Ang sakit ng mukha ko sa sobrang lakas nang pagkahampas no'n sa mainit na semento. Nakakalungkot na ang first kiss ko ay sa semento, lips to lips! Ngipin to semento! Swerte pa rin naman ako kahit papaano. Matapos kong mag exhibition sa gitna ng kalsada ay hindi ako pinuntirya ng machong aso.
Sila Betong at Ando pa rin ang hinahabol nila. Baka exempted na ako, naawa kaya pinabayaan na lang ako.
"Tsk, tsk. Kawawa naman ang isang 'to. Maganda nga, lampa naman. Yung dalawa na nga lang ang lapain ko." Sigurado akong ayun ang nasa isip ng machong aso.
Swerte!
Swerte na sana... kaso umuwi ako.
Pinaluhod na naman ako ni tatay sa monggo. Hindi ko nga alam kung ano bang masakit; bibig ko o tuhod. May hawak na naman akong makapal na encyclopedia sa magkabilang kamay. Tinawagan daw siya ng principal kaya alam niyang nag-cutting class ako.
Hindi nga ako umiyak kahit halos mabasag na ang unahang ngipin ko. Munggo lang talaga ang katapat ko. Nagsisisi na ako! Sa sunod hindi na ako magpapahuli! Syempre, magcu-cutting pa rin ako 'no! Ang saya kayang umakyat sa bakod ng school! Naglagay pa silang bubog wala namang silbi. Sa sunod ako na ang magmamando sa mga construction worker para hindi sayang ang binabayad sa kanila.
Pagkatapos ng dalawang oras kong pagluhod, hindi ko alam kung tuhod pa ba 'tong tuhod ko. Parang hindi na kasi, e. Mukha ng skyflakes sa daming butas. Iika-ika akong lumakad papasok sa kwarto. Nakasalubong ko pa si Kuya Limuel na tinatawanan ang mukha ko.
Humarang ako sa daanan at humalukipkip, kunot ang noo.
"Anong tinatawa-tawa ko jan, panget?" Siga kong tanong.
Kinutusan niya lang ako.
"Epal ka! Pangit mo! n***o!" Sigaw ko. Masakit iyon ah!
"Namamaga nguso mo mukha kang hito!" Sigaw ni Kuya pabalik mula sa kusina.
Maga? Kinapa ko ang nguso ko habang patakbong pumasok sa banyo. Namamaga nga! Hindi ko napansin kanina 'to ah! Tumakbo ako papuntang kusina, nagpapanic. Aba! Ayokong pumasok na mukhang kinagat ng ipis ang nguso ko! Okay nang maging tanga wag lang pangit!
"Tawag jan karma. Magcu-cutting na nga lang papahuli pa. Tsk tsk tsk." Iiling-iling si kuya bago umalis.
Inirapan ko lang siya. Papansin masyado! Pero hindi siya ang dapat kong isipin! Ang mukha ko... ayokong maging pangit! Salamat sa Diyos at walang nangyaring masama sa salamin ko. Buo pa naman. Pero ang puso ko... hindi na. Charot lang!
Humiga na ako sa kama. Nakapatong lang yung ice pack sa nguso ko habang nagtitipa sa cellphone. Kamusta na kaya sila Betong at Ando? Nalapa kaya sila ng aso? Well, sana. Hindi kasi sila sumasagot sa tawag ko. Text ako nang text hindi rin naman nagre-reply! Tsk. Sana nga nalapa sila nung aso!
Patulog na sana ako nang tumunog ang cellphone ko. Dinukot ko iyon sa ilalim ng unan ko. Si Betong!
Betong:
... qaqo k SandY! TanqIn4 mu! MùntIk n4 aq mlapa nq aso!
Me:
MùnT!k lnq??? Syanq nmn!
Aba! Bigla rin nagtext si Ando.
Ando:
h3h3h3. Zk!t nq paa q!!!!
