Hindi ako nakatulog nung gabing iyon. Sino bang hindi magugulantang sa rebelasyon niya?! Sabay kaming lumaki, kapatid ang turingan naming dalawa tapos sasabihin niyang may gusto siya sa akin?! Gago ba siya?
Kailan? Paano? Gulong-g**o ang isip ko kakaisip ko roon. Kahit nga ayaw kong isipin, kusang papasok sa utak ko. Nakakairita! Nakakabanas!
Nahampas ko tuloy sa kanya yung mais ko! Saktong dumating pa si Kuya Roberto na mukhang mainit agad ang ulo. Dumagdag lang tuloy siya sa problema ko.
"Umuwi ka na, Ando. Maglilinis pang banyo si Sandy." Si Kuya kay Ando.
Kung tutuusin nga hindi na kailangang paalisin ni Kuya si Ando kasi nga nasampal ko na ng mais. Mabuti na rin iyon dahil baka ihambalos ko na sa kanya yung bag ko! Mainit ang mga mata ni Kuya Roberto sa akin. Bawat kilos ko ay bantay sarado niya. Feel ko narinig niya yung sinabi ni Ando, e.
Nagkasalubong pa kami ni Denver sa kusina. Hindi naman talaga maiiwasang magkakitaan kami kasi hindi naman mansyon ang bahay. Inirapan ko agad siya. Isa pa 'to, e! Dagdag pa sa problema ko ang pangit niyang mukha!
Pinagpatuloy ko ang gagawin ko sa kusina. Kumuha akong baso sa lagayan at pinuno iyon ng mineral water. Ramdam ko ang mga mata niya sa likod ko. Ngayon ang alis niya, iyon ang alam ko na base sa kalendaryo ko.
Oo, pinetsahan ko talaga at bawal siya mag-extend! Ako mismo ang sisipa sa kanya rito paalis ng bahay. Huminga akong malalim pagkatapos uminom. Tinitigan ko ang butiki sa kisama at nagkibit balikat. Binaba ko na ang baso sa lababo at saka siya binalingan.
Bahagya akong nagulat kahit alam kong siya ang makikita ko. Hindi pa rin talaga ako sanay sa pagmumukha niya. Halos lahat kasabayan kong lumaki pero siya ang pinaka ayaw ko. Siguro kasi may gusto siya sa akin at ayaw ko naman sa kanya.
"Ba't andito ka pa? Uuwi ka na 'di ba?" Mataray kong sabi.
Humalukipkip siya at pataas baba ang kilay. Nanaliit ang mata ko. Mukhang hindi ko na 'to nagugustuhan... hindi kaya...
"Extended ang stay ko sa bahay ni Tita Sandra." malapad ang ngisi niya.
Sinasabi ko na nga ba! Punyeta naman, o! Diyos ko naman!
"Tita, tita... 'wag mo ngang tawaging Tita 'yong Mama ko! Pamangkin ka ba niya? Tsk!"
Noong umulan ng kamalasan, mukhang sa kwarto ko lang yata naganap kaya nasalo ko lahat, nalunod pa. Bwiset!
Nagmartsa ako palabas ng kusina. Hinanap ko agad si Mama para itanong kung totoo ba yung sinabi niya. Maaga talaga akong gumising para makita ang pag-alis ni Denver sa bahay namin tapos biglang hindi naman pala.
"Mama! Dito pa rin ba titira si Denver sa bahay?" Nakabusangot kong tanong kay Mama sa bakuran namin.
Dinidiligan niya mga gumamela namin doon habang ka-chismisan si Aling Nora. Katakot-takot na tingin ang tinapon ni Mama sa akin. Paano ba naman kasi, mukhang nasa c****x na sila ng chismisan nila at naudlot lang pagsulpot ko.
"Pumasok ka na nga sa school! Sabay na kayo ni Denver!" Aniya at muling ibinalik ang tingin kay Aling Nora, nakangisi.
"Hay nako, pasensya na Mare. Ano nga ulit 'yung kwento mo?"
