CHAPTER TEN

2913 Words
SIGE! Lapit lang… Lumapit ka lang sa iyong kamatayan! Gigil na gigil na sigaw ni Tisay sa kaniyang sarili. Hindi siya gumagalaw sa kinatatayuan niya. Matiim lang siyang nakatingin sa papalapit na si Rico. At nang wala nang isang dipa ang layo nito sa kaniya ay saka niya kinuha iyong karit na nakatago sa likod ng puno. Nakita niya ang gulat sa mukha ni Rico nang ilabas niya ang bagay na iyon. Walang pagdadalawang isip na itinarak niya ang matulis na dulo ng karit sa gilid ng leeg ni Rico. Sa lakas ng puwersa ng pagkakatarak ni Tisay ay lumampas sa kabilang gilid ang dulo ng talim ng karit! Nanlalaki pa rin ang mata ni Rico sa pagkabigla. Nakangisi lang si Tisay dito na para bang sinasabi niya na dapat siya nitong katakutan. Hinila niya ang karit dahilan para magkaroon ng malaking hiwa ang leeg ni Rico sa harapan. Tumingala ang ulo nito at ngumanga nang husto ang sugat nito. Kasunod niyon ay ang pagbulwak ng masaganang dugo doon. Napaluhod ito sabay bagsak sa lupa. May tagumpay siyang naramdaman nang makita niya na puno ng dugo ang talim ng karit na hawak niya. Lumipat ang tingin niya kay Douglas na gulat na gulat sa ginawa niya. Nanlalaki ang mata nito at bahagyang nakaawang ang bibig. Iyon ang gusto niya… ang makita ang takot sa mga mata ng mga ito! Humakbang siya ng isa at tila nagulat si Douglas kaya napaatras ito. Mahina siyang tumawa sa reaksyon nito. “Bakit parang takot na takot ka, Douglas?” tanong niya. “A-anong t-takot? Hindi ako natatakot sa iyo! Walang dahilan para matakot ako sa iyo!” Umayos ito ng tayo at humugot ito ng baril sa gilid ng pantalon nito. “Baka ikaw! Ikaw ang dapat matakot!” halakhak pa nito. Itinutok nito iyon sa kaniya pero bago pa man nito iyon maiputok ay nakapagtago na siya sa likod ng malaking puno na nasa tabi niya. Hindi inaakala ni Tisay na may baril pala itong dala pero hindi man lang siya nakakaramdam ng takot. Bagkus, mas lalo siyang nasasabik sa nangyayari. Gusto rin naman niya na kahit papaano ay lumalaban o may laban ang mga ito sa kaniya. Ang boring naman kung papatayin niya ang mga ito nang walang kalaban-laban. “Lumabas ka na diyan, Tisay! Walang laban iyang karit mo sa baril ko!” sigaw ni Douglas. Naririnig ni Tisay ang paglalakad nito palapit sa kaniyang pinagtataguan. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa tanganan ng karit. Sumilip siya at nakita niyang malapit na ito sa puno. Muli siya nitong pinaputukan pero ang katawan ng puno ang tinamaan. Nagbilang ng tatlo si Tisay sa kaniyang isip at saka siya lumabas sa pinagtataguan. Malakas niyang hinataw ang karit kay Douglas at pinuntirya niya ang braso nitong may hawak na baril. Bumaon ang talim ng karit sa braso nito at nabitiwan nito ang baril. Malakas na napasigaw si Douglas sa sakit. Hinila ni Tisay ang karit dahilan para malaslas ang braso nito. Hindik na hindik naman si Douglas habang tinitingnan ang dumudugong braso at ang laman na nakalaylay doon. Hindi na sinayang ni Tisay ang pagkakataong iyon. Nilapitan niya si Douglas at malakas itong sinipa sa dibdib. Natumba ito at agad niyang kinarit ang isang mata ni Douglas. Nang hugutin niya doon ang talim ng karit ay bumulwak ang masagana at malapot na dugo. Hindi pa siya nakuntento at kinuha niya ang nabitawan nitong baril at pinaputukan niya ito ng isa sa mukha. Tumigil na sa paggalaw si Douglas. Nang masiguro niyang hindi na ito humihinga ay umalis siya na dala pa rin ang karit habang ang baril naman ay isinuksok niya sa gilid ng suot niyang maong na short. Tinahak niya ang daan pabalik ng vacation house nina Carlene. Ito naman at ang asawa nito ang sisingilin niya! Nasasabik na siya na muling makaharap ang dalawa. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Carlene kapag nakita siya nito? Samantalang kanina ay wala siyang kalaban-laban. Malas lang nito dahil nagkaroon ito ng tangang asawa na katulad ni Samuel. Ngunit ang kamalasan nito ay swerte naman niya dahil sa pagpapakawala sa kaniya ni Samuel ay magkakaroon na ng katuparan ang paghihiganting matagal na niyang gustong mangyari. Walang kahirap-hirap na narating ni Tisay ang vacation house. Sinundan lang niya ang daan na kaniyang nakita at naging mas madali ang pagpunta niya doon. Hindi muna siya pumasok. Saglit siyang tumayo sa harapan ng pinto bago kumatok. “Sina Douglas na iyan! For sure, dala na nila ang kabit mo, Samuel!” Napangiti siya nang marinig niya ang boses ni Carlene. Inihanda niya ang sarili nang makarinig siya ng yabag ng sapatos na papalapit sa pinto. Bumukas ang pinto at sumalubong sa kaniya ang gulat na mukha ni Carlene. “Ikaw?!” Hindi makapaniwalang turan nito. “Na-miss mo ba ako?!” aniya at malabas niyang sinuntok sa mukha si Carlene. Sa lakas niyon ay napaatras ito ng ilang hakbang at natumba sa sahig. Inilabas niya ang baril at pinaputukan niya sa binti si Samuel. Malakas itong sumigaw nang tamaan ito ng bala doon. Napaupo na rin ito sa sahig habang nahihindik na nakatingin sa kaniya. “b***h!!!” sigaw sa kaniya ni Carlene. “Hayop ka!” Akmang tatayo ito para sugurin siya kaya naman itinutok niya dito ang baril. “Oops! 'Wag na 'wag kang kikilos nang hindi ko magugustuhan, Carlene. Baka mangati itong kamay ko at paputukin ko ito sa mukha mo! Ayaw mo naman sigurong makita agad si Satanas, 'di ba? Gigil na gigil na ako sa iyo kanina pa! Gigil na gigil na akong patayin ka!” ganting sigaw ni Carlene. Napahinto sa pagtayo si Carlene. “Then do it! Shoot me! Patayin mo na ako!” Hamon nito. Tila ito pa ang matapang sa kanilang dalawa. “Hindi pa ngayon. 'Wag kang excited. Hindi pa sa oras na ito. 'Wag ka namang atat na sumunod sa mga wala mong kwentang alipin!” Naningkit ang mata nito. “Pinatay mo sina Rico at Douglas?! Killer!!!” Tumawa siya nang malakas. “At sa iyo pa talaga nanggaling ang salitang iyan, ha. Hindi ba’t pinatay niyo ang nanay ko nang walang kalaban-laban! Mga hayop kayo! Tapos binayaran niyo pa ang batas para lang mapagtakpan ang kahayupan na ginawa niyo sa nanay ko!” Puno ng poot ang mga mata niya at dahil doon ay hindi niya napigilan ang pagbalong ng kaniyang luha. Sa tuwing naaalala niya ang pagpatay ng mga ito sa ina niya ay naiiyak talaga siya. Pakiramdam niya kasi ay wala siyang kwentang anak dahil sa hindi man lang niya ito natulungan ng sandaling iyon. “Dapat lang iyon sa nanay mo dahil malandi siyang kabit! Katulad mo! Parehas kayong makati! Mag-ina nga kayo!” Hindi na napigilan ni Tisay ang sarili at binaril niya sa balikat si Carlene. “f**k you!!!” May halong sakit na sigaw nito sa kaniya. “Sige! Laitin mo pa ang nanay ko at tatamaan ka na naman sa akin!” “Akala mo ba, natatakot ako sa iyo! I am fearless! Tandaan mo 'yan! Kabit ang nanay mo! Malandi siya! Kiri! Hayop! Dapat lang sa kaniya ang mamatay!!! Habangbuhay siyang maghihirap sa impyerno dahil masama siyang babae!” Patuloy na sigaw ni Carlene. Tumiim ang bagang ni Tisay at mabilis niyang nahablot ang buhok ni