Mas malakas pa sa sigaw ng mga tao 'yong t***k ng puso ko ngayon. Grabe, ganito pala 'yong pakiramdam na may sumusuporta at naniniwala sa'yo. Nakakataba ng puso. Todo kaway sila Ando, Betong at Aries habang manghang nakanganga ako sa dami ng tao.
Medyo masakit sa mata at mainit sa balat 'yung dalawa o tatlo yatang spotlight na nakatutok sa amin. Naningkit ang mata kong tinitignan ang mga tao, maayos ko nang nakita sila Nanay at Tatay.
"Anak ko 'yan! Anak ko 'yan!" Sigaw ni Nanay habang tumatalon-talon, si Tatay naman umiihip sa torotot, pinagsasalit-salitan 'yong hawak niya sa tig-isang kamay.
"Panalo na 'yan! Tapos na laban!" Sigaw ni Kuya Roberto.
"Umuwi na 'yong mga kalaban! Boo! Go, Andeng! Kapatid ko 'yan!" Si Kuya Limuel naman.
Tawa akong tawa sa mga pinagsasabi nila. Hindi pa nga kami nakanta, e. Naagaw ang atensyon namin at lahat ng manunuod nang may sumigaw ng mga pangalan namin sa bandang likod, sobrang lakas! Yumuko akong kaonti para maaninag kung sino mga 'yon.
Narinig kong naghiyawan mga kabanda ko sa likod. Nalaglag ang panga ko nang makita kung sino mga 'yon, mga kaklase ko! Agaw eksena talaga sila dahil nagsitayuan sila sa mga upuan, may hawak na banner na gawa sa manila paper at placard na nakasulat sa puting bahagi ng illustration board.
"GO, MGA BOBO!" ang nakalagay.
"PAKASALAN MO AKO, ARIES!"
"WALANG JUTAY SA MARIPOSA!" Si Nikkoi ang may hawak no'n, nakita kong hinahatak ng isang teacher 'yong placard niya.
"MAGANDA NA, TALENTED PA. KAY SANDY KA NA!"
"I
May mga hawak din silang espadang umiilaw, 'yong mga laruang pambata, para tuloy may live-action ng star wars dito at sila Trixie at Annabelle ang may pasimuno.
Bihira lang pumunta mga kaklase ko sa ganito pero kumpleto talaga sila! Sobrang eksaherada lang nang ginagawa nila dahil maypa-iyak iyak pa habang sumisigaw ng "Proud kami sa inyo!" kulang na lang maglumpasay sila sa semento ng covered court, kaso nakatungtong sila sa upuan.
May nanita na sa kanilang mga teacher pero ayaw pa rin magsibaba. Sorry na lang mga Ma'am, pero hindi niyo sila mapapasunod.
Tinapik ni Ando ang balikat ko, lumingon ako at sinabi niyang, "Tapusin na natin agad 'tong laban na 'to. Panalo na tayo, e," ngumisi siya.
Tumango ako at pabirong inirapan siya. At kailan pa siya naging ganito ka-confident? Pero aminin ko, gusto ko kapag may tiwala siya sa sarili. Nakaka-gwapo sa paningin. Tumayo akong tuwid at inayos ang mic sa harap ko, inabot sa akin ni Betong ang gitara ko at tinulungan akong isuot 'yon sa sarili.
Nagkatinginan kami ni Ando. May kung ano talagang something sa kanya ngayon. Tama talaga ang desisyon kong piliin ang kantang 'to, duet kami ni Ando at saktong-sakto sa gabing ito. Dahil kami naman ang bida ngayon.
Huminga akong malalim at pinikit ang mata. Kaya mo 'to, Sandy! 'Wag mong sayangin tiwala nila sa'yo! Iminulat ko ang mata ko nang kalabitin na ni Ando ang bass, hudyat ng simula, at dumagundong ang hiyawan ng mga tao na parang huling araw na nila sa mundo.
Marahan kong pinakawalanan ang hininga ko. This is it, pansit!
Ako ang bida ngayon
(Masyado kang ambisyosa)
'Wag kang kokontra kung ayaw mong masipa sa mukha
(Kung kaya, eh 'di subukan na)
Masipa sa mukha
(Sipain din sa mukha)
Ako ang bida ngayon
(Hanggang pangarap ka na lang)
Sa porma kong artista, daig ko pa si Nora at si Vilma
('Wag ka nang umasa pa)
Si Nora at si Vilma
(Ilusyunada ka)
Dahil...
Ngayong gabi, ako'y titingalain
Ngayong gabi...Ako si Darna, ako ang d'yosa
Ako ang talang nagniningning sa kalangitan
Ako si Wonder Woman, ako ang superstar
Akin ang sandali, ako ang reyna ng gabi
Ikaw ang bida ngayon
(Ako na nga ang bida ngayon)
Ang mga kababaihan, silaw sa iyong kagandahan (pinagmamasdan)
Isang prinsesa sa bintana na hinaharana
Ika'y pang-Miss Universe na
Dahil...
Ngayong gabi, ako'y titingalain
Ngayong gabi...
Ako si Darna, ako ang d'yosa
Ako ang talang nagniningning sa kalangitan
Ako si Wonder Woman, ako ang superstar
Akin ang sandali,
Ako ang reyna ng gabi!