Umirap ako. Nagmartsa na ako pabalik sa loob ng bahay. Nandoon pa rin si Denver sa kusina, nakasukbit sa balikat ang bag. Pagpasok ng kwarto ay asar akong naupo sa kama. Ang sarap magwala kapag ganito! Panira agad!
Tumayo na ako at kinuha ang bag. Bahala na! Hindi ko na lang siya ulit papansinin hanggang sa mawala na sa paningin. Sumabay pa siya sa akin magbike papasok ng school. Kalma, Sandy! Ikalma mo 'yang puso mo!
Hindi naman ako na-late kahit sobrang bagal ng patakbo ko ng bike. Nakasalubong ko pa sa garden si Trixie, bitbit ang bag ni Sally. Sila na kaya? Ngumisi ako. Huminga akong malalim ang isinuot sa kabilang balikat ang bag. Tumakbo ako papunta sana kay Trixie pero nahatak ako ni Anabelle.
"Wag ka ngang epal, Andeng! Kita mong pumuporma si Tix, e!" Mariing bulong niya sa akin, nakapulupot 'yung braso niya sa leeg ko. Umubo-ubo ako at saka niya lang akong binitawan.
Masama ang mukha ko. Dumiretso akong tindig at inarapan siya.
"Alam ko naman 'yon, Ana. Titignan ko lang naman sila, e. Teka, sila na ba?" Ngiting aso ako.
Umakbay muli siya sa akin pero magaan na. "Ganito kasi 'yan... assuming lang 'yan si Trixie kung tutuusin, e. Kinukulit kasi niya si Sally, e, mabait si Sally kaya hinayaan na lang."
"Mabait? Baka nairita kaya hinayaan na lang." Nagtawanan kaming dalawa.
Muli kong tinignan si Trixie, nakahalukipkip. Umiiling-iling ako. "Tsk, tsk, tsk. Kawawa naman ang kaibigan ko. Tsk tsk..."
Biglang tumunog nang malakas ang bell. Nagpulasan kaming lahat sa daan at nagtakbuhan papasok ng kanya-kanya naming classroom. Tawa kami nang tawa ni Anabelle. Mukhang tanga kasi tignan si Trixie.
Binabawi na ni Sally 'yung bag niya kaso ayaw naman ibigay ni Trixie kasi nga ihahatid niya sa classroom.
Nakaabot pa kami sa klase. Kasabayan lang namin si Ma'am sa pagpasok. Isinabit ko na ang bag sa likod ko. Bahagya kong tinagilid ang ulo ko. Nandito na 'yung bag ni Betong... nasaan kaya siya?
"Sit down, Miss Crisostomo. Magsisimula na ang klase ko."
Nagkamot akong ulo at naupo na. Saktong pagharap ko ay nandoon si Betong sa harapan ko, malapad ang ngising naglalakad pabalik sa upuan. Tumaas ang gilid ng labi ko. Ayos pala! May pustiso na talaga siya! Hindi na siya bungal!
Humalukipkip ako at ngumuso pagdaan niya. Mamaya ko na siya kukulitin pag-alis ni Ma'am. Nakita ko sa gilid ng mata ko si Anabelle at Trixie na nililingon pa rin si Betong.
Sumusulat na akong notes. Pumasok agad 'yung sunod naming teacher pagkatapos ng klase. Madalas late 'to, ah. Mamaya na nga lang 'pag recess na. Mas boring pa 'tong Science subject kesa sa English. Wala akong naiintindihan. Third year highschool na ako, 'di ko pa rin tanda pagkakasunod-sunod ng planeta. Pang ilan nga ba 'yung Earth?
Hay nako! Hindi naman lilinaw mata ko kapag nasagot 'yung tanong ko.
Tumunog ulit ang bell. Yes! Recess na! Ang paborito kong subject sa buong buhay ko! Inayos ko ang suot kong salamin. Nakataas ang kilay kong nilingon si Betong. Nakangisi rin siya na para bang inaasahan na niyang gagawin ko iyon.
"Pogi ko 'no?" Mayabang niyang ani.
Tumawang malakas si Ando sa likod ko. Nanigas ang katawan ko. Pumasok pala siya?! Akala ko hindi...
"Tangina mo, Betong! Nagpapustiso ka lang hindi nagpa-plastic surgery!"
Nagtawanan si Anabelle at Trixie sa gilid ko. Ngumiwi lang si Betong at tumayo, kinuha ang wallet sa bag. Hindi ko pa rin magawang lingunin si Ando. Naiilang ako. Kinakabahan ako.
Ano bang dapat maging reaksyon ko? Babatiin ko ba siya tulad ng dati?
"Oo nga 'no? Dapat nagpa-opera ka rin ng mukha, e!" Si Trixie.
Hindi ako makasali sa usapan nila. Pakiramdam ko bawal akong magsalita at mapansin ni Ando.
"Hoy, Sandy? Hindi ka ba sasama sa canteen o magpapabili ka na lang?" Si Ando.
Napalunok ako. Sa distansya ng boses niya, tingin ko ay nasa pintuan sila. Nagkukwentuhan pa rin si Trixie at Anabelle tungkol sa nangyari kanina. Gusto ko rin sana malaman iyon kaso andiyan si Ando!
"Ano, Deng? Fries ulit?" Tanong niya ulit.
Nakatalikod pa rin ako. Nagpapawis ang palad ko. Lumunok ulit ako at humingang malalim. Bakit ba apektado ako masyado?!
"Ah... O-oo. Oo! Fries ulit." Nauutal kong sagot, nakatalikod pa rin.
Tumayo ako pero hindi pa rin humaharap sa kanila. Lumakad ako patungo sa kaklase kong si Tabitha at nakitabi. Nanlaki ang mata nilang dalawa ni Arjan, nagtataka.
Pinandilatan ko silang mata at mukha namang effective. Nagpatuloy sila sa pagkukwentuhan. Ramdam kong nakatayo pa rin sila roon. Tinatawag pa rin nila ako.
"Sama ka, Sandy! Bibili akong kisses sa labas, e. 'Di ba gusto mo 'yon?" Si Trixie.
"Kayo na lang, Tix. M-Masakit paa ko, e." Dahilan ko. "Andiyan pa ba?" Bulong ko kay Tabitha. Tumango siya at agad nag-iwas ng tingin.
"Bilhan na lang kita. Alis na tayo!" Si Anabelle.
Nakahinga akong maluwag pagsabi no'n ni Anabelle. Nage-emote ako sa kinauupuan ko. Pasulyap-sulyap si Tabby at Arjan sa akin. Mariin kong ipinikit ang mata ko. Natahimik din ang isip ko.
"Tabby, friends na tayo ah?" Wala sa sariling sabi ko.
Halata namang hindi natuwa si Tabby pero dahil takot siya sa akin, tumango na lang at pilit ang ngiti. Ganon din ang ginawa ni Arjan. Walang umaaway sa akin dito sa classroom o sa school. Alam na alam nilang wala akong inuurungan at sinasanto. Mainitin din ang ulo, sabi nila.
Pero 'di naman iyon totoo. Kay Denver lang ako naiirita masyado. Ang pangit kasi talaga, e. Mas kailangan nga niya ang plastic surgery at 'di hamak na mas maitsura si Ando kumpara sa kanya.
Marahas kong iniling ang ulo ko. Sandy! Naisip mo talaga iyon!?! Si Ando ang may gusto sa akin pero bakit ako ang nahihiya at umiiwas?!
Tumayo na ako para sana bumalik na sa upuan at doon magmukmok kaso ay bumangga ako sa dibdib ni... Ando?! Akala ko ba sumama siya kila Betong sa canteen?! Bakit siya nandito?!
Malapad at ang yabang ng ngisi niya pagtingala ko. Nakahawak ako sa noo ko. Sa buto niya yata tumama ang ulo ko. Basta matigas masyado.
"Bakit ka nandito?" Umirap ako, nag-iwas ng tingin. Pinagpatuloy ko ang paglalakad papunta sa upuan ko. Umupo na ako. Nakasunod siya at naupo rin sa tabi ko.
Malakas ang pagbuntong hininga ko. Ang mata ko ay nasa bintana lang. Maya-maya pa ay nagsalubong ang kilay ko sa pagdaan ni Denver sa labas ng classroom namin, abot langit ang ngisi at nagpapa-pogi. Tsk! Isipin ko lang na makikita ko siya mamaya sa bahay, parang gusto ko na lang tumira dito sa school.
"Masakit paa mo 'di ba?" Aniya.
Napabaling akong tingin sa kanya. "H-huh?" Kunot ang noo ko. Saka ko lang naalala na nagtanong pala ako sa kanya bago ako naupo.
Nagkibit akong balikat. Naiilang akong katabi siya pero hindi ko pinahalata. Sana... hindi halata.
"Gusto mo bang masahihin ko paa mo?"
"Ano?" Napatingin na naman ako sa kanya. Matamis ang kanyang ngiti. Lumunok ako. Inirapan ko siya at hindi na siya pinansin.
"Iniiwasan mo ba ako? Galit ka ba kasi sinabi kong gu--"
"Hindi 'no!" Pinutol ko agad ang litanya niya. Ang bilis ng t***k ng puso ko at halos hindi makahinga. Hindi 'to pwede!
"Gusto kasi talaga kita, Sandy."
Pumikit ako at nagtakip akong tenga pero huli na dahil nasabi na niyang buo. Sa ganong eksena kami natagpuan ng tropa. Pagmulat ng mata ko ay nakita ko ang mga sapatos nilang tatlo na nakahilera sa harapan ko. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin, sila Betong nga talaga! Narinig kaya nila? Sa isip isip ko ay nagpapanic na ako.
"Fries mo." Inilapag na ni Trixie ang fries sa desk ko. Wala akong napansing pagbabago sa tono niya. Sapat na iyon para makahinga akong maayos at makampanteng wala silang alam sa amin ni Ando.
"Salamat!" Ngumiti ako. Nagsimula na akong kumain at ganoon din sila. Kaya pala mabilis lang kasi ti-nake out nila 'yung pagkain para sabay-sabay kaming lima.
"Kisses mo, o." Si Anabelle naman ang naglapag sa desk ko.
Kinuha ko iyon at tinignan. "Huy, salamat, Ana!" Sabi ko, ngiting-ngiti.
"Wala 'yon. Lagyan mong alcohol para manganak, a. Pwede ring pabango kapag ayaw ko na silang alagaan para instant air freshener." suhestiyon niya.
Pumalakpak si Betong na nakaupo sa desk na inuupuan ni Trixie ngayon. "Talino mo talaga, Ana. Minsan talaga naiisip ko ba't ka nandito sa section ng mga bobo, e, matalino ka naman." Seryoso pa siya sa pagsabi no'n animo'y manghang-mangha sa kaibigan.
Umasim ang mukha ni Anabelle. "Naiisip? At kailan ka pa natutong mag-isip, e, wala ka namang isip? Aber?"
Humahikhik si Trixie. Akala ko naman dahil sa bangayan ni Anabelle at Betong, may ka-text lang pala. Nagkatinginan kami ni Betong at Anabelle.
"Si Sally ka-text niyan." Konklusyon ni Betong.
Ngumisi ako. Malamang nga. Maganda naman talaga iyon si Sally, e. Maganda, matalino, mabait, mayaman, all in one! Ang taas din talaga ng standard nitong kaibigan ko. Good choice!
Magbabangayan pa sana sila Anabelle at Betong kaya lang ay dumating na 'yung teacher namin sa Araling Panlipunan. Isang nakakabagot na klase na naman. Okay na siguro 'to kesa sa math. Iyon pa naman 'yung sunod.
Hindi ko napansing nasa tabi ko pala si Ando sa sobrang aliw sa dalawa. Pero umalis na rin. Inaway pa ni Katelyn 'tong si Betong kasi puro kalat ng chi-chirya ang desk niya.