Carlene. “Tisay! Tama na!” Lalapit sana si Samuel sa kanila pero itinutok niya dito ang baril. “Subukan mong lumapit!” banta niya. Natatakot na itinaas na lang ni Samuel ang dalawang kamay nito. Lumuhod si Tisay sa tabi ni Carlene at inilapit niya ang mukha niya sa mukha nito. “Ulitim mo nga ang sinabi mo!” gigil na wika niya. Mahigpit pa rin niyang hawak ang buhok nito sa likod. “Ang sabi ko, kabit ang--” Hindi na nito naituloy pa ang sasabihin dahil malakas niyang inihampas ang mukha nito sa sahig. Nang iangat niya iyon ay duguan ang ilong nito at bahagyang nakabaliko. Muli niyang inihampas ang mukha nito sa sahig ng dalawa pang beses. Pati ang sahig na pinaghahampasan niya dito ay may bahid na rin ng dugo. Dumura si Carlene ng dugo na may kasamang mga basag na ngipin. “Tama na, Tisay! Nakikiusap ako sa iyo!” Halos umiiyak na si Samuel. Alam naman niya na hindi ito makakalapit sa kaniya agad. Bukod sa may tama ito ng bala ng baril sa binti ay takot pa ito sa hawak niyang baril. Hindi niya pinansin si Samuel. Bagkus ay kinausap niya ulit si Carlene na nanghihina na. “Ang tapang mo rin talaga, 'no? Fearless? Ikaw? Sa tingin mo ba, may magagawa iyang kawalan mo ng takot sa akin? Ha?!” Mas lalo niyang idiniin ang pagkakasabunot dito. “Wala kang karapatan na laitin ang nanay ko. Naiintindihan mo ba?! Kung may sasabihin ka sa kaniya, iyon ay ang paghingi mo ng tawad! Humingi ka ng tawad sa kaniya, Carlene!” “Utot mo! Bakit ako hihingi ng tawad sa nanay mo? Siya ang dapat humingi ng tawad sa sakin dahil inagaw niya sa akin ang asawa ko!” Pagmamatigas nito. “Ah, matigas ka, ha!” At ubod lakas na inihampas ulit ni Tisay ang mukha ni Carlene sa sahig. Pag-angat niya ng mukha nito ay wala na itong malay. -----ooo----- “PATAYIN mo na ako, Tisay! Gawin mo ang lahat ng gusto mo sa akin. Hinding-hindi ako papalag. Pahirapan mo ako, Tisay!” Umiiyak na turan sa kaniya ni Samuel habang itinatali niya ito gamit ang matibay na lubid sa upuan na yari sa kahoy sa gitna ng salas. Inalis niya lahat ng nasa gitna ng salas para mailagay niya doon si Samuel. Nasa harapan nito ang wala pa ring malay na si Carlene. Nakatali ang mga paa nito habang nakabitin sa kisame. Pabaliktad niya itong ibinitin doon para mas mahirapan ito. Wala rin itong saplot na kahit ano kaya nakahayag ang kahubadan nito. “Tumahimik ka nga! Papatayin kita! Huwag kang mainip!” bulyaw niya kay Samuel. Naiirita na siya sa pagiging maingay at madaldal nito. “P-patawarin mo ako, Tisay. A-ako na lang ang patayin mo. Ako naman ang dapat sisihin sa lahat ng ito at kung bakit ka naging ganiyan.” Patuloy pa rin ito sa pagsasalita sa kabila ng pagsaway niya. Yumukod siya sa harapan ni Samuel at nakipagtitigan dito. “Bakit, Samuel? Ano ba ako?” Umiwas ito ng tingin at yumuko na lang. “Hindi mo ba inakala na sa kabila ng mukha kong ito ay isa pala akong halimaw?” Umayos siya ng tayo. “P-patawarin mo ako…” Iyong lang ang nasabi ni Samuel. May nakita siyang tissue roll na nakapatong sa mesa. Kinuha niya iyon at kumuha ng marami. Kinuyumos niya iyon at inilagay sa bibig ni Samuel. Ayaw na niyang marinig ang mga sasabihin nito. Gusto na niyang magawa ang kanina pa niya naiisip. Ayaw na niyang patagalin pa ang buhay ng mag-asawang Carlene at Samuel para masunog na ang kaluluwa ng mga iyon sa impyerno! “Huli na para sa paghingi mo ng tawad. Hindi na maibabalik ng mga iyan ang buhay ng nanay ko. Hindi na niyan mababago ang pagkatao ko!” sabi niya kay Samuel bago niya