglang balikwas na si Rigor ng marinig ang pangalan ni Marie. Wala sana siyang balak labasin ang mga tao tumatawag sa kanya sa labas ngunit sa naririnig na ingay at tila nais ng wasakin ang kanyang gate at bakod ay bumangon na siya. Wala na rin naman din na mahahanap na ebidensya na may kinalaman siya sa pagkawala ni Marie. “Hayan na ang demonyo! Lumabas na ang kampon ni Satanas!” sigaw sa kanya ng makita na siyang lumabas ng kanyang bahay. “Anong sadya niyo at nag-iingay kayo sa harap ng bahay ko? Pambubulahaw ang ginagawa niyong mga bwesit kayo, ha?”