Ay. Wala naman pala silang magandang balita. Akala ko talaga nakagat sila, e. Magpapa-party ako 'pag nagkataon. Sayang! Baka aso pa mamatay dahil mas matindi rabies ng dalawang ulupong na iyon.
Paggising ko, tinignan ko agad ang mukha ko sa salamin. Nakahinga akong maluwag. Maganda pa rin ako. Hallelujah! Iba talaga kapag love ni Lord! Malapad ang ngiti kong pumunta sa hapag. Handa na ang paborito kong young pork tocino, made from Pampanga. May sunny-side up pa! Good talaga ang morning ko.
There's always a rainbow after the rain talaga! Eto na iyon oh!
"Hoy, bilisan mong kumain, Sandy! Mauna ka na maligo." Si Kuya Roberto.
Inirapan ko siya, natigil sa ere ang kutsara ko. "Pasubo pa lang ako, o. Sana pinadampi mo muna sa bibig ko bago ka nagsalita." Medyo bastos siya sa part na iyon. Infairness naman kay Kuya.
"Bahala ka. Wag kang kumatok kapag nauna ako."
"Jusko naman, Kuya. Semi kalbo ka lang pero mas matagal ka pa maligo sa akin!" May laman pa ang bibig ko habang nagsasalita kaya nagtatalsikan ang kanin ko sa kanya.
"Kumain kang maayos, Sandy!" Si Tatay.
"Opo... Tay." May laman pa rin bibig ko.
"Kakasabi lang eh!"
Naunang matapos si Kuya Roberto kaya nauna siyang naligo. Humilata muna ako sa kwarto at nag friendster. Nagpalit lang akong kanta at background, syempre, prince of tennis pa rin. The best! Narinig ko na ang pagbukas ng pinto ng banyo. Nakapulupot na sa leeg ko ang tuwalya. Kaso naunahan ako ni Kuya Limeul.
Kinalampag ko ang pintuan, halos magiba na. Naglulumpasay ako sa sahig. Pucha! Tantsado ko yung oras ko, e! Sakto na iyon para hindi ako ma-late sa school!
"Kuya, bilis! Natatae na ako!" Kinakalampag ko pa rin. Limang minuto pa lang siya sa loob. Hindi talaga ako natatae, naiihi lang.
"Tumigil ka, Sandy! Baka gusto mong kalampagin ko 'yang mukha mo!" Singhal ni Nanay, kakapasok lang ng bahay, bitbit ang dalawang bayong.
Tumigil na ako. May isang salita si Nanay. At sigurado akong mayayare ako sa kanya. Ayoko nang isipin pa, nasasaktan agad ako. Pakiramdam ko magkakalatay agad ako kahit sa imagination pa lang. Ganon kalupit ang nanay ko. Mas malupit pa kay Hilter!
Paspasang ligo na ang ginawa ko paglabas ni Kuya. Tinalo ko pa si The Flash sa sobra kong bilis. Hindi na ako nagsuklay at nagpunas pa ng buhok. Nagbihis agad akong uniform. Nanghinging baon at kumaripas nang takbo papasok ng school! Sa sobrang kakamadali ko, nakalimutan kong may bike pala ako. Naalala ko na lang nung nasa school na ako.
Saved by the bell! Kasabay kong umakyat si Ma'am Solomon papunta sa room. Basang-basa ang likod ng uniform ko, magkahalo ang tubig at pawis. Para tuloy akong malalagutan ng hininga. Literal akong gumapang paupo sa upuan ko sa likod. As in... literal!
Nakangiwi ang labi ni Margarita. Hindi ko alam kung naawa ba siya o naalibadbaran sa akin.
"Anong nangyari sa'yo? Para kang sumali sa rally, a? Ano hinosan ba kayo ng pulis na bumbero?" Umepal si Betong sa likuran ko.
Ayan na naman! May bumubulong-bulong na namang demonyo. Nilingon ko siya.
"Anong nangyari sa aso?"