kunin ang karit na nasa sahig. Naglakad siya palapit sa nakabitin na si Carlene. “Gising!” Paulit-ulit niya itong pinagsasampal hanggang sa magising ito. Agad itong sumigaw at nagpapalag nang malaman nito na nakabitin ito. “Putang ina mo! Pakawalan mo ako dito! Ano ba?!” Walang tigil na pagsigaw nito. “Sinabi ko na 'yan kanina, Carlene! Kaya kung ako sa iyo, tatahimik na lang ako. Masasayang lang ang lahat ng sasabihin mo! Ito na ang kamatayan mo. Ito na ang katapusan ng kasamaan mo. Dapat nga magpasalamat ka pa sa akin, e. Hindi mo na mararanasan na pagtaksilan ng asawa mo kapag patay ka na!” “Mapapatay mo man ako ngayong hayop ka, hindi rin mababago no’n na naging kabit ka katulad ng nanay mo! Lahi kayo ng madudumi! At isa pa, sa tingin mo ba ay makakaligtas ka sa gagawin mo sa akin? Hindi mo yata kilala ang pamilya ko, Tisay? Pati pamilya mo, idadamay nila!” Hindi na nag-abala pa si Tisay na magsalita. Kinarit niya sa leeg si Carlene ngunit hindi niya nilaliman ang pagkakahiwa doon. Sumirit ang dugo nito at lahat ng iyon ay tumama kay Samuel. Halos maligo na ito sa dugo ng sarili nitong asawa. Panay ang sigaw ni Samuel habang si Carlene naman ay parang manok na nagkikisay. Pilit nitong tinatakpan ang sugat sa leeg gamit ang mga kamay nito ngunit hindi nito magawa iyon. Sa tingin niya ay nawawalan na ito ng lakas. May kasiyahan siyang nararamdaman habang pinapanood ang paghihirap ni Carlene. Sa palagay niya ay nasa likuran niya ang kaluluwa ng nanay niya at katulad niya ay masaya rin ito. Maya maya ay lumaylay na ang dalawang kamay ni Carlene. Tila hinahayaan na lang nito na umagos mula sa sugat nito ang dugo. Puno na ng dugo ang mukha nito. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Tisay. Sa sigaw na iyon ay inilabas niya ang galit sa kaniyang puso. Itinaas niya sa ere ang karit at itinarak niya ang tulis niyon sa tiyan ni Carlene. Hinila niya iyon paibaba kaya lumikha iyon ng malaking hiwa sa katawan niyo. Paghugot niya sa karit ay lumabas mula sa tiyan ni Carlene ang bituka nito at iba pang lamang-loob. Biglang sumuka si Samuel. Nailuwa nito ang busal na nasa bibig. Habang siya ay masaya sa kaniyang ginawa. Hinarap na niya si Samuel na puno ng suka sa katawan. Umiiyak pa rin ito. “Patayin mo na ako, Tisay!” anito. Matiim niyang tiningnan si Samuel. Kitang-kita niya na nagsisisi na ito at tila kinakain na ito ng konsensiya nito. Gustung-gusto na niyang pugutin ang ulo nito gamit ang karit niya pero hindi niya iyon ginawa. Bagkus ay inalis niya ang pagkakatali nito. Mariin niyang hinawakan ang baba nito at itinapat ang mukha nito sa mukha niya. “Hindi ko pagbibigyan ang gusto mo, Samuel. Hindi kita papatayin. Ikaw ang puno’t dulo ng lahat ng ito. Biktima mo lang kaming lahat!” “Tama ka kaya patayin mo na ako. Hindi ko makakayang mabuhay na inuusig ako ng konsensiya ko! Patayin mo na ako, Tisay! Parang awa mo na!” “Do me a favor, Samuel! 'Wag mong papatayin ang sarili mo! Gusto ko ay habangbuhay kang mahirapan! Naiintindihan mo ba?” aniya sabay bitaw sa baba nito. Mariin itong umiling. “Patayin mo na ako. Ikaw lang ang may karapatang pumapatay sa akin! Nakikiusap ako sa iyo, Tisay!” Puno na ng luha at uhog ang mukha nito. Kulang na lamang ay lumuhod ito sa harapan niya at halikan ang kaniyang paa. Hindi na siya nagsalita pa. Dala ang karit ay naglakad siya palabas ng bahay na iyon. “Patayin mo na ako, Tisay!!!” Patuloy na sigaw ni Samuel. Naglakad nang naglakad si Tisay