Isang linggo na akong hindi pinapansin si Betong. At sa tatlong araw na 'yon, hindi siya pumasok. Pumunta ako sa bahay nila kaso pinauwi naman ako ng nanay niya. Tingin ko alam niyang ako ang may gawa no'n sa anak niya.
Pinipindot ko yung dulo ng ballpen ko sa sobrang bagot. Science class at Demo teacher ang nagtuturo sa amin. Palaging sa klase namin pinapagturo 'yung mga gustong mag trabaho rito.
"Welcome to Hell..." ganon siguro sinasabi ng principal sa mga baguhan with matching evil laugh. Nai-imagine ko tuloy! Para kasing takot na takot mga magde-demo sa klase namin, e. Ang babait kaya namin.
Kinokopya ko lang 'yung sinusulat ng teacher sa unahan. Nakalimutan ko na kung anong pangalan niya. Tingin ko 'di rin naman siya matatanggap. Ang sama ng mukha ng Principal sa kanya, e!
Pagtunog ng school bell, naghiyawan ang mga kaklase ko. Mga walang pakealam kahit may teacher pa sa unahan. Napakamot ulo ako. Yamot na yamot ako ngayong araw. Kinakain na ako ng konsensya ko. Dinukot ko ang cellphone ko sa bulsa at nag text kay Betong.
Me:
qUD mùRnInq B3tz? uztaH n Ù?
Nagaalala na talaga ako sa ulupong na iyon. Hindi naman nakakamatay ang bungal 'di ba? Sinulyapan ko si Trixie na umakbay sa akin palabas ng classroom. Malalim ang buntong hininga ko.
"Mag special palabok ba tayo?" Tanong niya.
Bumuntong hininga ulit ako, nakatitig lang sa daan. "Wala akong gana." Sabi ko.
"Hindi galit 'yon! Baka nagpapagawa lang pustiso kaya 'di pa pumapasok." Sabat naman ni Ando sa likuran ko.
Naikwento ko sa kanya 'yung nangyari at tawa lang siya nang tawa, nagkulay talong na sa sobrang tawa. Patakbong humabol sa amin si Anabelle na kakalabas lang ng classroom. Pababa na kami sa canteen.
Andaming nakakalat na estudyante sa hallway. Nadaanan namin 'yung classroom ng star section na hanggang ngayon nagkaklase pa rin. Tibay! Ang seseryoso ng mukha! Tinignan ko si Trixie na nagliwanag ang mukha. Nakita na naman niya 'yung ultimate crush niyang si Sally.
Pagdating namin sa canteen, hanggang labas na 'yung pila sa counter. Akala ko naman kung anong meron, may bagong lutong meryenda lang pala. Buti sana kung free food, papatusin ko talaga 'yon. May napwestuhan agad kami malapit sa may bintana.
Lahat yata ng estudyante ng public school na 'to nakapila, e. Tumayo si Ando at tumingkayad para tignan kung ano mga tinda. Nakita ko sila Chanberling at power puff members niya na papunta sa lamesa namin.
"Paupo kami, Sandy, a!"
"Nakaupo ka na, e." Tamad kong sabi, nakapangalumbaba ako.
Tatlo lang naman sila. Sakto sa bakanteng upuan.
"Anong bibilhin niyo?" Si Ando, hindi niya pinansin sila Chanberling, nakasahod na 'yung palad niya. Siya na bibili ng pagkain namin.
"Ano na lang akin, uh... empanada. Tatlo. Saka zesto na guyabano." Si Trixie.
Katabi ko si Trixie, sa harap ko naman si Anabelle at katabi niya si Ando. Tinitignan ko 'yung mini garden sa bintana. Todo hukay pa kami ng lupa roon tapos 'di naman tumubo mga tinanim namin. Sayang effort.
"Champorado at nilagang itlog. 'Yun lang, may baon akong tubig, e." Sabay lagay ni Anabelle ng nickelodeon niyang tumbler sa lamesa.
"Pabili rin kami And--"
"Manigas ka." Pinutol agad ni Ando ang utos ni Chanberling.