"Aso pa rin."
"Tangina mo!" Asar talo akong lumingon pabalik.
Kanina pa ako hanap nang hanap sa bag ko. Halos umikot na ang pwet ko at mabali ang leeg ko kakahanap. Tinignan ko ang ilalim ng upuan ko, wala rin. Sinamaan ko ng tingin si Betong na kunwari pang nakikinig kay ma'am. Tsk. 'Di bagay!
"Ano bang hinahanap mo?" Iritadong tanong ni Katelyn sa akin, tinaas ko kasi ang palda niya.
"Yong bag ko. Nakita mo?"
"Hindi." Mataray niyang sagot.
"Okay." Mataray ko ring sabi.
Gumapang ulit ako pabalik sa upuan ko. Kinalabit ko si Betong.
"Psst! Tinago mo bag ko 'no? Labas mo na! Libre kita calamares."
"Bag? Anong bag?" Umasim ang mukha niya.
Umirap ako at tinitigan siya na parang siya ang pinaka bobong tao na nakilala ko. Medyo totoo iyon.
"Bag. Yung jansport kong bag. Ilabas mo na."
Nagkibit siyang balikat at nakinig ulit kay ma'am. Tsk! Kinalabit ko ulit siya.
"Ano ba kasi!?"
"Luh, arte mo, a. Ganda ka? Ilabas mo na kasi! Kapag talagang nakita ko 'yon ihahampas ko sa mukha mo 'yon!" Pagbabanta ko.
Iritado siyang nagkamot ng ulo, "Tangina mo talaga, Sandy! Apat na nga mata mo, bobo ka pa! Wala kang bag na dala nung pumasok ka!" Singhal niya.
Napanganga ako. "Ay... wala ba?" Tumawa ako, napahiya ako roon.
"Bobo!"
Lumingon na ako pabalik sa harap. Ang tanga ko! Naiwan ko pala yung bag sa sobrang kakamadali! Bwiset! Ganda lang talaga ang meron ako. Aanhin ko naman iyon? Mukhang magpapa-quiz pa 'tong si ma'am. Hindi ko magagamit ang ganda ko sa pagsusulat.
Kinalabit ko si Katelyn. Mainit agad ang ulo paglingon sa akin.
"Oh! Mangongopya ka na naman?"
Matamis ko siyang nginitian, "Hindi, a. Grabe ka naman, K. Manghihingi lang ng papel. Saka, pahiram na ring ballpen. Thank you! Ang ganda mo talaga, K!"
Ngumiti siya agad. Andali niya talagang utuin. Sus, kung hindi ko lang kailangan.
"Balik mo, a!" Sabay abot niya ng ballpen at papel.
Tinignan ko kung anong klaseng ballpen iyon. Naknang! HBW lang pala! Akala ko naman G-tech. Anim na piso lang 'to, e. Bilhan ko pa siyang isang kahon. Teka... bakit ba ang sama ko naman yata kay Katelyn. Sabagay, nasaksak ko na pala siyang lapis noon nung grade 1 ako. Madamot kasi, e. Baka kaya ako pinahiram ulit kasi naalala niya?
Natapos na ang quiz namin. Bakit nga ba ako nagaksaya pa ng effort sa pagsagot kung alam ko namang babagsak ako? Itlog na naman ang nakuha ko. Malapit na silang maging manok sa sobrang dami!
Naitawid ko naman ang buong araw na hingi lang nang hingi ng papel sa mga kaklase ko.
"Thank you ulit, K. Ang ganda mo talaga 'no? Kaya daming nagkaka-crush sayo, e." Nagblush bigla si Katelyn. Binalik ko na sa kanya yung ballpen. Baka kasi sabihin niya magnanakaw akong HBW.
Kaming apat na lang ang tao sa room. Absent si Ando ngayon. Ka-text ko siya kanina nung math subject. Nasa star mall alabang daw sila ng mama niya. Hinatak bigla ni Betong ang cellphone ko at tumakbo. Wala namang pakealam sila Anabelle at Trixie, nagchi-chismisan lang sa tabi ko.
"Akin na! Pampam masyado."
"Kunin mo." Dumila pa siya.
"Isa. 'Di mo bibigay?"
"Dalawa. Hindi!" Tumakbo ulit siya. Hinabol ko siya paikot sa teachers' table. Inabot ko siya para hatakin ang uniform niya pero maikli ang braso ko.
"Papansin 'di naman birthday. Akin na kasi!" Nagsisimula na akong mairita. Nagpamaywang ako, nakatayo na lang ako sa gilid ng lamesa.
Lumuhod siya at kunwaring nagtatago, nakangiwi. Ang pangit pangit niya tignan sa ginagawa niya.
"Pagod ka na? Edi akin na lang 'to ah."
Ngumisi ako. Huminga akong malalim.
"Di mo bibigay?"
"Iyak ka muna." Mapagasar ang ngiti niya.
"Ah ganon?" Tinadjakan kong malakas ang lamesa at tumalsik iyon papunta sa bibig niya.
Nanlaki ang mata ko at napahawak sa bibig. Bumulagta si Betong sa sahig. Natigil ang kwentuhan ng dalawa sa likod. Nilingon ko sila. Nagtitigan kaming tatlo. s**t! Anong nagawa ko?! Napalunok ako.
Tumayo silang dalawa at sabay-sabay naming sinilip si Betong. s**t talaga! Duguan ang nguso niya! Gising si Betong, kinakapa ang nguso. Inalalayan ko siyang umupo.
"S-sorry... ikaw naman kasi... ininis mo ako, e.." sabi ko,
Pinunasan ni Betong yung dugo gamit ang kamay. Ang dami talaga! Ayaw tumigil. Kabado ako, halos hindi na makahinga. Tinitignan ko sila Trixie, kabado rin.
"Hala... lalo kang pumangit Betong..." Si Anabelle.
"Pakshet!" Si Trixie.
Hinampas ko ang hita nila, "Lumabas na kayo!" Sigaw ko, pinapagaan ko nga loob ni Betong para hindi magalit sa akin tapos lalaitin pa.
Binalingan ko ng tingin si Betong at ngumiti, "So-sorry, Tong. Labyu, bes. Bati tayo ah?" Tumawa ako.
"Okay lang..." aniya.
Nalaglag ang panga ko.
"'Di naman masakit, eh."
Totoo ba 'tong nakikita ko?! Tiningala ko 'yung dalawa sa gilid ko. Nagpipigil ng tawa si Trixie, nakanganga naman si Anabelle. Kinurot ko si Anabelle sa binti, tumango siya sa akin para kumpirmahin na tama ang nakikita namin.
"Oh, cellphone mo. Dalhin mo 'ko sa clinic." Saka lang ako lumingon nang magsalita ulit si Betong.
Naiiyak akong tumingin sa kanya. Paano ko sasabihin sa kanya 'yung totoo? Paano niya tatanggapin na hindi siya magagalit? Baka gilitan niya akong leeg! Hindi pwede!
"Bilisan mo!" Tumayo na si Betong. Umiling ako, umiiyak na.
"Ah... l-labas lang kami ni Anabelle ha? B-bye!" Ani Trixie, kumaripas na silang takbo.
Walanghiya! Kami na lang naiwan ni Betong!
"Ano? Bilisan mo!"
"Sorry, Betong! Sorry! 'Di ko sinasadya! Sorry!" Umiiyak kong sabi.
Kumunot ang noo niya, "Pinagsasabi mo?"
"Kasi..." napapikit ako, nakita ko na naman... "Kasi... Kasi... bungal ka na!"
Nakita ko kung paano dahan-dahang lumaki ang mata niya nang kapain niya ang kanyang bibig. Wala na 'yung isang ipin niya sa harapan! Bungal na si Betong!