Tumatalbog ang puso ko sa saya nang matapos kaming mag-perform. Alam mo 'yong feeling na gusto mong tumalon sa stage tapos bubuhatin ka nila? Ganon na ganon, e! Bakit ba hindi ko naisip 'yon? Hanep talaga. Solid ang gabing 'to!
Nagyakapan kaming apat bago umalis sa stage at magtawag ang emcee. Pagbaba namin, paakyat naman na sila Denver. Ang lapad at ang tingkad ng ngiti niya sa akin, 'yong parang proud na proud sa anak. Nginitian ko siya pabalik dahil masayang-masaya ako!
Binati kami ng ibang contestants maliban sa grupo ng 3rd year star section. Kulang na lang lumuwa mata ni Jessa kakairap sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin at nagpatuloy sa pakikipagbatian sa iba. Pumunta si Ma'am ursula at first time, as in, first time! Niyakap niya kami isa-isa at proud na proud daw siya sa amin.
Napakamot ako sa ulo, medyo nahiya. Nakakapanibagong ang bait na ng lahat sa amin. Sa wakas! Naitayo ulit namin ang bandera ng seksiyon namin! Dumating din sa backstage mga kaklase namin, dumog tuloy at uminit dahil masyadong masikip.
Inaya ako ni Ando na manuod ng performance nila Denver. Ayaw ko sana kaso mapilit siya, e. At saka, marami pa namang magpe-perform. Hindi pa pinal ang lahat, pwede kaming manalo, pwede ring matalo. Pero sa mga nangyayari ngayon, panalong-panalo na ako!
Pero ayon nga, hatak ni Ando ang braso ko. Pumunta kami kila Nanay na todo ang paulan ng halik sa akin, ganon din si Tatay. Niyakap ko lang sila Kuya.
Hindi kasing lakas ng audience impact namin ang kila Denver pero malakas pa rin. First time ko siyang marinig kumanta at magaling din pala! Kinabahan ako pero nawala rin agad nang tignan niya ako habang kumakanta.
Alam kong ako 'yon! Tinignan ko si Ando na walang emosyon, nakatayo at nakahalukipkip na parang estatwa na.
Sa umaga't sa gabi
Sa bawa't minutong lumilipas
Hinahanap-hanap kita
Hinahanap-hanap kita
Sa isip at panaginip
Bawat pagpihit ng tadhana
Hinahanap-hanap kita
Sa school, sa flag ceremony
Hanggang uwian araw-araw
Hinahanap-hanap kita
Hinahanap-hanap kita
At kahit pa magka-anak kayo't
Magkatuluyan balang araw
Hahanap-hanapin ka
Hahanap-hanapin ka
Miski ako naestatwa sa kinatatayuan. Hindi ko magawang ngumiti. Parang may ipapahiwatig 'yong kantang hindi ko maintindihan. Napalunok ako. Kausap na ni Ando si Tatay at pagkatapos ay hinatak na ako pabalik sa backstage.
Mataas pa ang energy ng lahat kahit na tapos na ang performance ng lahat. Nakupo ako sa pinaka gilid, sa tabi ng mga drum set, pinapanuod sila. At nasa tabi ko rin si Ando, tahimik. Napasinghap ako sa gulat nang dumating si Sir Corales, pinapaakyat na kaming lahat sa stage dahil ready na 'yong card kung saan nakalagay kung sino ang panalo.
Bigla akong kinabahan. Ayan na! Bawat audience may kanya-kanyang manok pero walang tatalo sa sigaw ng mga kaklase ko, talagang nangingibabaw sa lahat. Kabadong-bado si Betong at pinilit na maghawak kamay kami.
"Ba't basa? May stock ka ba ng tubig diyan?!" Maarte ko siyang tinignan.
Tila wala naman siyang pake at pilit pa rin akong hinawakan. Hayain na nga, pati ako kinakabahan din, eh. Katabi ko si Denver, mga ilang inch lang layo namin. Naririnig ko tuloy sila ng mga kaklase niya.
"Pare, sino kayang panalo? Sana tayo!" Anang kaklase niya.
"Hindi, tinging ko sila..."
Hindi na natapos ni Denver dahil nagsalita na 'yong emcee. Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Betong, napapikit.
"At ang nagwagi sa panimpalak ay walang iba kundi...."
May drum roll pa.
"Ay kundi...."
Drum roll ulit.
"Ay kundi...."
Pucha, isang kundi pa hahampasin ko na siya ng gitara ko!
"3rd year, Mariposa! Latak ng eskwelahaaaaaaan!!"
Napadikat ako at nagtatalon habang tumitili. Totoo?! Kami ang nanalo?! Yes! Sinunggaban akong mahigpit na yakap ni Ando.
"Nanalo tayo! Nanalo tayo!"
Hindi tuloy ako makagalaw hanggang sa hampasin siya nila Betong at Aries.
"Hoy, payakap kami!" Reklamo ni Aries, animo'y bata.
Nagtawanan kami at yakapan ulit. Ang saya-saya! Tili na nga ginagawa ng mga kaklase ko sa sobrang lakas! Hindi ko na tuloy narinig pa kung sino sunod na nanalo bukod sa amin.
Sinabi ko naman 'di ba? Na kami ang bida ngayon!
Song used: Time in by Yeng Constantino