hanggang sa makarating siya sa may dalampasigan. Binitiwan niya ang karit at bumagsak iyon sa buhangin. Pasikat na ang araw sa silangan. Kulay kahel na ang kalangitan at ang karagatan. Napaluhod si Tisay at umagos ang masaganang luha mula sa kaniyang mata. Pagod na pagod na itinugod niya ang ang dalawang kamay sa buhangin at isang malakas na sigaw ang kumawala sa kaniyang lalamunan. “Tapos na, mama… Sana ay matahimik ka na.” -----ooo----- PUMASOK si Tisay sa bahay nila. Napahinto siya sa salas nang makita niya na naghuhugas ng mga pinggan ang kapatid niya sa may kusina. Nakatalikod ito sa gawi niya at tila hindi nito napansin ang pagdating niya. Maayos na ang suot niya. May nakita siyang damit ni Carlene sa yate at iyon ang isinuot niya. Muli siyang naglakad at isang silid ang kaniyang pinasok. Nakita niya doon ang tatay niya na nakahiga sa kama. Napangiti ito nang makita siya. Nakangiwi ito dahil sa huling atake nito ay na-stroke ito. Kalahati ng katawan nito ay hindi na nito naigagalaw nang maayos kumpara sa dati. “Tisay… Dumating ka na pala…” anito. Lumapit siya dito at buong pagmamahal na ginawaran ito ng halik sa noo. “Pasensiya na po kung ngayon lang ako, papa. Kumusta naman kayo dito?” “Ayos lang kami ni Elisa. Naaalagaan naman ako ng kapatid mo.” “Mabuti naman po kung ganoon.” “Saan ka ba nagpunta at ang tagal mong nawala?” Imbes na sagutin ang tanong na iyon ay ngumiti na lang siya. “Oo nga po pala, papa, nasaan na po iyong box na pinatago ko sa inyo noon? 'Yong may susi po…” “Nandoon sa kabinet ko. Sa pinaka itaas. Ano ba ang laman niyon, anak?” “Mga importanteng bagay na hindi ko na kailangan ngayon, papa.” “Importante pero hindi mo na kailangan? Ang gulo naman, Tisay…” Ginagap niya ang kamay ng ama at hinagkan iyon. “Magpahinga na po muna kayo. May gagawin lang ako,” aniya at mula sa kabinet ng tatay niya ay kinuha niya ang box. Laman niyon ang cellphone na ginamit niya para kuhaan iyong ginawang pagpatay sa nanay niya. Kasama rin niyon ang memory card kung saan naka-save ang naturang video. Nagtungo siya sa silid nila ni Elisa at kumuha siya ng lighter. Paglabas niya ng kwarto ay naabutan niya si Elisa na nasa salas na at nanonood ng TV. “Ate! Hindi ko man lang nalaman na nandito ka na!” anito. “May ginagawa ka kasi sa kusina kaya hindi na kita inistorbo.” Napako ang tingin ni Tisay sa telebisyon nang isang flash report ang ipinakita. “Isang madugong pagpatay ang nangyari sa pribadong isla ng isang mayamang pamilya. Ayon sa report at sumuko na ang suspek na si Samuel Pelaez sa mga awtoridad. Inamin nito na siya ang pumatay sa dalawang lalaki na naroon sa isla at sa sarili niyang asawa… Sa ngayon ay hindi pa rin alam ng pulisya kung ano ang motibo ng suspek para gawin ang ganoong karumal-dumal na krimen…” ulat ng babaeng reporter. Napangiti na lang si Tisay sa balitang iyon. Masaya na ang puso niya. Nagpatuloy na siya sa paglabas ng bahay. Ngunit nang nasa bungad na siya ng pinto ay bigla naman siyang tinawag ni Elisa. “Saan ka pupunta, ate? May dala ka pang lighter,” usisa nito. “Sa likod-bahay lang. May susunugin lang ako…” tugon niya sa kapatid bago siya tuluyang lumabas ng kanilang bahay. Mabuti naman at ginawa mo ang sinabi ko, Samuel! Habangbuhay kang magdusa dahil hindi mo lang pinatay ang nanay ko kundi dahil lumikha ka rin ng isang halimaw sa pagkatao ko! Bulong ni Tisay sa kaniyang sarili.          THE END  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD