KABANATA 19

2479 Words
Sa huli, wala rin akong nagawa. Tulala ako habang pinapakinggan silang tumugtog nang sabay-sabay. Sabay sabay pero 'di sabay sabay. Ang galing ng mga hinayupak. Ngayon pa lang, naiisip ko na kung paano kami mapapahiya sa entablado kung magpapatuloy 'to. Binasa ko ang tikom kong labi at umubo bago tumayo at humarap sa kanila. Kailangan kong magseryoso kung ayaw kong madamay sa kahihiyan nila. "Umpisahan ulit natin," sabi ko. Hindi nila narinig ang sinabi ko sa sobrang lakas nila magpatugtog. Umirap ako at muling umubo, humuhugot ng malakas na enerhiya bago sumigaw. "MAKINIG KAYO!" At nakinig naman sila, huminto at nakatingin na sa akin. Nakangiti ako, nasa likod ang mga kamay. "Ano?" "Ang sakit niyo sa tainga, e." Nagtinginan silang tatlo, mga nagkibit balikat at sumang-ayon din sa sinabi ko. "Anong plano? Tumugtog tayo mag-isa? Banda tayo, dapat sabay-sabay tayong tumugtog," sabi ni Aries. Umirap ako. Malamang, alam ko! Humalukipkip ako at umupo sa leather couch, nag-iisip. Nakatingin silang lahat sa akin.  "Sabay-sabay tayong tutugtog... pero, 'yong maayos, okay? Kung ayaw niyong mapahiya, ayusin niyo." Hindi ko rin alam kung anong sasabihin sa kanila dahil hindi naman ako eksperto. Tatlong oras kaming nag-practice, nagtalo at nagkainan. Mas mahaba pa yata ang oras na ikinain namin kumpara sa pagpa-practice. Punta kasi nang punta 'yong lola ni Ando, may mga dalang kung anu-anong pagkain, panay pa ang sabing imported lahat, galing korea.  Talagang tiyanaga namin at sineryoso ang practice. Tuwing matatapos ang klase, diretso kami rito sa bahay nila Ando, walang pahinga, 'di tulad noong una na kain kami nang kain. Umuuwi lang din ako kapag sinundo na ako ni Kuya Limuel. Suportado naman nila ako at excited na rin sila pumunta sa buwan ng wika sa school. Kung sabagay, first time ko talagang sumali sa mga extracurricular activities ng school. Gaya nga ng sabi ko, palagi akong nasa backstage lang. Kung hindi nanggugulo, nangiinis lang akong mga schoolmate. Bumili pa ngang costume si Nanay na mga pang rakista, e. Mi-make-up-an niya raw akong emo para maging kamukha ko si Avril Lavigne.  Hindi ko alam kung saan ako magugulat, e. Sa sinabi niyang siya ang magma-make-up sa akin o dahil kilala niya si Avril Lavigne. Hindi naman 'yon nakikinig ng mga English na kanta, e. Solid OPM lover si Nanay, mas lalo na si Tatay! "Galingan mo, Sandy! Iche-cheer kitang sobrang lakas pag nagperform na kayo!" Sabi ni Denver nang magkasalubong kami sa hallway sa school. Bakit ba lagi ko na lang siyang nakakasalubong tuwing magba-banyo ako?! Inirapan ko siya at nilagpasan. "Go, Sandy! Alam kong mananalo kayo!" Sigaw pa niya bago ako pumasok sa banyo.  Pero matagal ko na rin nga siyang 'di nakikita sa sobrang busy ko sa band practice. At himalang 'di rin siya nangungulit sa akin, ngayon na lang na nagkita kami. Busy rin siguro siya sa buwan ng wika. Ano naman kayang kinabu-busy-han ng isang Denver? Bumalik agad ako sa classroom at tinanong si Ando. Hindi ko alam pero naging malapit na sila sa isa't-isa kamakailan. Hindi ba dapat...  "Ah, hindi ba niya nasabi sa'yo? Kalaban natin sila sa buwan ng wika." Nalaglag ang panga ko. Kalaban pala namin tapos sasabihan niya akong ganon?! So anong pinapalabas niya sa sinabi niyang mananalo kami? Na magpaparaya siya? Aba! Hinding-hindi ako makakapayag na matalo ng katulad niya! Nang matapos ang klase, hinatak ko agad sila papunta sa bahay ni Ando kahit na pahinga na namin ngayon dahil bukas na ang buwan ng wika.  "Kaya nga mas kailangan nating magpractice kasi bukas na 'yong contest, dapat perfect na natin, dapat manalo tayo!" sabi ko sa kanila habang palabas ng classroom. Sumang-ayon naman sila sa akin. Ganadong-ganado rin naman kami dahil ang laki ng pagbabago sa una naming practice. Sabay-sabay na kami at maganda na pakinggan sa tainga. Sumama rin sila Trixie at Annabelle at sabi rin nila na ang galing na namin.  "Sila Denver nanalo last year 'di ba? Baka manalo na naman sila kasi 'di ba last year na nila 'to?" si Aries. Kumunot ang noo ko at napahinto sa pag-inom ng mango juice. Talaga? Wala akong nababalitaan nanalo sila, hindi naman sila napag-usapan last year, e. Oo, alam ko na year nila 'yong nanalo pero 'di ko alam na kasali siya roon. Sabagay, wala naman din akong pakealam sa kanya, e. Ang alam ko lang, naggigitara siya dahil inaaral niya mga kanta sa songhits.  "Hindi 'yan! Nanuod ako last year, 'di naman sila gano'n kagaling. Mas magaling nga kayo kung tutuusin," si Annabelle. Parang pumalakpak ang tainga ko sa papuri niya. Todo ngisi naman 'tong si Betong at napatayo pa para yakapin kunwari si Annabelle pero sinapak siya nito sa hita. Nagtawanan kami sa reaksyon ni Betong.  "Pumunta ka pala? Ba't 'di ko alam 'yon?" Tumaas ang kilay ni Trixie. Oo nga 'no? Ngayon ko lang nalaman na pumunta siya last year. Nasa bahay lang kasi ako no'n dahil dinapuan akong lagnat, kahit naman din wala akong lagnat, 'di pa rin ako pupunta. Napakamot batok si Annabelle, parang may tinatago. Pinanliitan ko siyang mata at umiwas siyang tingin.  "Nakipag-date siguro 'yan sa drummer ng banda nila Denver, si Kris. 'Yong matangkad na patpatin," sabi ni Ando. Hindi makatingin sa amin si Annabelle. Huli ka! Pero hindi ko alam 'yon ah? Kilala ko si Kris dahil binigyan niya akong bulaklak at chocolates last year lang din, February. Pinakain ko 'yon kay Annabelle, e. Ang galing naman pala.  "Hindi naman naging kami 'no," dipensa ni Annabelle na medyo teary eyed pa. "Sayang naman, bagay pa naman kayo. Matangkad na patpatin tapos matabang pandak..." sabi ni Betong.  Kinagat ko ang labi ko para 'di matawa pero natawa pa rin talaga ako. Ang sama-sama talaga ng tabas ng dila ni Betong, ang lakas manlait, 'di muna tumingin sa salamin, e. Naghabulan si Betong at Annabelle sa loob ng music room habang tawa kami nang tawa. Aso't pusa talaga. Sila nga ang mas bagay, e! At saka ang ganda-ganda kaya ni Annabelle. Chubby na maganda, magaling pa magluto ng carbonara! "Ang sarap niyo pala kasama 'no?" Napatingin ako kay Aries na nakatingin sa nagsusuntukan nang dalawa.  "Para kayong mga baliw na walang pakealam sa mundo," dagdag pa niya. Humagikgik ako. "Masaya magpakabaliw kapag normal mga kasama mo," sabi ko.  Tumango naman siya. "Gusto ko laging ganito. Pwede bang i-recruit niyo ako sa tropahan niyo?" "Recruit talaga? Ano kami networking? Edi sumama ka sa amin kung gusto mo, gano'n lang. Basta ayaw namin ng masama ang ugali." Taas ang kilay niyang tinignan ako. "Huh? E ang sasama nga ng ugali niyo, e!" Tumawa ako at tinapik siyang malakas sa braso. "Ayan! Gusto namin ang magaling magdahilan o mangatwiran. Malayo ang mararating mo, kapatid!" Nagtawan kaming dalawa. Maya-maya ay sumingit si Trixie at kiniliti ako sa tagiliran. Halos mamatay na ako kakatawa pero hinatak ni Ando ang buhok niya palayo sa akin. Sobrang g**o sa music room dahil naghahampasan na kaming throw pillow. Natigil lang kami nang dumating si Kuya Limuel para sunduin na naman ako.  "Matulog kang maaga, Andeng! Kailangan maganda ka sa contest bukas!" sabi ni Nanay pagkatapos naming kumain ng hapunan. Umasim ang mukha ko. Pumunta ako sa salas at binuksan ang TV para manuod ng teleserye, pero bago ako makaupo ay pinindot ni Nanay ang TV.  "Nay, hindi naman beauty contest sasalihan ko, e. Kakanta ako bukas, hindi rarampa!" ginulo ko ang buhok ko. "Makinig ka na lang sa Nanay mo, excited lang 'yan," sabi ni Tatay galing kusina, nagtitimpla yata siya ng tsa-a. Nakinig na lang ako kaysa mapagalitan. Mabilis naman din akong nakatulog sa sobrang pagod. Puno tuloy akong energy pagkagising. Ti-next ko agad ang barkada kung anong oras kami magki-kita-kita. May rehearsal pang magaganap bago ang contest kaya isang oras kaming maaga roon.  Naligo na ako at nag-asikaso ng maisusuot. Hiniram ko 'yong eyeliner na binili ni Nanay sa mall noong isang araw. Gusto pa sana niyang todo make-up ako, pero tumanggi na ako. Ipapalagay ko na lang 'yon mamaya kay Annabelle na medyo expert sa make-up. Sana lang hindi ako magmukhang panda mamaya. "Ang aga mo naman?" si Kuya Roberto paglabas kong kwarto.  Ibinaba ko muna ang gitara sa kusina at sumabay sa pagkain nila ng tanghalian.  "Oo, para maganda." Binilisan ko na ang pagkain dahil nasa labas na ng bahay sila Trixie at Ando. Nauna na raw sila Betong at Annabelle, e. Sinunda yata si Aries? Hindi ko sigurado dahil 'di ko rin naman tinanong.  Sobrang kabado ako kahit wala pa man. Sobrang garbo kasi ng desensyo ng buong covered court ng school! As in bawat sulok may design na paper fan, mga picture ng bayani, mapa ng Pilipinas, pambansang ibon at prutas, at lahat ng mga sumisimbolo sa pagiging Pilipino.  Nandoon na 'yong ibang mga banda ng iba't-ibang year ng section. Nauna sila Betong at Aries sa backstage. Tumakbo kami palapit doon para maabutan 'yong teacher na nagbibigay ng instruction.  "Una tayong magpe-perform," sabi ni Aries matapos ang meeting. "Ano?" gulat kong tanong. May inabot si Aries sa akin namaliit na papel at may nakalagay doon na number 1. "Una kayong magpe-perform, Sandy. Galingan niyo. Ibig sabihin, kayo ang magse-set ng standard sa mga madla," Biglang sumulpot sa kung saan si Ma'am Ursula. Napalingon kaming lahat.  "Hindi sila nage-expect ng kahit ano sa inyo dahil first time sumali ng section niyo sa mga ganito. Pero ako, nage-expect ako sa inyo. Ine-expect kong mananalo kayo kaya 'wag niyong sayangin 'yong pagkakataon na 'to. Alam kong magaling kayo, at 'yon ang ipakita niyo mamaya." "Opo, Ma'am!" sabay-sabay naming sabi na may ngiti sa labi. Unang beses 'to na sinabihan kaming ganito ni Ma'am na may paghanga. Tama siya, lahat ng tao rito sa school, estudyante man o teacher, walang ine-expect na maganda sa amin. Papatunayan namin sa kanila na hindi kami latak ng school! Kami ang pinaka magaling sa buong school pero kami lang ang nakakaalam.  Umalis na si Ma'am Ursula para kausapin ang principal. Nagsimula na kaming mag-rehearse kung saan kami pu-pwesto. Mula rito sa stage, sobrang kitang-kita ang lahat, paano pa kaya mamaya na parang dagat ang tao. Makita ko pa kaya sila Nanay sa audience?  Sunod na magpe-perform ang grupo ni Denver, sunod 'yong kabilang section pero 4th year din, pang apat 'yong 2nd year, pang lima 'yong star section ng 3rd year kung saan palagi kami kinukumpara at pang huli 'yong mga 1st year. Tapos na kami mag-rehearse kaya pababa na kami ng stage, nakasalubong namin sa hagdan si Denver na kinindatan ako. Inirapan ko lang siya. Pagbalik namin sa backstage, nagpahinga kami nila Aries sa mga monoblock doon, pero nilapitan ako ng bokalista ng 3rd year star section. "May time pa kayo para mag backout," sabi ni Jessa sa akin. Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot siyang maikling palda na masikip tignan at blouse na puno ng glitters, stocking na itim na parang net na ginagamit sa pangingisda at boots na may takong, naka-pig tails din siya na parang 'yong bidang babae na meteor garden, pero kamukha niya 'yong nanay ng bida roon. Samantalang naka t-shirt lang ako na may yellow na smiley ang tatak sa gitna, kupas na pantalon na baggy at itim na converse na sapatos. Ito na ang suot ko mamaya. Idagdag pa 'yong winged eyeliner na nilagay ni Annabelle kanina bago sila pumunta sa audience. "Ayos 'yang get-up mo, a? Saan club ka magsasayaw?" panunuya ko.  