Umirap siya at binalingan na lang ang dalawang kasama. Bakit ba sila nakitabi sa amin, e, andami-dami pa namang bakante? Nagkasalubong ang mata namin ni Chanberling, nginitian niya ako. Tinaasan ko siyang isang kilay. Wala ako sa mood ngayong araw.
Nagsitayuan 'yung dalawang kasama ni Chanberling, sumunod kay Ando at pumila. Kinakausap niya si Trixie at Anabelle.
"Sandy?" Tinawag ako ni Chanberling.
Suminghap ako at pinihit ang ulo papunta sa kanya. Malapad ang ngisi niya, parang may balak na hindi maganda. Tinignan ko si Trixie na nakatingin din sa akin.
"Bestfriend mo si Denver 'di ba?"
"Hindi. Kapitbahay lang. Bakit?"
"Crush ko kasi. Tulungan mo naman ako sa kanya, o, sige na!"
Napanganga ako. Crush ni Chanberling si Denver? Ano naman nakita niya sa bao na 'yon?! Hindi ko alam kung matatawa ako o mandidiri. Andaming pogi jan, ba't si Denver pa na lampa? Ang weird pala ng taste nito ni Chanberling.
"Ayoko." Sabi ko, binalik ko ang mata sa labas ng bintana.
Kaya naman pala nakiupo sa amin. May kailangan.
"Sige na, Sandy! Super bet ko talaga si Denver, e. Ang cute kaya!" Kinikilig na ani Chanberling.
Nagtaasan balahibo ko sa mukha. Napailing ako. Seryoso ba 'to?!
"Hay nako, Chan! 'Di mo ba alam na patay na patay si Denver kay Sandy?" Bumughang hanging si Ando, nilapag na niya mga pagkain sa lamesa.
Nilantakan agad ng dalawa mga pagkain nila. Inangatan ko ng tingin si Ando, seryoso lang ang mukha. Kulang na lang talaga kutusan niya si Chanberling. Nagsidatingan na rin 'yung dalawa pang beki.
Ang weirdo masyado ng magpinsang Ando at Chanberling na 'to, kung wala kami, malamang nagsaksakan na sila!
"Wit naman bet ni Sandy si Denver, keribels lang!" Humalukipkip si Chanberling.
Naupo na si Ando. Inabot niya sa akin 'yong french fries na hawak niya, meron din siya para sa kanya.
"O, paborito mo, Sandy." Aniya.
Tama, paborito ko nga 'tong french fries tapos sour cream ang flavor. Bumuntong hininga ako. Tinanggap ko iyon at inabot sa kanya 'yung bente pesos na nasa palda ko.
"Wag na! Eto parang others, e!"
"Baliw tanggapin mo na. 'Di naman kasi ako nagpabili sa'yo, e."
Nagpalipat-lipat mga tingin nila sa amin.
"Mag color game na lang tayo mamaya sa perya o kaya sa bidyo karera."
Bumuntong hininga ako, "Okay."
Ngumising may laman si Anabelle. "Yiiie! Ano 'yan? May date kayo? Yiiie!"
"Gago!" sabay pa kami ni Ando.
Hindi kami talo 'no! Kaya ko nga sila trinopa dahil walang malisya sa amin. Magkakapatid kaming lima. Solid kaming tropa. Ma-issue talaga 'tong si Anabelle kahit kailan.
Hindi sumama si Anabelle at Trixie sa amin sa perya. Magpupunta raw sila sa divi mall para mamiling key chain sa cellphone. Gusto ko rin sanang sumama kaso naka-oo na ako kay Ando. Pinarada namin ni Ando 'yung bike namin sa tabi ng malaking puno, safe naman iyon doon.
Medyo padilim na ang langit kaya bukas na lahat ng ilaw sa perya, maliban na lang sa rides na wala pang sumasakay. Maraming tao sa color game kaya hinatak ko si Ando papunta sa slide. Tumambay muna kami roon, nakipag-agawan pa kami sa mga bata.
Nanlaki ang mata ko nang makita sila Denver kasama ng dalawang kaklase niyang kasali sa basketball team. Kinalabit ko si Ando at inginuso sila. Tumawa nang malakas ni Ando.
"Meant to be talaga kayo!"
"Malapit lang bahay namin dito, sira!"
"Sa inyo pa rin siya nakatira 'di ba?"
"Oo. Pero sa isang araw aalis na 'yan."
"'Di ka na-develop?"
"Yuck!" Umasim mukha ko.
Ang ending, hindi rin kami nakapaglarong color game. Lalong dumagsa mga tao pagsapit ng alas sais. Inaya ko na lang si Ando kumain sa labas ng perya. Inisa-isa namin bawat bangketa ng turo-turo. Nagpaihaw kaming saging at mais at habang naghihintay, umupo kami sa gutter. Pinagmamasdan namin mga taong nadaan.
"Oy, tignan mo 'yun o!" Tinuro ni Ando 'yung dumaang kalbong nagbi-bike.
"Ano meron? Kilala mo?"
"Tatay 'yan ni Marie."
"'Yung kaklase natin na lumipat sa private? Ano meron?"
"Hinabol akong itak niyan kasi akala naninilip ako sa kanila."
Humalakhak ako. "Bakit hindi ba? Mukha ka naman kasi talagang manyak, e!" Binatukan ko siya.
Tumayo na si Ando. Nilahad niya yung kamay niya at inalalayan akong tumayo.
"Gentledog ka naman pala, Do!" Pangiinis ko.
Tinawag na kasi kami nung tindera. Luto na raw.
"'Te, padamihan namang margarine. Ang konti lang ng kanya, o!" Angil ni Ando sa tindera.
Ayos lang naman sa akin na konti lang ang margarine. Kamot ulong sumunod ang tindera at dinagdagan ang akin.
"Yan!" Masaya na si Ando.
Kanina ko pa napapansin ugali ni Ando ngayon. Parang ang bait niya sa akin. Basta bardagulan, 'di 'yan nagpapatalo sa akin pero ngayon tumatawa na lang. Nakasapak sa bibig ko ang mais habang nagbi-bike. Pauwi na kami at dumilim na. Mapapagalitan ako nito ni Kuya kapag nauna siyang nakauwi sa akin.
Papasok na si Denver sa bahay nang makalapit kami ni Ando. Nauna naming nadaanan ang kanila pero hinatid pa rin ako hanggang sa amin. Bumaba na ako sa bike at binuksan ang gate. Nilingon ko si Ando na hindi pa rin umaalis.
"Ba't andito ka pa? Makikitae ka 'no?" Paratang ko, hawak-hawak ang stick ng mais.
Hinatak ko na ang bike papasok ng bahay. Mukha nga talagang natatae si Ando, hindi makatingin sa akin.
"Huy, uwi na! Barado CR namin." Pagtataboy ko. Umiling ako.
"S-Sandy! Saglit lang..."
Natigilan ako sa pagsara ng gate, sumandal ako roon at tinignan siya habang nginangata ang mais.
"Oh?" Inip kong sabi.
Ilang beses pa siyang lumunok, problemado na siya ngayon.
"Ano nga? Bilisan mo." Tinaasan ko siyang kilay.
"B-bukas na lang pala..." nauutal pa siya.
Nilapitan ko siya. Hinatak ko ang balikat niya para patigiling mag pedal. Gulat niya akong nilingon. Anong inaarte nito?
"Ano ba kasi? Sasabihin mo o isasampal ko sa'yo 'tong mais?" Pumamaywang ako.
"Basta 'wag kang magagalit? Hindi ka magagalit?" Hindi maipinta mukha niya.
Naiinis na talaga ako.
"Magagalit ako kapag pinatagal mo pa." Pinandilatan ko siya.
Nagkamot siya ng batok, parang akala mo heartthrob kung magpa-cute.
"Kasi Sandy..." tumigil siya.
Humalukipkip ako, "O?"
"Gusto kita, Sandy. Noon pa!"
Sa gulat ko, nasampal ko sa kanyang malakas ang mais na hawak. Gusto niya ako noon pa?! Gago ba siya!?