Sinensayan kong umupo na siya at hindi ko makita 'yung sinusulat ni Ma'am sa black board.
Reporting
Sabay-sabay kaming nagreklamo pagkasulat no'n ni Ma'am. Reporting na naman?! Noong huling linggo, nag-report na kami ah! Sus, ganyan galawan ng mga teachers na tinatamad lang magturo, e. Ano bang matututunan ko sa mga kaklase kong hindi naman alam mga tinuturo nila?
Kaya nga siya naging guro para magturo. Gasgas na 'yung dahilan niyang 'Para sa inyo rin naman 'yan para matuto kayong humarap at magsalita sa maraming tao.' Mukha niyo!
"O siya. Ngayon naman, igu-grupo ko kayo. Anong mas gusto niyo? Ako ang maggu-grupo o kayo mamimili ng ka-grupo?" Tanong ni Ma'am Clapano.
"Wag na lang mag reporting. Pwede ba iyon, Ma'am?" Sabat ni Nikkoi. Tumayo pa talaga ang ungas.
Ngumiti si Ma'am. Nilagay niya ang isang kamay sa lamesa at sumandal doon, at 'yung isa naman nasa bewang.
"Pwede naman 'yon, Ocampo."
"Yown!" Nagtaas ng isang kamay si Nikkoi, parang akala mo si Manny Pacquiao na na-knock-out 'yung kalaban.
Tumikhim si Ma'am. "Basta ba ibabagsak kita at magiging repeater ka." Malumanay na dagdag ni Ma'am.
Nagkamot ulo si Nikkoi, naupo. Sa round na 'to, si Ma'am si Manny at siya 'yung na-knock-out. Masama pa rin talaga ang loob ko. Reporting na naman. Sawang-sawa na ako.
"Kama na lang po mamimili ng ka-grupo, Ma'am. Ilan po ba?" Si Chesca, class president namin.
"Magandang tanong 'yan, Ramirez. Buti na lang talaga mas clas president kayong masipag, Class. Tularan niyo si president niya para naman lahat kayo matuto."
Tila naging kamatis ang mukha ni Cheska sa sobrang kilig sa papuri sa kanya. Hindi ko alam paano naging president 'yan. Mas bobo pa nga 'yan sa akin, e. Teacher's pet lang kasi. Bumuntong hininga ako.
"Limang estudyante sa bawat grupo. Kapag nakapili na kayo, isulat niyo sa ¼ sheet of paper at ipasa rito sa table ko. Dali, mamili na kayo para maibigay ko na ire-report niyong topic."
Syempre, kaming limang magkakaibigan na magkaka-grupo. Kumuha na akong papel. Isang buo iyon kaya nilawayan ko pa para mahati. Trabaho ko 'to kapag may grouping kami. Ako ang taga lista. Nagkakagulo mga kaklase ko sa pagpili ng mga ka-grupo. Buti kami kalmado lang.
"Saan ka na lang, Kate!"
"May grupo ka na?"
"Tayo na lang ulit?"
"Hala sakto na kami!"
Ang ingay talaga nila! Nagsusulat na ako ng pangalan sa papel. Nawalan pa ng tinta 'tong ballpen ko. Lagi na lang! Sa sunod kukunin ko na talaga g-tech ni Kuya sa bahay.
Sandy Alivia G. Crisostomo
Pangalan ko ang una kong sinulat.
Trixie C. Macapinlac
Anabelle Jane T. Espiritu
John Albert L. Origenes
Natigilan ako sandali sa pagsusulat. Pangalan na pala ni Ando ang huli kong isusulat. Nasa likod ko si Betong na kanina pa inaantay ang papel at siya ang magaabot no'n sa harap.
"Ano limot mo na pangalan ni Ando? Amy--"
"Alam ko! Taeng-tae?" Asik ko.
Bumuntong hininga ako at nagsulat na.
Angelo Donovan. J. Abalos
In short, Ando.