Namula ang pisngi niya sa inis at sumigaw. "Ang sama talaga ng ugali mo! Dapat hindi na kayo sumali, e. Wala naman kayong talent! Bobo na nga, mga wala pang talent!"  Ismid lang ako mukha ko pero tumayo si Ando, lumapit kay Jessa at sinindak. Mangiyak-ngiyak  na si Jessa pero nagmamatapang pa rin.  "Ano? Sasapakin mo ako? Sige lang!" Nanginginig ang boses niya.  Humalakhak ako. Sinamaan akong tingin ni Jessa at ambang manunugod pero humarang si Aries at siya ang sumalag ng suntok ni Jessa. Kung normal na araw 'to, baka nginudngod ko na siya sa inidoro. Alam kong technique nila 'to para mainis kami at gumawang eskandalo para ma-disqualified kami. Alam naming lahat 'to kaya kahit 'di ko sabihin na 'wag pumatol, 'yon ang gagawin nila. Sa inaasta niya, sino kayang bobo sa amin?  Hinatak na si Jessa ng mga kabanda niya pero panay pa rin ang panlalait sa amin. Napailing at natawa na lang kami. Kawawang Jessa, akala siguro papatol kami pero siya pa itong napahiya sa dulo sa pagmumukha niyang tanga.  Inabot na kami ng hapon sa pagre-rehearse at sa mga paalala ng Principal. Panay pa ang tingin sa amin, pero tingin iyon ng natutuwa, hindi naiinis.  "Manalo o matalo, para sa akin lahat kayo panalo. Galingan niyo mamaya, marami ang manunuod kasama na roon ang mga pamilya niyo. Make them proud!" Nagpalakpakan kami. Dito ko na naramdaman ang kaba dahil hudyat na 'yon sa magsisimula na ang pinaka iintay ng lahat na contest. Alas siete na ng gabi, nakatanggap akong text mula kay Tatay na nandoon sila malapit sa stage nakaupo. Dumungaw ako sa kurtina sa backstage at nakita kong nandoon nga sila! May mga dalang mahabang lobo sila Kuya at maypa-torotot pa sila Nanay! Napasapo akong noo. Diyos ko! Mukhang kailangan kong ibigay lahat lahat pati puso at kaluluwa ko! Nagsimula nang magsalita 'yong emcee sa stage at nakatutok na room ang lahat ng ilaw na nakakabulag. Sa gilid pa ng stage ay may mga pa-laser lights pang ganap. Naghawak-hawak kaming apat ng kamay at nagdasal. Nanlalamig ang sikmura ko sa sobrang kaba. Pucha, ngayon lang ako kinabahan ng ganito sa buong buhay ko! Ano na, Sandy? Nasaan ang tapang mo?! Kapag naman gumagawa akong kalokohan, hindi ako kinakabahan na baka mabuko. Dapat gano'n! "Kaya natin 'to!" sabi ko at nilagay sa gitna ang kamay. Nagkatingin kami isa-isa at nilagay din nila ang kamay nila sa ibabaw ng kamay ko.  "Para sa mga latak ng eskwelahan!" sigaw ko.  "Para sa mga latak ng eskwelahan!" sigaw nilang tatlo.  "Fighting!" sigaw naming lahat at itinaas sabay-sabay ang mga kamay.  Pumunta na kami sa gilid ng stage, ready nang umakyat. Kinakabahan talaga ko pero biglang hinawakan ni Ando ang kamay ko at sinabing,  "Wag kang kabahan, okay? Andito kami nila Betong at Aries para sa'yo, magkakasama tayo rito," tinignan ko sila Aries at Betong sa likod ni Ando, nginitian nila ako at nag thumbs up. Binalik ko ang tingin kay Ando at ngumiti.  "Para sa amin, ikaw ang pinaka talented dito... lalo na para sa akin," sabi niya at ginulo ang buhok ko. Nabalik ang atensyon ko sa emcee nang ipinapakilala na kami. Ang lakas ng hiyawan at sigawan ng madla, dinig na dinig ko 'yong torotot at cheer nila Kuya sa akin. Natawa na lang ako at napailing. Pinikit ko ang mata ko at humingang malalim.  "At muli, isang masiglabong palakpakan para sa mga... 3rd year, Mariposa. Please welcome... Ang Latak ng Eskwelahan!" at tinawag na ng emcee ang pangalan ng banda namin. Ito na talaga! 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD